Ang Pangmalas ng Bibliya
Kahilingan ba sa mga Ministrong Kristiyano ang Hindi Pag-aasawa?
ANG hindi pag-aasawa, sa simpleng pananalita, ay ang kalagayan ng pagiging walang asawa. Gayunman, ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang termino “ay karaniwang ginagamit may kaugnayan sa papel ng indibiduwal na walang asawa bilang isang relihiyosong opisyal, espesyalista, o deboto.” Ang terminong “hindi nag-asawa” ay tumutukoy sa “kanila na ang kalagayang walang asawa ay bunga ng isang sagradong panata o ng pagtanggi o ng isang paniniwala na iyon ang pinili ng isang tao dahil sa kaniyang relihiyosong posisyon o antas ng kaniyang kataimtiman sa relihiyon.”
Noon, tinatanggap ng ilang prominenteng relihiyon ang hindi pag-aasawa bilang isang kahilingan para sa kanilang mga ministro. Gayunman, ang hindi pag-aasawa ay naging higit na pagkakakilanlan ng Katolisismo kaysa ng anumang ibang relihiyon sa Sangkakristiyanuhan. Sa ngayon, maraming pagtatalo tungkol sa hindi pag-aasawa ng Katoliko. Sinabi ng The Wilson Quarterly na “ipinakita sa maraming pag-aaral nitong nakaraang mga dekada na ang sapilitang hindi pag-aasawa, na isang kahilingan sa mga paring Katoliko mula noong ika-12 siglo, ay siyang ugat ng mga suliranin ng simbahan sa pagkalap at pagpapanatili ng mga pari.” Ayon sa sosyologong si Richard A. Schoenherr, “ang buong bigat ng pagbabago sa kasaysayan at lipunan ay bumabaling laban sa pagiging eksklusibo ng hindi pag-aasawa para sa mga paring Katoliko.” Ano ba ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa hindi pag-aasawa?
Pag-aasawa o Pagiging Walang-Asawa?
Sa buong kasaysayan ay maraming debotong lalaki at babae, sa maraming iba’t ibang relihiyon, ang pumili na hindi mag-asawa. Bakit? Sa maraming kaso iyon ay dahil sa kanilang paniniwala na ang makalaman at materyal na mga bagay ay “luklukan ng kasamaan.” Ito ang pinagmulan ng pilosopiya na ang espirituwal na kadalisayan ay posible lamang sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng seksuwal na gawain. Subalit hindi ito ang pangmalas ng Bibliya. Sa Bibliya, ang pag-aasawa ay minamalas bilang isang malinis at banal na kaloob mula sa Diyos. Maliwanag na inilalarawan ng salaysay sa Genesis tungkol sa paglalang na ang pag-aasawa ay “mabuti” sa paningin ng Diyos at maliwanag na hindi isang hadlang sa dalisay na espirituwal na kaugnayan sa Diyos.—Genesis 1:26-28, 31; 2:18, 22-24; tingnan din ang Kawikaan 5:15-19.
Si apostol Pedro at ang iba pang sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos na humawak ng posisyon ng awtoridad sa sinaunang kongregasyong Kristiyano ay mga lalaking may asawa. (Mateo 8:14; Gawa 18:2; 21:8, 9; 1 Corinto 9:5) Niliwanag ito ng mga tagubilin ni apostol Pablo kay Timoteo may kinalaman sa paghirang ng mga tagapangasiwa, o “mga obispo,” sa kongregasyon. Sumulat siya: “Ang isang obispo ay dapat na hindi mapupulaan, asawa ng isang asawang babae.” (Amin ang italiko; 1 Timoteo 3:2, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko) Pansinin na walang anumang mungkahi na sa anumang paraan ay hindi angkop ang pagiging may asawa ng “isang obispo.” Ipinakita lamang ni Pablo na ang “isang obispo” ay hindi dapat na maging isang poligamo; kung may asawa, dapat na isa lamang ang kaniyang kabiyak. Sa katunayan, ganito ang sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, nina McClintock at Strong: “Walang talata sa B[agong] T[ipan] ang maaaring ipakahulugan bilang isang pagbabawal sa pag-aasawa ng klero sa ilalim ng kaayusan ayon sa Ebanghelyo.”
Samantalang lubhang pinahahalagahan ang pag-aasawa, tiyak na hindi hinahatulan ng Bibliya ang pagiging walang-asawa kung iyon ay kusang pinili. Inirerekomenda ito ng Bibliya bilang isang kanais-nais na landasin para sa ilan. (1 Corinto 7:7, 8) Sinabi ni Jesu-Kristo na kusang pinipili ng ilang lalaki at babae ang landasin ng pagiging walang asawa. (Mateo 19:12) Bakit? Hindi dahil sa may isang bagay na likas na di-malinis tungkol sa pag-aasawa na hahadlang sa kanilang espirituwal na pagsulong. Pinipili nila ang landasing ito sapagkat ibig nilang ituon ang kanilang pagsisikap sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa itinuturing nila na mga panahong apurahan.
Ang Daan Tungo sa Sapilitang Hindi Pag-aasawa
Gayunman, nagbago ang mga bagay-bagay noong mga siglo pagkatapos ng panahon ni Kristo. Sa loob ng unang tatlong siglo ng ating Karaniwang Panahon, “nagkaroon kapuwa ng may-asawa at walang-asawang mga ministro,” paliwanag ni David Rice, isang Dominicano na tumalikod sa pagkapari upang mag-asawa. Pagkatapos, ang nag-aangking mga Kristiyano ay nagsimulang maimpluwensiyahan ng tinatawag ng isang relihiyosong manunulat bilang isang “paghahalo ng Griego at biblikal na mga ideya” na nagbunga ng isang pilipit na pangmalas tungkol sa sekso at pag-aasawa.
Mangyari pa, ang ilan ay nanatili pa ring walang asawa “upang magtamo ng lubos na kalayaan na mag-ukol ng [kanilang sarili] sa gawain ng kaharian ng Diyos.” Ngunit ang iba ay higit na naudyukan ng paganong mga pilosopiya na kanilang natutuhan. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang paniniwala na nagpaparumi at di-kasuwato ng kabanalan ang pagtatalik ay lumitaw [sa nag-aangking simbahang Kristiyano] bilang nangingibabaw na pangganyak sa hindi pag-aasawa.”
Noong ikaapat na siglo, sabi ni Rice, “ipinagbawal [ng simbahan] ang pakikipagtalik ng isang paring may asawa sa gabi bago ang pagdiriwang ng Eukaristiya.” Nang simulan ng simbahan ang pang-araw-araw na Eukaristiya, nangahulugan ito na permanente nang iiwasan ng mga pari ang pakikipagtalik. Dumating ang panahon na lubusan nang ipinagbawal ang pag-aasawa ng mga pari. Kaya naging sapilitan ang hindi pag-aasawa para sa sinumang magiging isang ministro ng simbahan.
Nagbabala si apostol Pablo tungkol sa gayung-gayong pangyayari. Sumulat siya: “Malinaw na sinabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay may ilan na tatalikod sa pananampalataya at pipiliing makinig sa mapanlinlang na mga espiritu at doktrina na magmumula sa mga diyablo . . . Sasabihin nila na ang pag-aasawa ay ipinagbabawal.”—1 Timoteo 4:1, 3, Jerusalem Bible.
“Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 11:19) Ang kamangmangan ng paglihis mula sa mga pamantayan ng Diyos ay napatunayan sa pamamagitan ng mga gawa o bunga nito. Kinapanayam ng awtor na si David Rice ang maraming pari sa buong daigdig tungkol sa paksang sapilitang hindi pag-aasawa. Ang ilan sa mga nakausap niya ay nagsabi: “Manatili ka sa pagkapari, gawin ang anumang mabuting magagawa mo, at palihim na samantalahin ang pagkukusa ng deboto at humahangang mga babae na nag-aalok ng kanilang sarili para makipagtalik.”
Bilang pagsipi sa Mateo 7:20, sinabi ni Rice: “ ‘Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila,’ sabi ni Jesus.” Pagkatapos ay nagkomento siya sa trahedya na ibinunga ng sapilitang hindi pag-aasawa: “Ang mga bunga ng sapilitang hindi pag-aasawa ay yaong libu-libong kalalakihan na may dobleng pamumuhay, libu-libong kababaihan na nasira ang buhay, at libu-libong bata na itinakwil ng kanilang ordinadong mga ama, bukod pa sa nasaktang mga pari.”
Ang marangal na pag-aasawa ay isang pagpapala mula sa Diyos. Ang sapilitang hindi pag-aasawa ay napatunayang nakapipinsala sa espirituwal. Sa kabilang panig, ang pagiging walang asawa na kusang pinili, bagaman hindi naman mahalaga para sa kabanalan o kaligtasan, ay napatunayang isang kasiya-siya at kalugud-lugod sa espirituwal na paraan ng pamumuhay para sa ilan.—Mateo 19:12.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Life