Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagmamasid sa Daigdig Ako’y isang peryodista, at gustung-gusto ng marami sa aking mga kasamahan ang magbasa ng tudling na “Pagmamasid sa Daigdig” upang magkaroon ng ideya sa kanilang trabaho. Inaamin ko na ako mismo ay napasigla ng ilang artikulo. Hinahangaan ko lalung-lalo na ang inyong mga tagapagsalin at mga proofreader. Bihira na ngayon sa mass media ang may gayong kataas na pamantayan sa wika.
J. B., Czechia
Mga taon na ang lumipas nang pasimulan kong magbasa ng Gumising! at noon, ang “Pagmamasid sa Daigdig” ay hindi ko gaanong nagugustuhan. Ito sa ngayon ang itinuturing kong totoong nakapagtuturo. Sa katunayan, marami sa mga pangyayaring hindi ko napanood sa mga balita sa TV ay tinalakay sa “Pagmamasid sa Daigdig.” Ipagpatuloy ninyo ang inyong mabuting gawain!
I. K. M. C., Brazil
Salot Ganito ang sabi ng seryeng “Salot—Magwawakas Pa Kaya Ito?” (Nobyembre 22, 1997): “Ang nakahahawang sakit ay nananatiling ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa daigdig, na kumitil ng mahigit na 50 milyon katao noong 1996 lamang.” Gayunman, sinasabi ng isang ulat ng World Health Organization na sa mahigit na 52 milyong namatay noong 1996, mahigit na 17 milyon ang namatay dahil sa mga sakit na nakahahawa o mula sa mga parasito.
B. B., Estados Unidos
Ang aming pinagkunan ng mga komentong ito ay ang pahayagang Aleman na “Nassauische Neue Presse.” Maliwanag na ang artikulong ito sa pahayagan ay nagkamali sa pagsipi sa World Health Organization. Kaya pinasasalamatan namin ang paglilinaw na ito.—ED.
Pagkautal Salamat sa artikulong “Pag-unawa sa Takot na Mautal.” (Nobyembre 22, 1997) May ilang kabataan sa aming kongregasyon na may ganitong problema, at lagi akong naaasiwa na makihalubilo sa kanila. Kaya natuwa akong mabasa ang praktikal na mga mungkahi ninyo sa amin upang matulungan kaming makitungo sa mga utal. Pinasigla ninyo kami na tumulong sa gayong uri ng mga tao, at ipinabatid ninyo sa amin kung paano ito gagawin.
Y. N., Hapon
Sa aking klase sa paaralan ay may dalawang utal. Halos hindi sila sumasagot sa klase, at gaya ng binanggit ng inyong artikulo, kapag sila’y hinilingang magbasa nang malakas, halatang-halata na sila’y ninenerbiyos. Salamat sa inyong artikulo, mas nauunawaan ko ang takot na kailangan nilang mapanagumpayan upang makapagsalita sa klase.
S. L., Alemanya
Ako’y 16 anyos, at ako’y isang utal. Taos-puso ko kayong pinasasalamatan sa natanggap kong pampalakas-loob dahil sa pagbabasa ng artikulo. Kung minsa’y nasisiraan tayo ng loob dahil sa hindi natin magawa ang lahat ng ibig nating gawin. Kaya nakasisiyang malaman kung paano tayo iniisip at pinalalakas-loob ni Jehova. Umaasa ako na ang sinumang makababasa ng artikulong ito ay matutulungang magpahalaga sa mga pagsisikap na ginagawa ng mga utal.
S. D. A., Italya
Napakaraming mapapait na alaala ang ipinagunita ng artikulo. Subalit ipinabatid din nito sa akin na gayon na lamang ang pagmamalasakit ni Jehova at kung gaano niya ako pinagpala sa loob ng maraming taon. Nang ako’y mabautismuhan sa edad na 11, ang pinakamimithi kong gawin ay purihin si Jehova sa pamamagitan ng pagiging isang tagapagsalita sa madla. Akala ko’y kailangan ko pang hintayin ang bagong sanlibutan ng Diyos upang makamtan ang tunguhing iyan. Subalit sa nagdaang 37 taon, nagkapribilehiyo akong magbigay ng pahayag pangmadla nang maraming ulit at ng mga pahayag sa mga tagapakinig sa pansirkito at pandistritong kombensiyon.
R. F. D., Inglatera
Dahil sa takot ko na mautal, hindi ako nagkokomento sa mga pulong sa kongregasyon. Natatakot din akong mautal sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay, lalo na kapag gumagawang kasama ang isang matatas magsalita. Natulungan ako ng artikulong ito na maintindihang nauunawaan ni Jehova ang aking suliranin.
C. C. L., Brazil