Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 4/1 p. 25-31
  • Manatiling “Walang Bahid ng Sanlibutan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manatiling “Walang Bahid ng Sanlibutan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Pananatiling Di-nadudungisan ng Sanlibutan”
  • Maikli Na ang Panahon Para sa Kaayusan ng Sanlibutang Ito
  • Gagamitin Baga ang Sanlibutang Ito sa Ano Mang Paraan?
  • “Makakomersiyong mga Pangangalakal sa Buhay”
  • Di-makasanlibutan sa Lahat ng Paraan
  • Gaanong Kaiba Kayo sa Sanlibutan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Bakit Tayo Di-dapat Maging Bahagi ng Sanlibutang Ito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Edukasyon?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Kung Paano Mananatiling Hiwalay sa Sanlibutan
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 4/1 p. 25-31

Manatiling “Walang Bahid ng Sanlibutan”

“Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid ng sanlibutan.”​—SANTIAGO 1:27.

1, 2. Ano ang mga ilang kahilingan ng malinis na pagsamba?

MALINIS na pagsamba ang kahilingan ni Jehova. (Juan 4:23, 24) Bukod sa ibang mga bagay, ang walang bahid-dungis na relihiyon ay nagpapakilos tungo sa aktibo, na maibiging pagkabahala sa mga dukha. (Galacia 2:10) Hinihiling din nito na tayo’y manatiling walang bahid ng sanlibutan, samakatuwid nga, ng balakyot na lipunan ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos at “nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo.​—1 Juan 5:19.

2 “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito,” ang isinulat ng alagad na si Santiago, “tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid ng sanlibutan.” Ang isa pang pagkasalin ay ito: “Ang dalisay, na relihiyong walang kasiraan, sa mga mata ng Diyos na ating Ama ay ito: tumulong sa mga ulila at mga babaing balo pagka sila’y nangangailangan nito, at manatiling di-nadudungisan ng sanlibutan.”​—Santiago 1:27, The Jerusalem Bible.

3. Anong mga tanong ang ating tatalakayin ngayon?

3 Subali’t paano tayo bilang mga lingkod ni Jehova makapananatiling “di-nadudungisan ng sanlibutan”? Ano ba ang itinuturo ng Kasulatan may kaugnayan sa mga bagay na gaya ng panlipunang mga kapakanan ng sanlibutan, ng edukasyon, pangangalakal at mga libangan nito?

“Pananatiling Di-nadudungisan ng Sanlibutan”

4. Ano ang ipinakikita ng Juan 17:14 at Isaias 2:2-4 tungkol sa ating kaugnayan sa sanlibutang ito?

4 Yamang tayo bilang mga saksi ni Jehova ay “hindi bahagi ng sanlibutan,” tayo’y naiiba sa balakyot na lipunan ng sangkatauhan. (Juan 17:14) Sa isang bahagi, kailangan dito na tayo’y manatiling neutral o di pumapanig sa pamamalakad politika ng sanlibutan. Tayo’y umiwas din ng pagsangkot sa karahasan nito at kailangang ang itaguyod natin ay kapayapaan bilang mga taong ‘pinanday na ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’​—Isaias 2:2-4.

5. Upang makapanatiling di-nadudungisan ng sanlibutang ito, ano ang dapat nating gawin ayon sa sinasabi ng (a) 1 Corinto 6:9-11? (b) Efeso 5:3-5?

5 Bilang mga taong naghahangad na manatiling di-nadudungisan ng sanlibutang ito, iwasan natin ang pananalita, asal at mga saloobin na karaniwang makikita sa mga taong makasanlibutan, nguni’t hindi kasuwato ng Salita ng Diyos. Halimbawa, ang pagkapoot, kasakiman, kahiya-hiyang asal at pangit na pagbibiro ay walang dako sa ating buhay. (1 Corinto 6:9-11; Efeso 5:3-5) Hindi nakapagtataka kung ang ating mga kilos at mga saloobin ay naiiba sa nakikita sa mga taong makasanlibutan, sapagka’t hindi sila naniniwala sa ating pag-asang Kristiyano.

Maikli Na ang Panahon Para sa Kaayusan ng Sanlibutang Ito

6. Dahil sa sinasabi ng 1 Corinto 7:29-31, paano dapat malasin ng mga Saksi ni Jehova ang pag-aasawa, mga ari-arian o iba pang makalupang mga bagay?

6 Si apostol Pablo ay sumulat: “Patuloy na umiikli ang panahon. Mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay kumilos na parang sila’y wala, at ang mga namimighati na parang sila’y hindi namimighati, at ang mga nagsasaya na parang sila’y hindi nagsasaya; ang mga bumibili na parang sila’y hindi nakabili, at yaong mga gumagamit ng sanlibutan na para bang hindi nila ginagamit ito, sapagka’t ang kasalukuyang kaayusan ng sanlibutan ay lumilipas.” (1 Corinto 7:29-31, Modern Language Bible) Ipinakikita nito na bagaman kailangang isagawa ng mga lalaking Kristiyano ang kani-kanilang mga obligasyon sa kani-kanilang asawa, hindi nila dapat ibuhos ang kanilang buong buhay sa pagsasama lamang nilang mag-asawa. Sa kamatayan, ang anak-sa-espiritung mga Kristiyano ay mapuputol na sa lahat nilang kaugnayan sa makalupang mga kamag-anak, sa kasayahan, kalungkutan at mga ari-arian. Aba, kahit na ngayon, ang mga Kristiyano, mayroon man silang makalangit o makalupang pag-asa, ay maaaring maulila sa asawa o mawalan ng mga ari-arian! Isa pa, sa panahon ng “malaking kapighatian” ang buhay, hindi ang mga ari-arian, ang ililigtas. (Mateo 24:21; Eclesiastes 9:11) Sa gayon ang buhay ang dapat higit na pahalagahan ngayon ng mga Saksi ni Jehova bago ang pag-aasawa, mga ari-arian o iba pang makalupang mga bagay. Sa halip, para sa lahat ng Kristiyano ang mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova ang dapat nilang gawing pinakamahalaga. Ito’y lalo na yamang tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” at “ang kasalukuyang kaayusan ng sanlibutan ay lumilipas.”​—2 Timoteo 3:1.

7. Sang-ayon sa isang ekonomista, ano ang kasabay ng pagsulong ng edukasyon, kinikita, at iba pa?

7 Maraming tao ang nababahala tungkol sa kinabukasan ng “kasalukuyang kaayusan ng sanlibutan.” Halimbawa, binanggit ng peryodistang si Nancy Brown ang ekonomistang si Ezra Misham bilang nagsasabi tungkol sa pagsulong sa edukasyon at kinikita: “[Ito ay] hindi nakapagdulot ng higit na kabutihan sa lipunan. Kasabay ng pagsulong sa siyensiya, edukasyon at materyal na mga kalakal, nasaksihan sa lipunan ang pagsulong ng karahasan, delingkuwensiya, maliliit na krimen, bandalismo, pamamaslang at pagpapatiwakal, pagkagarapal at kalaswaan.” Makabuluhan nga ang ganitong pambungad na pangungusap ng artikulo sa pahayagang ito: “Tanging ang pamamagitan ng Diyos ang makapagliligtas sa sanlibutan sa pagpapatiwakal.”​—Times-Colonist, Victoria, British Columbia, Marso 25, 1982.

8. Bakit hindi natin dapat sikaping makuha ang lahat ng makukuha natin sa sanlibutang ito?

8 Mangyari pa, nilalang ni Jehova ang lupa upang tahanan, hindi ng balakyot na lipunan ng tao, kundi ng matuwid at sakdal na mga tao. (Isaias 45:18; Awit 37:29, 38) Kung gayon ay hindi papayagan ng Diyos na magpatiwakal ang sangkatauhan. Subali’t tiyak na ang matandang kaayusang ito ng sanlibutan ay malapit na malapit nang lumipas nang lubusan. Kung gayon, ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay hindi dapat “magpakalabis” ng paggamit ng sanlibutan. Gaya ng sinasabi ng isang salin: “Bagaman ginagamit mo ang sanlibutan, huwag mong sikaping makuha rito ang lahat ng makukuha mo, yamang ang sanlibutang ito sa kaniyang kasalukuyang anyo ay lumilipas.”​—1 Corinto 7:31, The New Testament in the Language of Today, salin ni William F. Beck.

Gagamitin Baga ang Sanlibutang Ito sa Ano Mang Paraan?

9. (a) Hanggang saan wastong magagamit ng mga lingkod ni Jehova ang sanlibutang ito? (b) Dahil sa sinasabi ng Mateo 6:31-33 at 1 Timoteo 6:7, 8, ano ang dapat nating maging saloobin sa materyal na mga bagay?

9 Kung gayon, bilang nag-alay na mga saksi ni Jehova, tama ba na kunin natin ang anuman buhat sa sanlibutang ito? Oo nga’t sinabi ni Pablo na magagamit natin ang sanlibutan nguni’t hindi lubus-lubusan. Samakatuwid, magagamit natin ang legal na mga paglalaan ng sanlibutan sa pagsasagawa ng ating mga obligasyong maka-Kasulatan upang maipangaral ang balita ng Kaharian. (1 Timoteo 5:8; 6:17-19) Gayunman, yamang ibig nating manatiling “walang bahid ng sanlibutan,” hindi tayo dapat makisangkot sa nagaganap ditong mga alitan, mga demonstrasyon ng pagprotesta, mga digmaang malalamig at maiinit o mga bagay na katulad nito. Kahit na sa lihim ay hindi natin dapat kampihan ang isang panig laban sa iba. At hindi rin tayo dapat labis na mag-alaala tungkol sa ating ikabubuhay at kaunlaran sa pamumuhay, sapagka’t sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ Sapagka’t ang lahat na ito ay siyang mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa. Sapagka’t talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” At ang kaniyang ipinangaral ay ikinapit ni Jesus, sapagka’t bagaman may mga lungga ang mga sorra at may mga púgad ang mga ibon, siya’y walang mapaghiligan man lamang ng kaniyang ulo. Kung gayon, tayo sana’y maging kontento na sa pagkain at pananamit samantalang ‘ang kaharian ang inuuna nating hanapin.’​—Mateo 6:31-33; Lucas 9:58; 1 Timoteo 6:7, 8.

10. Tungkol sa edukasyon, anong mga tanong ang dapat pag-isipan, kalakip ng panalangin, at ano ang sagot mo sa mga iyan?

10 Kung gayon, ano ang masasabi tungkol sa isang makasanlibutang karera? Bueno, yamang lilipas ang sanlibutang ito sa mismong kaarawan natin, makatuwiran bang magplano ng isang buhay na nakatalaga sa pag-asenso sa sanlibutan? (Mateo 24:34) Talagang hindi! At tiyak na ang ganitong pangmalas ay may epekto sa ating pangmalas naman sa makasanlibutang edukasyon, di ba? Bagaman kailangan ang saligang edukasyon, sa mga kolehio at pamantasan ay halos imposible na makaalpas ka sa umiiral na daluyong ng makasanlibutang kaisipan. Kung sa bagay, kailangan ang sariling pagpapasiya tungkol sa edukasyon. (Galacia 6:5) Subali’t mga tanong na kagaya nito ang dapat pag-isipan kalakip ng panalangin: Sa mga taon ng pag-aaral sa mga pamantasan, nagawa ba ng mga estudyante na ‘patuloy na hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ni Jehova’? Sila ba’y talagang hindi naaapektuhan ng mga teorya at pilosopya na sumisira sa tunay na pananampalataya? (Colosas 2:8) Ang makasanlibutang mga kasamahan ba nila ay nakaimpluwensiya sa kanila sa kabutihan, o nakasira sa kanilang espirituwalidad? (1 Corinto 15:33) At nanatili bang mapagpakumbaba ang marami sa mga taong may matataas na pinag-aralan?​—Filipos 2:2, 3.

11. Ano mang edukasyon mayroon ang isang tao, anong tulong ang binabanggit dito upang masubok ang kaniyang motibo?

11 Sa bagay na iyan, ang iba na nag-aaral sa mga trade schools (paaralan ng trabahong panghanapbuhay) ay napapatali nang husto sa isang propesyon kung kaya wala na silang gaanong panahon para gugulin sa paglilingkod kay Jehova. Samakatuwid, kung ano mang edukasyon iyon, malaki ang nakasalalay sa mga motibo o hangarin ng isang tao. Ang hangarin bang magsarili at yumaman ang pangunahing motibo? Ang resulta kaya ng edukasyon ay ang biglang pagliit ng naipaglilingkod kay Jehova o tutulong kaya iyon ng pagpapatibay sa iyo sa banal na paglilingkod? Bagaman isang Kristiyano na dapat manatiling walang bahid ng sanlibutan, sa halip ay pinagsisikapan mo bang mapatanyag sa sistemang ito ng mga bagay o ikaw ba’y abala at mga intereses ng Kaharian ang inuuna mo sa iyong buhay?

12. Ano ang motibo ng ilang mga taong matataas ang pinag-aralan na tumanggap sa katotohanan ng Kaharian?

12 Natutuwa tayo at may mga taong matataas ang pinag-aralan na tumanggap sa katotohanan ng Kaharian. Subali’t hindi iyon dahil sa kanilang matataas na pinag-aralan. Bagkus, naunawaan nila na, sa kabila ng kanilang matataas na pinag-aralan, ang buhay nila’y walang kabuluhan sapagka’t sila’y walang Diyos at tiyak na pag-asa. Ngayon ay batid nila na ‘hindi ang maraming marurunong, makapangyarihan at mararangal’ ang may pagsang-ayon ng Diyos. (1 Corinto 1:26-31) At, sila’y galak na galak sapagka’t, sa wakas, natagpuan nila ang tunay na layunin sa buhay bilang mga saksi ni Jehova.

“Makakomersiyong mga Pangangalakal sa Buhay”

13. Ano ang binabanggit ng 2 Timoteo 2:3, 4 tungkol sa pangangalakal at sa nag-alay na Kristiyano?

13 Yamang ibig nating manatiling di-nadudungisan ng sanlibutang ito, ano ang dapat maging pangmalas natin sa mga pangangalakal ng sanlibutan? Bueno, sinabihan ni apostol Pablo si Timoteo: “Bilang isang mabuting kawal ni Kristo Jesus makipagtiis ka ng kahirapan. Sino mang taong nagsisilbing kawal ay hindi sumasangkot sa makakomersiyong mga pangangalakal sa buhay, upang siya’y kalugdan niyaong isa na nagtala sa kaniya bilang isang kawal.” (2 Timoteo 2:3, 4) Ang mga Kristiyano’y kailangang maghanapbuhay at suportahan ang kanilang sarili at kani-kanilang pamilya sa marangal na paraan. Subali’t hindi ba kataka-taka kung ang isang nag-alay na Kristiyano ay makikilala unang-una bilang isang business executive (manedyer sa negosyo) sa halip na isang ministro? Hindi ba siya, una sa lahat, dapat makilala bilang isang tagapagbalita ng Kaharian at “isang mabuting kawal ni Kristo Jesus”?

14. Paano natin maikakapit ang Hebreo 13:18 sa ating mga pakikitungo tungkol sa negosyo?

14 Sa mga kalagayan sa pangangalakal, kung gayon, kailangan ang pagsusuri sa sarili sa sarisaring paraan. Una, hindi dahil sa ang pinakikitunguhan nati’y mapag-imbot na mga taong makasanlibutan ay padadala na tayo na tutulad sa kanilang mga gawang kaimbutan at pandaraya at malalaswang pananalita. Bagkus, tayo’y nagnanasang “mabuhay nang marangal sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Totoo, baka sa ating gawang mabuti ay hindi mabuti ang iganti ng manhid nang mga komersiyante ng sanlibutang ito. Subali’t matitiyak natin na tayo’y pagpapalain ni Jehova dahil sa ating marangal na pamumuhay, at isang paraan ito ng ‘pagpapaganda natin sa aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.’​—Tito 2:9, 10.

15. Anong payo ang ibinigay ng Kasulatan kung mayroon tayong sariling negosyo?

15 Bilang mga taong nagnanais na manatiling di-nadudungisan ng sanlibutang ito, tayo’y “gumawa ng mabuti sa lahat, nguni’t lalo na sa ating mga kapananampalataya.” (Galacia 6:10) Nguni’t hindi ito ang ginagawa natin kung mayroon tayong sariling negosyo at mapag-imbot na ginagamit natin ang ating kaugnayan sa mga lingkod ng Diyos upang sila’y pagtubuan. Siempre pa, ang mga Kristiyano ay dapat ‘lumakad na gaya ng mga taong marurunong.’ (Efeso 5:15) Hindi como lumapit sa atin ang isang tinatawag na kapatid na may iniaalok na madaling paraan ng pagyaman ay dagling mahihikayat tayo na magbigay ng ating salapi. May mabuting dahilan ang organisasyon ng Diyos na manakanakang mag-abiso sa atin tungkol sa mga taong nagpapanggap na ating mga espirituwal na kapatid, nguni’t ang hangad ay magsamantala sa “mga tupa” ni Jehova.

Di-makasanlibutan sa Lahat ng Paraan

16. Ano ang mga ilang paraan upang maipakilala natin na tayo’y nananatiling “walang bahid ng sanlibutan”?

16 Kung sa bagay, hindi natin mababanggit dito ang lahat ng paraan na doo’y ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova na sila’y nananatiling “walang bahid ng sanlibutan.” Oo, ang pagmamalabis sa alak, sa mga larong nagbabangon ng mahigpit na kompetisyon o karahasan, ang paggugol ng maraming oras sa panonood ng mga palabas sa sine o telebisyon tungkol sa mga butangero, mamamatay-tao, at iba pang malalaswang karakter, pagbabasa ng mga babasahing pulos-sex ang itinatampok at paglalaro ng mararahas na video games, ito ay mga paraan na hindi natin dapat sundin upang makapanatili tayong walang bahid ng sanlibutang ito. (1 Corinto 6:9, 10; 15:33; Galacia 5:19-26; 1 Pedro 4:3) Inaasahan ni Jehova na iiwasan ng kaniyang mga saksi ang pagmamalabis, ang imoralidad at karahasan ng sanlibutang ito. Kaya’t huwag na nating hangarin pa na magkaroon ng kaalaman o karanasan sa kabalakyutan ng sanlibutan kundi tayo’y maging inosenteng “mga sanggol kung sa kasamaan.”​—1 Corinto 14:20; ihambing ang 1 Juan 3:2, 3.

17. Papaanong sa ating pakikitungo sa iba ay maipakikita natin ang ating pagiging walang bahid ng sanlibutan?

17 Sa pagiging walang bahid ng sanlibutang ito ay kasangkot ang lahat ng bahagi ng ating buhay pati na ang ating pakikitungo sa iba. Bagaman ang mapapait na paninibugho, pagkakampi-kampi, pagmamapuri at pagsisinungaling ay karaniwan sa sanlibutang ito, ang mga ito’y walang dako sa gitna natin, sapagka’t si Santiago ay sumulat: “Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang mabuting asal ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampi-kampi sa inyong puso, huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, makahayop, maka-demonyo. Sapagka’t kung saan mayroong paninibugho at pagkakampi-kampi, doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.” (Santiago 3:13-16) Anong pagkahala-halaga na makita sa iyo ang “kaamuan ng karunungan” at ang “pagsunod sa kapayapaan sa pakikitungo sa lahat ng tao”! (Hebreo 12:14) Oo, bilang tapat na mga saksi ni Jehova, hindi natin mapapayagang dahil lamang sa personal na mga di-pagkakaunawaan ay masira ang ating kaugnayan sa ating mga kapatid sa pananampalataya. Sa halip, kailangang tayo’y ‘magbata ng mga kahinaan ng isa’t-isa at magpatawaran gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa atin.’ (Colosas 3:13) Hindi iyan ang karaniwang makasanlibutang paraan ng pakikitungo sa iba, nguni’t iyan ang maka-Diyos na paraan.

18. Ang ating pagiging hiwalay sa sanlibutan ay lalo nang nahahalata pagka nanatili tayo sa ano?

18 Ang pagsunod sa kapayapaan pagka nakikitungo tayo sa mga tao sa loob at sa labas ng kongregasyong Kristiyano ay isang mahalagang paraan ng pagpapakita na tayo’y walang bahid ng sanlibutang ito. Subali’t ang ating pagiging hiwalay dito ay lalo nang nahahalata pagka nanatili tayo sa ating paninindigan bilang magigiting na kawal ni Jesu-Kristo, na lubusang nakabihis ng espirituwal na baluti buhat sa Diyos at ang ating “mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan.” (Efeso 6:11-18) Kaydami pang mga tao na nagugutom at nauuhaw sa nagbibigay-buhay na balita ng Kaharian. Kung gayon, walang-imbot na gamitin sana natin ang ating mga ari-arian, mga abilidad at lakas sa dakilang gawain na pangangaral ng “mabuting balita” sa maikling panahon na natitira pa bago tuluyang magwakas ang sistemang ito.​—Mateo 24:14.

19. Ano ang maaasahan nating gagawin ni Satanas sa nagmamadaling mga huling araw na ito, subali’t sa ano tayo magtatagumpay sa pamamagitan ng makalangit na tulong?

19 Sa nagmamadaling mga huling araw na ito, si Satanas, na diyos ng sanlibutang ito, ay magpapatuloy sa mabangis na pagsalakay sa atin bilang tapat na mga saksi ni Jehova. Sa huling pagsisikap ng Diyablo na ibuhos ang kaniyang lakas upang mapatalsik tayo buhat sa banal na paglilingkod sa ating Diyos, kaniyang ipagpaparangalan sa atin ang mga kayamanan ng sanlibutan, ang mararangyang pang-aakit nito, ng edukasyon sa mga kolehio at pamantasan at higit pa. Subali’t sa pamamagitan ng makalangit na tulong ay magtatagumpay tayo sa pananatiling “walang bahid ng sanlibutan” sa ikapupuri ng ating banal na Diyos, si Jehova.

Ano ang Sagot Mo?

◻ Sang-ayon sa Santiago 1:27, ano ang mga ilang kahilingan ng tunay na pagsamba?

◻ Ano ang ilang paraan upang tayo’y manatiling di-nadudungisan ng sanlibutang ito?

◻ Yamang lilipas ang sanlibutang ito, paano maaaring maapektuhan ng bagay na iyan ang ating pangmalas sa edukasyon sa mga kolehio at pamantasan?

◻ Tungkol sa pangangalakal, ang pagsusuri sa sarili ay kailangan sa anu-anong mga paraan?

◻ Paano maipakikilala ng mga Saksi ni Jehova na sila’y “walang bahid ng sanlibutan” kung tungkol sa kanilang asal at pakikitungo sa iba?

[Larawan sa pahina 26]

Bilang neutral na mga Kristiyano, iniwasan ng mga Saksi ni Jehova ang makasanlibutang karahasan

[Larawan sa pahina 27]

Hindi ang pag-asenso sa sanlibutan ang nagdadala ng pagsang-ayon ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share