Kung Ano Na Ngayon si Jesus
BAGAMAN kawili-wiling malaman kung ano ang hitsura ni Jesus, mas mahalagang matiyak kung ano na siya ngayon at kung nasaan siya. Anong papel ang ginagampanan niya sa layunin ng Diyos para sa sambahayan ng tao?
Hindi maibibigay sa atin ng sekular na kasaysayan ang mga kasagutan. Masusumpungan lamang ito sa dokumento na Diyos ang may-akda para sa kapakinabangan ng mga naghahanap ng katotohanan. At ito ang Banal na Bibliya, o ang Banal na Kasulatan, ang pinakamalaganap na naipamahaging tomo sa kasaysayan ng daigdig.
Ang Bibliya ay hindi lamang isa pang aklat na isinulat ng mga tao. Bagaman ginamit ang mga tao bilang kaniyang mga tagasulat, ang Diyos ang tunay na may-akda: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Kinilala ni apostol Pablo kung ano nga ang Kasulatan, sapagkat siya’y sumulat: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
Ang Diyos ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng sansinukob, pati na ng bilyun-bilyong galaksi nito at bilyun-bilyong bituin sa bawat galaksi. Ano ngang kagila-gilalas na kapangyarihan ang taglay niya upang malalang ang lahat ng iyon! Tiyak na ang Isa na Makapangyarihan-sa-lahat, na gumawa ng kahanga-hangang sansinukob, ay makapagpapasulat ng isang aklat na magiging isang mapananaligang patnubay para sa sinumang naghahanap ng katotohanan.
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Inilalantad ng Salita ng Diyos ang walang katapusang mga teoriya at haka-haka tungkol kay Jesus. Pansinin ang ilan sa mga detalyeng ibinibigay nito sa atin tungkol sa kaniya:
• Si Jesus ang una at tanging tuwirang nilalang ng Diyos sa langit di-mabilang na mga taon na ang nakalipas, una pa sa mga anghel at sa pisikal na sansinukob. Iyan ang dahilan kung bakit tinawag siya na “bugtong na Anak” ng Diyos. Ang lahat ng iba pang nilalang ay ginawa sa pamamagitan ng Anak na ito, ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos, bago pa siya umiral bilang tao.—Juan 3:16; 6:38; 8:58; Kawikaan 8:30; Colosas 1:16.
• Mga 2,000 taon na ang nakalipas, inilipat ng Diyos ang buhay ni Jesus sa bahay-bata ng isang birheng Judio, upang ipanganak bilang tao. Kahit na sa ngayon, sa pamamagitan ng proseso ng artificial insemination, nagagawa ng mga tao ang katulad nito sa ilang kaparaanan.—Mateo 1:18; Juan 1:14.
• Hindi lamang basta isang mabuting tao si Jesus. Bilang isang nasa hustong gulang ay may kasakdalang ipinabanaag niya ang maibigin, madamayin, at matuwid na personalidad ng kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.—Juan 14:9, 10; Hebreo 1:3; 1 Juan 4:7-11, 20, 21.
• Bilang kinatawan ng Diyos sa lupa, inasikaso ni Jesus ang mga pangangailangan ng mahihirap at inaapi, gayunman hindi siya nagtatangi laban sa mayayaman. Sa tulong ng makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos, makahimalang nagpagaling si Jesus ng mga maysakit at bumuhay pa nga ng mga patay. Sa paggawa ng gayong kamangha-manghang mga gawa, ipinakita niya sa maliit na kaparaanan kung ano ang gagawin niya sa buong lupa pagkatapos siyang buhayin mula sa mga patay tungo sa makalangit na buhay at maging Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos.—Mateo 11:4-6; Lucas 7:11-17; Juan 11:5-45.
• Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin at unahin sa kanilang buhay ang makalangit na Kahariang ito ng Diyos. Kapag lubusan nang naitatag, “dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” Sa panahong iyon, ang Kaharian ang magiging tanging pamahalaan sa lupa. Ito ang tanging pag-asa ng nagdurusang sangkatauhan.—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
• Ang Diyos ang Ama ni Jesus, at si Jesus ay tapat sa Diyos. Kaya, nang patayin si Jesus, siya’y isang sakdal na tao. Kusa niyang inihandog ang kaniyang sakdal na buhay sa Diyos bilang isang haing pantubos upang mabawi ang naiwala ni Adan nang siya’y maghimagsik laban sa Diyos. Sa paggawa nito, binuksan ni Jesus ang daan tungo sa buhay na walang hanggan para sa lahat ng nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya.—Juan 3:16; Roma 3:23, 24; 1 Juan 2:2.
• Bilang ang hinirang ng Diyos na makalangit na Hari, isasagawa ni Jesus ang layunin ng Diyos na alisin ang kabalakyutan sa ibabaw ng lupa at dalhin sa kasakdalan ang isipan at katawan ng masunuring sangkatauhan. Sa panahong iyon ang sangkatauhan ay mamumuhay sa kapayapaan at kaligayahan sa isang lupang paraiso, na may magagandang tirahan at saganang pagkain para sa lahat. Mawawala na magpakailanman ang sakit, lumbay, at kamatayan. Maging ang mga patay ay bubuhaying-muli at magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa.—Genesis 1:26-28; 2:8; Awit 37:10, 11, 29; Kawikaan 2:21, 22; Isaias 25:6; 65:21-23; Lucas 23:43; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3, 4.
Kaya nga, maliwanag na sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesus ang pangunahing tauhan sa layunin ng Diyos na magtatag ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran dito sa lupa. Dahil sa mahalagang papel na ginagampanan niya, makatuwirang masasabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6; 2 Pedro 3:13.
Isang Madamaying Tagapamahala
Nais ng mapagpakumbabang mga tao na si Jesus ang maging tagapamahala nila sa bagong sanlibutan, at talaga namang siya’y magiging ibang-iba at nakalulugod na uri ng tagapamahala! Ang isang paraan na ipinakita niya ito ay sa pamamagitan ng kamangha-manghang mga gawa ng pagpapagaling na ginawa niya samantalang siya’y nasa lupa. (Mateo 15:30, 31) Subalit pansinin din kung magiging anong uri siya ng tagapamahala.
Isaalang-alang muna ang rekord ng mga tagapamahala ng daigdig na ito. Ipinakikita ng kasaysayan na sa paglakad ng mga panahon, sila’y kadalasang naging malupit at walang-habag, binuyo ang kanilang mga mamamayan sa di-mabilang na mga digmaan, kalupitan, inkisisyon, at mga masaker. Sa ika-20 siglong ito lamang, mahigit na 100 milyong tao ang napatay sa mga digmaan.
Ihambing ang saloobin at rekord ng mga tagapamahala ng daigdig na ito sa saloobin at rekord ni Jesus sa kaniyang mga pakikitungo sa mahihirap, nabibigatan, at mahihina: “Sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Kaya naman sinabi niya sa kanila: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 9:36; 11:28-30.
Kay laki ng pagkahabag ni Jesus sa mga tao! Tinularan niya ang kaniyang makalangit na Ama sa bagay na ito. Si Jesus ang personipikasyon ng pag-ibig, at tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na magkaroon ng tunay at may-prinsipyong pag-ibig sa isa’t isa. Sa gayo’y hindi nila hahayaang makasagabal sa kanilang internasyonal na pagkakaisa ang lahi, nasyonalidad, katayuan sa buhay, dating relihiyon, o ano pa mang bagay. (Juan 13:34, 35; Gawa 10:34, 35) Oo, gayon na lamang ang pag-ibig ni Jesus sa mga tao anupat ibinigay niya ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila. (Efeso 5:25) Siya ang uri na kailangan at magiging tagapamahala ng daigdig na ito.
“Magandang” Hari Na Ngayon si Jesus
Ang makahulang Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na maunawaan na isa nang makapangyarihang makalangit na Hari ngayon si Jesus. Tungkol sa kaniya ang salmista ay humula: “Ikaw ay mas maganda nga kaysa sa mga anak ng tao. . . . Sa iyong karilagan ay magtagumpay ka; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran . . . Inibig mo ang katuwiran at kinapootan mo ang kabalakyutan. Iyan ang dahilan kung bakit ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng pagbubunyi.”—Awit 45:2, 4, 7.
Bilang isang makalangit na Hari na pinahiran ng Diyos, si Jesus ay inatasang kumilos upang ipahayag ang kaniyang pag-ibig sa katuwiran at ang kaniyang pagkapoot sa kabalakyutan. Kaya, siya’y inilarawan sa Bibliya bilang isang walang-kamatayang manlulupig, ang “Hari ng mga hari,” na malapit nang lumipol sa lahat ng kaaway ng Diyos. Bukod pa riyan, isasauli niya ang lupa sa paraisong kalagayan at dadalhin ang natubos na sangkatauhan tungo sa kasakdalan.—Apocalipsis 19:11-16.
Ang bagong papel ni Jesus ay hindi yaong sa isang ‘naghihirap na Mesiyas’ na tinuya, hinampas, at pinatay ng mga mananalansang. Sa halip, ang kaniyang bagong papel ay yaong “Makapangyarihang Diyos,” ang tagapamahala ng lupa. (Isaias 9:6) Hindi ito balitang malugod na tinatanggap ng karamihan ng mga tagapamahalang tao, sapagkat ang kanilang mga kaharian ay malapit nang durugin at hindi na iiral pa, gaya ng inihula sa Daniel 2:44. Sa paggamit kay Kristo bilang kaniyang tagapuksa, “dudurugin [ng Diyos] ang mga hari sa kaarawan ng kaniyang poot. Siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa.”—Awit 110:5, 6.
Inihula ni Isaias na sa paggawa nito, “gugulantangin [ni Kristo] ang maraming bansa. Sa kaniya ay magtitikom ng kanilang bibig ang mga hari.” Bakit? “Sapagkat yaong hindi nasalaysay sa kanila [ng kanilang relihiyosong mga pinagkakatiwalaan] ay makikita nga nila, at yaong hindi nila narinig ay pag-iisipan nila.”—Isaias 52:15.
‘Nag-aani ng Ipuipo’
Inihula ni Isaias ang pagpapabaya sa tungkulin sa bahagi ng mga lider ng relihiyon. Halimbawa, hindi nila itinuturo ang katotohanan ng Bibliya kundi itinuturo nila sa kanilang kawan ang hindi makakasulatang mga doktrina may kinalaman sa walang-hanggang pagpapahirap sa isang maapoy na impiyerno, isang trinidad ng tatlong diyos sa isa, at ang imortalidad ng kaluluwa—pawang nagmula sa pagano. At itinaguyod ng klero ang lahat ng digmaan ng kanilang mga bansa, kahit na mangahulugan ito ng pagpatay sa mga taong kabilang sa kanilang sariling relihiyon. Ito’y tuwirang paglabag sa mga utos ng Diyos.—1 Juan 2:3, 4; 3:10-12; 4:8, 20, 21.
Isa pa, inaalok ng mga klero ang kanilang mga kawan ng mga bagay na nakalulugod-sa-mata ngunit, sa paningin ng Diyos ay walang kabuluhan gaya ng relihiyosong mga imahen, kasuutan ng klero, mamahaling mga katedral, at mga ipinintang larawan na nagagayakan ng paganong mga ideya, pati na ang nimbo ng diyos-araw. Ito’y sa kabila ng utos ng Diyos sa kaniyang mga lingkod na: “Yumaon kayo, yumaon kayo, lumabas kayo mula riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi . . . , kayong nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.”—Isaias 52:11; 2 Corinto 6:14-18.
Aanihin niyaong nag-aangking kumakatawan sa Diyos subalit lumalabag sa kaniyang mga utos at nagtuturo sa iba na gayundin ang gawin, ang kanilang inihasik. Sila’y hahatulan nang masama at pagbabayarin kapag pinuksa na ang sistemang ito ng mga bagay. Gaya ng sinabi ni propeta Oseas, “sila’y nangagsasabog ng hangin, at sila’y magsisiani ng ipuipo.”—Oseas 8:7, King James Version; tingnan din ang Apocalipsis 17:1-3, 15, 16.
Natututo ng Katotohanan ang mga Tapat-Puso
Hindi mahahadlangan ng maling paglalarawan ng mga klero sa Diyos at kay Jesus ang tapat-pusong mga tao sa pag-alam ng katotohanan tungkol kay Jesus. Noong unang siglo, hindi ito nakahadlang, sapagkat gaya ng isinulat ni Paul Barnett sa The Two Faces of Jesus, “si Kristo ay hindi isang taong nagpaparakaida na basta na lamang nahulog mula sa langit tungo sa kasaysayan, nang hindi ipinahayag.” Oo, noon ay may katumpakang ‘ipinahayag’ ng hula ng Bibliya ang Mesiyas, anupat nagbigay sa kaniyang tapat na mga alagad ng katiyakan tungkol sa kaniyang pagdating. Mas maraming katibayan ngayon na nagpapahayag sa bagay na binigyan ng Diyos ng kapangyarihan si Jesus na mamahala bilang ang maluwalhating makalangit na “Hari ng mga hari.”—Mateo 24:3-13; 2 Timoteo 3:1-5, 13.
Tunay, “ang mabuting balitang ito ng kaharian [ng Diyos na si Kristo ang tagapamahala] ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ginagawa ito ng mga Saksi ni Jehova, na ang bilang ay mahigit nang limang milyon sa buong daigdig. Kaya tiyak na makikilala ng lahat niyaong nagnanais na makilala ang tunay na Jesus. (Juan 10:14; 1 Juan 5:20) At mahalaga ukol sa kaligtasan sa “malaking kapighatian” na malapit nang dumating sa lupa kapuwa ang pagkilala at pagsunod sa kaniya.—Apocalipsis 7:9-14; Juan 17:3; 2 Tesalonica 1:6-10.
Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa inyo na suriin ang kaakit-akit na paglalarawan ng Bibliya sa Anak ng Diyos.
[Larawan sa pahina 9]
Papalisin ni Kristo na taglay ang kapangyarihan ng Kaharian ang kabalakyutan
[Larawan sa pahina 10]
Sa ilalim ng maibiging pamamahala ni Kristo, magiging paraiso ang lupang ito