Mabilis Tumakbo, Hindi Lumilipad, at Kawili-wili—Ang Avestruz
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
SA MGA giraffe, sebra, wildebeest, at mga gasela na gumagala sa malawak na parang sa Aprika ay nakatira ang kapansin-pansing nilikha na kailanma’y dinisenyo ng Maylalang. Namamangha ang mga taong nakakakita sa kanilang laki, taas, malalakas na binti, at magaganda’t malalambot na balahibo. Umaabot sa taas na dalawa’t kalahating metro at tumitimbang ng hanggang 155 kilo, ito ang pinakamalaking ibon na nabubuhay. Sa wikang Swahili, ang mga ibong ito’y tinatawag na mbuni, subalit makikilala mo ang mga ito sa kanilang mas karaniwang pangalan, ang avestruz.
Gaya ng Kamelyong Naglalakad Nang May Pagmamalaki
Noong una, ang avestruz ay binigyan ng pangalang struthocamelus, na pinagsamang Latin at Griego, na tumutukoy sa ipinalalagay na pagkakahawig sa mga kamelyo. Tulad ng kamelyo, natitiis ng avestruz ang napakainit na temperatura at nabubuhay sa disyertong lupain. Mayroon din itong mahahaba’t makakapal na pilikmata, na nag-iingat sa malalaking mata nito mula sa alabok ng masukal na mga palumpong. Ang mga binti nito ay mahaba at matigas, at ang mga paa nito ay malakas at malaman, na may dalawang daliri lamang sa paa. Kapag nakita ang avestruz na naglalakad na para bang nagmamalaki, namamangha ang mga nagmamasid sa liksi, lakas, at iba pang tulad-kamelyong mga katangian nito.
Ang avestruz ay nanginginain ng damo na kasama ng mga hayop na may kuko, anupat kumakain ng halos lahat ng bagay na dumadausdos, umuusad, o gumagapang. Kinakain ng avestruz kapuwa ang mga hayop at pananim at hindi lamang kumakain ng mga insekto, ahas, daga, mga ugat, at karamihan ng mga gulay kundi lumulunok din ng mga kahoy, kabibe, bato, patpat, at halos anumang bagay na maliit at matingkad ang kulay.
Dahil sa laki at timbang nito, hindi ito makalipad. Subalit, ang maskuladong mga binti nito ay napakalakas anupat isa ito sa pinakamabibilis na nilalang sa lupa. Kapag tumatakbo sa disyertong lupain, ang tulin nito ay maaaring umabot ng hanggang 65 kilometro sa isang oras! “Pinagtatawanan [ng avestruz] ang kabayo at ang sakay nito,” sabi ng Bibliya. (Job 39:18) Kasuwato ng obserbasyong ito, ang napakatulin na pagtakbo ng mananakbong ito na may dalawang binti at ang tibay ng katawan nito sa malalayong distansiya ay nagpapangyari rito na napakadaling maunahan ang marami sa pinakamabibilis na maninilang hayop na may apat na paa.
Mga Kaugalian sa Paggawa ng Pugad
Sa panahon ng pagpaparami, ang lalaking avestruz ay nagtatanghal ng mapagpasikat na panliligaw. Habang nakaluhod sa harap ng babae, ibinubuka niya ang kaniyang malaking puti-at-itim na pakpak at maindayog na ikinakampay ito. Tulad ng dalawang napakalaking mga pamaypay, ang mga ito’y pumapaling sa magkabi-kabila. Namumula ang kaniyang leeg at mga binti na walang balahibo, nagiging matingkad na kulay rosas, anupat litaw na litaw ang ganda nito sa itim na itim na balahibo nito sa katawan. Habang tatawing-tawing ang leeg nito sa magkabi-kabila, ipinapadyak nito ang kaniyang paa sa lupa.
Malamang na ang magandang pagtatanghal na ito ng balahibo ay dinisenyo upang pahangain ang kulay-abong babaing avestruz. Subalit, kadalasan, habang nagpapatuloy ang lalaki sa kaniyang sayaw ng panliligaw, ang babae naman ay patuloy sa pagtuka sa lupa, hindi pinapansin at pinagwawalang-bahala ang nangyayari sa palibot niya.
Minsang napili na ang isang babae, ang lalaki ay pumipili ng dakong mapamumugaran. Kukutkot siya ng mababaw na hukay sa alabok sa malawak na kaparangan at aakayin dito ang ilan pang babaing avestruz. Pagkaraan ng dalawa o tatlong linggo, ang pugad ay may dalawang dosena o higit pang mga itlog, na ipinangitlog ng mga babaing ito.
Sa buong anim na linggo ng paglilimlim sa mga itlog, ang lalaki ang siyang uupo sa pugad sa gabi, at isang babae naman ang uupo sa araw. Sa panahong ito, ang mga itlog ay madaling salakayin at hinahanap ng gutom na mga leon, hyena, chakal, at pati ng mga buwitreng Ehipsiyo, na binabasag ang mga itlog sa pamamagitan ng pagbato sa mga balat nito.
Higanteng mga Itlog, Pagkalaki-laking mga Sisiw
Ang mga itlog ng avestruz na abuhing-puti o kulay garing ang pinakamalaki sa daigdig at maaaring tumimbang ng mga isa’t kalahating kilo ang bawat isa. Matigas at makintab ang balat nito at parang porselana. Ang bawat itlog ay katumbas ng 25 itlog ng manok, at ang mga itlog ng avestruz ay naiibigan dahil sa masustansiyang laman at malinamnam na lasa nito. Ang mga balat ng itlog na walang laman ay ginagamit kung minsan ng mga katutubo sa iláng bilang mga sisidlan, na pinupuno ang mga ito ng tubig.
Kapag ang napakalaking itlog ay mapipisa na, lumalabas dito ang isang pagkalaki-laking sisiw! Ang mga bagong pisa ay walang-kakayahang magtanggol sa sarili, subalit ang mga ito’y mabilis lumaki at isinilang na mga mananakbo. Sa loob ng isang buwan, dadalhin sila ng kanilang malalakas na binti sa bilis na umaabot ng mga 55 kilometro sa isang oras!
Ang pangangalaga sa mga sisiw ay nakasalalay sa mga magulang na ibon. Isang alamat ang nagsasabi na ibinabaon ng avestruz ang ulo nito sa buhangin kapag napaharap sa panganib. Sa kabaligtaran, ang mga magulang na ibon ay maaaring maging mabangis at mapusok kapag ipinagtatanggol ang kanilang langkay, anupat itinataboy ang mga maninila sa pamamagitan ng malalakas na sipa. Ang isa pang taktika sa depensa na ginagamit nila ay ang paggambala sa maninila sa pamamagitan ng pagkukunwaring nasugatan, sa gayo’y inaagaw ang pansin tungo sa kanila sa halip na sa mga sisiw nito. Gayunman, kapag nilapitan sila nang husto ng isang maninila, karaniwan nang tumatalikod ang mga magulang at tumatakbo upang iligtas ang kanilang buhay, anupat iniiwan ang kanilang mga sisiw upang sila-sila ang magtanggol sa kanilang mga sarili. Napatunayang totoo ang sabi ng Bibliya, sapagkat sa mga pagkakataong gaya nito “pinakikitunguhan [ng avestruz] nang walang pakundangan ang kaniyang mga anak, na para bang hindi sa kaniya.”—Job 39:16.
Makakapal na Balahibo
Sa loob ng libu-libong taon, hinangaan ng tao ang avestruz. Ipinapakita ng mga larawang inukit sa bato ang sinaunang mga haring Ehipsiyo na nangangaso ng avestruz sa pamamagitan ng mga busog at palaso. Itinuturing naman ng ilang sibilisasyon na sagrado ang avestruz. Lubhang pinahahalagahan ng mga Tsino ang magandang simetriya ng mga itlog ng avestruz at inihahandog ang mga ito bilang mahahalagang kaloob sa mga tagapamahala. Sa loob ng libu-libong taon, ang maganda’t malagong balahibo ng mga pakpak ng avestruz ay naging palamuti sa mga putong sa ulo ng mga heneral sa militar, mga hari, at mga pinunong Aprikano.
Noong ika-14 na siglo, ang mga balahibo ng avestruz ay naging lubhang mahalaga sa mahihilig-sa-uso na mga Europeo. Gayunman, hindi madali ang pangangaso ng avestruz sa pamamagitan ng mga sibat at palaso, yamang ang hayop ay may matalas na paningin at napakabilis na tumakas mula sa panganib. Noong panahong iyon, hindi nanganganib na malipol ang avestruz.
Pagkatapos, noong ika-19 na siglo, muling nauso ang mga balahibo ng avestruz. Sa pagkakataong ito, palibhasa’y nagtataglay ng modernong mga sandata, milyun-milyong avestruz ang napatay ng mga mangangaso. Ang pagpapasimula ng pag-aalaga sa mga avestruz ang malamang na siyang nagligtas sa napakalaki’t hindi lumilipad na ibon mula sa pagkalipol. Pinararami ngayon sa kulungan, ang mga avestruz ay pinaaamo at inaalagaan upang maglaan ng mga balahibo para sa moda at sa mga pamalis ng alikabok. Ang kanilang balat ay ginagawang malalambot na guwantes at mga handbag, at ang mga karne nito ay inihahain sa ilang restawran.
Sa ngayon ang kahanga-hangang avestruz ay gumagala pa rin sa mga kapatagan ng Aprika. Kahit na lubhang nabawasan ang dating tirahan nito at ito’y nalipol na sa ilang dako, patuloy pa rin itong naninirahan sa malungkot at tigang na lupain ng mga palumpong na naiibigan nito. Makikita ito roon na mabilis na tumatakbo sa ibayo ng kapatagan taglay ang malagong balahibo nito, na nagsasagawa ng mapagpasikat na mga sayaw nito sa panliligaw, o nagbabantay sa pagkalalaking mga itlog nito sa pugad. Tunay, ang mabilis tumakbo at hindi lumilipad na ibong ito ay isa pang kawili-wiling may-pakpak na nilalang na kinalulugdan at hinahangaan ng mga nakakakita rito.
[Larawan sa pahina 16]
Isang lalaking avestruz
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga avestruz ay kabilang sa pinakamatutulin na nilalang sa lupa
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang kanilang paa ay maaaring maging makapangyarihang mga sandata
[Larawan sa pahina 18]
Isang babaing avestruz