Diskriminasyon Laban sa Kababaihan
ISANG negosyante sa Kanlurang Aprika ang bumili ng isang siyam-na-taong-gulang na bata. Isang bagong-silang na sanggol sa Asia ang inilibing na buháy sa disyerto. Sa isang bansa sa Silangan, isang batang paslit ang namatay sa gutom sa isang bahay ampunan—walang may gusto at walang nag-alaga. Isang bagay ang karaniwang nasasangkot sa mga trahedyang ito: Lahat ng biktima ay babae. Ang kanilang pagiging babae ay nangahulugan na sila’y itinuring na di-mahalaga.
Maraming kasong ganito. Libu-libong batang babae at kadalagahan sa Aprika ang ipinagbibili upang maging mga alipin, na ang ilan ay kasimbaba ng halaga ng $15. At iniulat na taun-taon ay daan-daang libong kabataang babae ang ipinagbibili o pinipilit na magbenta ng aliw, na karamihan ay sa Asia. Masahol pa, ang bilang ng populasyon sa ilang bansa ay nagpapakita na kasindami ng 100 milyong batang babae ang “nawawala.” Ito ay maliwanag na dahil sa aborsiyon, pagpatay sa sanggol, o tahasang pagpapabaya sa kababaihan.
Matagal nang panahon—mga siglo—na minamalas ang mga babae sa ganitong paraan sa maraming lupain. At gayon pa rin ang pangmalas sa kanila sa ilang lugar. Bakit? Dahil sa gayong mga lupain, mas pinahahalagahan ang mga lalaki. Doon, inaakalang maipagpapatuloy ng isang batang lalaki ang angkan ng pamilya, makapagmamana ng ari-arian, at makapag-aalaga ng mga magulang kapag matatanda na ang mga ito, yamang kadalasan sa mga lupaing ito ay walang anumang pensiyon ang gobyerno para sa matatanda na. Idinadahilan ng isang kasabihan sa Asia na “ang pagpapalaki ng isang batang babae ay tulad ng pagdidilig ng halaman sa hardin ng iyong kapitbahay.” Kapag lumaki na siya, lilisan na siya upang mag-asawa o baka ipagbili pa nga upang magbenta ng aliw at sa gayo’y halos walang maitulong o hindi na makatulong sa pag-aalaga sa matatanda nang magulang.
Mas Maliit na Bahagi
Sa mga bansang naghihikahos, ang saloobing ito ay nangangahulugan ng kaunting pagkain, kaunting pangangalaga sa kalusugan, at kaunting pagpapaaral para sa mga batang babae sa pamilya. Natuklasan ng mga mananaliksik sa isang bansa sa Asia na 14 na porsiyento ng mga batang babae ang kulang sa pagkain, kung ihahambing sa 5 porsiyento lamang ng mga batang lalaki. Sa ilang bansa ay doble sa bilang ng mga batang babae ang dami ng mga batang lalaking dinadala sa mga health center, paliwanag ng isang ulat mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF). At mahigit sa 40 porsiyento ng mga kabataang babae sa Aprika gayundin sa katimugan at kanluraning Asia ang hindi marunong bumasa’t sumulat. “May nakapangingilabot na pagbubukud-bukod ng kasarian na nagaganap sa nagpapaunlad na mga bansa,” ang hinagpis ng yumaong si Audrey Hepburn, dating embahador ng UNICEF.
Ang ganitong “pagbubukud-bukod ng kasarian” ay hindi humihinto kapag sumapit na sa hustong gulang ang mga batang babae. Ang karukhaan, karahasan, at walang-humpay na pagpapagal ay madalas na kapalaran ng isang babae, dahil lamang sa siya’y isang babae. Ganito ang paliwanag ng presidente ng World Bank: “Ang mga babae ang siyang gumagawa ng dalawang-katlong bahagi ng trabaho sa daigdig. . . . Subalit kumikita lamang sila ng ikasampung bahagi ng kita sa daigdig at nagmamay-ari ng wala pang isang porsiyento ng mga ari-arian sa daigdig. Sila’y kabilang sa pinakadukha sa mga dukha sa daigdig.”
Ayon sa isang ulat ng United Nations, ang mahigit sa 70 porsiyento ng 1.3 bilyon katao sa daigdig na lubhang naghihikahos ay mga babae. “At lumalala pa ito,” sabi pa ng ulat. “Ang bilang ng kababaihan sa mga lalawigan na lubhang naghihikahos ay tumaas nang halos 50% sa nakalipas na dalawang dekada. Higit at higit, mga babae ang namumuhay sa karukhaan.”
Lalo pang nakapanlulumo kaysa sa gumigiyagis na karukhaan ang karahasan na sumisira sa buhay ng napakaraming babae. Tinatayang isang daang milyong batang babae, karamihan ay sa Aprika, ang pinutulan ng bahagi ng kanilang ari. Ang panghahalay ay isang palasak na pang-aabuso na hindi pa rin halos napatutunayan sa ilang lugar sa pamamagitan ng dokumento, bagaman ipinakikita ng mga pag-aaral na sa ilang lupain ay 1 babae sa 6 ang hinalay. Pinipighati ng mga digmaan kapuwa ang mga lalaki at mga babae, ngunit ang karamihan sa mga nagsisilikas nang sapilitan mula sa kanilang tahanan ay mga babae at mga bata.
Mga Ina at Tagapaglaan
Ang bigat ng pangangalaga sa pamilya ay kadalasang mas nakaatang sa ina. Malamang na nagtatrabaho siya nang mas mahabang oras at maaaring siya lamang ang tagapaglaan. Sa ilang lalawigan sa Aprika, halos kalahati ng mga pamilya ang pinangungunahan ng mga babae. Sa ilang lugar sa mga bansang Kanluranin, isang malaking bilang ng mga pamilya ang pinangungunahan ng mga babae.
Karagdagan pa, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa, karaniwan nang ginagampanan ng mga babae ang ilan sa pinakamabibigat na trabaho, gaya ng pag-iigib ng tubig at pagkuha ng kahoy na panggatong. Nagiging lalong mahirap ang mga gawaing ito dahil sa pagkalbo sa kagubatan at sobrang panginginain sa damuhan. Sa ilang bansang sinalot ng tagtuyot, ang mga babae ay gumugugol ng tatlo o higit pang oras araw-araw sa paghahanap ng panggatong at apat na oras sa isang araw sa pag-iigib ng tubig. Kapag natapos na ang nakapapagod na trabahong ito ay saka lamang nila maaaring simulang gawin ang inaasahan sa kanila sa tahanan o sa lupain.
Maliwanag, kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay nagdurusa sa mga bansa kung saan ang karukhaan, gutom, o alitan ay pang-araw-araw na karanasan. Ngunit mas malaki ang pagdurusa ng mga babae. Magbabago pa kaya ang kalagayang ito? May pag-asa ba na balang araw ang kababaihan sa lahat ng dako ay pakikitunguhan nang may paggalang at konsiderasyon? May anuman bang magagawa ngayon ang kababaihan upang bumuti ang kanilang kalagayan?
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Mga Batang Babaing Nagbebenta ng Aliw—Sino ang Dapat Sisihin?
Taun-taon ay tinatayang isang milyong bata—karamihan ay babae—ang pinipilit o ipinagbibili upang magbenta ng aliw. Nagunita ni Araya,a na nagbuhat sa Timog-silangang Asia, kung ano ang nangyari sa ilan sa kaniyang mga kaklase. “Si Kulvadee ay nagsimulang magbenta nang aliw nang siya’y 13 anyos lamang. Mabait siyang bata, ngunit ang kaniyang ina ay madalas na naglalasing at naglalaro ng poker, kaya wala itong panahon upang alagaan ang kaniyang anak. Hinimok si Kulvadee ng kaniyang ina na kumita ng pera sa pamamagitan ng pagsama sa mga lalaki, at di-nagtagal, naging trabaho na niya ang pagbebenta ng aliw.
“Si Sivun, isa pang mag-aaral sa aming klase, ay galing sa hilagang bahagi ng bansa. Dose anyos lamang siya nang papuntahin siya ng kaniyang mga magulang sa kabisera upang magbenta ng aliw. Kinailangan niyang magtrabaho sa loob ng dalawang taon upang mabayaran ang kontratang pinirmahan ng kaniyang mga magulang. Pangkaraniwan na ang mga katulad nina Sivun at Kulvadee—5 sa bawat 15 batang babae sa aming klase ay naging tagapagbenta ng aliw.”
Milyun-milyong kabataan ang gaya nina Sivun at Kulvadee. “Ang industriya ng sekso ay isang malaking negosyo na may sarili nitong puwersa,” malungkot na komento ni Wassyla Tamzali, ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization). “Ang pagbebenta sa isang 14-na-taong-gulang na babae ay naging palasak, ito’y karaniwan na.” At kapag ang mga batang ito ay naipagbili na upang magbenta ng aliw, halos imposible nang mabayaran pa ang halaga ng pagkakabili sa kanila. Si Manju, na ipinagbili ng kaniyang ama nang siya’y 12 anyos, ay may utang pa rin na $300 (U.S.) pagkatapos ng pitong taong pagbebenta ng aliw. “Wala akong magawa—nasilo ako,” paliwanag niya.
Ang pag-iwas sa AIDS ay maaaring halos kasinghirap ng pagtakas ng mga babae sa mga bugaw na umaalipin sa kanila. Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa sa Timog-silangang Asia na 33 porsiyento ng mga batang ito na nagbebenta ng aliw ay nahawahan na ng virus ng AIDS. Hangga’t umuunlad ang industriya ng prostitusyon na kumikita ng limang bilyong dolyar, malamang na ang mga batang babaing ito ay patuloy na magdurusa.
Sino ang dapat sisihin sa kakila-kilabot na gawaing ito? Maliwanag, yaong mga bumibili at nagbibili ng mga batang babae sa prostitusyon ang siyang may malaking pananagutan. Ngunit dapat ding kondenahin ang kasuklam-suklam na mga lalaking gumagamit ng mga batang babae upang bigyang-kasiyahan ang kanilang seksuwal na pagnanasa. Sapagkat kung wala ng gayong mga gumagawa ng imoralidad, hindi magbebenta ng aliw ang mga batang babae na ito.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Larawan]
Mga isang milyong kabataang babae taun-taon ang pinipilit magbenta ng aliw
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Maghapong Pagtatrabaho ng Isang Babae sa Sentral Aprika
Ang babae ay bumabangon bandang alas sais at naghahanda ng almusal para sa pamilya at sa kaniyang sarili, na kanilang kakainin sa kalagitnaan ng umaga. Pagkatapos umigib ng tubig mula sa karatig na ilog, pupunta siya sa kaniyang lupang sasakahin—maaaring iyon ay gugugol ng isang oras na paglalakad.
Hanggang sa mga alas kuwatro ng hapon, siya’y nagbubungkal, nagbubunot ng damo, o nagdidilig sa lupa, anupat titigil lamang nang sandali upang kainin ang anumang pagkain na ibinaon niya. Ang dalawang nalalabing oras na may sikat ng araw ay ginagamit upang magsibak ng kahoy at magtipon ng balinghoy o iba pang gulay para sa pamilya—na pawang dadalhin niya pauwi.
Karaniwan, dumarating siya sa bahay habang papalubog na ang araw. Ngayon ay kailangang ihanda ang hapunan, isang trabahong maaaring gumugol ng dalawa o higit pang oras. Ang mga araw ng Linggo ay ginugugol sa paglalaba ng mga damit sa ilog sa lugar na iyon at saka sa pamamalantsa, kapag natuyo na ang mga damit.
Bihirang pahalagahan ng kaniyang asawa ang lahat ng pagpapagal na ito o makinig man ito sa kaniyang mga mungkahi. Payag siyang putulin ang mga puno o sunugin ang mga palumpong sa gubat upang maihanda ng asawang babae ang lupa sa pagtatanim, pero wala na itong iba pang ginagawa. Paminsan-minsan, dinadala ng asawang lalaki ang mga bata sa ilog upang maligo, at maaaring mangaso o mangisda siya. Ngunit ang kalakhang bahagi ng kaniyang maghapon ay ginugugol sa pakikipagkuwentuhan sa mga kalalakihan ng nayon.
Kung makakaya ng asawang lalaki, pagkaraan ng ilang taon, mag-uuwi siya ng isang bago at mas batang asawa, na magiging sentro ng kaniyang pagmamahal. Subalit ang kaniyang unang asawa ay inaasahan pa ring patuloy na magtatrabaho gaya ng dati, hanggang sa humina ang kaniyang kalusugan o kaya’y mamatay na siya.
Mabigat na trabaho ang pinapasan ng mga babaing taga-Aprika