Bakit Mahalaga Para sa mga Kristiyano na Linangin ang Mahabang-pagtitiis?
ANG mahabang-pagtitiis ay mula sa Diyos na Jehova. Ito’y isang bunga ng kaniyang espiritu. (Galacia 5:22) Ang tao, palibhasa’y ginawa ayon sa larawan at wangis ng Diyos, ay nagtataglay ng katangiang ito at maaari itong mapasulong sa pamamagitan ng pagsunod sa Salita ng Diyos at ng patnubay ng kaniyang banal na espiritu. (Genesis 1:26, 27) Samakatuwid ay inuutusan ang mga Kristiyano na linangin at ipamalas ang katangiang ito. (Colosas 3:12) Isang mapagkakakilanlang tanda ito ng pagiging isang ministro ng Diyos. (2 Corinto 6:4-6) Sabi ni apostol Pablo: “Magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Ipinahihiwatig niya na kailangang ipakita ang katangiang ito upang maging kalugud-lugod sa Diyos. Subalit ang mahabang-pagtitiis ng isa ay hindi tunay kung ito’y may halong pagmamaktol at pagrereklamo. Ipinakikita ni Pablo na ang kapuri-puring bagay ay ang “makapagtiis nang mahaba taglay ang kagalakan.”—Colosas 1:9-12.
Bukod sa kagalakang nadarama ng isa kapag nagpapakita ng mahabang-pagtitiis, napakalaki pa ng mga gantimpala. Si Jehova ay ginantimpalaan sa pamamagitan ng pagluwalhati sa kaniyang pangalan. Ang hamon laban sa katuwiran at karapatan ng soberanya ng Diyos ay napatunayang mali, at siya’y naipagbangong-puri. (Genesis 3:1-5; Job 1:7-11; 2:3-5) Ano kaya kung pinatay na niya agad sina Adan, Eva, at Satanas noong oras na iyon ng pagrerebelde? Maaaring ipinalagay ng ilan na may katuwiran si Satanas sa kaniyang hamon. Ngunit dahil sa mahabang-pagtitiis, binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga tao na patunayan sa ilalim ng pagsubok na mas nais nilang magpasakop sa kaniyang soberanya at na nais nilang paglingkuran siya dahil sa kaniyang mahuhusay na katangian, oo, upang ipakita na mas nais nila ang soberanya ni Jehova kaysa sa ganap na kalayaan, sa pagkaalam na ito’y mas nakahihigit.—Awit 84:10.
Si Jesu-Kristo, dahil sa mahabang-pagtitiis bilang pagsunod sa Diyos, ay tumanggap ng pinakakahanga-hangang gantimpala, ang pagkakaangat sa kaniya sa pinakamataas na posisyon ng pagkahari at ang pagbibigay ng kaniyang Ama sa kaniya “ng pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan.” (Filipos 2:5-11) Bukod dito, tatanggapin niya ang isang “kasintahang babae” na binubuo ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, ang Bagong Jerusalem, na kumakatawan bilang isang lunsod, ang mga batong pundasyon na sa mga iyon ay naroroon ang pangalan ng 12 apostol ng Kordero.—2 Corinto 11:2; Apocalipsis 21:2, 9, 10, 14.
Gayundin naman, saganang gantimpala ang ibibigay sa lahat ng taong nagpapakita ng mahabang-pagtitiis at nagpapanatili nito kasuwato ng layunin ng Diyos. (Hebreo 6:11-15) Taglay nila ang kasiyahan sa pagtulad sa katangian ng Diyos, sa paggawa ng kalooban ng Diyos, at sa pagtataglay ng pagsang-ayon ng Diyos. Karagdagan pa, ang kanilang mahabang-pagtitiis ay magdudulot ng tagumpay sa pagtulong sa iba na makilala ang Diyos at makapagtamo ng buhay na walang hanggan.—1 Timoteo 4:16.