Ang Pangmalas ng Bibliya
Kalupitan sa mga Hayop—Mali ba Ito?
SA ISANG isports arena sa Sentral Amerika, nakatutok ang lahat ng mata sa dalawang tandang, ang isa’y pula, ang isa’y puti. Nagkaingay ang pulutong nang pupugin ng pulang tandang, na may matalas na tari sa paa nito, ang puting tandang. Kinuha ng reperi ang dalawang manok. Ang puting tandang ngayon ay malambot na, patay, at tumutulo ang dugo. Tapos na ang sabong.
Sa timugang Pilipinas, dalawang barakong kabayo ang naglalaban. Pinanonood ng mga miron ang nakatatakot na palabas habang ang mga kabayo ay naghihirap dahil sa mga kagat sa tainga, leeg, nguso, at iba pang bahagi ng katawan. Bagaman maaaring umalis ng ring ang mga ito na parehong buháy, sa paano man ang isa sa kanila ay maaaring maging baldado o mabulag o mapinsala na sa wakas ay maging dahilan ng pagkamatay.
Sinalakay ng dalawang aso sa Russia ang isa’t isa. Sa loob ng maikling panahon, dukit ang mga mata at pigtas ang mga tainga, ang mga ito’y paikut-ikot na putol ang mga binti at umaagos ang dugo sa laslas na laman.
Sa loob ng mga dantaon ay pinaglaban ng tao ang mga hayop sa ngalan ng isport, na kadalasan nang ang motibo ay pagsusugal. Kasali sa talaan ang mga huwego-de-toro, pangangaso ng sorra, at labanan pa nga ng gagamba. Bukod pa riyan, maraming hayop ang pinahihirapan sa ngalan ng siyensiya. Isa pa, di-mabilang na mga hayop ang nagdurusa dahil sa pagpapabaya ng mga may-ari sa kanila, sinasadya man o hindi.
Sa ilang lupain, may mga batas na umuugit sa pagtrato sa mga hayop at nagbabawal ng mga kalupitan. Noon pa mang 1641, binalangkas ng Massachusetts Bay Colony “Ang Kalipunan ng mga Kalayaan,” na nagsasabi: “Walang sinumang tao ang magsasagawa ng anumang Paniniil o Kalupitan sa anumang Nilalang na karaniwang inaalagaan para sa kapakinabangan ng tao.” Mula noon, naipasa ang mga batas at naitatag ang mga samahan upang bantayan ang kalupitan sa mga hayop.
Sa kabila nito, hindi itinuturing ng marami na nagtataguyod ng isports na labanan na nabanggit kanina ang kanilang mga sarili bilang mga nagsasagawa ng kalupitan sa hayop. Sinasabi ng ilan na mahal nila ang mga hayop na malupit nilang pinahihirapan o pinapatay. Sinasabi ng mga mahilig sa sabong na mas matagal ang buhay ng kanilang mga manok kaysa karaniwang manok na nakatalagang lutuin—hindi nga nakagiginhawang isipin!
Bakit Mali ang Kalupitan?
Pinahihintulutan tayo ng Diyos na makinabang mula sa mga hayop. Pinahihintulutan tayo ng mga simulain sa Bibliya na pumatay ng mga hayop upang maglaan ng pagkain at pananamit o upang pangalagaan ang ating sarili mula sa panganib. (Genesis 3:21; 9:3; Exodo 21:28) Gayunman, ang buhay ay sagrado sa Diyos. Ang ating pagsupil sa mga hayop ay dapat na gawin sa timbang na paraan na nagpapakita ng paggalang sa buhay. Hinatulan ng Bibliya ang lalaking nagngangalang Nimrod, na sa malas ay pumatay ng mga hayop at marahil ng mga tao para lamang sa katuwaan.—Genesis 10:9.
Binanggit ni Jesus ang pagkabahala ng Diyos sa mga hayop sa mga pananalitang ito: “Ang limang maya ay nabibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos.” (Lucas 12:6) Gayundin, nang magbago ang kaniyang isip tungkol sa pagpuksa sa isang lunsod na puno ng mga gumagawa ng kabalakyutan na nagsisi, sinabi mismo ng Diyos: “Hindi ba ako manghihinayang sa Nineve na dakilang lunsod, na may mahigit isang daan at dalawampung libong lalaki . . . , bukod sa marami pang alagang hayop?” (Jonas 4:11) Maliwanag, hindi niya itinuring ang mga hayop na parang mga bagay na basta na lamang itatapon, kapag naibigang gawin.
Nang ibigay ang mga batas sa mga Israelita, tinuruan sila ng Diyos ng tamang pangangalaga sa mga hayop. Hiniling niya sa kanila na isauli sa may-ari nito ang isang hayop na naligaw at tulungan ang mga hayop na nasa kagipitan. (Exodo 23:4, 5) Dapat makinabang ang mga hayop sa pamamahinga sa Sabbath, na gaya ng mga tao. (Exodo 23:12) May mga batas na sumasaklaw sa wastong pakikitungo sa mga hayop sa bukid. (Deuteronomio 22:10; 25:4) Maliwanag, ang mga hayop ay dapat pangalagaan at bantayan, hindi pagsamantalahan.
Malinaw na binabanggit ng Kawikaan 12:10 ang pangmalas ng Diyos: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop, ngunit ang mga kaawaan ng mga balakyot ay malupit.” Ganito ang pagkakasalin ng isang komentaryo sa Bibliya sa talatang ito: “Ang kabaitan ng taong matuwid ay ipinakikita kahit sa mga hayop na walang-imik, ngunit malupit ang taong balakyot, kahit na iniisip niyang siya ay napakabait.”—Believer’s Bible Commentary, ni William MacDonald.
Pinakikitunguhan ng matuwid na tao ang mga hayop nang may kabaitan at inaalam ang kanilang pangangailangan. Maaaring bibigang ipahayag ng isang balakyot na tao ang pagmamahal sa mga hayop, ngunit ang kaniyang “mga kaawaan,” sa pinakamabuti, ay aktuwal na malupit. Ipinakikilala ng kaniyang mga kilos ang sakim na motibong nasa isipan niya. Anong pagkatotoo nga nito sa mga taong pinaglalaban ang mga hayop na umaasang manalo ng salapi!
Ginhawa Para sa mga Hayop
Totoo, orihinal na layunin ng Diyos na ang tao ay “magkaroon ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagapang sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Walang dako sa layuning iyan ang kalupitan sa mga hayop. Ang malupit na pakikitungo sa mga hayop ay hindi magpapatuloy magpakailanman. May dahilan tayong maniwala na pahihintuin ng Diyos ang lahat ng hindi kinakailangang paghihirap. Subalit paano?
Nangangako siya na aalisin ang balakyot at malulupit na tao. (Kawikaan 2:22) Tungkol sa mga hayop, ang Oseas 2:18 ay nagsasabi: “Tiyak na makikipagtipan ako sa araw na iyon may kaugnayan sa mabangis na hayop sa parang at sa lumilipad na nilalang sa langit at sa gumagapang na bagay sa lupa, . . . at pahihigain ko silang tiwasay.” Kay sarap mabuhay sa panahong iyon, na hindi lamang ang matuwid na mga tao kundi ang mga hayop din naman ay makikinabang sa mapayapang mga kalagayan!
[Larawan sa pahina 26]
“Huwego-de-toro sa Nayon,” ni Francisco Goya