“Hindi Natin Makakalimutan . . . ang mga Sibuyas at Bawang!”
Ang mga sibuyas at bawang ay saganang-sagana sa Ehipto at hindi lamang ito, kundi marahil ang mga inaani roon ay natatanging mahuhusay na klase. Sa Plants and Trees of Scripture, binanggit ng iskolar ng Bibliya na si F. Hasselquist na “sinumang nakatikim ng sibuyas na ani sa Ehipto, ay magsasabing wala nang huhusay pa rito kaysa ano mang panig ng sansinukob.” Marahil, maraming sibuyas at bawang ang kinakain noon ng mga manggagawa sa piramid. Iniulat ng Griegong historyador na si Herodotus na isang nakasulat na paunawa sa Dakilang Piramid ng Cheops (o, Khufu) ang nagpapatunay na “ang salaping ginasta sa ganitong paraan ay nagkakahalaga ng 1600 talentong pilak.” Kung tunay ang ulat na iyan, aabot iyan ng 23 milyong dolar (U.S.) kung sa kasalukuyang katumbasan.
Dahilan sa ganiyang katanyagan at kahusayan ng mga sibuyas at bawang na ani sa Ehipto, hindi kataka-taka na ang mga Israelita, nang sila’y nagririklamo na sa ilang, ay ibig na magsipagbalik sa Ehipto para makakain na naman sila ng maanghang na gulay na ito. (Bilang 11:4, 5) Handa silang talikdan ang kanilang kalayaan upang tamasahin lamang ang di-mahalagang mga kalayawang ito. Anong dali rin ngayon na ang karaniwang mga bagay sa araw-araw ay maging silo at makalimutan ng isang tao ang lalong mahalagang mga bagay sa buhay!