Pag-ibig na Mas Matindi Pa sa Bagyo!
Nang salantain ng Bagyong Katrina at Rita ang Gulf Coast ng Estados Unidos noong 2005, napakalaki ng pinsalang idinulot nito at marami ang namatay. Kasama sa mga naapektuhan ang libu-libong Saksi ni Jehova.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos, agad na kumilos ang inatasang mga komite na mangasiwa sa pagtulong sa mga naapektuhan. Sa Louisiana, nagsaayos sila ng 13 relief center, 9 na bodega, at 4 na imbakan ng gasolina at panggatong. Umabot ang kanilang tulong sa lawak na 80,000 kilometro kuwadrado. Halos 17,000 boluntaryong Saksi mula sa buong Estados Unidos at 13 iba pang lupain ang tumulong sa paggamot sa mga nasaktan at pagkukumpuni ng nasirang mga bahay at Kingdom Hall, ang dakong pinagpupulungan ng mga Saksi ni Jehova. Ipinakita nito na mas matindi ang Kristiyanong pag-ibig kaysa sa mga puwersa ng kalikasan.—1 Corinto 13:1-8.
Kinumpuni ng mga boluntaryo ang mahigit 5,600 bahay ng kanilang mga kapananampalataya at 90 Kingdom Hall. Nangangahulugan ito na naayos ang halos lahat ng nasirang gusali na pagmamay-ari ng mga Saksi ni Jehova. Bilang pagsunod sa Galacia 6:10, na nag-uudyok sa mga Kristiyano na ‘gumawa ng mabuti sa lahat,’ tinulungan din ng mga Saksi ni Jehova ang marami sa mga hindi nila kapananampalataya.
KAILANGAN ang sakripisyo para makatulong sa mga nasalanta; gayunpaman, maraming pagpapala naman ang naging kapalit nito. Isaalang-alang ang mga komento ng pitong Saksi na nangasiwa sa iba’t ibang aspekto ng gawaing ito.
‘Hindi Ko Ito Malilimutan’
Robert: Hindi ko malilimutan ang aking paglilingkod bilang isa sa mga miyembro ng komite na nangasiwa sa pagtulong sa mga naapektuhan ng sakuna. Animnapu’t pitong taóng gulang na ako, at ako ang pinakamatandang miyembro ng komite. Pinangasiwaan ko ang isang malaking grupo ng mga boluntaryo na kinabibilangan din ng mahuhusay na kabataang Saksi na aktibo sa kongregasyon. Talagang nakapagpapasiglang makasama ang mga kabataan na nagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig para kay Jehova at sa kanilang mga kapuwa Kristiyano!
Malaking tulong sa akin ang misis ko, si Veronica. Para makapagboluntaryo kami, sinuportahan niya ang pasiya ko na magbitiw sa aking trabaho, na mahigit 40 taon ko nang hanapbuhay. Sa ngayon, nagtatrabaho kami sa gabi minsan sa isang linggo bilang tagapaglinis ng mga opisina. Natutuhan naming pagkasiyahin ang kaunti naming kita at mamuhay nang simple. Dahil sa pagtatrabaho namin kasama ng mga kapananampalataya, lalo naming naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pag-una sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33) Paulit-ulit naming nakita na talagang pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan.
Frank: Naglilingkod ako bilang tagapangasiwa ng departamentong nag-aasikaso sa pagpapakain sa mga boluntaryo sa relief center sa Baton Rouge. Noong una, para mapakain ang mga boluntaryo, kinailangan naming magtrabaho nang 10 hanggang 12 oras bawat araw, pitong araw sa isang linggo. Pero marami kaming naging pagpapala, kasama na rito ang aktuwal na masaksihan kung gaano katindi ang pag-ibig ng mga Kristiyano.
Matapos makapagboluntaryo sa aming departamento sa loob ng isang linggo o higit pa, marami ang humiling na sana ay makabalik uli sila sa relief center para tumulong. Pinadalhan naman kami ng postkard at tinawagan ng ilang boluntaryo para taos-pusong magpasalamat dahil nabigyan sila ng pribilehiyong tumulong. Kami ng misis kong si Veronica ay talagang naantig sa kanilang pagsasakripisyo.
Napakamadamdamin ng Pagkukuwento Niya
Gregory: Ipinagbili namin ng asawa ko, si Kathy, ang aming bahay sa Las Vegas, Nevada, at bumili kami ng isang maliit na pickup at isang mobile home, na naging tirahan namin. Dahil pinasimple namin ang aming buhay, nagkaroon kami ng pagkakataon na makibahagi sa pagtulong sa mga nasa Louisiana nang mahigit dalawang taon. Ngayon lang talaga namin naranasan ang katotohanan ng sinasabi ng Bibliya sa Malakias 3:10: “‘Subukin ninyo ako . . . pakisuyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘[at tingnan ninyo] kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’”
Madalas na napapangiti kami kapag sinasabi ng mga tao, “Talagang napakatindi ng pagsasakripisyo n’yo!” Tatlumpung taon na ang nakararaan, gusto namin ni Kathy na maglingkod sana sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos, pero may mga anak kami. Kaya nang makatulong kami sa mga naapektuhan ng sakuna, natupad ang aming hangarin na gumawa pa nang higit sa paglilingkod sa Diyos. Isa ring pribilehiyo ang gumawang kasama ng mga kapuwa Saksi. Ang ilan sa kanila ay may mahuhusay na kasanayan. Halimbawa, ang isa sa mga tagapagluto namin ay dating kusinero sa isang kilalang restawran, at ang isa naman ay naging tagapagluto ng dalawang presidente ng Estados Unidos.
Para sa maraming boluntaryo, malaki ang naging epekto sa kanilang buhay ng pagtulong nila sa mga naapektuhan ng sakuna. Naging napakamadamdamin ng pagkukuwento ng isang 57-anyos na lalaki tungkol sa pagtulong niya sa mga biktima ng bagyo. Maging ang ilang Saksi na hindi aktuwal na nakatulong ay naging pampatibay-loob sa mga boluntaryo. Halimbawa, ipinakita sa amin ng dalawang boluntaryong nag-aalis ng amag sa mga gusali ang isang banner na ginawa at pinirmahan ng lahat—pati ng mga bata—na kabilang sa tatlong kongregasyon sa kanilang pinagmulang estado, ang Nebraska.
‘Nakita Namin Kung Paano Pinangalagaan ng Diyos ang mga Nagdurusa’
Wendell: Kinabukasan, pagkatapos manalanta ng Bagyong Katrina, inatasan ako ng sangay sa Estados Unidos na alamin kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot ng bagyo sa mga Kingdom Hall at sa mga bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Louisiana at Mississippi. Marami akong natutuhan sa atas kong ito. Kami ng misis kong si Janine ay 32 taon nang naninirahan sa lugar kung saan may malaking pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian, at kitang-kita namin doon ang pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan. Subalit ngayon, nakita namin ang pangangalaga ng Diyos sa mas maraming tao at sa mas malawak na lugar.
Nagkaroon ako ng pribilehiyo na maglingkod bilang tsirman ng komite na nangangasiwa sa pagtulong sa mga naapektuhan ng sakuna sa Baton Rouge. Bagaman hindi ito gayon kadali, masayang-masaya ako sa atas na ito. Sa katunayan, napakaraming beses naming nakita kung paano nilutas ng Diyos ang mga problema, minaniobra ang mga bagay-bagay, at pinangalagaan ang mga nagdurusa. Magagawa lamang ito ng isang maibiging Ama na Makapangyarihan-sa-lahat.
Marami ang nagtatanong, ‘Paano ninyo nagagawa ni Kathy na magpatuloy sa pagboboluntaryo upang tumulong sa mga biktima ng sakuna sa loob ng mahigit na dalawang taon?’ Hindi ito palaging madali. Marami kaming ginawang pagbabago sa aming buhay. Pero sa kabilang banda, nakita namin ang mga kapakinabangan ng pagkakaroon ng ‘simpleng mata.’—Mateo 6:22.
Noong una kaming sumama sa New Orleans sa paghahanap sa mga nakaligtas sa sakuna at pagbibigay sa kanila ng tulong, kaunti lamang ang pahinga namin. Ang mas mahirap pa rito, parang nasa ilalim ng martial law ang lunsod dahil sa dami ng sundalong itinalaga roon upang sugpuin ang kaguluhan at iba’t ibang karahasan sa mga lansangan. Napakadaling masiraan ng loob kung iisipin ang napakalaking trabahong naghihintay sa amin.
Nakilala namin ang libu-libong Saksi na lubhang naapektuhan. Nanalangin kaming kasama nila at sinikap na aliwin sila. Pagkatapos, sa tulong ni Jehova, pinasimulan namin ang aming gawain. Kung minsan, naiisip kong napakarami kong naranasan sa loob lamang ng dalawang taon ko rito.
Paulit-ulit kong nararanasan na kung kailan inaakala kong hindi ko na makakayanan ang aking atas, darating naman ang panibagong grupo ng mga boluntaryo—ang ilan ay nakakasama namin sa loob ng maraming buwan, ang iba naman ay mas mahaba pa. Talagang nakapagpapatibay na makita ang maraming masasayang boluntaryo na handang tumulong, kabilang na ang maraming kabataan.
Madalas na tamang-tama ang pagdating ng tulong mula kay Jehova. Halimbawa, noong una kaming dumating sa lugar ng sakuna, natuklasan namin na nabagsakan ng mga puno ang mahigit 1,000 bahay ng ating mga kapatid. Dahil wala kaming kagamitan o tauhan na makagagawa sa mapanganib na trabahong ito ng pag-aalis sa mga puno, idinalangin ito ng aming komite. Nang sumunod na araw, isang kapatid na may trak at may eksaktong kagamitan na kailangan namin ang nagboluntaryo. Sa iba namang pagkakataon, sinagot ang aming kahilingan 15 minuto lamang pagkatapos namin itong idalangin, at sa isa pang pagkakataon, ang ipinanalangin naming kagamitan ay paparating na sa amin bago pa kami makapagsabi ng amen! Oo, napatunayan naming si Jehova ay “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
‘Ipinagmamalaki Ko na Isa Akong Saksi ni Jehova’
Matthew: Kinabukasan, pagkatapos manalanta ng Katrina, tumulong ako upang maorganisa ang paghahatid ng 15 tonelada ng iniabuloy na pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan sa apektadong lugar. Talagang pinatunayan ng bayan ni Jehova ang kanilang pagkabukas-palad!
Upang higit kaming makatulong, kami ng misis ko na si Darline ay lumipat sa isang lugar na mga dalawang oras ang layo sa dakong nasalanta. Binigyan kami ng part-time na trabaho ng isang Saksing tagaroon upang mas malaking panahon ang magamit namin sa pagtulong sa mga biktima. Ang isa namang Saksi ay naglaan sa amin ng matutuluyang apartment. Ang pagiging bahagi ng maibiging kapatiran ay talagang nagpapakilos sa akin na pahalagahan at ipagmalaki na isa akong Saksi ni Jehova.
Ted: Di-nagtagal pagkatapos ng Bagyong Katrina, kami ng misis ko, si Debbie, ay nagboluntaryo upang tulungan ang mga naging biktima. Ilang araw ang nakalipas, may nakita akong ipinagbibiling mobile home na 9 na metro ang haba at kayang-kayang hilahin ng aming sasakyan, at ang presyo ay kalahati ng tinatayang halaga nito—tamang-tama sa aming badyet at sagot sa aming mga panalangin. Ang mobile home na ito ang naging tahanan namin sa loob ng mahigit na dalawang taon.
Nang huminto kami sandali sa aming pagboboluntaryo, ipinagbili namin ang aming bahay at ang karamihan sa aming mga ari-arian. Dahil dito, higit kaming nakapagboluntaryo sa New Orleans, kung saan naglingkod ako bilang project coordinator. Ang isa sa hindi namin malilimutan ay ang makita kung paanong si Jehova ang naging “Diyos ng buong kaaliwan” para sa kaniyang mga mananamba. Dahil sa kanilang paglikas, marami ang nawalan hindi lamang ng bahay at Kingdom Hall, kundi ng mga kongregasyon at maging ng teritoryo kung saan sila nangangaral ng mabuting balita.—2 Corinto 1:3.
‘Naantig ang Puso Namin sa Kanilang Pananampalataya’
Justin: Noong Oktubre 2005, nagkaroon ng panawagan para sa mga nagnanais magboluntaryo upang tumulong sa mga naapektuhan ng sakuna sa Gulf Coast. Kami ng misis ko, si Tiffany, ay agad na nagsumite ng aming aplikasyon, at noong Pebrero 2006, inanyayahan kaming tumulong sa relief center sa Kenner, malapit sa New Orleans. Inatasan kaming magtrabaho kasama ng grupo na nag-aayos ng mga bubong ng bahay.
Sa bawat araw, habang ginagawa namin ang isang bahay, nakikilala namin ang mga Saksing tagaroon. Laging naaantig ang aming puso sa kanilang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Araw-araw kaming nakukumbinsi na talagang isang kamangmangan ang magtiwala sa materyal na mga bagay. Hindi namin mailarawan kung gaano kalaki ang aming kagalakan na tumulong sa mga kapuwa Kristiyano at makita kung paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Karaniwang Araw sa Isang Relief Center
Nagsisimulang magtrabaho ang mga tagapagluto sa relief center nang mga 4:30 n.u. Sa ganap na 7:00 n.u., nagtitipon ang lahat ng mga boluntaryo upang talakayin sa loob ng sampung minuto ang isang teksto sa Bibliya bago mag-almusal. Sa panahong ito, binabati rin ng tsirman ang mga bagong dating na boluntaryo at naglalahad siya ng nakapagpapatibay na karanasan na nangyari kamakailan.
Pagkatapos ng panalangin ng pasasalamat, ang lahat ay kumakain ng nakapagpapalusog na almusal at pagkaraa’y nagpupunta na sa kanilang mga atas. Ang ilan ay naiiwan sa relief center, marahil para tumulong sa paglalaba, pagluluto, o pag-aasikaso ng iba pang mga bagay. Inihahanda ng mga tagapagluto ang mga tanghaliang kukunin ng kinatawan ng bawat pangkat ng boluntaryo na nasa lugar ng sakuna.
Tuwing Lunes ng gabi, nagtitipon ang grupo upang mag-aral ng Bibliya gamit ang isang artikulo sa magasing Bantayan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ang gayong mga pag-aaral ay nakatutulong sa lahat na manatiling malakas sa espirituwal—ang sekreto upang makapagbata, manatiling masaya, at magkaroon ng tamang pananaw sa atas ng bawat isa.—Mateo 4:4; 5:3.
[Kahon sa pahina 19]
“Nagkamali Ako ng Impresyon sa Inyo”
Isang babae sa New Orleans ang may karatula sa kaniyang pintuan na nagsasabi: “Bawal Dito ang mga Saksi ni Jehova.” Isang araw, dumating ang isang pangkat ng mga boluntaryo upang kumpunihin ang isang bahay na napinsala ng bagyo sa tapat ng bahay niya. Araw-araw, napapansin niya na magiliw at palakaibigan ang mga nagtatrabaho. Di-nagtagal, naintriga siya rito at nag-usisa. Nang malaman niyang mga Saksi ni Jehova pala ang mga boluntaryo, sinabi niya na hindi man lamang siya tinawagan ng kahit isang karelihiyon niya mula noong maganap ang bagyo. “Nagkamali ako ng impresyon sa inyo,” ang sabi niya. Ano ang naging resulta? Inalis niya ang karatula sa kaniyang pintuan, at inanyayahan ang mga Saksi na dumalaw sa kaniyang tahanan.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sina Robert at Veronica
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sina Frank at Veronica
[Larawan sa pahina 17]
Sina Gregory at Kathy
[Larawan sa pahina 17]
Sina Wendell at Janine
[Larawan sa pahina 18]
Sina Matthew at Darline
[Larawan sa pahina 18]
Sina Ted at Debbie
[Larawan sa pahina 18]
Sina Justin at Tiffany