Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es25 p. 37-46
  • Abril

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abril
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
  • Subtitulo
  • Martes, Abril 1
  • Miyerkules, Abril 2
  • Huwebes, Abril 3
  • Biyernes, Abril 4
  • Sabado, Abril 5
  • Linggo, Abril 6
  • Lunes, Abril 7
  • Martes, Abril 8
  • Miyerkules, Abril 9
  • Huwebes, Abril 10
  • Biyernes, Abril 11
  • ARAW NG MEMORYAL
    Pagkalubog ng Araw
    Sabado, Abril 12
  • Linggo, Abril 13
  • Lunes, Abril 14
  • Martes, Abril 15
  • Miyerkules, Abril 16
  • Huwebes, Abril 17
  • Biyernes, Abril 18
  • Sabado, Abril 19
  • Linggo, Abril 20
  • Lunes, Abril 21
  • Martes, Abril 22
  • Miyerkules, Abril 23
  • Huwebes, Abril 24
  • Biyernes, Abril 25
  • Sabado, Abril 26
  • Linggo, Abril 27
  • Lunes, Abril 28
  • Martes, Abril 29
  • Miyerkules, Abril 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
es25 p. 37-46

Abril

Martes, Abril 1

Ano itong ginawa mo sa akin? . . . Bakit mo ako niloko?​—Gen. 29:25.

Noong panahon ng Bibliya, nagkaroon ng di-inaasahang mga problema ang mga lingkod ni Jehova. Isa na diyan si Jacob. Inutusan siya ng tatay niya na kumuha ng asawa mula sa mga anak ni Laban, isang kamag-anak nila na mananamba rin ni Jehova. Tiniyak sa kaniya ng tatay niya na pagpapalain siya ni Jehova. (Gen. 28:​1-4) Sumunod si Jacob, at iniwan niya ang Canaan at naglakbay papunta sa bahay ni Laban, na may dalawang anak na babae—sina Lea at Raquel. Minahal ni Jacob si Raquel, ang mas batang anak ni Laban. Kaya pumayag siyang maglingkod nang pitong taon kay Laban bago mapangasawa si Raquel. (Gen. 29:18) Pero hindi tumupad si Laban sa usapan, at niloko niya si Jacob. Imbes na si Raquel, si Lea ang ibinigay niya para mapangasawa nito. Pumayag din naman si Laban na maging asawa ni Jacob si Raquel. Pero papalipasin ni Jacob ang isang linggo at kailangan niya ulit maglingkod nang pitong taon. (Gen. 29:​26, 27) Dinaya rin ni Laban si Jacob sa negosyo. Dalawampung taon niyang niloko si Jacob!—Gen. 31:​41, 42. w23.04 15 ¶5

Miyerkules, Abril 2

Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo.​—Awit 62:8.

Sino ang puwede nating lapitan kapag kailangan natin ng tulong at pampatibay? Siyempre, ang Diyos na Jehova. Puwede tayong manalangin sa kaniya, at iyon mismo ang gusto niyang gawin natin. Sinasabi sa Bibliya: “Lagi kayong manalangin.” (1 Tes. 5:17) Malaya tayong makakapanalangin kay Jehova para humingi ng tulong sa kahit anong bagay. (Kaw. 3:​5, 6) Dahil madali siyang lapitan, puwede tayong manalangin sa kaniya kahit ilang beses. Alam ni Jesus na napakahalaga kay Jehova ng panalangin. Bago pa siya bumaba sa lupa, nakita na niya na sinasagot ng kaniyang Ama ang panalangin ng mga tapat, gaya nina Hana, David, Elias, at iba pa. (1 Sam. 1:​10, 11, 20; 1 Hari 19:​4-6; Awit 32:5) Kaya naman, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na laging manalangin at magtiwala na sasagutin sila ng Diyos.​—Mat. 7:​7-11. w23.05 2 ¶1, 3

Huwebes, Abril 3

Ang panginginig sa harap ng mga tao ay isang bitag, pero ang nagtitiwala kay Jehova ay poprotektahan.​—Kaw. 29:25.

May takot kay Jehova ang mataas na saserdoteng si Jehoiada. Ipinakita niya iyan nang agawin ng anak ni Jezebel na si Athalia ang pamamahala sa Juda. Malupit siya at sakim sa kapangyarihan. Pinatay niya ang lahat ng anak ng hari, na sarili niyang mga apo! (2 Cro. 22:​10, 11) Pero may isang batang hindi napatay—si Jehoas. Iniligtas siya ni Jehosabet, na asawa ni Jehoiada. Itinago ng mag-asawa ang bata at inalagaan ito. Dahil doon, nakatulong sila para magkaroon pa rin ng hari mula sa angkan ni David. Tapat si Jehoiada kay Jehova, at hindi siya natakot kay Athalia. Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, pinatunayan ulit ni Jehoiada na tapat siya kay Jehova. May ginawa siyang plano. Kung magtatagumpay iyon, magiging hari si Jehoas, ang legal na tagapagmana ni David. Pero kung hindi, siguradong papatayin si Jehoiada. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay ang plano niya. w23.06 17 ¶12-13

Biyernes, Abril 4

[Malalaman] mong ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.​—Dan. 4:25.

Puwedeng isipin ni Haring Nabucodonosor na nagrerebelde sa kaniya si Daniel, at puwede niya itong ipapatay. Pero nagpakita ng lakas ng loob si Daniel at ipinaliwanag pa rin ang panaginip. Ano ang posibleng nakatulong kay Daniel na magkaroon ng lakas ng loob sa buong buhay niya? Noong bata pa si Daniel, siguradong natuto siya sa magandang halimbawa ng mga magulang niya. (Deut. 6:​6-9) Alam ni Daniel, hindi lang ang Sampung Utos, kundi pati na ang maraming detalye sa Kautusan, gaya ng kung ano ang puwede at hindi puwedeng kainin ng mga Israelita. (Lev. 11:​4-8; Dan. 1:​8, 11-13) Alam din ni Daniel ang kasaysayan ng mga lingkod ng Diyos at ang mga nangyari sa kanila nang suwayin nila si Jehova. (Dan. 9:​10, 11) Dahil sa mga karanasan ni Daniel, lalo siyang nagtiwala na anuman ang mangyari, tutulungan siya ni Jehova at ng makapangyarihang mga anghel.​—Dan. 2:​19-24; 10:​12, 18, 19. w23.08 3 ¶5-6

Sabado, Abril 5

Ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.​—Kaw. 11:2.

Si Rebeka ay marunong at marami siyang nagawang mahuhusay na desisyon; alam niya kung kailan at kung paano kikilos. (Gen. 24:58; 27:​5-17) Pero magalang pa rin siya at mapagpasakop. (Gen. 24:​17, 18, 65) Kung magiging mapagpakumbaba ka at susuportahan mo ang mga kaayusan ni Jehova gaya ni Rebeka, magiging magandang halimbawa ka sa pamilya mo at sa kongregasyon. Kasama din sa pagiging mapagpakumbaba ang pagtanggap sa mga limitasyon natin. Tapat si Esther, at alam niya ang limitasyon niya. Dahil diyan, hindi siya naging mapagmataas kahit nang maging reyna siya. Nakinig siya at sumunod sa payo ng nakakatanda niyang pinsan na si Mardokeo. (Es. 2:​10, 20, 22) Gaya ni Esther, maipapakita mong mapagpakumbaba ka kung hihingi ka ng payo at susundin ito. (Tito 2:​3-5) Ipinakita rin iyan ni Esther. “Maganda [siya] at kaakit-akit,” pero ayaw niyang sa kaniya mapunta ang atensiyon ng iba.​—Es. 2:​7, 15. w23.12 19-20 ¶6-8

Linggo, Abril 6

Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.​—1 Juan 3:20.

Hindi tayo dapat mapabigatan ng sobrang pagkakonsensiya. Kapag ipinagtapat na natin ang kasalanan natin, nagsisi na tayo, at gumagawa na tayo ng paraan para hindi na maulit iyon, makakapagtiwala tayo na pinatawad na tayo ni Jehova. (Gawa 3:19) Kung nagawa na natin ang mga hakbang na iyon, ayaw ni Jehova na makonsensiya pa rin tayo. Alam niya na makakasamâ sa atin iyon. (Awit 31:10) Kapag sobra na tayong nabibigatan dahil sa kalungkutan, baka sumuko na tayo sa takbuhan para sa buhay. (2 Cor. 2:7) Kung sobra kang nakokonsensiya, magpokus sa “tunay na kapatawaran” na ibinibigay ng Diyos. (Awit 130:4) Kapag pinatawad na niya ang mga taos-pusong nagsisisi, nangangako siya: “Hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.” (Jer. 31:34) Ibig sabihin, kapag pinatawad ka na ni Jehova, kakalimutan na niya ang kasalanan mo. Huwag mong patuloy na sisihin ang sarili mo dahil sa mga naiwala mong pribilehiyo. Kinalimutan na ni Jehova ang mga kasalanan mo, kaya dapat, kalimutan mo na rin iyon. w23.08 30 ¶14-15

Lunes, Abril 7

Maging matatag kayo, di-natitinag.​—1 Cor. 15:58.

Sa panahon ng COVID-19 pandemic, maraming kapatid ang nakaiwas sa di-kinakailangang pag-aalala dahil sa pagsunod sa tagubilin ng organisasyon na mag-ingat sa maling impormasyon. (Mat. 24:45) Dapat na manatili tayong nakapokus sa “mas mahahalagang bagay.” (Fil. 1:​9, 10) Dahil sa mga panggambala, puwedeng masayang ang oras at lakas natin. Puwedeng maging panggambala kahit ang mga bagay na karaniwan nating ginagawa kung ito ang magiging pokus natin. Kasama sa mga ito ang pagkain, pag-inom, paglilibang, at pagtatrabaho. (Luc. 21:​34, 35) Araw-araw ding may balita tungkol sa isyu sa politika at lipunan. Pero hindi tayo nagpapagambala sa mga ito, kasi ayaw nating may panigan tayo kahit sa puso at isip natin. Gumagamit si Satanas ng iba’t ibang paraan para pahinain ang determinasyon natin na gawin ang tama. w23.07 16-17 ¶12-13

Martes, Abril 8

Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.​—Luc. 22:19.

Para sa mga lingkod ni Jehova, ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ang pinakamahalagang araw ng taon. Ito lang ang okasyon na iniutos ni Jesus na alalahanin ng mga tagasunod niya. (Luc. 22:​19, 20) Ipinapaalala nito kung paano natin maipapakita ang pagpapahalaga natin sa sakripisyo ni Jesus. (2 Cor. 5:​14, 15) May pagkakataon din tayong “makapagpatibayan” sa mga kapatid. (Roma 1:12) Marami ang nagpapa-Bible study dahil sa mga nakita at narinig nila. Isipin din kung paano pinagkakaisa ng Memoryal ang mga kapatid sa buong mundo. Kaya talagang espesyal ang Memoryal para sa atin! w24.01 8 ¶1-3

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Lucas 19:​29-44

Miyerkules, Abril 9

Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16.

Habang mas pinag-iisipan natin ang mga isinakripisyo ni Jehova at ni Jesus, mas maiintindihan natin kung gaano nila kamahal ang bawat isa sa atin. (Gal. 2:20) Ang pantubos ay ibinigay dahil sa pag-ibig. Pinatunayan ni Jehova na mahal niya tayo nang isakripisyo niya ang pinakamamahal niyang Anak na si Jesus at hayaan siyang magdusa at mamatay para sa atin. Hindi lang basta nararamdaman ni Jehova ang pag-ibig niya para sa atin—sinasabi niya rin ito sa atin. (Jer. 31:3) Inilapit niya tayo sa sarili niya dahil mahal niya tayo. (Ihambing ang Deuteronomio 7:​7, 8.) Walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig niya. (Roma 8:​38, 39) Ano ang epekto sa iyo ng pag-ibig ng Diyos? w24.01 28 ¶10-11

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Lucas 19:​45-48; Mateo 21:​18, 19; 21:​12, 13

Huwebes, Abril 10

Nagbigay siya ng pag-asa para ang lahat ng nilalang ay mapalaya.​—Roma 8:​20, 21.

Mahalaga sa mga pinahirang Kristiyano ang pag-asa nila sa langit. Isang halimbawa diyan si Brother Frederick Franz. Sinabi niya noong 1991: “Ang ating pag-asa ay isang katiyakan, at iyon ay lubusang matutupad hanggang sa kahuli-hulihang miyembro ng 144,000 na bumubuo ng munting kawan sa antas na hindi man lamang natin maguguniguni.” Sinabi rin niya: “[Tayo] ay hindi nawawalan ng ating pagpapahalaga sa pag-asang iyan. . . . Lalo pa nating pinahahalagahan iyan habang tumatagal ang ating paghihintay. Iyan ay isang bagay na karapat-dapat hintayin . . . Aking pinahahalagahan ang ating pag-asa nang higit kailanman.” Ang pag-asa man natin ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa lupa, may dahilan tayo para maging masaya. At puwede pang maging mas totoo sa atin ang pag-asa natin. w23.12 9 ¶6; 10 ¶8

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Lucas 20:​1-47

Biyernes, Abril 11

Hindi maaalis ng dugo ng mga toro at mga kambing ang mga kasalanan.​—Heb. 10:4.

Sa labas ng pasukan ng sinaunang tabernakulo, makikita ang tansong altar. Doon naghahandog ng mga hayop para kay Jehova. (Ex. 27:​1, 2; 40:29) Pero ang mga inihahandog doon ay hindi makakapagbigay ng lubos na kapatawaran sa mga kasalanan ng bayan. (Heb. 10:​1-3) Ang regular na paghahandog ng mga hayop sa tabernakulo ay lumalarawan sa iisang handog na lubusang tutubos sa mga tao. Alam ni Jesus na isinugo siya ni Jehova sa lupa para ibigay ang buhay niya bilang pantubos. (Mat. 20:28) Kaya nang bautismuhan si Jesus, iniharap niya ang sarili niya para gawin ang kagustuhan ni Jehova. (Juan 6:38; Gal. 1:4) Inihandog ni Jesus ang buhay niya “nang minsanan” para tubusin, o lubusang takpan, ang mga kasalanan ng lahat ng nananampalataya sa kaniya.​—Heb. 10:​5-7, 10. w23.10 26 ¶10-11

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Lucas 22:​1-6; Marcos 14:​1, 2, 10, 11

ARAW NG MEMORYAL
Pagkalubog ng Araw
Sabado, Abril 12

Ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.​—Roma 6:23.

Hinding-hindi natin matutubos ang sarili natin mula sa kasalanan at kamatayan. (Awit 49:​7, 8) Kaya para mailigtas tayo, ibinigay ni Jehova ang buhay ng pinakamamahal niyang Anak. Napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Kapag lagi nating pinag-iisipan ang isinakripisyo nila para sa atin, mas mapapahalagahan natin ang pantubos. Nang magkasala si Adan, naiwala niya ang pag-asa niya at ng mga anak niya na mabuhay magpakailanman. Para mabawi ang naiwala ni Adan, ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya. Noong nasa lupa si Jesus, “hindi siya nagkasala, at hindi rin siya nagsalita nang may panlilinlang.” (1 Ped. 2:22) Nang mamatay si Jesus, ang perpektong buhay niya ay katumbas ng buhay na naiwala ni Adan.​—1 Cor. 15:45; 1 Tim. 2:6. w24.01 10 ¶5-6

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Lucas 22:​7-13; Marcos 14:​12-16 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Lucas 22:​14-65

Linggo, Abril 13

Pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi ang sarili niyang dugo, at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan.​—Heb. 9:12.

Matapos buhaying muli si Jesus, pumasok siya sa Kabanal-banalan ng espirituwal na templo. Malinaw na nakakahigit ang kaayusan ni Jehova sa dalisay na pagsamba na salig sa haing pantubos at pagkasaserdote ni Jesu-Kristo. Pumapasok ang mataas na saserdote ng Israel sa gawang-taong Kabanal-banalan na may dalang dugo ng mga hayop bilang handog. Pero si Jesus, pumasok siya sa pinakabanal sa lahat ng lugar, “sa langit mismo.” Doon, iniharap niya kay Jehova ang halaga ng perpektong buhay niya alang-alang sa atin, “para alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili niya.” (Heb. 9:​24-26) Sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, masasamba nating lahat si Jehova sa espirituwal na templo niya. w23.10 28 ¶13-14

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Lucas 22:​66-71

Lunes, Abril 14

Kaya lumapit tayo sa trono ng walang-kapantay na kabaitan at malayang magsalita.​—Heb. 4:16.

Isipin ang papel ni Jesus sa langit bilang ating Hari at maunawaing Mataas na Saserdote. Sa pamamagitan niya, puwede tayong manalangin at lumapit sa “trono ng walang-kapantay na kabaitan” ng Diyos para tumanggap tayo ng awa at tulong “sa tamang panahon.” (Heb. 4:​14, 15) Araw-araw, lagi sana nating isipin ang ginawa at ginagawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Dahil sa pag-ibig nila sa atin, dapat tayong mapakilos na maging masigasig sa paglilingkod. (2 Cor. 5:​14, 15) Ang isa sa pinakamagandang paraan ay ang pagtulong sa iba na maging Saksi ni Jehova at alagad ni Jesus. (Mat. 28:​19, 20) Ganiyan ang ginawa ni apostol Pablo. Alam niya na gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Tim. 2:​3, 4. w23.10 22-23 ¶13-14

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:​62-66

Martes, Abril 15

Mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.​—Apoc. 21:4.

Ginagamit ng marami sa atin ang tekstong iyan kapag ipinapangaral natin sa mga tao ang tungkol sa magiging buhay sa Paraiso. Paano natin makukumbinsi ang iba na matutupad ang mga pagpapala na nasa Apocalipsis 21:​3, 4? At paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa pangako niya? Nagbigay si Jehova ng nakakakumbinsing mga dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin niya ang pangakong ito. Makikita sa sumusunod na teksto kung bakit tayo makakapagtiwala sa pangako ni Jehova tungkol sa Paraiso. Mababasa natin: “Sinabi ng nakaupo sa trono: ‘Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Sinabi rin niya: ‘Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ At sinabi niya sa akin: ‘Naganap na ang mga iyon! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas.’”—Apoc. 21:​5, 6a. w23.11 3 ¶3-5

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Lucas 24:​1-12

Miyerkules, Abril 16

Patuloy mong himukin ang mga nakababatang lalaki na magkaroon ng matinong pag-iisip.​—Tito 2:6.

Maipapakita ng isang kabataang brother ang kakayahang mag-isip kung maayos ang pananamit at hitsura niya. Kadalasan na, ang mga style ngayon ay dinidisenyo at pinapauso ng mga taong walang paggalang kay Jehova at namumuhay nang imoral. Kaya ang pananamit nila ay hapit na hapit o pinagmumukha nilang babae ang mga lalaki. Kapag pumipili ng damit ang isang kabataang brother na sumusulong na sa pagiging maygulang, iniisip niya ang mga prinsipyo sa Bibliya at ang magagandang halimbawa sa kongregasyon. Puwede niyang itanong sa sarili: ‘Ipinapakita ba ng damit na ito na may matino akong pag-iisip at na nirerespeto ko ang iba? Kung isusuot ko ito, ituturing ba nila ako na lingkod ng Diyos?’ (1 Cor. 10:​31-33) Kung may kakayahang mag-isip ang isang kabataang brother, makukuha niya ang respeto ng mga kapatid at ni Jehova mismo. w23.12 26 ¶7

Huwebes, Abril 17

Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod ko.​—Juan 18:36.

Noon, direktang pinag-usig ng “hari ng timog” ang mga lingkod ni Jehova. (Dan. 11:40) Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II, may mga kapatid na ikinulong at may mga anak ng Saksi na pinatalsik sa paaralan dahil sa pagiging neutral. Pero nitong mga nakaraang dekada, ibang klase naman ng mga pagsubok ang napaharap sa mga lingkod ni Jehova doon. Halimbawa, kapag may eleksiyon, baka matukso ang isang kapatid na suportahan ang isang politikal na partido o kandidato. Baka hindi naman siya bumoto; pero sa isip at puso niya, may pinapanigan siya. Kaya napakahalaga na manatili tayong neutral sa politika, hindi lang sa gawa, kundi pati sa isip at puso natin.​—Juan 15:​18, 19. w23.08 12 ¶17

Biyernes, Abril 18

Purihin nawa si Jehova, na nagdadala ng pasan natin araw-araw.​—Awit 68:19.

Sa takbuhan para sa buhay, ‘tumakbo tayo sa paraang makukuha natin ang gantimpala.’ (1 Cor. 9:24) Sinabi ni Jesus na puwede tayong mapabigatan ng “sobrang pagkain, sobrang pag-inom, at mga álalahanín sa buhay.” (Luc. 21:34) Makakatulong sa iyo ang mga tekstong gaya nito para makita ang mga kailangan mong baguhin habang tumatakbo ka sa takbuhan para sa buhay. Makakasigurado tayong matatapos natin ang takbuhan para sa buhay kasi bibigyan tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin. (Isa. 40:​29-31) Kaya huwag nating bagalan ang takbo! Tularan natin si apostol Pablo, na ginawa ang buong makakaya niya para makuha ang gantimpala. (Fil. 3:​13, 14) Hindi puwedeng iba ang tumakbo para sa iyo. Pero sa tulong ni Jehova, matatapos mo ang takbuhan. Tutulungan ka niya na dalhin ang mga pasan mo at alisin ang mga di-kinakailangang pabigat. Dahil kasama mo si Jehova, makakatakbo ka nang may pagtitiis at makukuha mo ang gantimpala! w23.08 31 ¶16-17

Sabado, Abril 19

Parangalan mo ang iyong ama at ina.​—Ex. 20:12.

Noong 12 taóng gulang siya, hindi napansin ng mga magulang ni Jesus na naiwan nila siya sa Jerusalem. (Luc. 2:​46-52) Dapat sana, tiniyak nina Jose at Maria na kasama nila ang lahat ng anak nila noong pauwi na sila galing sa kapistahan. Pero nang makita na nila si Jesus, sinisi siya ni Maria! Puwede sanang sabihin ni Jesus na hindi siya ang dapat sisihin. Pero simple at magalang siyang sumagot. ‘Hindi naintindihan’ nina Jose at Maria ang sinabi niya. Pero “patuloy siyang naging masunurin sa kanila.” Mga kabataan, nahihirapan ba kayong sundin ang mga magulang ninyo kapag nagkakamali sila o hindi nila kayo naiintindihan? Ano ang makakatulong sa inyo? Isipin ang mararamdaman ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na kapag sinusunod ninyo ang mga magulang ninyo, “talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon.” (Col. 3:20) Alam ni Jehova na may mga pagkakataong hindi kayo naiintindihan ng mga magulang ninyo o mahirap sundin ang mga utos nila. Pero kung susunod pa rin kayo sa kanila, mapapasaya ninyo si Jehova. w23.10 7 ¶5-6

Linggo, Abril 20

Maging makatuwiran at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.​—Tito 3:2.

Baka sabihin ng isang kaeskuwela na dapat baguhin ng mga Saksi ni Jehova ang tingin nila sa homoseksuwalidad. Baka mapanatag siya kung sasabihin natin na iginagalang natin ang karapatan ng bawat isa na magdesisyon para sa sarili niya. (1 Ped. 2:17) Pagkatapos, baka puwede na nating ipaliwanag sa kaniya na nakakabuti sa atin ang mga pamantayang moral ng Bibliya. Kapag iginigiit ng kausap natin ang opinyon niya, huwag agad isipin na alam na natin ang pinapaniwalaan niya. Halimbawa, paano kung sabihin ng kaeskuwela mo na walang basehan na maniwalang may Diyos? Iisipin mo ba agad na naniniwala siya sa ebolusyon at na marami siyang alam tungkol dito? Ang totoo, baka sinasabi lang niya ang narinig niya sa iba. Halimbawa, puwede mong ipakita sa kaniya ang mga artikulo at video tungkol sa paglalang na nasa jw.org. Baka maging interesado siyang pag-usapan ang mga iyon sa susunod. Kung sasagutin natin siya nang may paggalang, baka makapag-isip-isip siya. w23.09 17 ¶12-13

Lunes, Abril 21

Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.​—Awit 86:5.

Makakapagtiwala tayo na gagamitin at pagpapalain tayo ni Jehova kahit nakagawa tayo ng mga pagkakamali. Ang mahalaga, ginagawa natin ang lahat para itama ang mga iyon at patuloy tayong umaasa sa kaniya. (Kaw. 28:13) Hindi perpekto si Samson. Pero hindi siya tumigil sa paglilingkod kay Jehova kahit na nagkamali siya sa desisyon niya tungkol kay Delaila. Dahil diyan, ginamit ulit siya ni Jehova. Itinuring pa rin siya ni Jehova na lalaking may malaking pananampalataya at isinama sa listahan ng mga tapat na makikita sa Hebreo kabanata 11. Talagang nakakapagpatibay na mapagmahal ang Ama natin sa langit at gustong-gusto niya tayong palakasin, lalo na kapag may mga problema tayo at kailangan natin ng tulong! Kaya gaya ni Samson, makiusap din tayo kay Jehova: “Pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako.”​—Huk. 16:28. w23.09 7 ¶18-19

Martes, Abril 22

[Isaisip ninyo] ang pagdating ng araw ni Jehova.​—2 Ped. 3:12.

Dahil alam nating malapit nang dumating ang araw ni Jehova, gusto nating gawin ang lahat para maipangaral sa iba ang mabuting balita. Pero minsan, baka mawalan tayo ng lakas ng loob na gawin iyon. Bakit? Baka kasi madala tayo ng takot sa tao. Nangyari iyan kay Pedro. Noong gabing nilitis si Jesus, natakot si Pedro na umaming alagad siya ni Jesus at ilang beses niyang itinanggi na kilala niya si Jesus. (Mat. 26:​69-75) Pero nadaig ni Pedro ang takot na iyon, at sinabi niya nang bandang huli: “Huwag kayong matakot sa kinatatakutan nila at huwag kayong maligalig.” (1 Ped. 3:14) Tinitiyak sa atin ng sinabing iyan ni Pedro na puwede nating madaig ang pagkatakot sa tao. Ano ang tutulong sa atin na huwag matakot sa tao? Sinabi ni Pedro: “Pabanalin ninyo ang Kristo bilang Panginoon sa mga puso ninyo.” (1 Ped. 3:15) Lagi nating isipin ang awtoridad at kapangyarihan ng Panginoon at Hari natin, si Kristo Jesus. w23.09 27-28 ¶6-8

Miyerkules, Abril 23

Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan.​—Efe. 5:3.

Dapat nating patuloy na iwasan ang mga “walang-kabuluhang gawain . . . na nauugnay sa kadiliman.” (Efe. 5:11) Pinapatunayan ng karanasan na kapag laging tinitingnan, pinapakinggan, o pinag-uusapan ng mga tao ang marumi at imoral na mga bagay, mas madali silang nahuhulog sa tukso. (Gen. 3:6; Sant. 1:​14, 15) Dinadaya tayo ng sanlibutan ni Satanas para isipin natin na hindi naman masama ang mga bagay na itinuturing ni Jehova na imoral at marumi. (2 Ped. 2:19) Matagal nang ginagamit ng Diyablo ang taktikang iyan para malito ang mga tao kung ano ang tama at mali. (Isa. 5:20; 2 Cor. 4:4) Kaya hindi na tayo nagtataka na labag sa mga pamantayan ni Jehova ang marami sa mga nakikita natin sa mga pelikula, palabas sa TV, at website! Gusto ni Satanas na isipin natin na di-nakapipinsala ang maruruming gawain at lifestyle.​—Efe. 5:6. w24.03 22 ¶8-10

Huwebes, Abril 24

Ang sagradong paglilingkod ng mga taong ito ay isang paglalarawan at anino ng makalangit na mga bagay.​—Heb. 8:5.

Ang tabernakulo ay parang isang tolda na dinadala ng mga Israelita noong nagpapalipat-lipat pa sila ng kampo. Halos 500 taon nilang ginamit iyon hanggang sa maitayo ang templo sa Jerusalem. (Ex. 25:​8, 9; Bil. 9:22) Ang tabernakulo na ito ang sentro ng pagsamba ng mga Israelita. Dito sila naghahandog sa Diyos. (Ex. 29:​43-46) Pero ang tabernakulo ay lumalarawan din sa nakakahigit na mga bagay. Ito ay “anino ng makalangit na mga bagay” at lumalarawan sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Sinabi ni apostol Pablo na “ang toldang ito ay isang ilustrasyon para sa kasalukuyan.” (Heb. 9:9) Kaya noong sumulat siya sa mga Hebreo, mayroon nang espirituwal na templo. Umiral ito noong 29 C.E. Nang taóng iyon, nabautismuhan si Jesus, at nagsimula siyang maglingkod bilang “dakilang mataas na saserdote” ni Jehova sa espirituwal na templo.​—Heb. 4:14; Gawa 10:​37, 38. w23.10 25-26 ¶6-7

Biyernes, Abril 25

Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.​—Fil. 4:5.

Para patuloy na makapaglingkod nang masaya kay Jehova ang mga Kristiyano, kailangan din nilang maging flexible, o madaling mag-adjust. Paano natin iyan magagawa? Kung magiging makatuwiran tayo kapag nagbago ang kalagayan natin at kapag iba ang pananaw natin sa pananaw ng iba. Dahil mga lingkod tayo ni Jehova, gusto nating maging makatuwiran. Gusto rin nating maging mapagpakumbaba at makonsiderasyon. Tinawag si Jehova na “ang Bato” dahil matatag siya at di-natitinag. (Deut. 32:4) Pero makatuwiran din siya. Dahil patuloy na nagbabago ang sitwasyon ng mundo, lagi ring nag-a-adjust si Jehova para matupad ang lahat ng pangako niya. Nilalang tayo ni Jehova ayon sa larawan niya. Kaya may kakayahan din tayong mag-adjust kapag nagbago ang kalagayan. Nagbigay siya ng mga prinsipyo sa Bibliya para makagawa tayo ng tamang mga desisyon anuman ang mapaharap sa atin. Makikita sa halimbawa ni Jehova at sa mga prinsipyong ibinigay niya na kahit siya “ang Bato,” makatuwiran pa rin siya. w23.07 20 ¶1-3

Sabado, Abril 26

Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.​—Awit 94:19.

Sa Bibliya, itinulad ni Jehova ang sarili niya sa isang mapagmahal na ina. (Isa. 66:​12, 13) Isipin ang isang nanay na mahal na mahal ang maliit niyang anak at agad na ibinibigay ang kailangan nito. Kapag nasasaktan tayo, makakaasa rin tayo sa pag-ibig ni Jehova. Hindi niya tayo susukuan kahit magkamali tayo. (Awit 103:8) Paulit-ulit na nagkasala ang mga Israelita kay Jehova. Pero kapag nagsisisi sila, nagpapakita siya sa kanila ng tapat na pag-ibig. Halimbawa, sinabi niya sa bansang Israel: “Naging mahalaga ka sa paningin ko, pinarangalan ka, at inibig kita.” (Isa. 43:​4, 5) Ganiyan pa rin ang pag-ibig sa atin ng Diyos ngayon. Kahit makagawa tayo ng malubhang kasalanan, kapag nagsisi tayo at nanumbalik sa kaniya, makikita natin na mahal pa rin niya tayo. Nangako si Jehova na “magpapatawad siya nang lubusan.” (Isa. 55:7) At dahil diyan, sinasabi sa Bibliya na mararanasan natin ang “mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.”​—Gawa 3:19. w24.01 27 ¶4-5

Linggo, Abril 27

[Tinutulungan ako] ng aking Diyos na si Jehova.​—Ezra 7:28.

Kaya tayong tulungan ni Jehova kapag nasa mahirap na sitwasyon tayo. Halimbawa, kapag nagpapaalam tayo sa boss natin na magbakasyon para makadalo ng kombensiyon o nagpapabago tayo ng iskedyul sa trabaho para makadalo tayo sa lahat ng pulong, binibigyan natin si Jehova ng pagkakataon na tulungan tayo. Baka mas maganda pa sa inaasahan natin ang maging resulta. At dahil diyan, lalong titibay ang pagtitiwala natin kay Jehova. Mapagpakumbaba si Ezra, at humingi siya ng tulong kay Jehova. Sa tuwing nag-aalala si Ezra sa mga atas niya, nagpapakita siya ng kapakumbabaan at nananalangin siya kay Jehova. (Ezra 8:​21-23; 9:​3-5) Dahil umasa si Ezra kay Jehova, sinuportahan siya ng iba at tinularan nila ang pananampalataya niya. (Ezra 10:​1-4) Kapag sobra tayong nag-aalala sa materyal na pangangailangan o sa kaligtasan ng pamilya natin, dapat tayong magtiwala kay Jehova at humingi ng tulong sa kaniya sa panalangin. w23.11 18 ¶15-17

Lunes, Abril 28

Nanampalataya [si Abraham] kay Jehova, at dahil dito, itinuring Niya siyang matuwid.​—Gen. 15:6.

Hindi sinasabi ni Jehova na kailangan nating gawin ang mga ginawa ni Abraham para ituring tayong matuwid. Maraming paraan para maipakita ang pananampalataya natin. Halimbawa, ipadama natin sa mga baguhan na bahagi sila ng kongregasyon. Tulungan natin ang mga kapatid na talagang nangangailangan, at gumawa tayo ng mabuti sa mga kapamilya natin. Kapag ginawa natin iyan, sasang-ayunan at pagpapalain tayo ng Diyos. (Roma 15:7; 1 Tim. 5:​4, 8; 1 Juan 3:18) Ang isa sa pinakamahalagang paraan para maipakita ang pananampalataya natin ay ang masigasig na pangangaral ng mabuting balita. (1 Tim. 4:16) Lahat tayo, maipapakita nating nananampalataya tayo na magkakatotoo ang mga pangako ni Jehova at na laging tama ang mga paraan niya. Kung gagawin natin iyan, siguradong ituturing tayong matuwid at kaibigan ng Diyos. w23.12 2 ¶3; 6 ¶15

Martes, Abril 29

Magpakatatag ka at magpakalalaki.​—1 Hari 2:2.

Bago siya mamatay, ipinayo ni Haring David kay Solomon ang pananalitang nasa itaas. (1 Hari 2:​1, 3) Kailangan ding gawin iyan ng mga brother ngayon. Para magawa iyan, kailangan nilang sundin ang mga utos ng Diyos at isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Luc. 2:52) Bakit napakahalaga na sumulong at maging maygulang ang mga kabataang brother? Mahalaga ang papel ng mga brother sa pamilya at sa kongregasyon. Mga kabataang brother, napag-isipan na ba ninyo kung anong mga pananagutan ang posibleng gampanan ninyo sa hinaharap? Baka goal ninyong maging payunir, ministeryal na lingkod, o elder sa kongregasyon. Baka gusto rin ninyong magkaroon ng asawa at mga anak. (Efe. 6:4; 1 Tim. 3:1) Para maabot ang mga goal na iyan at maging matagumpay, kailangan ninyong sumulong at maging maygulang. w23.12 24 ¶1-2

Miyerkules, Abril 30

Kukulangin ako ng oras kung ilalahad ko pa ang tungkol [kay] Gideon.​—Heb. 11:32.

Ipinagkatiwala sa mga elder ang pangangalaga sa minamahal na mga tupa ni Jehova. Pinapahalagahan ng masisipag na lalaking ito ang pribilehiyo nilang maglingkod sa mga kapatid, at nagsisikap silang maging “mga pastol na talagang magpapastol” sa mga ito. (Jer. 23:4; 1 Ped. 5:2) Pagpapala sila sa mga kongregasyon! Maraming matututuhan ang mga elder kay Hukom Gideon. (Heb. 6:12) Pinrotektahan niya at pinastulan ang bayan ng Diyos. (Huk. 2:16; 1 Cro. 17:6) Tulad ni Gideon, inatasan din ang mga elder na mangalaga sa bayan ng Diyos sa mahirap na panahong ito. (Gawa 20:28; 2 Tim. 3:1) Matututo tayo sa kapakumbabaan at pagiging masunurin ni Gideon. Nasubok ang pagiging matiisin niya habang ginagampanan ang mga atas niya. Elder man tayo o hindi, maipapakita natin na talagang pinapahalagahan at sinusuportahan natin ang masisipag na brother na ito.​—Heb. 13:17. w23.06 2 ¶1; 3 ¶3

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share