Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/8 p. 31
  • Jenny Wren—Munting Ibon, Mapuwersang Awit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jenny Wren—Munting Ibon, Mapuwersang Awit
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Nakikilala Mo ba ang Awit na Iyan?
    Gumising!—1999
  • Pugad
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Ang Pinakamagandang Tagagubat”
    Gumising!—2000
  • Magkakasamang Tagagawa ng Pugad
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/8 p. 31

Jenny Wren​—Munting Ibon, Mapuwersang Awit

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

PUNUNG-PUNO ng primrose ang tabing ilog, samantalang ang sinag ng araw ay tumatagos sa mga puno, sa gayo’y nagbibigay ng tulad-hiyas na kinang sa mga patak ng tubig na nasa mga halaman matapos bumuhos ang ulan. Nagpahinga ako sa isang natumbang punungkahoy, habang pinanonood ang dalawang ibong matulin na nagpaparoo’t parito sa isang lugar na may mga lantang pakô na lumililim sa isang malaking batong nakalitaw sa ilog.

Napukaw ang aking interes, at tumayo ako upang mag-usisa. Natagpuan ko ang gaya ng aking hinala​—isang pugad ng wren, na may-kagandahang niyari mula sa pinagsala-salabid na lumot at nakakubli sa mga nakabiting dahon ng pakô. Ang masiglang ibon ay may sukat na sampung centimetro lamang mula sa dulo ng tuka nito hanggang sa buntot at pangkaraniwan nang itinuturing na isa sa pinakamaliliit na ibon sa Britanya.a Dahil dito, unang inukit noong 1937 ang larawan nito sa farthing, na siyang pinakamaliit na barya sa Britanya nang panahong iyon.

Ang Jenny wren, o kitty wren​—mga pangalang ibinigay ng mga Ingles na tagalalawigan sa kapuwa lalaki at babae​—ay kilalang-kilala sa Europa, Eurasia, at sa Estados Unidos. Ito ang pinakakalát at pinakamarami sa lahat ng mga nangingitlog na ibon sa Britanya. Ang maganda at matinis na awit nito ay itinulad sa awit ng nightingale at ito’y gayon na lamang kapuwersa anupa’t maririnig ito hanggang sa layong halos isang kilometro! Ngunit nakapipinsala ang matitinding taglamig at natutuklasan na dahil dito ay namamatay ang 75 porsiyento ng populasyon ng wren. Sa gayong mga panahon, madalas na sama-samang nakadapo ang mga wren. Minsan ay nasumpungan sa isang kahong ginawang pugad ang mahigit sa 60 wren, na nagsisiksikang parang isang kumpol ng mga balahibo.

Kapag Abril, gumagawa ang lalaki ng iba’t ibang pugad na hugis simburyo (dome) at may kahusayang nakakubli. Matapos magawa ang mga pugad, ipakikita ng lalaki ang lahat ng ito sa kaniyang kapareha. Ang babae ngayon ay pipili ng isa at lalatagan ito ng mga balahibo. Sa pagtatapos ng Abril, nakapangitlog na siya ng lima o anim na mapuputing itlog na may mga batik na kulay naghahalong pula at kape. Mag-isang lililiman ng babae ang mga itlog sa loob ng 14 na araw, at lilisanin ng mga inakay ang pugad pagkatapos ng di-kukulangin sa dalawa pang linggo.

Ang dalawang beses na pangingitlog ay normal sa tag-init, at samantalang nilililiman ng babae ang ikalawang grupo ng itlog, ang lalaki naman ang mag-aalaga sa mga inakay mula sa unang pagkapisa, at kung minsan ay dinadala niya ang mga inakay sa isa sa kaniyang iba pang pugad. Kung maganda ang tag-init, anupat saganang insekto ang makukuha bilang pagkain, kukuha ang lalaki ng isa pang kapareha at patitirahin ito sa isa pa sa kaniyang mga pugad.

Habang nakaupo sa natumbang punungkahoy, nadarama ko ang init ng sinag ng araw na karaniwan kapag Mayo, habang pinanonood ko ang dalawang wren na nagliliparan nang paroo’t parito. Napansin ko ang kanilang mga balahibong kulay naghahalong pula at kape at ang kanilang mga guhitang pakpak nang sila’y dumapo sa isang maliit na sangang malapit sa aking kinauupuan. Subalit nang kanilang matuklasan na ako ay naroon sa kanilang teritoryo, nagsitindig ang kanilang maliliit na buntot, at sinimulan nila ang kanilang gumagaralgal na babalang-tawag. Iyon ang hudyat na kailangan ko nang umalis nang dahan-dahan.

[Mga talababa]

a Bilang pinakamaliit na ibon sa Europa, ang hindi nandarayuhang goldcrest, na pangkaraniwang tinatawag na golden-crested kinglet, at ang firecrest na dumadalaw kung taglamig ay kapuwa mas maliit ng mga kalahating centimetro ngunit bihirang mamataan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share