Mula sa Aming mga Mambabasa
Singapore Ang artikulong “Singapore—Ang Pumusyaw na Hiyas ng Asia” (Hunyo 8, 1997) ay nagbunyag sa nakapangingilabot na paraan ng pagtrato ng modernong pamahalaang ito sa mga Kristiyanong maibigin sa kapayapaan. Personal kong kilala ang marami sa Kristiyanong kalalakihan at kababaihan doon, at sila’y pawang kagalang-galang at maibiging mga tao. Isang pampatibay-loob sa akin na naglilingkod sila kay Jehova sa kabila ng pag-uusig.
I. O., Malaysia
Galit Sa artikulong “Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?” (Hunyo 8, 1997), sinabi ninyo na sina Simeon at Levi ay isinumpa ng kanilang ama. Natitiyak kong may nabasa ako na ang isinumpa ni Jacob ay ang kanilang galit.
S. L., Estados Unidos
Tama ang aming mambabasa sa puntong ito. Ganito ang paliwanag ng “Ang Bantayan” ng Hunyo 15, 1962: “Hindi isinumpa ni Jacob, nang siya’y naghihingalo na, sina Simeon at Levi mismo. Isinumpa niya ang kanilang galit ‘sapagkat ito’y malupit.’ Isinumpa niya ang kanilang poot, ‘sapagkat ito’y kumilos nang padalus-dalos.’ ”—ED.
Pagkain Ang artikulong “Ang Iyong Pagkain—Mapapatay Ka ba Nito?” (Hunyo 22, 1997) ay sumagip sa aking buhay. Pagkatapos basahin ito, sinabihan ko ang aking asawa na tawagan kaagad ang doktor, sapagkat tamang-tama sa akin ang paglalarawan ng artikulo. Matapos akong suriin, isinaayos ng aking doktor na maoperahan ako kinabukasan. Agad niya akong ipinasok sa ospital, dahil nangangamba siyang mamatay ako nang gabi ring iyon. Nakauwi na ako ngayon, anupat nagpapagaling pagkatapos ng isang triple bypass.
F. S., Estados Unidos
Kung minsan, nahihirapan kaming mag-asawa na pigilin ang aming sarili sa pagkain. Nakabasa na ako ng ibang mga artikulo tungkol sa pagkain, ngunit tinalakay ng isang ito ang mga bagay sa isang simple at praktikal na paraan. Natitiyak ko na sa pagsunod sa inyong mga mungkahi, magagawa naming mapanatili ang aming mabuting kalusugan.
V. A., Brazil
Salamat sa seryeng “Ang Iyong Pagkain—Kung Bakit Dapat Mabahala.” Natulungan ako nito na makita ang mga panganib sa pagiging labis ang timbang. Sinimulan kong sundin ang lahat ng mungkahi nito, at sa tulong ni Jehova, alam kong makokontrol ko ang aking pagkain.
V. Y. D., Liberia
Mga Tutubi Maraming salamat sa lubhang nakasisiyang artikulong “Mga Hiyas sa Pampang.” (Hunyo 22, 1997) Tungkol iyon sa isa sa aking mga paboritong mang-aaliw sa himpapawid, ang tutubi. Kapag nagtatrabaho ako sa aking hardin, isang tutubi ang halos laging lilipad-lipad o namamahinga sa di-kalayuan. Tinanong ko ang isang taong naghahalaman kung bakit gayon ang ginagawa nito. Sinabi niya na kasali sa pagkain ng tutubi ang mga lamok at na ang mga lamok naman ay naaakit sa mga tao. Kaya ngayon ay itinuturing kong isang uri ng personal na guwardiya ang makulay na nilalang na ito!
J. F., Estados Unidos
Paghahanap ng Katarungan Nasiyahan ako sa artikulong “Ang Paghahanap Namin ng Katarungan.” (Hunyo 22, 1997) Tiyak na ang matuwid na mga katangian ng Diyos ay nakaaakit doon sa mga nagbubuntung-hininga at umiiyak dahil sa kawalang-katarungan. Ako’y lalo nang sensitibo sa kawalang-katarungan, at kailangan kong magsikap nang husto na baguhin ang aking pangmalas at pagkilos alinsunod sa mga pamantayan ng Diyos.
D. L., Taiwan
Hindi ako sang-ayon sa pambungad. Kapag binabanggit ninyo ang tungkol sa mga taga-Texas na tagapagtanggol ng The Alamo, hindi ninyo sinasabi na sila’y mga bandido na nagsisikap agawin ang isang teritoryo na pag-aari ng Mexico.
A. C., Mexico
Hindi namin tinalakay ang masalimuot na mga isyu tungkol sa labanan sa The Alamo, yamang ang mga ito ay walang kaugnayan sa personal na kasaysayan ni Antonio Villa. Gayunman, ganito ang sabi ng aming Mayo 22, 1971, isyu ng “Awake!”: “Karamihan sa mga Amerikano ay nakalimot, o hindi kailanman nakaalam, na ang San Antonio ay naging bahagi ng Mexico. Itinuring ng Mexico ang labanan bilang ang pagpapatigil ng paghihimagsik sa kaniyang teritoryo. Ginamit ito ng Amerika . . . upang bigyang-matuwid ang pakikialam nito sa mga suliranin ng Mexico.”—ED.