Hindi Totoo ang Ebolusyon
Ipinakikita ng mga surbey na maraming Amerikano ang naniniwalang ang unang mga tao ay tuwirang nilalang ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng proseso ng ebolusyon mula sa sinaunang mga anyo ng buhay. Subalit bakit napakaraming guro ng siyensiya sa Amerika ang nagtataguyod sa walang-saysay at nagkataon lamang na ebolusyon bilang katotohanan? Ang isang dahilan ay na “kontrolado ng mga Darwinistang pundamentalista . . . ang mga departamento ng siyensiya sa maraming pamantasan,” sabi ni Phillip E. Johnson, propesor ng batas sa University of California sa Berkeley.
Ganito ang sabi ni Johnson: “Sa ilang kaso ay pinagbawalan ang mga propesor sa biyolohiya na sabihin sa mga estudyante na may makatuwirang dahilan na pag-alinlanganan ang pag-aangkin na maaari at talagang nilalang sa pamamagitan ng walang-isip na materyal na mga proseso ang mga kababalaghan ng biyolohiya.”
Ganito naman ang sabi ng siyentipiko at inhinyerong si Murphy O’Dean: “Sa halip na iwaksi ang isang teoriya na hindi makatotohanan, ang tendensiya ng ‘ebolusyonaryong siyensiya’ ay naging matibay na paniniwala na ‘dapat na totoo ang ebolusyon.’ ” Ang nagkakasalungatan na katibayan at ang kawalan ng katibayan ay winawalang-bahala o di kaya’y minamaliit sa pamamagitan ng paliwanag.
Bakit? Ganito ang sabi ni Michael Behe, isang molecular biologist, sa Darwin’s Black Box: “Maraming tao, pati na ang maraming maimpluwensiya at lubhang iginagalang na mga siyentipiko, ang basta ayaw maniwala na may umiiral sa kabila pa ng panlabas na daigdig sa kabuuan nito. Ayaw nilang maniwala sa isang sobrenatural na persona na gumawa ng kalikasan.” Subalit hindi winawalang-bahala ng tunay na siyensiya ang salungat na katibayan upang isulong ang higit na nagugustuhang mga ideya. Ni naniniwala man ang lahat ng siyentipiko sa ebolusyon.
Tinanong ng magasing Veja sa Brazil si Carlo Rubbia, nagwagi ng Gantimpalang Nobel sa Pisika, “Naniniwala ka ba sa Diyos?” Bagaman hindi kumikilala sa isang Diyos na persona, inamin niya: “Habang higit mong pinagmamasdan ang kalikasan, lalo mong nauunawaan na may kahanga-hangang organisasyon sa lahat ng bagay. Isang napakalawak na karunungan na sa pagmamasid lamang sa likas na mga kababalaghan ay nahinuha ko na umiiral nga ang isang Maylalang.”
Ipinaaalaala sa atin ng kaniyang mga obserbasyon ang pananalita ni apostol Pablo tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20.