GANGGRENA
Ang pagkamatay ng mga himaymay sa isang bahagi ng katawan, halimbawa ay sa isang paa o sa isang daliri nito, resulta ng pagkaharang ng daloy ng dugo. Sa tuyong ganggrena, kung saan barado o sarado ang mga arteri (gaya halimbawa sa arteriosclerosis [paninigas ng mga arteri]), ang apektadong bahagi ay nangingitim at natutuyot at lubusang nawawalan ng pakiramdam. Ang basang ganggrena naman ay kadalasang nakaaapekto sa pagkaliit-liit na mga ugat na dinadaluyan ng dugo—ang mga kapilyari at maliliit na ugat. Sa ganggrenang may hangin, ang baktirya, na nasa himaymay na patay na o malapit nang mamatay, ay maaaring lumikha ng mga bula sa ilalim ng balat, anupat mabilis na natutungkab ang mga himaymay. Yamang ang ganggrena ay karaniwang may baktirya, madalas ay napakabilis kumalat ang pagkamatay ng mga selula dahil sa impeksiyon. Kapag kumalat ang baktirya sa dumadaloy na dugo, nagiging mas kritikal ang karamdamang ito, anupat mauuwi sa kamatayan malibang magamot ito kaagad sa tamang paraan.
Sa makasagisag na paraan, ginagamit ng apostol na si Pablo ang salitang ito may kaugnayan sa turo ng huwad na doktrina at ng “walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” Idiniriin niya ang panganib na idinudulot ng gayong pananalita sa buong kongregasyon, sa pagsasabing: “Sapagkat sila ay magpapatuloy tungo sa higit at higit pang pagka-di-makadiyos, at ang kanilang salita ay kakalat na tulad ng ganggrena.” Pagkatapos ay bumanggit siya ng mga halimbawa: “Sina Himeneo at Fileto ay kabilang sa mga iyon. Ang mga tao ngang ito ay lumihis mula sa katotohanan, na nagsasabing ang pagkabuhay-muli ay nangyari na; at kanilang iginugupo ang pananampalataya ng ilan.” (2Ti 2:16-18) Palibhasa bago nito ay gumamit na si Pablo ng mga sagisag, kung saan inilarawan niya ang kongregasyon bilang isang katawan na may maraming sangkap—mga paa, mga kamay, at iba pa (1Co 12)—ang makasagisag na paggamit niya sa ganggrena, na mapanganib sa katawan ng tao, ay lubhang nagdiriin ng kahalagahan na alisin ang huwad na doktrina at di-makadiyos na pananalita mula sa kongregasyong Kristiyano.