Pagmamasid sa Daigdig
“Makatutulong ang mga cellphone para makaiwas sa iba kapag ayaw makipag-usap ng isa—13% ng mga may cellphone ang nagkukunwaring gumagamit nito para makaiwas sa pakikipag-usap sa mga tao sa paligid nila.”—PEW RESEARCH CENTER, E.U.A.
Sa nakaraang limang tag-araw, naitala ang limang pinakamababang rekord ng lawak ng yelo sa karagatan sa Artiko.—BBC NEWS, BRITAIN.
“Mga 47% ng lupang puwedeng tamnan sa Aprika ang hindi pa nasasaka.”—THE WITNESS, TIMOG APRIKA.
“Sa nakaraang 10 taon, 10 bansa (Netherlands, Belgium, Canada, Spain, Timog Aprika, Norway, Sweden, Portugal, Iceland, at Argentina) ang pumayag na gawing legal ang pag-aasawa ng mga magkasekso.”—FAMILY RELATIONS, E.U.A.
Namamalaging Epekto ng “Kaguluhan”
Ayon sa isang surbey sa Hilagang Ireland, nakikita pa rin ngayon ang epekto ng alitan noon sa relihiyon at pulitika. Ang “Kaguluhan” ay tumagal nang halos tatlong dekada anupat dalawang katlo ng populasyon ang dumanas ng nakakatraumang sitwasyon. Natuklasan ng Bamford Centre for Mental Health and Wellbeing ng University of Ulster na halos 1 sa bawat 10 katao sa Hilagang Ireland ang nakaranas ng post-traumatic stress disorder—“isa sa pinakamataas na bilang” sa buong mundo, ang sabi ng The Irish Times. “Kung ikukumpara sa kabuuang populasyon ang bilang ng mga naapektuhan,” ang sabi pa ng diyaryong iyon, “ang Kaguluhan ay isa sa pinakamatinding labanan sa daigdig, anupat naging sanhi ng kamatayan ng 1 sa bawat 500 katao.”
Abnormal na Lagay ng Panahon, “Normal Na Lang”
Ang Estados Unidos ay lalong nakararanas ng kakaibang lagay ng panahon. Ang dating itinuturing na abnormal—matitinding baha, nakamamatay na tagtuyot, at malalakas na snowstorm—ay “normal na lang.” Sa isang komperensiyang isinaayos ng Union of Concerned Scientists, si Katharine Hayhoe, isang eksperto sa klima sa Texas Tech University, ay nagsabi sa mga kasamahan niya: “Sanay na tayo sa ilang partikular na lagay ng panahon pero napakaraming nangyayari sa kasalukuyan na ngayon lang natin nararanasan.” Naniniwala si Hayhoe at ang iba pang mga eksperto na ang ginagawa ng tao ang siyang sanhi ng pagbabago ng klima at ng di-normal na lagay ng panahon sa daigdig.