Mula sa Aming mga Mambabasa
Ligtas na Pag-aalaga ng Hayop Sa artikulong “Ligtas ba ang mga Bata sa Inyong Aso?” (Hulyo 8, 1997), iminungkahi ninyo ang paglalagay ng higaan ng aso sa kusina. Gayunman, sa nakaraang mga artikulo, sinabi ninyo na para sa kalinisan dapat iwasan nating ilagay ang mga alagang hayop sa kusina.
R. H., Espanya
Pinahahalagahan namin ang obserbasyong ito. Ang aming artikulo ay nakatuon sa kaligtasan ng mga bata, hindi nabigyang pansin ang tungkol sa kalinisan. Aming iminumungkahi sa mga mambabasa kung gayon, na isaalang-alang ang artikulong “Gawing Ligtas ang Inyong Pagkain” (Hunyo 22, 1989), na nagsasabing: “Ang mga alagang hayop at iba pang hayop ay dapat ilayo sa kusina.” Marahil ang isang kulungan ng aso o silid sa labas ng kusina ay mas mainam na lugar upang tulugan ng aso.—ED.
Buhay sa Australia Gusto kong sabihing maraming salamat sa mainit at masiglang artikulo tungkol sa Australia, may pamagat na “Naiiba ang Buhay sa Australia.” (Oktubre 8, 1997) Bagaman marami na akong nabasa hinggil sa kaakit-akit at makulay na bansang ito, tinulungan ako ng inyong artikulo na maunawaan kung bakit dapat tayong mapagpasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang kamangha-manghang paglalang.
L. K., Alemanya
Isang Paraisong Walang Suliranin Lubos akong nagpapasalamat sa seryeng “Isang Paraisong Walang Suliranin—Kailan?” (Oktubre 8, 1997) Namatay ang lola ko bago pa ako isilang. Kanser ang ikinamatay niya. Subalit sa Paraiso ay mawawala na ang sakit. Pinasigla ako ng artikulong ito na manatiling tapat upang makita ko siya sa Paraiso.
M. J., Trinidad
Pagtulog ng Hayop Gusto kong sabihin ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Mga Lihim ng Pagtulog ng Hayop.” (Oktubre 8, 1997) Ito’y nakatutuwa—at natutuhan ko ang ilang kamangha-manghang bagay hinggil sa paglalang.
J. G., Puerto Rico
Mayroon akong alagang isda, at gustung-gusto kong malaman kung ang isda ay natutulog. Kaya natuwa akong matuklasan na kapag nakita ko itong di-tumitinag, ito’y nagpapahinga lamang.
A. P. L. M., Brazil
Sumasakit na Paa Ang inyong artikulong “Tulong sa Sumasakit na Paa” (Oktubre 8, 1997) ay waring isinulat pangunahin na para sa kababaihan. Subalit, mga ilang araw pagkatapos basahin ang artikulo, dumaing ang mister ko tungkol sa sumasakit niyang paa—na inirereklamo niya sa loob ng pitong taon. Nasa isip ang artikulo, nagtungo kami sa isang tindahan ng sapatos. Akalain ninyo—nagsusuot siya ng sukat 8 ang lapad gayong ang kailangan niya ay sukat 9! Ngayon ay maginhawa na siya, salamat sa Gumising!
S. J., Estados Unidos
Halos buong araw ay nakatayo ako sa aking trabaho, at nagsimula akong magkaproblema dahil sa pagsusuot ng matataas na takong. Ako’y naglilingkod bilang isang auxiliary pioneer (bahaging-panahon na ebanghelisador) sa buwang ito, at dahil sa artikulo, bumili na ako ng tatlong pares ng sapatos na maginhawang isuot. Salamat sa pagiging interesado ninyo sa aming kalusugan at sa patuloy na paglalaan sa amin ng mga impormasyon.
C. L., Alemanya
Digmaan at mga Bata Maraming salamat sa seryeng “Ang Nagagawa ng Digmaan sa mga Bata.” (Oktubre 22, 1997) Totoong tumutulong ito sa atin upang maunawaan kung gaano natin kailangan ang Kaharian ni Jehova para wakasan ang mapanirang mga epekto ng digmaan. Talagang ito’y nagmumulat-sa-isipan at ipinakikita sa atin ang kalupitan na hindi batid ng marami sa atin sa ibang lupain.
Y. C., Inglatera
Hindi ko gustong magbasa ng tungkol sa di-mabuting pagtrato sa mga bata. Ako’y naluluha. Nasusuklam akong makita na ang daigdig ay nagiging isang lipunan ng mga tao na walang pakialam at walang malasakit. Pinupuri ko kayo sa inyong tahasang paghaharap ng nagmumulat-sa-isipan na artikulong ito.
K. E., Estados Unidos