Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/22 p. 16-18
  • Pag-aani ng Produktong May mga Pakpak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aani ng Produktong May mga Pakpak
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsimula Ito sa Tsina
  • Kung Paano Pinatatakbo ang Isang Butterfly Farm
  • Isang Araw sa Buhay ng Isang Paruparo
    Gumising!—1993
  • Kagandahan sa Himpapawid
    Gumising!—1988
  • Paglitrato sa Isang Paruparo
    Gumising!—1992
  • Magagandang Paruparo sa Tropiko
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/22 p. 16-18

Pag-aani ng Produktong May mga Pakpak

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA COSTA RICA

ANG produktong ito ay may mga pakpak! Oo, tama ang nabasa mo​—ang aning ito ng magsasaka ay may mga pakpak. Siyempre pa, alam ng bawat mahusay na magsasaka na ang kaniyang pagpapagal ay umiinog sa pagkakaroon ng sagana at mahusay na produkto. Totoo rin naman iyan sa tagapag-alagang ito​—binabantayan niyang mabuti ang palihim na pagsalakay ng mga maninila na gaya ng mga insekto, gagamba, at mga ibon. Lalong bumibigat ang kaniyang trabaho kapag anihan na, yamang sinisikap niyang huwag masayang ang mahalagang produktong ito na pinagbuhusan niya ng pagod sa buong kapanahunan nito. Kung magtagumpay siya, ang kaniyang produkto​—na may pares ng pinakamagaganda at makukulay na pakpak sa daigdig​—ay masusumpungan libu-libo ang layo mula sa pinanggalingan nito. Ano ba ang pambihirang produktong ito? Oo, eksakto ang iyong hula​—mga paruparo.

Ang pag-aalaga ng paruparo ay isang napakahalagang hanapbuhay. May-kahusayang naglalaan ito ng isang nakapagpapaganda at kapaki-pakinabang na paraan upang maingatan ang sari-saring uri ng mga paruparo. Ngayon naman, naglalaro ba sa isip mo ang napakaraming katanungan? Halimbawa, ano ba talaga ang isang butterfly farm (lugar na pinag-aalagaan ng mga paruparo)? Paano ito pinatatakbo? At ano ang layunin nito? Bago natin sagutin ang mga katanungang ito, tingnan muna natin kung paano nagsimula ang pag-aalaga sa maseselan na nilikhang ito.

Nagsimula Ito sa Tsina

Sa loob ng maraming siglo, nakaugalian na ng mga Tsino na magparami ng mga gamugamo (moth) partikular na para sa industriya ng seda. Subalit kamakailan lamang lumitaw ang pangangailangan para sa mga butterfly farm. Noong dekada ng 1970, ginanap ang isang eksibit ng mga buháy na paruparo sa isla ng Guernsey, malapit sa baybayin ng Inglatera.

Ang napakahusay na ideya ng proyekto ng Guernsey ay ang makalikha ng isang tropikal na kagubatan na punô ng mga paruparo, anupat ang pagkarami-raming kulay at disenyo ang magbibigay-buhay rito. Kung gayon, kakailanganing mag-angkat ng mga paruparo na galing mismo sa tropikal na mga lugar. Pero paano ka kaya makapagluluwas ng tropikal na mga paruparo (na ang tagal ng buhay ng ilang uri ay dalawa hanggang tatlong linggo lamang) nang buháy at walang namamatay habang patungo sa isang destinasyon na libu-libong kilometro ang layo mula sa katutubong lugar nito? Kaya dito nabuo ang pangangailangan para sa komersiyal na pag-aalaga ng mga paruparo.

Kung Paano Pinatatakbo ang Isang Butterfly Farm

Makapigil-hininga talaga na ikaw mismo ang makakita sa gayong pag-aalaga. Isang kahanga-hangang tanawin na makita nang malapitan ang maraming matitingkad na kulay na mga pakpak. Dinalaw ng Gumising! ang pinakamalaking farm at tagapagluwas sa Sentral Amerika, ang Butterfly Farm, sa Costa Rica. Ang farm na ito ay hindi lamang nagluluwas ng inaning mga pupa (cocoon o chrysalis) kundi may nakapagtuturong programa rin ito para sa mga taong gustong makaalam nang higit pa tungkol sa siklo ng buhay at biyolohiya ng mga paruparo.

Pagpasok mo sa kulong na hardin para sa mga paruparo, agad mong hahangaan ang tanawin ng daan-daang paruparo na lilipad-lipad sa iyo, na nabibihisan ng matitingkad na kombinasyon ng mga kulay​—ang ilan ay pumapagaspas at sumasalimbay, ang iba naman ay magaan na nagpapalutang-lutang. Para bang walang pakialam sa iyong pagkanaroroon ang mga nilalang na ito na may matingkad at sari-saring kulay habang nagpapatuloy ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na rutin ng pagkain, pagpaparami, at pangingitlog. Paano ka nga ba hindi mapapahanga rito? Kapag nakikita mo at naaamoy ang mga halamang pinamumugaran ng paruparo​—ang katutubong ligáw na mga bulaklak at mga puno ng saging​—di-magtatagal at matatanto mo na ang mga ito’y kapuwa nagsisilbing pagkain at pugad ng mga paruparo.

Naiingatan ng kulong na kulong na hardin ang mumunting itlog mula sa mga maninila. Sa likas na tirahan, ang dami ng nabubuhay na itlog hanggang sa maging adulto ay 2 porsiyento lamang ng lahat ng naipangitlog, subalit sa protektadong mga lugar na tulad ng Butterfly Farm, tumaas ito nang hanggang 90 porsiyento.

Mahalaga ang tamang uri ng halaman para sa wastong pagpaparami at pagpapalaki ng mga paruparo. Kaya naman ang hardin ay punung-puno ng mga halamang pinamumugaran para doon ideposito ng mga babae ang mga itlog nito at upang doon manginain ang mga larva at uod. Nagiging pagkain naman ng mga adultong paruparo ang mga halaman na may nektar. Ang bawat uri ng paruparo ay nangingitlog sa iisang uri lamang ng halaman, at ang mga larva naman ay doon lamang sa halamang iyon nanginginain. Kaya naman mahalagang magkaroon ng saganang uri ng mga halamang pinamumugaran sa farm.

Ang isang babae ay makapangingitlog ng hanggang 100 o higit pa sa bawat pagkakataon. Ang mga ito’y mistulang maliliit na patak ng tubig na kasinliit ng tuldok sa dulo ng pangungusap na ito. Hindi lamang ito nangingitlog sa iisang uri ng halamang pinamumugaran kundi ang bawat uri ng paruparo ay nangingitlog sa espesipikong lugar sa halaman. Kaya madaling makita ng magsasaka ang mga itlog, inaalis ang mga ito, at itinatago. Araw-araw ay sinusuri ang mga halamang pinamumugaran kung may mga itlog, at araw-araw ay iniinspeksiyon ang mga itlog kung may lumabas na mga larva. Pagkalabas mula sa mga itlog, ang gutóm na mga larva ay nagpapakabusog sa mga balat ng itlog. Sa Butterfly Farm, ang mga ito’y inilalagay sa isang nakapasóng halamang pinamumugaran na nasa maliliit na kulungan. Napakahalaga ng paglilinis ng mga kulungan sa buong siklo ng buhay ng mga larva, yamang maaaring pagmulan ng sakit at maging sanhi ng kamatayan ang pagpapabaya rito.

Pagkatapos ng ikatlong instar nito, o ang yugto sa pagitan ng paghuhunos ng balat, wala nang gagawin ang mga larva kundi kumain. Sinasabi na kung ang isang sanggol na tao na may timbang na tatlong kilo ay magiging kasimbilis ng uod, o larva, sa pagbigat ng timbang, ang sanggol ay maaaring tumimbang nang walong tonelada pagkatapos ng dalawang linggo!

Sa ikalima at panghuling instar ay makikita ang mga larva na nakadikit sa isang sanga o sa pinakakisame ng kulungan, na nagpupumilit na maghunos ng balat nito sa napakahusay na paraan, na nasa ilalim nito ang matigas na balat, na kilala bilang pupa, o chrysalis. Ito ang panahon na kailangang maging handa at bihasa ang magsasaka.

Kailangang tipunin araw-araw ang mga pupa, yamang iyan lamang ang paraan para matiyak kung gaano na ito kagulang. Ang mga pupa​—sa pagitan ng 40 at 100 sa mga ito​—ay napakaingat na inilalagay sa kahong karton sa pagitan ng mga suson ng bulak. Ang mga magsasaka at mga tagapagluwas ay may palugit na mga sampung araw para maipadala ang mga pupa sa ahente, na siya namang magpapasa nito sa kliyente, na karaniwan nang isang butterfly house (isang lugar kung saan ineeksibit ang mga paruparo) o katulad na uri ng institusyon. Kung hindi ito maipadadala sa loob ng palugit na panahon, ang mga paruparo ay magsusulputan habang naglalakbay at mangamamatay. Kung tagumpay na mailuluwas, ang mga paruparo ay lalabas mula sa chrysalis libu-libong kilometro ang layo mula sa kanilang pinanggalingan, anupat walang kaalam-alam na nasa ibang lugar na sila. Ang Butterfly Farm ay nagpapadala ng 4,000 hanggang 6,000 pupa sa loob ng isang buwan sa mga institusyon sa palibot ng daigdig.

Mabilis na dumarami ang mga butterfly farm sa buong mundo. Mayroon na nito sa El Salvador, Estados Unidos, Kenya, Madagascar, Malaysia, Pilipinas, Taiwan, Thailand at, siyempre pa, sa Costa Rica. Gayundin, patuloy na dumarami ang mga butterfly house sa bawat taóng lumilipas, anupat posible nang mapanood ng mga tao sa maraming bahagi ng daigdig ang kamangha-manghang mga nilalang na ito.

Tiyak na ang pag-aalaga at pag-aani ng produktong may mga pakpak ay patuloy na magkakaroon ng mahalagang bahagi sa ekolohiya upang maingatan ang pambihirang mga uri ng mga paruparo. Ang hanapbuhay na ito ay makapag-aambag din sa kabatiran ng publiko hinggil sa kaselangan ng pagiging timbang ng mga yaman ng lupa.

[Mga larawan sa pahina 18]

Ginagamit ng mga magsasaka ang kulambo upang maingatan ang mga itlog at mga larva (1). Ang mga pupa, tulad ng ipinakikita rito (2), ay inilalagay sa mga kahon at ipinadadala sa buong mundo (3)

[Credit Lines]

Paruparong monarch at mga pupa sa itaas sa kaliwa: Butterfly House, Mittagong, Australia; paruparo at mga paruparong nasa mga dahon sa gitna bandang kaliwa: Courtesy of Buckfast Butterfly Farm

[Picture Credit Line sa pahina 16]

K. Schafer/Audiovise

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share