Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/15 p. 26-30
  • Ang mga Taga-Uganda ay Nagpapahalaga sa “Tunay na Buhay”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Taga-Uganda ay Nagpapahalaga sa “Tunay na Buhay”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Apatnapung Taóng Pagsisikap Noong Una
  • Panahon ng Karahasan at Pagsubok
  • Pagpapahalaga sa mga Asamblea
  • Mga Karanasan ng Misyonero
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/15 p. 26-30

Ang mga Taga-Uganda ay Nagpapahalaga sa “Tunay na Buhay”

TUNAY na maganda ang sikat ng araw sa Kampala, ang kabisera ng Uganda. Buhat sa isa sa pitong burol nito, malalanghap ang nakapagpapasiglang hanging pang-umaga. Dito’y matatanaw mo ang luntiang mga punungkahoy na sa mga pagitan ay may tumutubong sarisaring bulaklaking gumamela, poinciana, at bougainvillea. Mga sarisaring ibon ang palipat-lipat sa mga sanga, at maririnig mo ang huni ng ibon sa itaas. Anong ganda nga naman ng buhay!

Pagka binubulay-bulay mo ang ganiyang mga tanawin sa magandang lupaing ito, hindi mo magagawa na hindi magpasalamat dahilan sa buhay at sa kahanga-hangang pagkakataon na iniaalok ng Tagapagbigay-Buhay upang makapamuhay ka sa isang makalupang paraiso magpakailanman.

Subalit maraming mga tao ang hindi ganiyan ang iniisip. Sa kanila ang Uganda ay hindi “ang Perlas ng Aprika.” Sa kanilang mga isip ang Uganda ay nagpapaalala lamang ng mga kaguluhan. Maraming mga tao sa Uganda ang walang iniisip kundi ang pagkatakot sa krimen, at sila’y nababahala tungkol sa implasyon. Sa wala pang sampung taon ang halaga ng tinapay ay tumaas mula sa 1/20 shilling tungo sa 200 shilling. Karamihan ng pamilya ay may yumaong mga kamag-anak at mga kaibigan dahilan sa marahas na pagkamatay, kung kaya ang kasabihan ng marami ay “mura ang buhay sa mga panahong ito.” Subalit ang Bukal ng buhay, ang Diyos na Jehova, ay totoong nagpapahalaga sa buhay, gaya ng mababasa sa kaniyang nasusulat na Salita. Humigit-kumulang kalahati ng 15 milyong mga taga-Uganda ang namamaraling tinatanggap nila na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, at marami ang tumutugon naman pagka itinawag-pansin sa kanila ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa sanhi ng paghihirap at sa layunin ng Diyos na ang maligayang mga tao ay makatikim ng “tunay na buhay” sa isang lupang paraiso.​—1 Timoteo 6:19.

Apatnapung Taóng Pagsisikap Noong Una

Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng “tunay na buhay” ay unang dumating sa Uganda noong 1931. Buong-panahong mga payunir na mangangaral na mga Saksi ni Jehova galing sa Timog Aprika ang nagpunta sa Mombasa, kanilang tinawid ang tinatawag ngayon na Kenya, at narating nila ang Uganda. Mahaba rito ang tag-araw at suwabe ang pag-ulan​—ang mga pananim dito’y bulak, kape, platano, kamoting-kahoy, at iba pa. Doo’y mayroong mahigit na 30 tribo, na ang iba’y may ipinagmamalaking kasaysayan tungkol sa nakalipas na mga kaharian. Yamang maraming mga tao ang nakapagsasalita ng Ingles, madaling nakakita ng mga interesado sa Kaharian ng Diyos. Noong 1935 ay nagkaroon din ng kahawig na paglalakbay, subalit ang mga payunir ay kinakailangang magpatuloy ng pagkilos, at maraming taon ang lumipas na hindi gaanong nakapangangaral sa Uganda.

Noong 1952 sa Kampala ay nagkaroon ng isang maliit na kongregasyon na may apat na mamamahayag. Makalipas ang tatlong taon, si N. H. Knorr, pangulo noon ng Watchtower Society, at si M. G. Henschel, na isa pa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa Kampala, at ang unang pagbabautismo sa Uganda ay naganap sa Lake Victoria. Nang malaunan ang ibang mga mamamahayag ay nagsilipat, at ang iba pang mga problema ay napaharap. Kayat noong 1958 ay isa na lamang mamamahayag ng mabuting balita ang natira.

Noong 1962 ang Uganda ay hindi na isang kolonya. Sa loob ng panahong ito ang unang grupo ng mga banyagang Saksi ay lumipat doon, karamihan sa kanila’y nanggaling sa Britanya at Canada, upang tumulong kung saan malaki ang pangangailangan upang doon maipangaral ang tungkol sa mga layunin ng Diyos. Hindi naglaon at ang unang mga graduado ng Watchtower Bible School of Gilead ay dumating, at ang iba pang mga bayan ay napuntahan at napangaralan ng pabalita ng Kaharian. Mabilis na sumulong ang gawain doon, at nagkaroon ng 110 mga mamamahayag noong 1971.

Panahon ng Karahasan at Pagsubok

Naganap ang malaking mga pagbabago sa takbo ng bansa, at ang mga pagbabagong ito ay napatanyag sa buong daigdig. Dahilan sa kawalang-kapanatagan at pagkatakot maraming mga banyaga at mga taga-Uganda ang nag-alisan. Ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay nagsialis noong 1973. Ang kalayaan sa relihiyon ay pinigil sa pamamagitan ng mga pagbabawal. Umiral ang takot sa lahat ng dako. Ang araw-araw na mga pangangailangan sa buhay ay pumanaw sa mga pamilihan nito. Maraming mga tao ang nawala na lamang at sukat nang hindi na nililitis sa hukuman. Sa araw-araw, ang mga tao ay namumuhay na nasa anino ng kamatayan. Sa wakas, noong 1979, sumiklab ang digmaan, at ang naging resulta nito ay ang mga pagbabago sa pamahalaan.

Samantalang ang mga ibang taga-Uganda ay nawalan ng pag-asa noong mga panahong ito, ang iba naman ay lalong nanabik na sila’y tumanggap ng kaaliwan. Batid ng mga Saksi ni Jehova na lahat na ito ay pansamantala lamang at na ang Diyos ay nagbibigay hindi lamang ng praktikal ng patnubay sa ganiyang mga panahon ng kahirapan kundi rin naman ng lunas sa lahat ng mga problema ng tao. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mga pulong at regular na pagkain ng espirituwal na pagkain, sila’y nanatiling masaya. Ang mga tagapagmasid ay nagpatunay na ang mga Saksi’y mayroong isang bagay na natatangi na wala ang mga ibang relihiyon. Narito ang mga ilang karanasan nang mga panahong iyon.

Isang padre de-pamilya ang nakaranas ng proteksiyon noon ni Jehova. Siya’y kabilang sa isang tribo na ang mga miyembro ay kinapootan at tinutugis para lipulin. Minsan ang kaniyang bahay ay hinagisan ng mga grenada at pinagbabaril nang may isang oras. Samantalang nagaganap ito kaniyang ipinaalaala sa kaniyang maybahay at mga anak na alalahanin ang sinabi ni Jehova kay Josue, “Magpakatibay-loob at magpakalakas,” at sila’y nanalanging magkakasama. (Josue 1:6) Nakapagtataka, sapagkat walang bala na tumama sa bahay, at tumalbog naman ang mga grenada at sumabog sa malayo. At ang kapatid na iyon ay lumabas at nakipagkatuwiranan sa mga umaatakeng iyon. Ang mga ilang kapitbahay niya ay kumampi rin sa kaniya. Noong hinahalughog ang kaniyang bahay natagpuan ng mga sumalakay na iyon ang kaniyang mga aklat sa Bibliya, kayat hindi na nila siya ginambala sapagkat siya’y isang taong relihiyoso. Nang sumunod na dalawang araw siya’y muling sinalakay at makalawang beses na napabingit na naman sa kamatayan, subalit tinulungan siya ni Jehova na makaligtas.

Isang dating mataas na opisyal na naging isang tunay na Kristiyano ang inaresto nang ilang beses. Dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki ang dinukot, at hindi na nakita uli. Hindi sinira nito ang kaniyang pagtitiwala sa Tagapagbigay ng buhay, ni nanlabo man lamang ang kaniyang pag-asa sa pagkabuhay-muli at sa “tunay na buhay.” Siya’y masigasig na nangaral sa kaniyang mga kapuwa preso, at nagpasimula ng mga ilang pag-aaral sa Bibliya. Isang dating sundalo ang higit na nagpakita ng pagpapahalaga at sumulong nang mabilis. Makalipas ang mga ilang buwan, ang lalaking iyon ay nakibahagi sa pangangaral sa bilangguan. Sa gayon, nang ang Saksi ay makalaya na, ang anim na pag-aral sa Bibliya ay ipinasa niya sa dating sundalo. Anong laking suporta nang ang dating mataas na opisyal at ang dating sundalo, makalipas ang mga ilang taon, ay magkatagpo sa isang klase sa Pioneer Service School na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova para sa buong-panahong mga tagapangaral. Oo, ang dating sundalo ay naging isang payunir! Ang kapatid na nagturo sa kaniya ng katotohanan ay makapagsasabi: “Nawalan ako ng likas na mga anak, pero ngayon ay nagkaroon naman ako ng espirituwal na anak.”

Isang ina na may pitong anak at may 13 taon nang Saksi ang napaharap sa maraming pagsubok. Nang una ang kaniyang asawang lalaki ang sumalansang sa kaniyang bagong pananampalataya. Pagkatapos dahilan sa karahasan ang lalaking ito ay tumakas at nagtungo sa Kenya, at may dalawang taon na kaniyang iniwanan ang asawang babae na nag-asikaso sa lahat ng mga anak. Nang ang lalaking ito ay magbalik siya’y dinakip, at sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo ang bahay nila’y pinagnakawan, ninakaw halos ang lahat ng ari-arian ng pamilya. Ang kapatid na babaing ito ay nanatiling masigasig sa katotohanan at ang hindi pakikisama sa mga makasanlibutan ang tumulong sa kaniya upang maaliw at makapagtiis. Ang kaniyang katapatan at pagkakaroon ng kagalakan ang nakabagbag ng damdamin ng kaniyang asawang lalaki, at nang ito’y makalaya na ay nagpakita ito ng interes sa Bibliya bago namatay sa kabataang edad. Subalit ang tapat na babaing ito ay pinalakas ng kongregasyon. Isang kasamahang Saksi ang tumulong sa kaniya na magsimula ng isang maliit na negosyo upang may ikabuhay siya at ang kaniyang mga anak. Kaniyang itinuturo sa kaniyang mga anak at sa iba pa ang kahanga-hangang pag-asa na buhay na walang hanggan sa lupa na walang problema, at siya’y nagdaraos ng anim na pag-aaral sa Bibliya.

Ang matatandang tao ay karaniwan nang iginagalang sa Uganda, kaya si Ana, na mahigit nang 60 anyos ay nagsamantala ng kaniyang pagkakataon na maging isang mangangaral na payunir. Sa halip na makiisa sa kaniyang mga kapitbahay sa pag-uusap-usap tungkol sa mga kahirapan, siya’y nakipag-usap sa kanila tungkol sa mabuting balita sa mga panahong ito ng karahasan. At nang magkagayo’y nagkaroon siya ng kagalakan ng pag-aaral sa isang pantanging paaralan para sa mga ministrong payunir na isinasagawa sa karatig ng lupain ng Kenya. Samantalang siya’y naroroon, tumanggap siya ng sulat sa mga kamag-anak na nagpapayo sa kaniya na huwag nang bumalik sa Uganda, sapagkat ang buhay ay napakamapanganib at napakahirap doon. Isang kamag-anak na namumuhay sa Kenya ang nag-alok na kukupkop sa kaniya, subalit kaniyang sinabi sa lahat na siya’y may dalang pabalita ng kaaliwan at pag-asa tungkol sa isang lalong mainam na buhay, na kailangan ng mga taga-Uganda. Kayat siya’y bumalik sa Uganda.

Pagpapahalaga sa mga Asamblea

Nang magkaroon ng mga pagbabago sa pamahalaan pagkatapos ng digmaan noong 1979, ang kalayaan ng pagsamba ay isinauli, kaya naman lahat na mga Saksi ni Jehova ay maligayang-maligaya. Muli na namang makapagdaraos ng mga asamblea, at ang maraming nangangailangan ng literatura sa Bibliya ay patotoo na maraming mga tao ang naghahangad ng mabuting balita ng isang lalong mabuting buhay. Nagsaayos ng mga pandistritong kombensiyon, at noong Disyembre 1983 isang drama sa Bibliya ang ipinalabas sa unang pagkakataon. Nagkaroon ito ng matinding impresyon sa mga nanonood, sapagkat tungkol ito sa buhay pampamilya. Kinabukasan 572, humigit-kumulang doble ng bilang ng lahat ng aktibong mga Saksi sa Uganda, ang dumalo sa Sports Hall sa Lugogo Stadium sa Kampala at tinamasa nila ang kagalakan ng pakikipagkaisa sa Kaharian sa mga taong tunay na nagpapahalaga sa buhay.

Marami ang nagsakripisyo upang makarating doon. Kung minsan ang pasahe sa tren ng mag-asawa ay mas malaki kaysa sa buwanang suweldo ng isang guro. Para sa mga ilang pamilya ang gastos ng pagdalo sa kombensiyon ay katumbas ng apat na buwang suweldo! Marami sa mga dumalo ang nagpakita ng malaking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.

Mga Karanasan ng Misyonero

Noong magtatapos na ang 1982 apat na mga misyonero ang nakapaglingkod sa Kampala. Sila’y gaya ng isang bagong salin ng lahi ng mga misyonero pagkatapos na pansamantalang mapahinto nang maraming taon. Ang unang-unang binahaginan nila ng mabuting balita ay isang binata na marahil ay malaon na ring naghihintay ng pabalita ng pag-asa. Pinasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral sa Bibliya karakaraka at makalawang beses sa sanlinggo na siya’y inaralan. Noong unang araw ang binatang iyon ay sumama na sa isang Saksi sa paglilingkod sa larangan, ngunit ang dalawang ito ay napaharap sa mga armadong kriminal. Bagaman walang karanasan, ang binata’y nagtiwala kay Jehova at nangaral sa kanila. Sa loob ng mga ilang minuto ng panganib ang mga magnanakaw ay nagtatalu-talo kung kanila bang papatayin siya o hindi. Pagkatapos isa sa mga magnanakaw na iyon ang nagsabi na pawalan na nila ang dalawa. Ano ang ginawa ng binatang ito pagkatapos ng nakasisindak na karanasang ito? Walang atubili na siya at ang kaniyang kasama ay naparoon sa susunod na bahay upang magpatuloy ng pangangaral! Siya ngayon ay bautismado na at nakapako ang kaniyang mga mata sa kayamanan ng pagiging isang payunir.

Isa sa mga misyonero ang nakakilala ng isang taong nagtrabaho sa Mozambique. Agad sinabi nito na mataas ang kaniyang pagpapahalaga sa mga Saksi ni Jehova, sapagkat nasaksihan niya ang kanilang malinis at maayos na kampamento sa Mozambique.a Ang taong ito ay lubhang napukaw ang damdamin nang isang araw nakita niya ang isang napakamaralitang pamilya ng mga Saksi nang sila’y dumating sa isang kampamento. Sila’y tinanggap nang buong init ng kanilang espirituwal na mga kapatid buhat sa iba’t-ibang tribo. Karakaraka ang kanilang materyal na mga pangangailangan ay sinapatan, binigyan sila ng isang bahay, isang bukid, mga kagamitan sa pagluluto, at mga damit. Ngayon ang taong ito ay lumalasap ng ganoong ding pag-ibig at pagkakapatiran na tinatamasa niya mismo samantalang siya’y inaaralan ng Bibliya at regular na nakikibahagi sa mga pulong Kristiyano kasama ng mga Saksi ni Jehova.

Madaling makita buhat sa ganiyang mga karanasan na ang mga misyonero, kasama na ang kanilang mga kapatid na taga-Uganda, ay may dahilang magalak. Malimit na sila’y kinukulang ng pagkain, tubig, at elektrisidad, at malimit na naririnig nila ang dagundong ng mga barilan at mga sumasabog na bomba, gayunman sila’y nagpapasalamat dahilan sa humuhusay na kalagayan nila. Sila’y kontento na na tulungan ang mga tao na makita ang kahalagahan ng “tunay na buhay.” Ang 250 mga tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos dito ay gumugugol sa katamtaman ng mahigit na 14 na oras bawat buwan sa pangangaral. Marami ang interesado, at marami rin ang nasa buong-panahong gawaing pangangaral. Sa kasalukuyan mahigit na 500 mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa magandang dakong ito ng mundo na, sa mga ilang bahagi, nagbibigay ng pahiwatig ng kung ano ang hitsura ng isang makalupang paraiso. Maraming mga taga-Uganda ang natututong magbaling ng kanilang pansin sa “tunay na buhay“ na walang hanggan na nilayon para sa kaylapit-lapit nang hinaharap ng maibiging Tagapaglaan ng buhay, si Jehova.

[Talababa]

a Mga Saksi ni Jehova buhat sa Mozambique at Malawi ang inilagay sa mga kampamento, ng mga autoridad.

[Blurb sa pahina 27]

Dahilan sa matalik na pagsasamahan nila sa mga pulong at palagiang pagtanggap ng espirituwal na pagkain, sila’y masasaya

[Mga Mapa/Larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UGANDA

Kampala

ZAIRE

SUDAN

KENYA

Lake Victoria

[Larawan sa pahina 28]

Ang mga burol ng timog-kanlurang Uganda

[Larawan sa pahina 29]

Isang grupo ng bagong kababautismong mga Saksi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share