Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es25 p. 108-118
  • Nobyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nobyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
  • Subtitulo
  • Sabado, Nobyembre 1
  • Linggo, Nobyembre 2
  • Lunes, Nobyembre 3
  • Martes, Nobyembre 4
  • Miyerkules, Nobyembre 5
  • Huwebes, Nobyembre 6
  • Biyernes, Nobyembre 7
  • Sabado, Nobyembre 8
  • Linggo, Nobyembre 9
  • Lunes, Nobyembre 10
  • Martes, Nobyembre 11
  • Miyerkules, Nobyembre 12
  • Huwebes, Nobyembre 13
  • Biyernes, Nobyembre 14
  • Sabado, Nobyembre 15
  • Linggo, Nobyembre 16
  • Lunes, Nobyembre 17
  • Martes, Nobyembre 18
  • Miyerkules, Nobyembre 19
  • Huwebes, Nobyembre 20
  • Biyernes, Nobyembre 21
  • Sabado, Nobyembre 22
  • Linggo, Nobyembre 23
  • Lunes, Nobyembre 24
  • Martes, Nobyembre 25
  • Miyerkules, Nobyembre 26
  • Huwebes, Nobyembre 27
  • Biyernes, Nobyembre 28
  • Sabado, Nobyembre 29
  • Linggo, Nobyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
es25 p. 108-118

Nobyembre

Sabado, Nobyembre 1

Mula sa bibig ng mga bata at sanggol ay pinalabas mo ang papuri.​—Mat. 21:16.

Kung may mga anak ka, tulungan mo silang maghanda ng komento na bagay sa edad nila. Kung minsan, seryosong mga bagay ang tinatalakay sa pulong, gaya ng mga problemang pangmag-asawa o iba pa. Pero baka may ilang parapo na puwedeng magkomento ang mga anak mo. Ipaliwanag din sa kanila kung bakit hindi sila laging matatawag sa tuwing magtataas sila ng kamay. Makakatulong ito para hindi sila malungkot kapag iba ang natawag. (1 Tim. 6:18) Lahat tayo ay makakapaghanda ng mga komento na magbibigay ng papuri kay Jehova at magpapatibay sa mga kapatid. (Kaw. 25:11) Paminsan-minsan, puwede nating ikuwento sa maikli ang mga karanasan natin. Pero hindi dapat nakapokus sa sarili ang mga komento natin. (Kaw. 27:2; 2 Cor. 10:18) Dapat tayong magpokus kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa bayan niya.​—Apoc. 4:11. w23.04 24-25 ¶17-18

Linggo, Nobyembre 2

Huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gisíng at alerto.​—1 Tes. 5:6.

Mahalaga ang pag-ibig para manatili tayong gising at alerto. (Mat. 22:​37-39) Kung mahal natin ang Diyos, patuloy tayong mangangaral kahit hindi ito madali. (2 Tim. 1:​7, 8) At dahil mahal din natin ang mga hindi naglilingkod kay Jehova, patuloy tayong nangangaral sa teritoryo natin, kahit sa pamamagitan ng telepono at sulat. Umaasa pa rin tayo na magbabago ang mga tao at gagawin nila ang tama. (Ezek. 18:​27, 28) Dapat din nating mahalin ang mga kapatid natin. Magagawa natin iyan kung ‘papasiglahin natin at papatibayin ang isa’t isa.’ (1 Tes. 5:11) Gaya ng mga sundalong nagtutulungan sa labanan, pinapatibay natin ang isa’t isa. Hindi natin sasadyaing saktan o gantihan ang mga kapatid natin. (1 Tes. 5:​13, 15) Maipapakita rin natin ang pag-ibig kung igagalang natin ang mga brother na nangunguna sa kongregasyon.​—1 Tes. 5:12. w23.06 9 ¶6; 10-11 ¶10-11

Lunes, Nobyembre 3

Kapag may sinasabi [si Jehova], hindi ba gagawin niya iyon?​—Bil. 23:19.

Mapapatibay natin ang pananampalataya natin kung pag-iisipan natin ang pantubos. Tinitiyak sa atin ng pantubos na matutupad ang mga pangako ng Diyos. Kung pag-iisipan natin kung bakit ito inilaan at kung gaano kalaki ang isinakripisyo ni Jehova, titibay ang pananampalataya natin na tutuparin ng Diyos ang pangako niya na buhay na walang hanggan. Bakit natin nasabi iyan? Gaano ba kalaki ang isinakripisyo ni Jehova para mailaan ang pantubos? Mula sa langit, isinugo ni Jehova sa lupa ang panganay at pinakamamahal niyang Anak. Noong nasa lupa si Jesus, marami siyang tiniis na problema at pagsubok. Nagdusa rin siya bago mamatay. Talagang napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova! Hahayaan ba ng ating mapagmahal na Diyos na magdusa at mamatay ang Anak niya kung maikling buhay lang naman ang ibibigay niya sa atin? Siyempre, hindi! (Juan 3:16; 1 Ped. 1:​18, 19) Kaya sisiguraduhin ni Jehova na matutupad ang pangako niyang mabubuhay tayo magpakailanman sa bagong sanlibutan. w23.04 27 ¶8-9

Martes, Nobyembre 4

Nasaan ang iyong kamandag, O Kamatayan?​—Os. 13:14.

Gusto ba ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay? Oo naman. Ipinasulat niya sa mga manunulat ng Bibliya ang pangako niyang pagkabuhay-muli. (Isa. 26:19; Apoc. 20:​11-13) At kapag nangako si Jehova, lagi niyang tinutupad iyon. (Jos. 23:14) Ang totoo, gustong-gusto na niyang buhayin ang mga namatay. Isipin ang patriyarkang si Job. Sigurado siya na kahit mamatay siya, mananabik si Jehova na buhayin siyang muli. (Job 14:​14, 15) Ganiyan din ang nararamdaman ni Jehova para sa lahat ng lingkod niya na namatay. Gustong-gusto na niyang makita ulit sila na malusog at masaya. Paano naman ang bilyon-bilyong namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataon na makilala si Jehova? Gusto rin silang buhayin ng ating mapagmahal na Diyos para bigyan sila ng pagkakataon na maging kaibigan niya at mabuhay magpakailanman sa lupa.​—Juan 3:16; Gawa 24:15. w23.04 9 ¶5-6

Miyerkules, Nobyembre 5

Bibigyan kami ng Diyos ng lakas.​—Awit 108:13.

Paano mo gagawing mas totoo sa iyo ang pag-asa mo? Halimbawa, kung may pag-asa kang mabuhay sa lupa magpakailanman, basahin mo ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa Paraiso at bulay-bulayin ito. (Isa. 25:8; 32:​16-18) Pag-isipan kung ano ang magiging buhay doon. Kung lagi nating iisipin ang pag-asa natin, magiging “panandalian at magaan” ang mga problema natin. (2 Cor. 4:17) Makakatulong sa iyo ang pag-asang ibinigay ni Jehova para makapagtiis. May mga inilaan siya para mapalakas ka. Kaya kung kailangan mong magawa ang isang atas, matiis ang isang problema, o manatiling masaya, makakatulong sa iyo ang pananalangin kay Jehova at personal na pag-aaral. Tanggapin din ang tulong at pampatibay ng mga kapatid. At laging isipin ang pag-asa mo sa hinaharap. Kapag ginawa mo ang mga iyan, mapapalakas ka ng “maluwalhating kapangyarihan ng Diyos para maging mapagpasensiya [ka] at masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.”​—Col. 1:11. w23.10 17 ¶19-20

Huwebes, Nobyembre 6

Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay.​—1 Tes. 5:18.

Marami tayong dahilan para pasalamatan si Jehova sa panalangin. Puwede natin siyang pasalamatan sa magagandang bagay na mayroon tayo, kasi sa kaniya galing ang bawat mabuting kaloob. (Sant. 1:17) Halimbawa, puwede nating ipagpasalamat ang magandang planeta natin at ang iba pa niyang mga nilikha. Puwede rin nating ipagpasalamat ang buhay natin, pamilya, mga kaibigan, at pag-asa. At puwede nating pasalamatan si Jehova kasi pinahintulutan niya tayong maging kaibigan niya. Baka kailangan nating magsikap para maisip ang mga dahilan kung bakit gusto nating pasalamatan si Jehova. Marami sa ngayon ang hindi marunong magpasalamat. Mas mahalaga sa kanila ang makukuha nila kaysa ipagpasalamat kung ano ang mayroon sila. Kung mahahawa tayo sa kanila, baka maging puro hiling na lang ang laman ng panalangin natin. Ayaw nating mangyari iyan, kaya kailangan nating magsikap para mapasalamatan si Jehova sa lahat ng ginagawa niya para sa atin.​—Luc. 6:45. w23.05 4 ¶8-9

Biyernes, Nobyembre 7

Patuloy [na] humingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan.​—Sant. 1:6.

Mapagmahal na Ama si Jehova, kaya ayaw niyang makita na nahihirapan tayo. (Isa. 63:9) Pero hindi niya inaalis ang lahat ng problema natin, na puwedeng itulad sa mga ilog o apoy. (Isa. 43:2) Pero nangangako siya na tutulungan niya tayo kapag “dumaan” tayo sa mga ito. At hindi niya hahayaan na masira ng mga ito ang kaugnayan natin sa kaniya. Binibigyan din tayo ni Jehova ng banal na espiritu niya para tulungan tayong makapagtiis. (Luc. 11:13; Fil. 4:13) Kaya makakapagtiwala tayo na lagi niyang ibibigay kung ano ang eksaktong kailangan natin para makapagtiis at makapanatiling tapat sa kaniya. Inaasahan ni Jehova na magtitiwala tayo sa kaniya. (Heb. 11:6) Minsan, baka parang gabundok ang problema natin. Baka magduda pa nga tayo kung tutulungan tayo ni Jehova. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, “makaaakyat [tayo] sa pader.” (Awit 18:29) Kaya imbes na magduda tayo, dapat tayong manalangin at magtiwalang sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin.​—Sant. 1:​6, 7. w23.11 22 ¶8-9

Sabado, Nobyembre 8

Ang mga lagablab [ng pag-ibig] ay lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah. Ang pag-ibig ay hindi mapapatay ng dumadaluyong na tubig o matatangay man ng mga ilog.​—Sol. 8:​6, 7.

Ganiyan ang tunay na pag-ibig! May matututuhan dito ang mga mag-asawa: Totoo ang wagas na pag-ibig. Nakadepende sa mag-asawa kung magiging wagas ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Halimbawa, mananatili lang ang apoy ng isang bonfire kung patuloy itong gagatungan. Pero kung papabayaan ito, mamamatay ang apoy. Ganiyan din ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Mananatili lang itong matibay kung magsisikap sila. Puwedeng manlamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa dahil sa mga alalahanin, gaya ng problema sa pinansiyal at kalusugan o ng pagpapalaki ng mga anak. Kaya para manatiling nagniningas ang “liyab ni Jah,” dapat patibayin ng mag-asawa ang kaugnayan nila kay Jehova. w23.05 20-21 ¶1-3

Linggo, Nobyembre 9

Huwag kang matakot.​—Dan. 10:19.

Ano ang kailangan nating gawin para magkaroon ng lakas ng loob? Kahit may lakas ng loob ang mga magulang natin at gusto nilang magkaroon din tayo nito, hindi nila iyon puwedeng ipamana sa atin. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ay parang pag-aaral ng bagong skill. Para maging mahusay ka dito, kailangan mong obserbahang mabuti ang ginagawa ng nagtuturo sa iyo at gayahin iyon. Kaya magkakaroon din tayo ng lakas ng loob kung oobserbahan nating mabuti kung paano nagpapakita ng lakas ng loob ang iba at tularan sila. Gaya ni Daniel, kailangan nating maunawaang mabuti ang Salita ng Diyos. Dapat na madalas nating kausapin si Jehova at sabihin sa kaniya ang nararamdaman natin para maging malapít tayo sa kaniya. Kailangan din nating magtiwala kay Jehova at maging kumbinsido na lagi niya tayong tutulungan. Kaya masubok man ang pananampalataya natin, magkakaroon pa rin tayo ng lakas ng loob. Madalas na nakukuha ng mga taong malakas ang loob ang respeto ng iba. Puwede rin nilang matulungan ang mga tapat-puso na makilala si Jehova. Kaya marami tayong magagandang dahilan para sikapin na magkaroon ng lakas ng loob. w23.08 2 ¶2; 4 ¶8-9

Lunes, Nobyembre 10

Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.​—1 Tes. 5:21.

Ang salitang Griego na isinaling “tiyakin” ay ginagamit sa pagsusuri ng mamahaling mga metal. Kaya dapat nating suriin ang mga naririnig o nababasa natin para matiyak kung totoo ang mga ito. Mas kailangan nating gawin iyan ngayon habang papalapit ang malaking kapighatian. Imbes na basta paniwalaan ang sinasabi ng iba, mag-isip tayo at ikumpara ang nababasa o naririnig natin sa sinasabi ng Bibliya at ng organisasyon ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, hindi tayo madadaya ng anumang propaganda ng mga demonyo. (Kaw. 14:15; 1 Tim. 4:1) Bilang isang grupo, makakatawid nang buháy ang mga lingkod ng Diyos sa malaking kapighatian. Pero bilang indibidwal, hindi natin alam kung makakatawid tayo nang buháy sa malaking kapighatian o mamamatay bago magsimula iyon. (Sant. 4:14) Anuman ang mangyari, sigurado tayong gagantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan kung mananatili tayong tapat. Kaya magpokus tayo sa napakagandang pag-asa na naghihintay sa atin at maging handa para sa araw ni Jehova! w23.06 13 ¶15-16

Martes, Nobyembre 11

Naipaalám na niya ang kaniyang lihim sa mga lingkod [niya].​—Amos 3:7.

Hindi natin alam kung paano matutupad ang ilang hula sa Bibliya. (Dan. 12:​8, 9) Hindi rin natin lubusang naiintindihan ang kahulugan ng ilang hula. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na iyon matutupad. Makakasigurado tayo na ipapaunawa sa atin ni Jehova ang dapat nating malaman sa tamang panahon, gaya ng ginawa niya noon. Magkakaroon ng deklarasyon ng “kapayapaan at katiwasayan.” (1 Tes. 5:3) Pagkatapos, sasalakayin ng mga politikal na kapangyarihan sa mundo ang huwad na relihiyon para puksain ito. (Apoc. 17:​16, 17) At saka nila sasalakayin ang bayan ng Diyos. (Ezek. 38:​18, 19) Susundan ito ng Armagedon, ang huling digmaan. (Apoc. 16:​14, 16) Sigurado tayo na malapit nang mangyari ang mga ito. Kaya patuloy tayong magbigay-pansin sa mga hula sa Bibliya. Kapag ginawa natin iyan at tinulungan din ang iba na magbigay-pansin dito, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit. w23.08 13 ¶19-20

Miyerkules, Nobyembre 12

Patuloy nating ibigin ang isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos.​—1 Juan 4:7.

Noong tinatalakay ni apostol Pablo ang tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, sinabi niya na “ang pinakadakila sa mga [katangiang] ito ay pag-ibig.” (1 Cor. 13:13) Bakit niya nasabi iyon? Sa hinaharap, hindi na natin kailangang manampalataya o umasa sa mga pangako ng Diyos kasi nakita na natin ang katuparan ng mga iyon. Pero kailangan pa rin natin ng pag-ibig kay Jehova at sa mga tao. At patuloy pa nga itong lalalim magpakailanman. At kapag ipinapakita nating mahal natin ang mga kapatid, pinapatunayan din nating tunay na mga Kristiyano tayo. Sinabi ni Jesus sa mga apostol niya: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:35) Napapanatili rin natin ang pagkakaisa dahil sa pag-ibig. Sinabi ni Pablo na “lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.” (Col. 3:14) Sumulat si apostol Juan sa mga kapatid: “Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.” (1 Juan 4:21) Kapag ipinapakita nating mahal natin ang isa’t isa, pinapatunayan nating mahal natin ang Diyos. w23.11 8 ¶1, 3

Huwebes, Nobyembre 13

Alisin . . . ang bawat pabigat.​—Heb. 12:1.

Ikinukumpara ng Bibliya ang buhay ng mga Kristiyano sa isang takbuhan. Kapag nakarating tayo sa finish line, gagantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan. (2 Tim. 4:​7, 8) Kailangan nating gawin ang lahat para patuloy na makatakbo, lalo na’t napakalapit na ng finish line. Para manalo tayo, sinabi ni apostol Pablo na “alisin din natin ang bawat pabigat at . . . takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin.” Ibig bang sabihin ni Pablo, wala na tayong dadalhing pasan? Hindi iyon ang punto niya. Gusto niyang sabihin na kailangan nating alisin ang anumang di-kinakailangang pabigat na magpapabagal at magpapahinto sa atin. Para makapagtiis tayo, dapat na matukoy agad natin at alisin ang mga ito. Pero siyempre, hindi natin dapat pabayaan ang mga pasan na dapat nating dalhin para patuloy tayong maging kuwalipikado sa takbuhan.​—2 Tim. 2:5. w23.08 26 ¶1-2

Biyernes, Nobyembre 14

Ang inyong ganda ay huwag maging sa panlabas.​—1 Ped. 3:3.

Kung makatuwiran tayo, igagalang natin ang pananaw ng iba. Halimbawa, may mga sister na gustong mag-makeup; ayaw naman ng iba. May ilang kapatid na umiinom ng kaunting alak, pero pinili naman ng iba na huwag na talagang uminom. Gusto ng lahat ng Kristiyano ng magandang kalusugan, pero magkakaiba tayo ng pinipiling paraan ng pangangalaga dito. Kung sa tingin natin, tayo ang laging tama at kukumbinsihin natin ang mga kapatid na tanggapin ang pananaw natin, baka makatisod tayo at maging dahilan ito ng pagkakabaha-bahagi. (1 Cor. 8:9; 10:​23, 24) Halimbawa, hindi sinabi ni Jehova kung ano ang mga dapat nating isuot, pero nagbigay siya ng mga prinsipyo na susundin natin. Dapat na nagpaparangal sa Diyos ang pananamit natin. Dapat na nagpapakita ito ng kahinhinan, “matinong pag-iisip,” at pagiging makatuwiran. (1 Tim. 2:​9, 10) Kaya ayaw nating maging agaw-pansin ang pananamit natin. Makakatulong din sa mga elder ang mga prinsipyo sa Bibliya para hindi sila gumawa ng sariling mga batas tungkol sa pananamit at istilo ng buhok. w23.07 23 ¶13-14

Sabado, Nobyembre 15

Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at masisiyahan kayo sa masasarap na pagkain.​—Isa. 55:2.

Ipinakita ni Jehova kung paano tayo magkakaroon ng masayang buhay ngayon at sa hinaharap. Ang mga tumanggap sa imbitasyon ng “babaeng mangmang” ay nasisiyahan ngayon sa seksuwal na imoralidad. Dahil sa mga ginagawa nila, mapupunta sila sa ‘kailaliman ng Libingan.’ (Kaw. 9:​13, 17, 18) Ibang-iba naman ang kinabukasan ng mga tumanggap sa imbitasyon ng “tunay na karunungan”! (Kaw. 9:1) Natututuhan nating mahalin ang mga iniibig ni Jehova at kapootan ang kasamaan. (Awit 97:10) At masaya tayo kasi puwede rin nating tulungan ang iba na matuto mula sa “tunay na karunungan.” Para tayong “pumunta sa mataas na lugar ng lunsod para magtawag: ‘Pumunta rito ang sinumang walang karanasan.’” Ngayon pa lang, nakikinabang na tayo at ang lahat ng tumatanggap sa imbitasyon. Pero may pag-asa rin tayong mabuhay magpakailanman habang ‘lumalakad nang may unawa.’—Kaw. 9:​3, 4, 6. w23.06 24 ¶17-18

Linggo, Nobyembre 16

Ang taong hindi madaling magalit ay mas mabuti kaysa sa malakas na lalaki, at ang kumokontrol sa kaniyang galit ay mas mabuti kaysa sa sumasakop ng lunsod.​—Kaw. 16:32.

Kung magtanong ang katrabaho o kaeskuwela mo tungkol sa paniniwala mo, kakabahan ka ba? Ganiyan ang reaksiyon ng marami sa atin. Pero makikita sa tanong niya kung ano ang nasa isip o pinapaniwalaan niya, kaya magiging mas madali sa atin na makapagpatotoo. Pero may mga nagtatanong din kasi kontra sila sa atin o gusto lang nilang makipagtalo. Hindi na tayo dapat magulat diyan, kasi may mga taong mali ang nakuhang impormasyon tungkol sa atin. (Gawa 28:22) Isa pa, nasa “mga huling araw” na tayo, kaya marami ang “ayaw makipagkasundo” at “mabangis” pa nga. (2 Tim. 3:​1, 3) Baka maisip mo, ‘Paano ako magiging mabait sa pagsagot kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala ko na base sa Bibliya?’ Tutulong sa iyo ang kahinahunan. Ang taong mahinahon ay hindi madaling magalit, at nananatili siyang kalmado kahit may nang-iinis sa kaniya o hindi niya alam ang isasagot. w23.09 14 ¶1-2

Lunes, Nobyembre 17

Aatasan mo sila bilang matataas na opisyal sa buong lupa.​—Awit 45:16.

Minsan, makakatanggap tayo ng mga payo na poprotekta sa atin sa mga bagay na gaya ng materyalismo at sa mga gawain na labag sa utos ng Diyos. Kung susundin natin ang mga payo ni Jehova, pagpapalain niya tayo. (Isa. 48:​17, 18; 1 Tim. 6:​9, 10) Sa panahon ng malaking kapighatian hanggang sa Sanlibong-Taóng Paghahari, patuloy na gagamit si Jehova ng mga tao bilang kinatawan niya para patnubayan tayo. Susunod pa rin ba tayo sa mga tagubilin? Magiging mas madali ito kung ngayon pa lang, sumusunod na tayo sa paggabay ni Jehova. Patuloy sana nating gawin ito at sundin pati na ang mga tagubiling ibinibigay ng mga lalaking inatasan niya. (Isa. 32:​1, 2; Heb. 13:17) Habang ginagawa natin ito, makakapagtiwala tayo sa Guide natin, si Jehova. Ilalayo niya tayo sa espirituwal na mga panganib at papatnubayan para makarating tayo sa ating destinasyon—ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan. w24.02 25 ¶17-18

Martes, Nobyembre 18

Nailigtas kayo dahil sa walang-kapantay na kabaitan.​—Efe. 2:5.

Masaya si apostol Pablo sa paglilingkod kay Jehova. Pero hindi iyon naging madali. Madalas na malayo ang nilalakbay ni Pablo, at mahirap maglakbay noong panahon niya. Sa mga paglalakbay na iyon, ilang beses siyang “nanganib sa mga ilog” at “sa mga magnanakaw.” May mga pagkakataon din na sinaktan siya ng mga kaaway niya. (2 Cor. 11:​23-27) Hindi rin laging pinapahalagahan ng mga kapatid noon ang mga pagsisikap ni Pablo na tulungan sila. (2 Cor. 10:10; Fil. 4:15) Ano ang nakatulong kay Pablo para patuloy na makapaglingkod kay Jehova? Maraming natutuhan si Pablo tungkol kay Jehova dahil sa Kasulatan at sa mga naranasan niya. Naging kumbinsido si Pablo na mahal siya ng Diyos na Jehova. (Roma 8:​38, 39; Efe. 2:​4, 5) At talagang minahal din ni Pablo si Jehova. Ipinakita niya iyon “sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.”​—Heb. 6:10. w23.07 9 ¶5-6

Miyerkules, Nobyembre 19

Magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.​—Roma 13:1.

Alam ng marami na kailangan natin ang mga gobyerno. Baka sinusunod pa nga nila ang ilan sa mga batas na ipinapatupad ng “nakatataas na mga awtoridad.” Pero baka hindi nila sinusunod ang mga batas na parang hindi makatuwiran o masyadong mahigpit para sa kanila. Kinikilala ng Bibliya na ang mga gobyerno ng tao ay nagiging dahilan ng pagdurusa, na nasa ilalim ito ng kontrol ni Satanas, at na malapit na itong mapuksa. (Awit 110:​5, 6; Ecles. 8:9; Luc. 4:​5, 6) Pero sinasabi rin nito sa atin na “ang sinumang kumakalaban sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos.” Sa ngayon, pinapahintulutan pa ni Jehova na mamahala ang mga gobyerno para magkaroon ng kaayusan, at inaasahan ni Jehova na susunod tayo sa kanila. Kaya dapat nating “ibigay sa [kanila] ang nararapat sa kanila,” kasama diyan ang pagbabayad ng buwis at ang paggalang at pagsunod sa kanila. (Roma 13:​1-7) Baka may batas na sa tingin natin ay hindi praktikal, hindi makatuwiran, o magastos pa nga. Pero sumusunod pa rin tayo sa mga awtoridad kasi iyon ang gusto ni Jehova hangga’t hindi labag sa mga kautusan niya ang mga ipinapagawa nila sa atin.​—Gawa 5:29. w23.10 8 ¶9-10

Huwebes, Nobyembre 20

Pinalakas siya ng espiritu ni Jehova.​—Huk. 15:14.

Nang ipanganak si Samson, pinamamahalaan ng mga Filisteo ang mga Israelita. (Huk. 13:1) Nagdusa ang mga Israelita dahil sa kanila. Pinili ni Jehova si Samson para manguna “sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Huk. 13:5) Para magawa niya iyon, kailangan niyang umasa kay Jehova. Pumunta noon ang hukbo ng mga Filisteo sa Lehi, malamang na sa Juda, para hulihin si Samson. Natakot ang mga lalaki ng Juda, kaya isinuko nila si Samson sa mga kaaway. Tinalian nila si Samson ng dalawang bagong lubid at dinala sa mga Filisteo. (Huk. 15:​9-13) Pero “pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,” kaya nakawala siya. Pagkatapos, “nakakita siya ng sariwang panga ng lalaking asno” at ginamit niya iyon para pabagsakin ang 1,000 lalaking Filisteo!—Huk. 15:​14-16. w23.09 2-3 ¶3-4

Biyernes, Nobyembre 21

Kaayon ito ng itinakda Niyang walang-hanggang layunin na may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon.​—Efe. 3:11.

Unti-unting isiniwalat ni Jehova sa Bibliya ang “walang-hanggang layunin” niya. Puwedeng gumamit si Jehova ng iba’t ibang paraan at “minamaniobra [niya] ang lahat ng bagay para matupad ang layunin niya.” (Kaw. 16:​4, tlb.) At ang resulta ng mga ginagawa ni Jehova ay mananatili magpakailanman. Ano ba ang layunin ni Jehova, at ano ang mga pagbabagong ginawa niya para matupad ito? Sinabi ng Diyos sa unang mga tao kung ano ang layunin niya para sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon, at pamahalaan ninyo ang . . . bawat buháy na nilalang.” (Gen. 1:28) Nang magrebelde sina Adan at Eva, pumasok ang kasalanan sa pamilya ng tao. Pero hindi ito nakapigil sa layunin ni Jehova. Binago lang niya ang paraan kung paano ito matutupad. Agad niyang ipinasiya na magtatag ng isang Kaharian sa langit na tutupad sa orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa.​—Mat. 25:34. w23.10 20 ¶6-7

Sabado, Nobyembre 22

Kung hindi ako tinulungan ni Jehova, wala na ako ngayon.​—Awit 94:17.

Kaya tayong tulungan ni Jehova na huwag sumuko. Baka mahirapan tayong magpatuloy sa paglilingkod, lalo na kapag matagal na nating pinaglalabanan ang isang kahinaan. Baka nga mas matindi pa ang mga kahinaan natin kaysa sa mga kahinaan ni apostol Pedro. Pero kaya tayong bigyan ni Jehova ng lakas na huwag sumuko. (Awit 94:​18, 19) Halimbawa, maraming taóng namuhay nang homoseksuwal ang isang brother bago niya malaman ang katotohanan. Binago niya ang paraan niya ng pamumuhay at sumunod sa pamantayan ng Bibliya. Pero may mga panahong pinaglalabanan pa rin niya ang maling mga pagnanasa. Ano ang nakatulong sa kaniya na huwag sumuko? Sinabi niya: “Pinapalakas tayo ni Jehova.” Sinabi pa niya: “Dahil tinutulungan ako ng espiritu ni Jehova . . . , nakita ko na kaya pala nating [patuloy na] makapamuhay sa paraang gusto niya . . . Ginagamit ako ni Jehova, at kahit marami akong pagkakamali, patuloy niya akong pinapalakas.” w23.09 23 ¶12

Linggo, Nobyembre 23

Ang resulta ng kapakumbabaan at pagkatakot kay Jehova ay kayamanan, karangalan, at buhay.​—Kaw. 22:4.

Mga kabataang brother, hindi awtomatiko ang pagiging may-gulang na Kristiyano. Kailangan mong tularan ang magagandang halimbawa, magkaroon ng kakayahang mag-isip, maging maaasahan, matuto ng mga skill sa trabaho, at maging handa sa mga responsibilidad. Baka maisip mo kung minsan na napakahirap pasulungin ng mga katangian at kakayahang ito. Pero magagawa mo iyan. Tandaan na gustong-gusto kang tulungan ni Jehova. (Isa. 41:​10, 13) Nandiyan din ang mga kapatid sa kongregasyon para alalayan ka. Kapag naabot mo ang potensiyal mo at naging may-gulang na Kristiyano ka, magiging masaya at makabuluhan ang buhay mo. Mahal namin kayo, mga kabataang brother! Pagpalain sana kayo ni Jehova habang nagsisikap kayong sumulong at maging may-gulang na Kristiyano. w23.12 29 ¶19-20

Lunes, Nobyembre 24

[Palampasin] ang pagkakamali.​—Kaw. 19:11.

Isipin na nasa isang gathering ka kasama ng mga kapatid, at napakasaya ninyo. Nagpa-picture kayong lahat. Kumuha din kayo ng dalawa pang shot sakaling hindi maayos ang unang picture. Pero napansin mo na sa isang picture, nakasimangot ang isang brother. Kaya idi-delete mo iyon kasi may dalawa pa namang picture na nakangiti ang lahat, kasama na ang brother. Siyempre, mayroon tayong magagandang alaala kasama ang mga kapatid. Pero baka may pagkakataon na may nasabi o nagawang hindi maganda sa atin ang isang kapatid. Ano ang dapat nating gawin? Dapat nating kalimutan, o i-delete, ang alaalang iyon gaya ng gagawin natin sa isang picture. (Efe. 4:32) Puwede nating gawin iyon kasi marami naman tayong magagandang alaala kasama siya. At ang mga iyon ang ayaw nating kalimutan. w23.11 12 ¶16-17

Martes, Nobyembre 25

Dapat pagandahin ng mga babae ang sarili nila sa pamamagitan ng maayos na pananamit, . . . sa paggawing angkop sa mga babaeng may debosyon sa Diyos.​—1 Tim. 2:​9, 10.

Ang mga salitang Griego na ginamit dito ay nagpapahiwatig na dapat na kagalang-galang ang damit ng isang babaeng Kristiyano at na dapat makita sa pananamit niya na isinasaalang-alang niya ang nararamdaman o opinyon ng iba. Talagang proud tayo sa mga may-gulang na sister na mahinhing manamit! Kaunawaan ang isa pang katangian na ipinapakita ng mga may-gulang na sister. Ano ba ang kaunawaan? Ito ay ang kakayahang makilala kung ano ang tama at mali at pagkatapos ay pinipiling gawin kung ano ang tama. Tingnan ang halimbawa ni Abigail. May nagawang maling desisyon ang asawa niya na puwedeng ikapahamak ng buong sambahayan nila. Kumilos agad si Abigail. Dahil alam niya at ginawa kung ano ang tama, marami ang naligtas. (1 Sam. 25:​14-23, 32-35) Tutulong din sa atin ang kaunawaan para malaman kung kailan tayo dapat magsalita at manahimik. Dahil din dito, magiging balanse tayo kapag nagpapakita tayo ng malasakit sa iba.​—1 Tes. 4:11. w23.12 20 ¶8-9

Miyerkules, Nobyembre 26

Magsaya . . . tayo dahil sa pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos.​—Roma 5:2.

Isinulat iyan ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong taga-Roma. Nakilala nila si Jehova at si Jesus, at nanampalataya sila. Kaya ‘ipinahayag sila ng Diyos na matuwid dahil sa pananampalataya,’ at pinahiran niya sila ng banal na espiritu. (Roma 5:1) Nakatanggap sila ng magandang pag-asa na siguradong magkakatotoo. Isinulat din ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano sa Efeso ang tungkol sa pag-asang ibinigay sa kanila. Kasama sa pag-asa nila ang pagtanggap ng “mana ng mga banal.” (Efe. 1:18) Sinabi naman ni Pablo sa mga taga-Colosas kung saan nila tatanggapin ang pag-asa nila. Tinawag niya ito na “pag-asang nakalaan sa [kanila] sa langit.” (Col. 1:​4, 5) Kaya ang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano ay ang buhaying muli sa langit para maging hari kasama ni Kristo, at mabubuhay sila doon magpakailanman.​—1 Tes. 4:​13-17; Apoc. 20:6. w23.12 9 ¶4-5

Huwebes, Nobyembre 27

Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip.​—Fil. 4:7.

Ang salitang isinaling “magbabantay” ay terminong pangmilitar. Tumutukoy ito sa mga sundalong nagbabantay sa isang lunsod; inililigtas nila ito kapag may sumalakay. Dahil dito, nakakatulog nang panatag ang mga nakatira sa lunsod. Kaya kapag binabantayan ng kapayapaan ng Diyos ang puso at isip natin, panatag tayo kasi alam nating ligtas tayo. (Awit 4:8) Gaya ni Hana, kahit hindi agad magbago ang sitwasyon natin, nagiging payapa na ang isip natin. (1 Sam. 1:​16-18) Kaya mas nakakapag-isip tayo nang maayos at mas nakakagawa tayo ng tamang desisyon. Ano ang puwede nating gawin? Kapag nag-aalala ka, tawagin mo ang “mga bantay.” Paano? Manalangin ka hanggang sa maramdaman mo ang kapayapaan ng Diyos. (Luc. 11:9; 1 Tes. 5:17) Kung may pinagdadaanan ka ngayon, magmatiyaga ka sa pananalangin at mararamdaman mo ang kapayapaang ibinibigay ni Jehova, na magbabantay sa puso at isip mo.​—Roma 12:12. w24.01 21 ¶5-6

Biyernes, Nobyembre 28

Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.​—Mat. 6:9.

Para mapabanal ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama, tiniis niya ang lahat ng paghihirap, insulto, at paninira tungkol sa kaniya. Alam niya na nasunod niya ang kaniyang Ama sa lahat ng bagay at na wala siyang dapat ikahiya. (Heb. 12:2) Alam din niyang si Satanas mismo ang dahilan ng paghihirap niya nang mga panahong iyon. (Luc. 22:​2-4; 23:​33, 34) Siguradong inisip ni Satanas na hindi makakapanatiling tapat si Jesus. Pero nagkamali siya! Napatunayan ni Jesus na napakasinungaling ni Satanas at na may mga lingkod si Jehova na makakapanatiling tapat kahit sa pinakamahihirap na pagsubok. Gusto mo bang mapasaya ang Hari natin? Patuloy mong purihin ang pangalan ni Jehova—tulungan mo ang iba na makilala ang Diyos at malaman ang lahat ng magaganda niyang katangian. Kapag ginagawa mo iyan, natutularan mo si Jesus. (1 Ped. 2:21) At gaya ni Jesus, mapapasaya mo si Jehova at mapapatunayan mo na talagang sinungaling ang kaaway Niyang si Satanas! w24.02 11-12 ¶11-13

Sabado, Nobyembre 29

Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin?​—Awit 116:12.

Sa nakalipas na limang taon, mahigit isang milyon ang nagpabautismo bilang mga Saksi ni Jehova. Kapag nag-alay ka kay Jehova, pinili mong maging alagad ni Jesu-Kristo at gawing pinakamahalaga sa buhay mo ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Ano pa ang kasama sa pag-aalay na iyan? Sinabi ni Jesus: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili.” (Mat. 16:24) Ang pariralang Griego na isinaling “dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili” ay puwede ring isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya.” Bilang nakaalay na lingkod ni Jehova, kailangan mong hindian ang anumang bagay na ayaw niya. (2 Cor. 5:​14, 15) Kasama dito ang “mga gawa ng laman,” gaya ng seksuwal na imoralidad. (Gal. 5:​19-21; 1 Cor. 6:18) Magiging mahirap ba sa iyo na sundin ang mga iyan? Hindi, kung mahal mo si Jehova at kumbinsido kang para sa ikakabuti mo ang mga utos niya.​—Awit 119:97; Isa. 48:​17, 18. w24.03 2 ¶1; 3 ¶4

Linggo, Nobyembre 30

Nalulugod ako sa iyo.​—Luc. 3:22.

Ibinibigay ni Jehova ang banal na espiritu niya sa mga kinalulugdan niya. (Mat. 12:18) Isipin ito, ‘Naipapakita ko ba ang ilang katangian na bunga ng espiritu ng Diyos?’ Mas matiisin ka na ba ngayon kaysa noong hindi mo pa kilala si Jehova? Ang totoo, habang mas naipapakita mo ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos, mas makakapagtiwala ka na natutuwa sa iyo si Jehova. Gusto ni Jehova na makinabang sa pantubos ang mga kinalulugdan niya. (1 Tim. 2:​5, 6) Pero paano kung pakiramdam pa rin natin, ayaw sa atin ni Jehova kahit na may pananampalataya tayo sa pantubos at bautisado na tayo? Tandaan na hindi laging mapagkakatiwalaan ang nararamdaman natin. Pero makakapagtiwala tayo kay Jehova. Itinuturing niyang matuwid ang mga nananampalataya sa pantubos, at nangako siyang pagpapalain niya sila.​—Awit 5:12; Roma 3:26. w24.03 30 ¶15; 31 ¶17

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share