Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/8 p. 12-13
  • Mali Bang Maging Ambisyoso?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mali Bang Maging Ambisyoso?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ambisyoso ba si Abraham?
  • Isang Naiibang Pananaw sa Ranggo, Kabantugan, at Kapangyarihan
  • Umaakay sa Pagkakataas ang Kapakumbabaan
  • Iniiwasan ng Tunay na mga Kristiyano ang Ambisyon
  • Sino si Abraham?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Tinawag Siya ni Jehova na “Aking Kaibigan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • “Ang Buong Katungkulan ng Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Abraham—Isang Taong May Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/8 p. 12-13

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mali Bang Maging Ambisyoso?

“ANO naman ang masama sa kabantugan, kayamanan at kapangyarihan?” Lumitaw ang tanong na ito sa isang ulat mula sa isang relihiyosong organisasyon sa ilalim ng uluhang “Mga Suliranin sa Etika.” Tinukoy ng ulat ang mga sinabi ng Diyos kay Abraham: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan.”​—Genesis 12:2.

Bagaman binanggit nito na “hindi dapat itaguyod ang ambisyon sa ikapipinsala ng iba,” sinipi ng ulat ang isang bantog na rabbi noong unang siglo, na nagsabi: “Kung hindi ko itataguyod ang aking mga hangarin, sino ang magtataguyod nito?” at nagtapos ito sa pagsasabi: “Kung hindi natin sisikaping maabot ang ating potensiyal, walang ibang aabot nito para sa atin.” Ang ambisyon ba ay naghaharap ng suliranin sa mga nagnanais maglingkod sa Diyos? Ano ang nasasangkot sa pag-abot sa ating potensiyal? Mali bang maging ambisyoso? Ano ba ang pangmalas ng Bibliya?

Ambisyoso ba si Abraham?

Binanggit sa Bibliya na si Abraham ay isang natatanging tao na may pananampalataya. (Hebreo 11:8, 17) Hindi pinasisigla ng Diyos si Abraham na maging ambisyoso nang pangakuan Niya ito na gagawa Siya ng isang dakilang bansa mula sa kaniya at padadakilain ang kaniyang pangalan. Isinasaysay ng Diyos ang layunin niyang pagpalain ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Abraham, isang layunin na makapupong higit na mahalaga kaysa sa mga ambisyon ng tao.​—Galacia 3:14.

Sa pagtataguyod ng kaniyang debosyon sa Diyos, iniwan ni Abraham ang waring maalwan at masaganang istilo ng pamumuhay sa Ur. (Genesis 11:31) Nang maglaon, alang-alang sa kapayapaan, kusang isinuko ni Abraham ang kaniyang kapangyarihan at awtoridad nang ialok niya sa kaniyang pamangking si Lot ang pinakamainam na bahagi ng lupain upang panirahan. (Genesis 13:8, 9) Walang ulat sa Bibliya na naglalarawan kay Abraham bilang isang ambisyosong tao. Sa halip, napamahal siya sa Diyos bilang tunay na “kaibigan” dahil sa kaniyang pananampalataya, pagkamasunurin, at kapakumbabaan.​—Isaias 41:8.

Isang Naiibang Pananaw sa Ranggo, Kabantugan, at Kapangyarihan

Binibigyang-katuturan ang ambisyon bilang “masidhing paghahangad sa ranggo, kabantugan, o kapangyarihan.” Noong sinaunang panahon, si Haring Solomon ay may ranggo, katanyagan, at kapangyarihan, pati na ng malaking kayamanan. (Eclesiastes 2:3-9) Gayunman, kapansin-pansin na hindi niya masidhing hinangad ang mga ito noong una. Nang manahin ni Solomon ang trono, hinimok siya ng Diyos na humiling ng anumang bagay na nais niya. Mapagpakumbabang humiling si Solomon ng masunuring puso at ng kaunawaang kailangan niya upang mapamahalaan ang piling bayan ng Diyos. (1 Hari 3:5-9) Nang maglaon, pagkatapos ilarawan ang laki ng kayamanan at kapangyarihang natamo niya, sinabi ni Solomon na “ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 2:11.

May sinabi bang anuman si Solomon hinggil sa pag-abot ng mga tao sa kanilang potensiyal? Sa isang diwa, oo. Pagkatapos suriin ang marami niyang karanasan sa buhay, ganito ang kaniyang naging konklusyon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Naaabot ng mga tao ang kanilang potensiyal, hindi sa pamamagitan ng pagkakamit ng ranggo, kayamanan, kabantugan, o kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng pagtupad sa kalooban ng Diyos.

Umaakay sa Pagkakataas ang Kapakumbabaan

Totoo, hindi naman masama na ibigin natin sa makatuwirang antas ang ating sarili. Inuutusan tayo ng Bibliya na ibigin ang ating kapuwa kung paanong iniibig natin ang ating sarili. (Mateo 22:39) Likas lamang na maghangad tayo ng kaginhawahan at kaligayahan. Subalit pinasisigla rin ng Kasulatan ang pagpapagal, kapakumbabaan, at kahinhinan. (Kawikaan 15:33; Eclesiastes 3:13; Mikas 6:8) Ang mga taong matapat at maaasahan at nagtatrabaho nang masikap ay madalas na napapansin, nakasusumpong ng magandang trabaho, at iginagalang. Tiyak na mas mabuting sundin ang landasing ito kaysa pagsamantalahan ang iba para sa personal na pakinabang o makipagpaligsahan sa iba para sa posisyon.

Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig laban sa pagpili ng pinakatanyag na dako para sa kanilang sarili sa isang piging ng kasalan. Pinayuhan niya sila na pumunta sa pinakamababang dako at hayaang ang punong-abala ang maglagay sa kanila sa mas tanyag na dako. Malinaw na ipinahayag ni Jesus ang simulaing nasasangkot nang sabihin niya: “Ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”​—Lucas 14:7-11.

Iniiwasan ng Tunay na mga Kristiyano ang Ambisyon

Ipinakikita ng Bibliya na ang palalong ambisyon ay nauugnay sa di-kasakdalan ng tao. (Santiago 4:5, 6) Dating ambisyoso si apostol Juan. Gayon na lamang kasidhi ang paghahangad niyang magkaranggo anupat, kasama ang kaniyang kapatid, lakas-loob niyang hiniling kay Jesus ang isang napakatanyag na dako sa Kaharian. (Marcos 10:37) Nang maglaon, binago ni Juan ang kaniyang saloobin. Sa katunayan, sa kaniyang ikatlong liham, tinuligsa niya nang husto si Diotrepes, na ayon sa kaniya ay “gustong magkaroon ng unang dako.” (3 Juan 9, 10) Isinasapuso ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga salita ni Jesus at nagpapakababa, samantalang sinusunod ang halimbawa ng matanda nang si apostol Juan, na natutong umiwas sa hilig na mag-ambisyon.

Gayunman, ang totoo, hindi naman garantiya na kikilalanin na ang isang indibiduwal dahil lamang sa kaniyang mga talento, kakayahan, mabubuting gawa, at pagpapagal. Kung minsan, ginagantimpalaan sila ng mga kapuwa tao, at kung minsan naman ay hindi. (Kawikaan 22:29; Eclesiastes 10:7) May panahon na nailuluklok sa mga posisyong may awtoridad ang mga taong hindi gaanong kuwalipikado, samantalang ang mga taong mas may kakayahan ay hindi naman kinikilala. Sa di-sakdal na daigdig na ito, ang mga nagkakaroon ng ranggo at kapangyarihan ay hindi naman laging yaong pinakakuwalipikado.

Para sa tunay na mga Kristiyano, ang paksa hinggil sa ambisyon ay hindi naghaharap ng suliranin sa etika. Tinutulungan sila ng kanilang budhing sinanay sa Bibliya na iwasan ang ambisyon. Basta sinisikap nilang gawin ang kanilang buong makakaya sa lahat ng situwasyon, para sa ikaluluwalhati ng Diyos, at ipinauubaya ang kalalabasan nito sa kaniyang kamay. (1 Corinto 10:31) Sinisikap ng mga Kristiyano na abutin ang kanilang potensiyal sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pagtupad sa kaniyang mga utos.

[Larawan sa pahina 12, 13]

Pinasigla ba ng Diyos si Abraham na maging ambisyoso?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share