Kasakdalan—Lagi ba Itong Lubusan?
PARA sa wastong pagkaunawa sa Bibliya, ang isa ay hindi dapat magkamali na isiping ang lahat ng bagay na tinatawag na “sakdal” ay gayon sa lubusang diwa, samakatuwid nga, sa antas na walang-takda, walang hangganan. Ang kasakdalan sa ganitong lubusang diwa ay taglay lamang ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. Dahil dito ay nasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Marcos 10:18) Si Jehova ay walang kaparis sa kaniyang kahusayan, karapat-dapat sa lahat ng papuri, nakahihigit sa kaniyang dakilang mga katangian at kapangyarihan, anupat “tanging ang kaniyang pangalan ang di-maabot sa kataasan.” (Awit 148:1-13; Job 36:3, 4, 26; 37:16, 23, 24; Awit 145:2-10, 21) Pinuri nang husto ni Moises ang kasakdalan ng Diyos, sa pagsasabi: “Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ni Jehova. Dakilain ninyo ang ating Diyos! Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y wala ang kawalan ng katarungan; matuwid at banal siya.” (Deuteronomio 32:3, 4) Lahat ng daan, salita, at batas ng Diyos ay sakdal, dalisay, malaya mula sa anumang kasiraan o depekto. (Awit 18:30; 19:7; Santiago 1:17, 25) Hindi kailanman nagkaroon ng anumang matuwid na dahilan upang tutulan, punahin, o hanapan Siya ng mali o ang kaniyang gawain; sa halip, laging nauukol sa Kaniya ang papuri.—Job 36:22-24.
May Pasubali ang Ibang Kasakdalan
Ang kasakdalan ng sinumang tao o anumang bagay, kung gayon, ay may pasubali, hindi lubusan. (Ihambing ang Awit 119:96.) Samakatuwid, ang isang bagay ay “sakdal” alinsunod, o may kaugnayan, sa layunin o tunguhin na itinakda para rito ng disenyador o maygawa nito, o sa paggamit dito ng tatanggap o gagamit nito. Sa mismong kahulugan ng kasakdalan ay nangangailangan na mayroong isa na magpapasiya kung kailan naabot ang “pagiging kumpleto,” kung ano ang mga pamantayan sa kahusayan, kung ano ang mga kahilingan na dapat matugunan, at kung anong mga detalye ang kailangan. Sa wakas, ang Diyos na Maylalang ang siyang panghuling Tagapagpasiya ng kasakdalan, ang Tagapagtakda ng Kasakdalan, alinsunod sa kaniyang sariling matuwid na mga layunin at interes.—Roma 12:2.
Bilang isang ilustrasyon, ang planetang Lupa ay isa sa mga nilalang ng Diyos, at sa dulo ng anim na ‘araw’ ng paglalang, inihayag ng Diyos na ang mga resulta ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Naabot nito ang pinakamatataas na pamantayan ng kahusayan, kaya naman ito ay sakdal. Subalit pagkatapos nito ay inatasan niya ang tao na “supilin iyon,” maliwanag na sa diwa ng paglinang sa lupa at paggawa sa buong planeta, at hindi lamang ang Eden, na isang halamanan ng Diyos.—Genesis 1:28; 2:8.
Paano Matatawag na “Walang Pagkukulang” ang Di-sakdal na mga Lingkod ng Diyos?
Pinatunayan ng matuwid na si Noe ang kaniyang sarili na “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Genesis 6:9) Si Job ay “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:8) Gayundin ang itinawag sa iba pang mga lingkod ng Diyos. Yamang ang lahat ay inapo ng makasalanang si Adan at sa gayo’y mga makasalanan, maliwanag na ang gayong mga tao ay “walang pagkukulang” at “walang kapintasan” sa diwa na naaabot nila nang lubusan ang mga kahilingan ng Diyos sa kanila, mga kahilingan na doo’y isinaalang-alang ang kanilang di-kasakdalan at kahinaan. (Ihambing ang Mikas 6:8.) Kung paanong ang isang magpapalayok na nagmomolde mula sa pangkaraniwang luwad ay hindi umaasa na makagagawa ng plorera na may parehong kalidad na gaya sa plorera na yari sa isang natatanging pinong luwad, gayon isinasaalang-alang sa mga kahilingan ni Jehova ang kahinaan ng di-sakdal na mga tao. (Awit 103:10-14; Isaias 64:8) Bagaman sila’y nagkakamali at nagkakasala dahil sa kanilang di-kasakdalan ng laman, ang gayong tapat na mga tao naman ay nagpapamalas ng “sakdal [Hebreo, sha·lemʹ] na puso” kay Jehova. (1 Hari 11:4; 15:14; 2 Hari 20:3; 2 Cronica 16:9) Kaya, hangga’t posible para sa kanila, ang kanilang debosyon ay ganap, matibay, anupat nakatutugon sa mga kahilingan ng Diyos sa kanilang kalagayan. Yamang ang Diyos na Hukom ay nalulugod sa kanilang pagsamba, walang sinumang tao o espiritung nilalang na makatuwirang makakakita ng pagkakamali sa kanilang paglilingkuran sa Kaniya.—Ihambing ang Lucas 1:6; Hebreo 11:4-16; Roma 14:4.
Kinikilala sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang likas na di-kasakdalan ng sangkatauhang nagmula kay Adan. Ipinakikita sa Santiago 3:2 na ang isang tao ay magiging isang “taong sakdal, na may kakayahan na rendahan . . . ang kaniyang buong katawan,” kung marerendahan niya ang kaniyang dila at hindi matitisod sa salita; subalit sa ganito “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Ihambing ang Santiago 3:8.) Gayunpaman, ilang may-pasubaling kasakdalan ang itinakda na maaaring maabot ng makasalanang mga tao. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya nga kayo ay dapat na maging sakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mateo 5:48) Ang tinutukoy niya rito ay may kinalaman sa pag-ibig at pagkabukas-palad. Ipinakita niya na “kung iniibig ninyo yaon [lamang] umiibig sa inyo,” ito ay hindi ganap at isang depektibong pag-ibig; kaya naman dapat pasakdalin ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang pag-ibig o lubusin ito sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanila ring mga kaaway, sa gayo’y sinusunod ang halimbawa ng Diyos. (Mateo 5:43-47) Sa katulad na paraan, ipinakita sa kabataang lalaki na nagtanong kay Jesus tungkol sa paraan upang matamo ang buhay na walang hanggan na ang kaniyang pagsamba, na doo’y kasali na ang pagsunod sa mga utos ng Batas, ay kulang pa rin sa mahahalagang punto. Kung ‘ibig niya na maging sakdal,’ dapat niyang lubusin ang kaniyang pagsamba (ihambing ang Lucas 8:14; Isaias 18:5) sa pamamagitan ng pagtupad sa mga bahaging ito.—Mateo 19:21; ihambing ang Roma 12:2.
Ipinakita ni apostol Juan na ang pag-ibig ng Diyos ay pinasasakdal sa mga Kristiyano na nananatiling kaisa Niya, anupat tinutupad ang salita ng kaniyang Anak at nag-iibigan sa isa’t isa. (1 Juan 2:5; 4:11-18) Pinapawi ng gayong sakdal na pag-ibig ang takot, anupat nagkakaloob ng “kalayaan sa pagsasalita.” Ipinakikita rito ng konteksto na ang binabanggit ni Juan ay ang “kalayaan sa pagsasalita sa Diyos,” gaya sa panalangin. (1 Juan 3:19-22; ihambing ang Hebreo 4:16; 10:19-22.) Ang isa na lubusang nagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos ay makalalapit sa kaniyang makalangit na Ama taglay ang pagtitiwala, na hindi humahatol sa kaniyang puso na para bang ito’y mapagpaimbabaw o di-sinang-ayunan. Batid niya na tinutupad niya ang mga utos ng Diyos at na ginagawa niya ang nakalulugod sa kaniyang Ama, at sa gayo’y may kalayaan sa kaniyang pagsasalita at pagsusumamo kay Jehova. Hindi niya nadaramang hinihigpitan siya ng Diyos kung tungkol sa kaniyang sasabihin o hihilingin. (Ihambing ang Bilang 12:10-15; Job 40:1-5; Panaghoy 3:40-44; 1 Pedro 3:7.) Walang nakapanlulumong takot na pumipigil sa kaniya; sa pagdating ng “araw ng paghuhukom” ay hindi siya nag-aalala na may isang ‘itim na marka’ laban sa kaniya o pagnanais na itago ang ilang bagay. (Ihambing ang Hebreo 10:27, 31.) Kung paanong hindi natatakot ang isang bata na humiling ng anumang bagay sa kaniyang maibiging mga magulang, gayon nakatitiyak ang isang Kristiyanong may ganap na pag-ibig anupat “anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kaniyang kalooban, ay pinakikinggan niya tayo. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tataglayin natin ang mga bagay na hiningi yamang ating hiningi ang mga iyon sa kaniya.”—1 Juan 5:14, 15.
Kaya ang “sakdal na pag-ibig” na ito ay hindi pumapawi ng lahat ng uri ng takot. Hindi nito iwinawaksi ang may pagpipitagang takot sa Diyos na gaya ng nadarama ng isang anak sa kaniyang ama, bunga ng taimtim na paggalang sa kaniyang katayuan, kapangyarihan, at katarungan. (Awit 111:9, 10; Hebreo 11:7) Ni inaalis man nito ang normal na takot na nagpapangyari sa isang tao, kailanma’t posible, na iwasan ang panganib o ipagsanggalang ang kaniyang buhay, ni ang takot dahil sa biglaang pagkabahala.—Ihambing ang 1 Samuel 21:10-15; 2 Corinto 11:32, 33; Job 37:1-5; Habacuc 3:16, 18.
Gayundin, nakakamit ang lubusang pagkakaisa sa pamamagitan ng “sakdal na bigkis” ng pag-ibig, na nag-uudyok sa mga tunay na Kristiyano na “mapasakdal sa isa.” (Colosas 3:14; Juan 17:23) Maliwanag na ang kasakdalan ng pagkakaisang ito ay may pasubali rin at hindi nangangahulugang nawawala ang lahat ng pagkakaiba sa personalidad, gaya ng indibiduwal na mga kakayahan, kinaugalian, at budhi. Gayunman, kapag natamo, ang kalubusan nito ay umaakay sa nagkakaisang pagkilos, paniniwala, at pagtuturo.—Roma 15:5, 6; 1 Corinto 1:10; Efeso 4:3; Filipos 1:27.