Delingkuwenteng mga Kabataan—Ano ang mga Dahilan?
NANGHAHAWAKAN ka ba sa karaniwang palagay na ang mga delingkuwenteng kabataan ay mula sa mahihirap na pamilya at na ang mga anak ng “respetableng” mga pamilya ay bihirang masangkot sa krimen? Sa Asia ay waring ganito nga ang nangyayari sa ilan na nagpapatunay sa pangmalas na iyan. “Hindi na ngayon,” pag-uulat ng Asia Magazine. “Ipinakikita ng estadistika ng pulisya at mga kaso sa palibot ng Asia na parami nang paraming tin-edyer mula sa mga respetableng pamilya ang nagnanakaw, naninira, nagdodroga at bumabaling sa prostitusyon.”
Halimbawa, kalahati ng kabuuang bilang ng mga tin-edyer sa Hapón na nasasakdal dahil sa mabigat na krimen ay mula sa isang nakaririwasang pamilya. Gayundin ang kalagayan sa Bangkok. “Noon,” sabi ni Adisai Ahapanun, pinuno ng Muhita Training School, “halos lahat ng krimeng kinasasangkutan ng mga kabataan ay udyok ng kawalan ng salapi. Ngayon, mahigit sa 50 porsiyento ng mga tin-edyer na naririto ay mula sa nakaririwasang tahanan na walang suliranin sa pinansiyal.”
Isinisisi ng ilan ang kalagayan sa mga nagtatrabahong ina, sa pagdami ng diborsiyo, at sa materyalistikong pangmalas sa buhay. Ganito ang sabi ni Eddie Jacob, katulong na direktor sa isang pagamutan para sa mga tin-edyer sa Singapore: “Ang talagang dahilan ay ang magulong tahanan—kung saan ang mga magulang ay diborsiyado, o mayroon lamang nagsosolong magulang, o kaya’y parehong nagtatrabaho ang mga magulang at napapabayaan ang mga bata. Sa tahanan nakukuha ng mga bata ang kanilang mga pamantayan.”
Inihula ng Bibliya na ang ating panahon ay kakikitaan ng tumitinding paghihimagsik sa gitna ng mga kabataan. (2 Timoteo 3:1, 2) Gayunman, mabibigyan ng aklat ding iyan ang mga pamilya ng mga pamantayang kailangan nila upang manatiling magkakalapit, anuman ang kalagayan ng kanilang kabuhayan. Sulit na pag-aralan ang Bibliya, sapagkat “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Ang mga Saksi ni Jehova sa Asia—sa katunayan, sa buong daigdig—ay nakasusumpong ng gantimpala sa pag-aaral ng Bibliya bilang mga pamilya. Malulugod silang tulungan kayo na gayundin ang gawin.
[Mga larawan sa pahina 31]
Nasa inyo ang pagpili—pagkadelingkuwente o pagsang-ayon ng Diyos