AHIMAAS
1. Ama ng asawa ni Saul na si Ahinoam.—1Sa 14:50.
2. Anak ng saserdoteng si Zadok at ama ni Azarias. (1Cr 6:8, 9, 53) Nang maghimagsik si Absalom laban sa kaniyang amang si David at agawin ang trono nito, ang kabataang si Ahimaas ay gumanap ng mahalagang papel sa paghahatid ng impormasyon kay David. Noong isang pagkakataon, nang siya at ang kaniyang kasama ay muntik nang mahuli, nagtago sila sa isang balon. Ang bunganga nito ay nilagyan ng isang babae ng takip na pinatungan ng mga butil. (2Sa 15:27, 36; 17:17-21) Nang mapatay si Absalom, isang Cusitang mananakbo ang pinili na maghatid ng balita kay David. Nagpumilit si Ahimaas na payagan din siyang tumakbong kasunod nito. Nang pahintulutan siya, nilampasan niya ang unang mananakbo at, nang papalapit na sa lunsod, nakilala siya sa kaniyang pagtakbo. “Ito ay isang mabuting lalaki, at paririto siyang may mabuting balita,” ang bulalas ni David. Gayon nga ang nangyari; iniulat ni Ahimaas ang mabuting balita at itinira ang masamang balita upang sabihin ng ikalawang mensahero. (2Sa 18:19-32) Hindi matiyak kung naging mataas na saserdote si Ahimaas. Sinasabi ng ilan na maaaring namatay siya nang una sa kaniyang ama, kung kaya naging posible na ang anak ni Ahimaas na si Azarias ang humalili kay Zadok.—1Ha 4:2; 1Cr 6:8-10.
3. Asawa ng anak ni Solomon na si Basemat, at isa sa 12 kinatawan na inatasang maglaan ng pagkain sa sambahayan ng hari, isang buwan sa isang taon, mula sa teritoryo ng Neptali. (1Ha 4:7, 15) Ipinapalagay ng ilan na siya rin ang Blg. 2.