Mga Magulang, Pangalagaan ang Inyong mga Anak
SAKALING sabihin sa iyo ng iyong anak na siya’y nahila ng kaniyang mga kamag-aral na magdroga, ano ang gagawin mo? O, kung ang anak mong dalagita ay nagsumbong sa iyo na ang mga kabataang lalaki sa paaralan ay gumagambala sa kaniya, ano kaya ang magiging reaksiyon mo?
Tiyak na hindi ka mag-aaksaya ng panahon kundi gagawin mo ang lahat ng magagawa mo, di ba? Aalamin mo ang mga pangyayari at titingnan kung ano ang magagawa mo upang mabigyan ng proteksiyon ang iyong anak. Iyan, sa palagay mo, ang ikikilos mo bilang isang magulang. Subalit sa totohanan ang mga bagay ay hindi laging ganiyan ang pangyayari. Kadalasan, sa sandaling masumpungan ng mga magulang ang mga bagay-bagay ay totoong huli na ang lahat. Malimit, ang tanging reaksiyon ay “paanong mangyayari ito sa aking anak?”
Ang Kabataan ay Ginigipit
Kung isa kang magulang, alam mo ba ang uri ng kagipitan na nakaharap sa iyong mga anak? Alam mo ba kung ano ang mga napapaharap sa kanila sa araw-araw? Ang apostol na si Pedro ay nagbabala: “Kayo’y manatiling mahinahon, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Bagaman ang pakay ni Satanas ay madaig at maging alipin niya ang lahat ng tao, kabataan at matatanda, maliwanag na ang lalong higit na nanganganib ay ang mga musmos na kabataan, sa ganoo’y inilalagay sila sa ilalim ng mahigpit na kagipitan.
Pag-usapan natin ang mga ilang halimbawa. Sa ilalim ng paulong-balita na “Ang Krimen ng mga Minor de Edad Ngayon ay 52% ng Kabuuang Lahat,” ang Mainichi Daily News ng Hapon ay nag-ulat na, tungkol sa mga delingkuwenting kabataan, ang “mga krimen na ginagawa ng 14-anyos na mga kabataan ang nangunguna sa listahan.” Sa Estados Unidos, 3.3 milyon na mga edad 14 hanggang 17 anyos ang mga pusakal na mang-iinom, isa sa bawat anim na mga teenager ang regular na gumagamit ng mga droga, at halos kalahating milyong mga bata ang ipinanganganak ng disgrasyadang mga inang teenager bawat taon. Ang totoo ay saan ka man nakatira, ang iyong mga anak ay hindi ligtas sa daluyong ng mga krimen ng kabataan, ng karahasan, at ng imoralidad na laganap sa buong mundo.
Matutulungan Mo Sila
Lahat na ito ay nagdidiin sa bagay na ang mga kabataan sa ngayon ay nasasangkot sa isang mahirap na pakikipagbaka. Sa nalalaman man nila o hindi ang mga bagay na ito, upang sila’y magtagumpay sila’y nangangailangang tulungan ng mga taong maygulang at may karanasan. Kung isa kang magulang, nasa kalagayan ka bang tumulong sa iyong mga anak? Handa ka bang gumawa ng kinakailangang pagsisikap upang tulungan sila?
Marami na ang nasabi at nasulat tungkol sa pagtulong sa mga anak; marami na ang payo tungkol sa paksang iyan. Sa katunayan, ang problema ay ang pagpapasiya kung alin sa maraming nagkakasalu-salungatang mga opinyon ang dapat sundin ng isa. Halimbawa, isang eksperto ang maaaring nagsasabi na mabuti ang pamamalo. Ang isa naman ay nagsasabi na hindi ito dapat gamitin. O ang isang espisyalista ay maaaring nagsasabi sa iyo na huwag mong bigyan ng gantimpala ang iyong anak sakaling siya ay makagawa ng isang pambihirang bagay, at iyon ay kung hindi mo ibig na ang bata’y mapabilang sa mga anak sa layaw. Subalit ang isa naman ay nagsasabi na ang komendasyon at mga gantimpala ay kailangan kung ibig mong maging matatag ang iyong anak. Hindi nga katakataka na, sa pananalita ng isang kagawad ng Hospital for Sick Children sa Toronto, Canada, ang mayroon tayo ay “isang henerasyon ng mga magulang na halos natatakot na maging mga magulang.”
Sa pagkakita ng ganiyang malubhang kalagayan, at ng maraming mga kaso ng kabiguan, marahil ay itatanong mo kung talagang posible na palakihin ang mga anak tungo sa pagiging maygulang, matino, at, higit sa lahat, maka-Diyos na mga tao sa panahong ito. Bago mo ipasiya na ito’y hindi maaaring magawa, alalahanin na si apostol Pablo ay sumulat: “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Oo, hindi ibibigay ng Diyos sa mga magulang ang pananagutang ito kung ito’y hindi maaaring gampanan.
Isang Ulirang Pamilya
Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nabuhay sa panahon na katulad na katulad ng sa atin. Sang-ayon sa Bibliya, nang panahong iyon “nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na palagi. . . . Nakita ng Diyos ang lupa at, narito! iyon ay sumamâ, sapagkat lahat ng laman ay nagpakasamâ sa kanilang mga daan sa lupa.”—Genesis 6:5, 12.
Ano kaya ang madarama mo kung ang iyong mga anak ay palalakihin mo sa ilalim ng ganiyang mga kalagayan? Kung ang Genesis 5:32 ay ihahambing sa Genesis 7:6, mapapansin natin na ang mga anak na lalaki ni Noe ay ipinanganak na lahat sa nalolooban ng isang yugto ng panahong isang daang-taon bago sumapit ang Baha. Gayunman, 120 taon bago sumapit ang Baha, ganiyan na lamang kasamâ ang mga kalagayan kung kayat sinabi ni Jehovang Diyos: “Ang aking espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailanman yamang siya’y laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay magiging isang daan at dalawampung taon.”—Genesis 6:3.
Sa gitna ng ganiyang masasamang kalagayan, si Noe at ang kaniyang asawa ay matagumpay na nakapagpalaki sa kanilang tatlong mga anak na lalaki upang ang mga ito’y maging mga kabataang may takot sa Diyos. Dahilan sa sila’y nakinig sa kanilang mga magulang, sila’y nakaligtas sa Delubyo na pumuksa sa balakyot na lahing iyon ng mga tao.
Ano ba ang lihim ng tagumpay ni Noe? Si apostol Pablo ay kinasihang magsabi sa Hebreo 11:7: “Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot ay naghanda ng isang arka sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan.” Sa katunayan, ang Genesis 6:22 ay nagsasabi sa atin: “Ginawa ni Noe ang mga bagay-bagay ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganung-ganon niya ginawa.”
Tiyak, ang katapatan at kasipagan ni Noe sa harap ni Jehova ay napatanim nang malalim sa isip ng kaniyang mga anak kung paanong mahalaga para sa kanila na magpakita ng ganoon ding katangian sa kanilang buhay. Sa panahon na ginagawa ang arka, tiyak na siya’y gumugol ng malaking panahon sa pagtatrabaho at sa pakikipag-usap sa kanila, anupat sila ay magkakasamang gumagawa. At, yamang “isang mangangaral ng katuwiran,” tiyak na tinuruan ni Noe ang kaniyang sariling sambahayan ng mga batas at kahilingan ni Jehova. Kaya naman, ang pamilya ni Noe ay nakaligtas nang mapahamak ang sinaunang “sanlibutang iyon ng mga taong balakyot.”—2 Pedro 2:5.
Kung Ano ang Magagawa Mo
Maliwanag, kung gayon, na ang halimbawa ng mga magulang ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa matagumpay na pagtuturo at pagsasanay sa mga anak. Nang isang kolumnista ng isang pahayagan ang tanungin kung ano ang pinakamalaking hadlang sa mga magulang sa pagsasanay sa kanilang mga anak, ang simpleng sagot niya: “Sila.” Ang mga magulang na hindi inihuhulog sa gawa ang kanilang sinasalita ay gumagawa laban sa kanilang sariling mga kapakanan at pati ng sa kanilang mga anak. (Ihambing ang Roma 2:21-23.) Ang pagiging magkakatugma sa bagay na ito ay kailangan. Sa gayon, kailangan tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili: Ano ba sa palagay ko ang pinakamahalagang bagay sa buhay? Ano ang aking sariling mga tunguhin?
Sa Deuteronomio 6:7, ang mga magulang ay pinag-utusan: “Ikikintal mo [ang mga salitang galing kay Jehova] sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Iyan ay nangangailangan ng komunikasyon. Ngunit hindi lahat ng pakikipag-usap ay komunikasyon o pakikipagtalastasan. Isang 17-anyos na binatilyo ang nagbibida na makalawang sinubok niya na makipag-usap sa kaniyang ina tungkol sa problema ng droga na kaniyang nasasaksihan sa paaralan. “Sinabi sa akin ng nanay ko na lumayo ako sa [mga pushers],” aniya. Nakatulong ba iyon? Maliwanag na hindi, sapagkat ang binatilyong ito ay nakadama na siya’y nasa kagipitan pa rin at hindi niya alam kung papaano aalpas doon.
Pagka ang mga kabataan ay napapaharap sa mga problema na hindi nila kaya, ang kanilang unang naiisip kalimitan na ay ang patulong sa kanilang mga magulang para malutas nila iyon, at ito ay mabuti. Subalit ang gayong tiwala ay madaling masisira kung ang mga magulang ay hindi magpapakita ng kaunawaan sa kanilang kalagayan. Kahit na kung walang dagling solusyon na maaari, pagka sila’y nagpakita ng pagkaunawa ang mga linya ng komunikasyon ay patuloy na nananatiling bukás.
Ang pagtutuwid ay isa pang mahalagang bahagi ng pagsasanay sa mga anak. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang pamalo at saway ang nagbibigay ng karunungan; ngunit ang isang batang pinababayaan sa kaniyang kagustuhan ay magdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.”—Kawikaan 29:15.
Mga ilang panahon na ngayon ang nakalipas, ang Kagawaran ng Pulisya ng Houston, Texas, ay namahagi ng isang pulyeto na pinamagatang “12 tuntunin sa pagpapalaki ng mga anak na delingkuwente.” Marahil ito’y katatawanan, subalit halos lahat ng “mga tuntunin na iyon ay may kinalaman sa pagtutuwid o kakulangan ng pagtutuwid doon. Narito ang mga ilang halimbawa:
◻ “Pasimula sa pagkasanggol, bigyan ang bata ng lahat ng magustuhan niya. Sa ganitong paraan siya ay lálakî sa paniniwala na may tungkulin ang daigdig na buhayin siya.”
◻ “Pagka siya’y nakapulot ng masasamang salita, pagtawanan mo siya. Aakalain niya na siya’y kinatutuwaan.”
◻ “Huwag mo siyang bibigyan ng espirituwal na pagsasanay. Maghintay ka hanggang sa makarating siya ng 21 anyos at pagkatapos ay hayaan mo siya ang ‘magpasiya para sa kaniyang sarili.’”
◻ “Iwasan ang paggamit ng salitang ‘mali.’ Baka ang akalain niya’y palagi siyang nagkakamali. . . . ”
Ang mga magulang na Kristiyano ay natural lamang na mabahala tungkol sa pagpapalaki ng kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang payo ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ito’y hindi nangyayari nang walang pagsisikap—malaking pagsisikap. Subalit walang puhunang panahon at pagod ang totoong malaki pagka ang pakinabang doon ay buhay para sa iyo at sa iyong mga anak.—Deuteronomio 6:2.
Isang Nakasisiyang Atas
“Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng bahaybata ay isang gantimpala,” ang sabi ng salmista. (Awit 127:3) Kahit na mahabang panahon na ang lumipas at may pagbabago sa kaugaliang panlipunan, totoo pa rin ang pangungusap na iyan. Ang patotoo ay makikita sa maraming-maraming kabataan sa organisasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova na nagsilalaki na mga responsable, kagalang-galang, at kapuri-puring mga kabataan. Sila’y isang kapurihan sa ganang sarili nila, sa kanilang mga magulang, at higit sa lahat, sa kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova.
Maaari mong anihin ang kagantihan ng pagpapalaki ng iyong mga anak na taglay ang ganiyang kasiya-siyang resulta kung ngayon ay gagawa ka ng mga hakbang na sanayin, turuan, at ipagsanggalang sila.
[Larawan sa pahina 26]
Ang magkakatugmang patnubay, mabuting komunikasyon, at maibiging pagtutuwid ay kailangan sa pagsasanay sa inyong mga anak