Mamuhunan Ngayon sa Siguradong Kinabukasan
TAHASANG masasabi na bahagyang-bahagya ang magagawa mo upang maingatan mo ang iyong materyal na kayamanan. Totoo, ang paggamit ng talino sa paggasta sa iyong salapi at ang pag-iwas sa utang hangga’t maaari ay maaaring makatulong. Subali’t karamihan ng salik na umaapekto sa ekonomiya ay hindi mo kayang supilin. Gayunman, mayroon kang magagawa upang mapanatili mo ang katahimikan ng iyong isip at ang iyong kaligayahan. Ang sabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay sanggalang na gaya ng salapi na sanggalang; nguni’t ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay niya na nagtataglay niyaon.”—Eclesiastes 7:12.
Ang karunungang ito ay higit pa ang nasasaklaw kaysa karunungan lamang na nakuha sa sanlibutan. “Sapagka’t si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” (Kawikaan 2:6) Makakamit mo ang karunungang ito kung mamumuhunan ka sa pag-aaral ng Bibliya. Papaano ba ito nagsisilbing isang “sanggalang”? Una, ang kaalaman sa Bibliya ay nagpapaunawa sa iyo ng sanhi ng krisis sa kabuhayan ngayon. Napapag-alaman mo na tayo’y nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-4) Sa wakas, ang nakalilito at pagkagulu-gulong sistemang ito ng mga bagay ay lilipulin sa araw ng paghuhukom ng Diyos. (2 Pedro 3:12, 13) At gaya ng babala ng Kawikaan 11:4, “Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot.”
Pagka alam mo at nauunawaan mo ang mga bagay na ito, naiiwasan mo ang marami sa kabalisahan na ang sanhi’y ang walang kabuluhang pagsisikap na magkamal ng kayamanan. Hindi ka abala ng pagsisikap na maingatan ang pag-aari mo ngayon na materyal na mga bagay, sa pagkaalam na lumilipas ang kayamanan. At hindi ka nalulungkot kung hindi mo man kayang bilhin ang pinaka-usong luho. “Sapagka’t wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:7, 8.
Kahit na yaong mga may “siguradong” kabuhayan ay maaaring makinabang sa maka-Diyos na karunungan. At sinabi rin ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 6:17, 18: “Pagbilinan mo ang mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na sila’y huwag magmataas ng pag-iisip, at ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay na ating ikasisiya; na sila’y gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa.” Kahit na noong mga sinaunang panahon na tinutukoy sa Bibliya ang materyal na kayamanan ay “walang kasiguruhan.” Kailangang matalos, kung gayon, ng mayayamang Kristiyano na ang ano mang seguridad na likha ng salapi ay marupok. Kailangan nilang “ilagak ang kanilang pag-asa” sa Diyos.
Gayunman, hindi ibig sabihin na ang buhay ay paupu-upo lamang, ang basta paghihintay na dumating ang “wakas.” Sila’y kailangang “gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa.” Maliwanag na ito’y nangangailangan ng malaking panahon at lakas. At ngayon marami ang tatalikod at sukat sa pagkarinig ng pagbanggit ng “trabaho.” Subali’t kumusta ka naman? Handa ka bang sundin ang ipinapayo ng Bibliya? ‘Hindi ko natitiyak,’ ang isasagot ng marami. Malamang, ibig mo munang malaman kung paano ka makikinabang kung gagawin mo iyon. Ano ba ang kasangkot dito? Ikapit natin ang ilang saligang mga simulain ng pamumuhunan upang matulungan ka na magkamit ng mga ilang malilinaw na kasagutan.
Suriin ang Paglalagakan Mo ng Puhunan
Ang mga panganib, ang kredito mo sa pangungutang, ang maaasahan sa hinaharap, pati na ang fringe benefits, ay mga bagay na sisiyasatin ng isang mautak na negosyante bago mamuhunan sa ano mang proyekto. Papaano kumakapit ito sa iyong pagtimbang-timbang kung ibig mong ‘ilagak sa Diyos ang iyong pag-asa’?
Una, alamin kung ano ang ibig sabihin ng isang mabuting kredito sa pangungutang. Sa pinaka-diwa, ito’y nangangahulugan na ang isang tao ay itinuturing na mapagkakatiwalaan, batay sa dating ginagawa niya. Kung ikakapit sa kasalukuyang sistema ng kabuhayan ang lohikang ito, napakababa ang kredito nito. At, gaano ba ang talagang pagtitiwala mo sa mga lider sa larangan ng relihiyon at ng politika?
Sa kabilang panig, papaano ka ba uuriin ng Diyos kung tungkol sa pagkamapagkakatiwalaan? Si Hukom Josue ay gumugol ng kaniyang buong buhay sa paglilingkod sa Diyos. Ang maraming taon ng pahakbang-hakbang na paglalakad sa isang palanas na kagubatan, na nakikipaglaban sa mga kaaway at humahatol sa isang bansang matigas ang ulo ay hindi nagpahina sa kaniyang pagtitiwala sa Diyos. May pagtitiwalang sinabi niya: “At, narito! sa araw na ito ay yumayaon ako sa lakad ng buong lupa, at inyong talastas sa inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova ninyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang salita na hindi natupad.” (Josue 23:14) Si Jehova ay nakapagtatag ng isang rekord ng pagka-mapagtitiwalaan para sa kaniyang sarili na makapupong nakahihigit kaysa ano mang naitatag ng tao. Ang pamumuhunan sa isang pangako na itinataguyod niya ay may matibay na pundasyon.
Komusta naman ang mga panganib? Ang pangkalahatang tuntunin ay, ‘Mientras malaki ang inaasahang pakinabang sa pinuhunan, lalo namang malaki ang panganib.’ Ang isang dahilan kung bakit napapaharap ka sa napakalaking panganib pagka sa isang bagay na itinatag ng tao nagtiwala ka ay sapagka’t limitado ang lakas ng tao, pati kaniyang pananaw sa hinaharap at kaniyang buhay. Kaya naman ang payo ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Subali’t, ang mga nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos ay wala ng ganiyang mga panganib. Bilang Soberano ng sansinukob, walang hanggan ang kapangyarihan ni Jehova! Hindi mahahadlangan ninuman ang kaniyang layunin. Kahit ang kamatayan ay hindi makahahadlang sa isang tao ng pagtanggap ng “pakinabang” buhat sa kaniyang tapat na paglilingkod, sapagka’t si Jehova’y may pangako na bubuhayin ang kaniyang tapat na mga lingkod kung kinakailangan.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Komusta naman ang panghinaharap na mga pag-asa at “pakinabang,” at fringe benefits, kung magtitiwala ka sa Diyos? Ang Maylikha ng planetang ito ay may pangitain na makapupong mabuti para sa lupa kaysa di-masupil na implasyon, malaganap na polusyon, walang patumanggang karahasan at ang patuloy na lumulubhang pagpapaligsahan sa pagpaparamihan at pagpapaunlad ng mga armas. Sa halip, kaniyang ipinangako na “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang mga digmaan at mga armas ay “pahihintuin.” (Awit 46:9) Walang sinuman na sa matuwid na mga tao rito sa lupa ay “tatakot,” sapagka’t ang karahasan at kamatayan ay wala na roon. (Mikas 4:4) Mayroon pa bang bubuting kinabukasan para kaninuman kaysa riyan?
“Mamuhunan” Ngayon!
Nguni’t, tandaan na kailangang pagpaguran mo ang mga pagpapalang ito upang matanggap mo. Panahon at lakas ang kailangang gugulin mo. Subali’t hindi ba sulit naman ang kapalit na kinabukasang may kasiguruhan? Bilang halimbawa, sa isa sa kaniyang mga talinghaga ay may binanggit si Jesus na isang “naglalakbay na mangangalakal” na naghahangad mamuhunan sa mamahaling mga perlas. “Nang matagpuan niya ang isang mamahaling perlas, siya’y humayo at agad ipinagbili niya ang lahat niyang ari-arian at kaniyang binili iyon.” (Mateo 13:45, 46) Ang taong nagpapahalaga sa pangako ng Diyos na isang matuwid na Kaharian ay kikilos na gaya ng tao sa talinghagang ito. Ito ang uunahin niya sa kaniyang buhay. Para sa kaniya ay sulit ang gagawin niyang pagsasakripisyo.—Mateo 6:33.
Kaya’t saan ka ba mamumuhunan? Tutulad ka ba sa sinaunang mga Israelita na ang itinaguyod ay materyal na mga kayamanan imbis na ang mga kapakanan ng pagsamba sa Diyos? Sila’y puspusang nagpagal upang makapagtayo ng mga tahanang de-luho. Datapuwa’t, sila’y inihambing ni propeta Hagai sa isang taong “nagpapaupa para may mailagay sa supot na may mga butas.” (Hagai 1:4-6) Gunigunihin ang iyong pagkasiphayo pagkatapos na matuklasan mong ang iyong pinagpagurang salaping kinita ay nawalang lahat dahilan sa inilagay mo iyon sa isang pitakang may butas! Ganiyan ang materyal na kayamanan ngayon na walang kasiguruhan at pumapanaw.
Kaya naman hinihimok namin ang lahat na sa mga pangako ng Diyos magtiwala na kaniyang lubusang tutupdin. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral nang masigasig sa Bibliya at pagkakapit ng matalinong payo nito kaypala’y makakamit mo ang pinakadakilang mga pagpapala, kasali na ang buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso! Iyan ang mapapakinabang sa pamumuhunan ngayon sa siguradong kinabukasan na pangako ng Diyos sa kaniyang Salita.—Efeso 3:20, 21.
[Larawan sa pahina 5]
Pagkatapos ng panghabang-buhay na paglilingkod, nasabi ni Josue tungkol sa mga pangako ni Jehova: “Wala kahit na isang salita na hindi natupad”
[Larawan sa pahina 6]
Ang pagtataguyod ng materyal na kayamanan ay gaya ng ‘pagpapaupa para may mailagay ka sa supot na may mga butas’