Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 7/22 p. 18-20
  • Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago ng Takbo ng Iyong Isip
  • Emosyon at mga Hormone
  • Ang Iyong mga Kaugalian sa Pagtulog
  • Pagkain at Pagtutuon ng Isip
  • Ang TV at ang Panahon ng Computer
  • Paano Ko Maitutuon ang Aking Isip sa mga Bagay-Bagay?
    Gumising!—1998
  • Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
    Gumising!—1994
  • Pagkatin-edyer—Paghahanda sa Pagiging Adulto
    Gumising!—2011
  • Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 7/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip?

“Hindi iyon sinasadya kung minsan. Nakikinig ako sa pulong ng kongregasyon, at pagkatapos, biglang-bigla, nagsimulang gumala-gala ang aking isip. Nakabalik ako pagkaraan ng sampung minuto.”​—Jesse.

“MAKINIG KA!” Madalas mo bang marinig ang mga salitang ito sa iyong mga guro o mga magulang? Kung gayon, marahil ay may problema ka sa pagtutuon ng iyong isip sa mga bagay-bagay. Bunga nito, baka bumaba ang mga marka mo. At baka matuklasan mong negatibo ang pagtingin sa iyo ng iba, anupat pinaaalis ka na tulad sa isang lasing, lango, o basta isa na may magaspang na asal.

Higit sa lahat, ang kawalang-kakayahan na magtuon ng pansin ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa iyong espirituwalidad. Sa katunayan, nag-uutos ang Bibliya mismo: “Bigyang pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Ang totoo, inuutusan ang mga Kristiyano na “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa espirituwal na mga bagay. (Hebreo 2:1) At kung nahihirapan kang magtuon ng isip, baka masumpungan mong mahirap sundin ang payong ito.

Ano kaya ang problema? Sa ilang kalagayan ang hindi pagtutuon ng isip ay maaaring bunga ng isang pisikal na suliranin. Halimbawa, pinaniniwalaan ng ilang mananaliksik na sa Attention Deficit Disorder ay nasasangkot ang depekto ng mga neurotransmitter system sa utak.a Ang ilang kabataan ay may di-nasuring suliranin, gaya ng pagkabingi o pagkabulag. Ito rin naman ay makasasagabal sa kakayahan ng isa na magbigay ng pansin. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga kabataan sa pangkalahatan ay mas nahihirapang magtuon ng isip kaysa sa mga nasa hustong gulang. Kaya naman ang di-pagbibigay-pansin ay pangkaraniwan sa mga kabataan, bagaman bihirang ito’y resulta ng isang karamdaman.

Pagbabago ng Takbo ng Iyong Isip

Kung nahihirapan kang magtuon ng isip, mas malamang na dumaranas ka lamang ng mga kirot na kaakibat ng paglaki. Sumulat si apostol Pablo: “Nang ako ay sanggol pa, nagsasalita ako noon na gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayon na naging may gulang na tao na ako, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Oo, habang sumasapit ka sa hustong gulang, nagbabago ang takbo ng iyong isip. Ayon sa aklat na Adolescent Development, “ang mga bagong kakayahan sa pag-iisip . . . ay lumilitaw sa maagang pagbibinata o pagdadalaga.” Nagkakaroon ka ng kakayahan na makaunawa at magsuri ng mahirap unawaing mga kaisipan at ideya. Nagsisimula kang magkaroon ng malalim na pagkaunawa sa moral, etika, at iba pang malalawak na isyu. Nagsisimula kang mag-isip tungkol sa iyong kinabukasan bilang isa na nasa hustong gulang.

Ang suliranin? Ang pagkakaroon ng mga bagong kaisipan, ideya, at mga konseptong ito na umiikot sa iyong isip ay maaaring nakalilito. Hindi ka na nag-iisip nang simple at di-masalimuot na gaya ng isang bata. Inuudyukan ka ngayon ng iyong utak na suriin at analisahin ang iyong nakikita at naririnig. Ang isang komento ng guro o tagapagsalita ay maaaring lumikha ng kapana-panabik na paglalakbay ng isip. Ngunit malibang matutuhan mong supilin ang iyong gumagalang pag-iisip, maaaring malampasan mo ang napakahalagang impormasyon. Kapansin-pansin, sinasabi ng Bibliya na ang matuwid na taong si Isaac ay gumugol ng panahon sa pagbubulay-bulay nang tahimik. (Genesis 24:63) Marahil ang paglalaan ng panahon bawat araw upang maupo, magbulay-bulay, at linawin ang mga bagay-bagay ay baka makatulong sa iyo upang sa ibang panahon ay maging mas nakatuon ang iyong pansin.

Emosyon at mga Hormone

Maaari ka ring magambala dahil sa iyong emosyon. Sinisikap mong magtuon ng pansin sa iyong binabasa o pinakikinggan, ngunit nasusumpungan mo ang iyong sarili na nag-iisip tungkol sa ibang bagay. Nagsasalitan ang nadarama mo sa pagitan ng pagkabagot at pananabik, panlulumo at pagsasaya. Buweno, relaks ka lang! Hindi ka nababaliw. Malamang, pinaglalaruan ka lamang ng iyong mga hormone. Nararanasan mo ang mga pagbabago na kaakibat ng pagbibinata o pagdadalaga.

Ganito ang isinulat nina Kathy McCoy at Charles Wibbelsman: “Napakarami ang nadarama sa mga taon ng pagbibinata o pagdadalaga . . . Ang mga sumpong na ito ay, sa isang antas, bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang isang bahagi nito ay may kinalaman sa mga kaigtingan dahil sa lahat ng pagbabagong nararanasan mo ngayon.” Isa pa, sumasapit ka na “sa kasibulan ng kabataan”​—ang panahon na nasa kasukdulan ang seksuwal na pagnanasa. (1 Corinto 7:36) Ganito ang sabi ng manunulat na si Ruth Bell: “Ang mga pagbabago sa katawan sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga ay madalas na pumukaw ng matitinding seksuwal na damdamin. Baka masumpungan mo ang iyong sarili na mas madalas mag-isip ng tungkol sa sekso, mas madaling mapukaw sa sekso, at kung minsan ay lagi na lamang sekso ang laman ng iyong isip.”b

Si Jesse, na nabanggit sa pasimula, ay dumaranas ng paglalakbay ng isip na lubhang pangkaraniwan sa mga tin-edyer: “Kung minsan ay naiisip ko ang mga babae o ang ilang bagay na ikinababahala ko o ang gagawin ko pagkatapos.” Sa dakong huli, huhupa rin ang mga bugso ng damdamin. Samantala, sikaping disiplinahin ang sarili. Sumulat si apostol Pablo: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin.” (1 Corinto 9:27) Habang lalo mong natututuhang supilin ang iyong damdamin, lalo kang makapagtutuon ng isip.

Ang Iyong mga Kaugalian sa Pagtulog

Kailangan ng iyong lumalaking katawan ang sapat na tulog upang matulungan kang sumulong sa pisikal na paraan at masuri ng iyong utak ang maraming bagong mga ideya at damdamin na nakakaharap mo araw-araw. Gayunman, maraming tin-edyer ang may iskedyul na doo’y kakaunting panahon na lamang ang natitira para sa pagtulog. Nagkomento ang isang neurologo: “Hindi kalilimutan ng katawan ang mga oras ng pagtulog na inuutang dito ng isang tao. Sa kabaligtaran, lagi nitong tatandaan iyon at bigla na lamang itong maniningil na mangangahulugan ng pagiging makalilimutin, mga suliranin sa pagtutuon ng isip, at mabagal na kakayahang umisip.”

Naniniwala ang ilang mananaliksik na ang basta pagdaragdag ng isa o higit pang oras ng pagtulog bawat gabi ay lubhang makabubuti sa kakayahan ng isa na magtuon ng isip. Totoo, hinahatulan ng Bibliya ang katamaran at pag-ibig sa pagtulog. (Kawikaan 20:13) Gayunman, makatuwiran na gumugol ng sapat na pamamahinga upang makapagtrabaho nang mahusay.​—Eclesiastes 4:6.

Pagkain at Pagtutuon ng Isip

Maaaring pagkain ang isa pang suliranin. Gustung-gusto ng mga tin-edyer ang mamantika at matatamis na pagkain. Sinasabi ng mga mananaliksik na bagaman masarap ang mga sitsirya, waring binabawasan ng mga ito ang katalasan ng isip. Ipinakikita rin naman ng mga pag-aaral na humihina ang kakayahan ng isip pagkatapos kumain ng mga carbohydrate, gaya ng tinapay, binutil, kanin, o pasta. Ito ay maaaring dahil sa pinararami ng mga carbohydrate ang isang kemikal na tinatawag na serotonin sa utak at ito’y nakapagpapaantok sa isang tao. Kaya naman iminumungkahi ng ilang espesyalista sa nutrisyon ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina bago ang anumang gawain na nangangailangan ng pagiging alisto ng isip.

Ang TV at ang Panahon ng Computer

Maraming taon nang inaakala ng mga edukador na ang TV at ang mabibilis nitong larawan ay nagpapahina sa kakayahan ng mga kabataan na magtuon ng pansin, at sinisisi rin ngayon ng ilan ang computer terminal. Bagaman pinagtatalunan nang husto ng mga eksperto kung paano talaga nakaaapekto sa mga kabataan ang ganitong modernong mga teknolohiya, ang labis na panahon sa panonood ng TV o paglalaro sa computer ay hindi masasabing nakabubuti. Inamin ng isang kabataan: “Dahil sa mga laro sa video, computer, at sa Internet, kaming mga kabataan ay nakukundisyon na kunin ang gusto namin sa mabilis na paraan.”

Ang suliranin ay, maraming bagay sa buhay ang nakakamit lamang sa pamamagitan ng pagsisikap, pagtitiyaga, at pagtitiis, na isang katangian noong nakalipas na panahon. (Ihambing ang Hebreo 6:12; Santiago 5:7.) Kaya huwag isiping dapat na maging mabilis at nakalilibang ang isang bagay para ito ay maging mahalaga. Bagaman nakalilibang ang panonood ng TV at paglalaro sa computer, bakit hindi magpinta, gumuhit, o matutong tumugtog ng isang instrumento sa musika? Pasusulungin ng gayong mga kasanayan ang iyong kakayahan na magtuon ng isip.

Mayroon pa bang ibang mga paraan upang mapasulong mo ang iyong kakayahang magtuon ng isip? Talagang mayroon, at tatalakayin sa isang artikulo sa hinaharap ang ilan sa mga ito.

[Mga talababa]

a Tingnan ang mga isyu ng Gumising! ng Nobyembre 22, 1994, pahina 3-12; Hunyo 22, 1996, pahina 11-13; at Pebrero 22, 1997, pahina 5-10.

b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maihihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?” sa aming isyu ng Agosto 8, 1994.

[Blurb sa pahina 20]

Sinasabi ng mga mananaliksik na pinapupurol ng mga sitsirya ang kaisipan

[Blurb sa pahina 20]

“Kung minsan ay iniisip ko ang mga babae o ang ilang bagay na ikinababahala ko”

[Larawan sa pahina 19]

Madalas ka bang nahihirapang makinig sa klase?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share