Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 11/15 p. 27-31
  • Nagtatagumpay ang Katotohanan ng Bibliya sa Gitna ng Tradisyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagtatagumpay ang Katotohanan ng Bibliya sa Gitna ng Tradisyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Ang Bisa ng Katotohanan ng Bibliya
  • Ang mga Bata ay Nakikinabang sa Katotohanan ng Bibliya
  • ‘Hanapin Muna ang Kaharian’
  • Ang Hamon ng Isang Haluang Komunidad
  • Pagtatayo Para sa Hinaharap
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 11/15 p. 27-31

Nagtatagumpay ang Katotohanan ng Bibliya sa Gitna ng Tradisyon

NOONG isang daan taong lumipas, ang Bibliya ay nagkaroon ng pangunahing dako sa karamihan ng mga sambahayan sa Britanya. Ang King James Version ng 1611, isang matatag na bahagi ng tradisyong Protestante ng bansa, ay totoong kinagigiliwan at iginagalang. Sa gayon, nang si Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Society, ay dumalaw sa British Isles nang unang pagkakataon noong 1891, ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa “sigasig sa relihiyon” ng mga mamamayan. Kaniyang sinabi na ang bansang iyon ay “mga bukirin na handa na at naghihintay na anihin,” at kaniyang nakita na kailangang dagling tipunin ang mga interesado at mamahagi ng higit pang literatura sa Bibliya sa bansang yaon.

Upang matugunan ang pangangailangang ito, si Russell ay nagbukas ng isang bodegahan ng aklat sa London, at noong 1898 mayroong siyam na mga kongregasyon ng mga Bible Students (na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) na nagpupulong sa Britanya. Dalawang taon ang nakalipas, noong 1900, ang unang tanggapang sangay ng Watch Tower Society ay inorganisa sa London, at noong 1911 ito’y naroroon na sa 34 Craven Terrace. Ang karatig na London Tabernacle ang naging sentro para sa maraming makasaysayang mga asamblea, ang gawaing pag-eebanghelyo ay umunlad sa buong bansa.

Nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914 ang tanawin ay nagbago. Ang pagsuporta sa tradisyonal na relihiyon ay unti-unting umurong, at patuloy hanggang ngayon. Sino ang nag-aakala noon na makalipas ang 70 taon ang Iglesia Anglicana, na punung-puno ng tradisyon at may mga sinaunang simbahang katedral, mga kaugalian at selebrasyon, ay mawawalan ng 75 porsiyento ng kaniyang kongregasyon bago sumapit sa edad na 20? O na ang mga miyembro ng Iglesia ng Scotland ay patuloy na uurong hanggang sa maging wala pang isang milyon, o mga 18 porsiyento ng populasyon? O na maraming mga kapilya ng Welsh ang mauuwi na lamang sa mga garahe, supermarket, o mga pook na libangan? Ngunit ganiyan ang larawan ngayon.

Sa kabilang dako, sino ang makakaguni-guni na ang mga Saksi ni Jehova sa Britanya, sa 1984, ay abot sa bilang na mahigit na 95,000 na mga aktibong mangangaral? O na ang kanilang 1,170 mga kongregasyon ay nagsasagawa ng isang walang makakahalintulad na proyekto ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall? Gayunman, nariyan ang buong katotohanan na nasasaksihan ng lahat. Paano natin maipaliliwanag ang waring tumbalik na pangyayaring ito? Bakit nga ang mga Saksi ni Jehova ay umuunlad sa Britanya? At anong mga hamon ang nakaharap sa kanila ngayon?

Ang Bisa ng Katotohanan ng Bibliya

Ang mga tradisyon ay namamatay, wika nga. Dahil sa pag-ibig sa katotohanan ng Bibliya maraming mga masusugid na tagatangkilik ng mga relihiyon ang umalpas sa pagkagapos sa gayong mga tradisyon. Ang iba naman ay nagbigay-daan sa katotohanan ng Bibliya upang bumago ng kanilang buhay. Oo, sa sumusunod na mga karanasan, malinaw na makikita natin kung paanong ang katotohanan ng Bibliya ay nagtatagumpay sa gitna ng tradisyon sa Britanya.

Isang matandang babae ang masugid na miyembro ng Iglesia ng Inglatiera sa buong buhay niya ngunit siya’y kilala bilang may pag-ibig sa Bibliya. Bagamat may nakikilala siya na mga Saksi ni Jehova sa kaniyang komunidad at kaniyang hinahangaan ang mga ito, hindi naman siya gaanong sumasangkot pagdating na sa pakikipag-usap tungkol sa relihiyon sa kanila. Subalit nang ang aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth ay nakatakdang pag-aralan sa isang kalapit na panggrupong pag-aaral sa Bibliya, siya’y nagpaunlak na sumali at ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa napakinggan niyang tinatalakay doon. Buhat sa unang pagdalong iyon, siya ay naging palagiang dumadalo na doon at pati sa Kingdom Hall ng kongregasyon. Nang ang vicaryo ay dumalaw upang alamin kung bakit hindi na siya nagsisimba, tahasang sinabi niya na hindi na siya talagang babalik sapagkat siya’y nakaalam nang higit pa tungkol sa Bibliya noong nakalipas na mga ilang linggo kaysa kaniyang napag-alaman noong lumipas na 86 na mga taon nang siya’y isang miyembro ng nasabing relihiyon.

“Nagsabi ng katotohanan pagkatapos makausap ang mga Saksi” ang titulo ng sumusunod na salaysay sa The West Wales Guardian. Isang 30-anyos na lalaki ang inaresto dahilan sa pagnanakaw. Kaniyang sinabihan ang kaniyang abogado na magpasok ng pagtatanggol na “Not Guilty.” Subalit, bago ginanap ang paglilitis sa hukuman ay nagsimula siya ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang resulta? Isang deklarasyon sa hukuman at isang ultimo-orang pagbabago ng pagtatanggol upang yao’y maging “Guilty”! Sa sumaryo ng kaso, ang pinuno ng mga mahistrado ay nagsabi: “Kami’y natutuwa na ikaw ay nagpasiya na mamuhay ayon sa batas ng bansa.” Ganiyan na lang ang pasasalamat ng asawa ng lalaking iyon dahilan sa mga pagbabagong ginawa nito sa buhay kung kayat ang bulalas niya: “Ito talaga ang pinakamahusay na pamumuhay!”

Ang mga Bata ay Nakikinabang sa Katotohanan ng Bibliya

Sa loob ng lumipas na mga taon, sa mga sambahayan na isa lamang sa mga magulang ang Saksi may nausong palagay na ang mga anak doon ay pinagkakaitan ng mga ilang bagay-bagay, lalo na kung may kinalaman sa kinaugaliang mga selebrasyon sa relihiyon. Datapuwat, sa isang hatol kamakailan ng Mataas sa Hukuman ay nagkaroon ng isang bagong pangmalas tungkol sa bagay na ito nang sabihin, bilang isang bahagi:

“Walang anomang imoral o labag sa lipunan sa mga paniwala at gawain ng [mga Saksi ni Jehova]. May malaking panganib, sapagkat tayo ay nakikitungo sa di-popular na sekta, sa labis na pagdidiin sa mga panganib sa kapakanan ng mga anak na ito na likas sa posibilidad na sundin nila ang kanilang ina at maging mga Saksi ni Jehova.”

Embes na sila’y pagkaitan, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay malimit na tumatanggap ng komendasyon dahilan sa kanilang kinalakhang pagsasanay bilang mga Kristiyano. Halimbawa, isang guro sa Glasgow, Scotland, ang nagsabi na sila ay “mahuhusay na mga mag-aaral, hindi dahil sa sila’y higit na intelihente, kundi dahil sa, buhat sa maagang edad pa lamang, sila’y tinuturuan kung paano uupo at makikinig at ikakapit ang kanilang natutuhan.” Sinabi rin niya na ang mga tinedyer na Saksi ay higit na may balansing kaisipan at samakatuwid, sa kaniyang opinyon, lalo silang madaling nakakaaguwanta sa mga problema sa mga taon na sila’y papasok na pagkamaygulang.

‘Hanapin Muna ang Kaharian’

Ano ang nangyayari paglaki ng mga bata? Ang pagsasanay ba nila nang sila’y nasa kabataan pa ay nagbibigay ng bentaha sa kanila sa mga taon ng pagkakaedad? Ngayong tatlo at kalahating milyon ang mga walang hanapbuhay sa Britanya, tunay na isang pagsubok ang unahin muna ang espirituwal na mga bagay. Subalit, gaya ng ipinangako ni Jesus, ang ‘paghahanap muna sa kaharian’ ay nagdudulot ng saganang biyaya, gaya ng pinatutunayan ng sumusunod na karanasan.​—Mateo 6:33.

Samantalang kaniyang pinag-iisipan kung ano ang pipiliin niya, ang buong-panahong ministeryo o ang sekular na propesyon, isang kabataang Saksi ang inalok ng isang mainam na trabaho sa isang kompanya ng inhenyerya taglay ang kondisyon na siya’y mag-aaral ng pantanging kurso kung mga gabi ng Martes at Huwebes. Subalit, ipinasiya ng binatang ito na ipaalam na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at kailangang dumalo siya sa mga pulong ng kongregasyon sa dalawang gabing iyon. Alin ba iyong uunahin? Ang ibig malaman ng manager. Yamang ayaw ng binata na komompromiso, tinanggihan niya ang alok na iyon at kumuha siya ng bahaging-panahong trabaho upang masuportahan ang kaniyang sarili at makapagsimula na sa buong-panahong ministeryo.

Nakalipas ang apat na taong maligayang paglilingkod, ang tunguhin ng binatang ito ay mapadestino ngayon sa ibang bansa bilang isang misyonero, samantalang marami sa kaniyang mga kaedad na nag-aral sa mga pamantasan ang wala pa ring hanapbuhay hangga ngayon. Ang mga iba ay mga estambay na lamang sa lipunan. Kumusta naman ang kompanya na nag-alok sa kaniya ng trabaho? Hindi nagtagal pagkatapos niyaon ay nagsara ang kompanyang ito at wala na ngayon.

Ang buong-panahong ministeryo, o pagpapayunir, ay hindi lamang para sa kabataan. Isang Saksi, isang padre de-pamilya sa norte ng Inglatiera, ang nagbenta ng kaniyang maunlad na negosyo at kumuha ng bahaging-panahong trabaho upang maging regular na payunir. Sa kaniyang magandang halimbawang ito, tatlo sa kaniyang apat na anak ang nagpayunir din pagkatapos ng pag-aaral, at ang natitirang anak na babae ay magpapayunir din kasama nila pagdating ng panahon. Ang ina ay isang mabuting halimbawa rin bilang isang auxiliary payunir, na gumugugol ng 60 oras o higit pa isang buwan sa pangangaral kailanma’t may pagkakataon.

Ang pag-aauxiliary payunir ay mahusay ang takbo sa Britanya. Noong Mayo 1984, isang sukdulang dami na 12,108 na mga Saksi ang nagboluntaryo para sa paglilingkod na ito. Guni-gunihin ang sigla sa isang kongregasyong Scottish nang isang 23-anyos na lalaking kapatid na isang thalidomide baby na isinilang nang walang mga baraso at may iisa lamang paa, ang nanguna at nagpayunir. Sa pamamagitan ng mabait na tulong ng kongregasyon, siya ay nakapagpapatotoo sa bahay-bahay.

Ang Hamon ng Isang Haluang Komunidad

Bagamat ang Britanya ay isang munting bansa, ito’y maraming taglay na hamon kung tungkol sa iba’t-ibang tradisyon, wika, at dialekto. Sa Wales, halimbawa, karamihan ng mga tao, bagaman Ingles ang wika, ay gumagamit pa rin ng kanilang katutubong dialekto, ang Welsh. Ang mga ilan, sa mga liblib na lugar ng Principality, ay walang ginagamit na salita kundi Welsh. Para tulungan sila, ang Samahan ay naglimbag kamakailan lamang ng mga ilang aralang-aklat sa Bibliya sa wikang Welsh, at ayon sa nakaraang balita ay mahusay ang resulta.

Sapol noong Digmaang Pandaigdig II, panay ang dagsaan ng mga mamamayang British na galing sa mga dating kolonya. Bukod sa pagdagsa ng maraming West Indians, iniulat na mahigit na isang milyon mga Asiano buhat sa India, Pakistan, at Bangladesh ang naninirahan ngayon sa Britanya. Ang kanilang wika ay nagharap ng pinakamalaking hamon sa mga Saksi ni Jehova. Bagamat makukuha ang mga literatura sa Bibliya sa kapuwa Gujarati at Punjabi​—na dalawang pangunahing wika roon, hindi madali ang gamitin ito. Ang mga Saksi na desidido na matutuhan ang mga wika na ito at maunawaan ang panlipunan at panrelihiyon na mga tradisyon ng mga taong ito ay buong init na tinatanggap ng mga komunidad.

Bilang resulta, ang pahayagang Garavi Gujarat ng London ay nag-uulat: “Maraming Gujaratis ang umalpas sa tradisyonal na Hindu Caste System at ngayon’y mga Saksi ni Jehova na.” Isang nahahawig na paulong balita sa Wembley Midweek ang nagsasabi: “Ang Bibliya ang sumisira sa mga hadlang na caste.” Datapuwat, yaong mga umaalpas ay napapaharap sa maraming panggigipit ng kanilang pamilya, lalo na yaong tungkol sa tradisyon ng isinaayos na pag-aasawa. Dahil sa ganitong situwasyon, isang dalagang Indian ang nagpatotoo sa mga lalaking ipinakilala sa kaniya bilang inaasahang magiging asawa niya. Ang bawat isa sa kanila ay nagpasiya na hindi niya gustong kanilang maging asawa siya dahilan sa kaniyang sigasig sa kaniyang relihiyon. Sa wakas, pagkatapos na pumayag ang kaniyang mga magulang, siya’y nakapag-asawa ng isang Saksing Indian. Sila ngayon ay isang nagkakaisang pamilya sa paglilingkod kay Jehova. Sa ngayon, mahigit na 500 Saksi na dating mga taga-Asia ang aktibo sa buong bansa, kabilang na sa kanila ang 35 buong-panahong mga mangangaral!

Pagtatayo Para sa Hinaharap

Noong mga buwan bago magsiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, itinayo ang mga unang Kingdom Halls sa London, sa karatig pook ng Harrow at Ilford. Ngayon, mayroong 140 mga kongregasyon sa London lamang, kasali na ang 4 na Griego, 2 Italyano, at isang Kastila, mayroon ding Intsik, Gujarati, Hapones, Portuges, at Punjabi. Ang hamon na magtayo ng mga bagong Kingdom Halls samantalang patuloy na tumataas ang halaga ng ari-arian, ay higit na malaki kaysa kailanman.

Datapuwat, ang nagpapabilis sa mga bagay-bagay ay ang bagong proyekto na dalawang-araw na pagtatayo ng Kingdom Hall. Ang una sa gayong hall sa Europa ay itinayo noong 1983 sa Midlands na bayan ng Northampton. Mga Saksing may karanasan sa ganitong pambihirang larangan ng konstruksion ang nanggaling sa Estados Unidos at Canada para mangasiwa sa proyekto. Sa isang karatig na paaralan, ang pinaka-principal ay nagpahintulot sa mga nag-aaral na dumalaw sa pinagtatayuan ng proyektong iyon upang makita nila mismo ang tinatawag na “isang naghahamong pangmalas sa isang dakilang proyekto ng komunidad.” Subalit higit pa iyon kaysa roon. Iyon ay isang internasyonal na proyekto na may mga 500 boluntaryo na nanggaling mula pa sa Hapon, India, Francia, at Alemanya.

Ang espiritung ito ng pagkakaisa ay tumatawag-pansin ng marami sa Britanya. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi na itinuturing ngayon na isang maliit na minoridad lamang. Sila’y itinuturing ngayon na isang bayan na may layunin, nagtatayo para sa hinaharap, gaya ng sabi ng isang klerigong nasa Iglesia ng Inglatiera, “isang mahusay na organisasyon na mayroong nag-aalab na sigasig.” Sinabi pa niya: “Sila’y nagpapakita ng malawak na kaalaman sa Bibliya. Kanilang nasisipi iyon at kabisado nila. Ang kanilang karaniwang mga miyembro ay waring pambihira ang kasanayan.” Narito ang dahilan ng kanilang pagkakaisa at lakas: Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ang tanging awtoridad para sa lahat ng kanilang pinaniniwalaan at ipinangangaral, na agad namang sinasang-ayunan ngayon.

Sa Britanya sa mga taon ng 1980, ang Bibliya ay isa pa rin sa pinakamabiling aklat, at iginagalang hangga ngayon. Totoo, marahil ay wala nang “sigasig sa relihiyon” na agad mong mahahalata noong may isang daang taon na ngayon ang lumipas. Subalit sa panghahawakang mahigpit sa katotohanan ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova doon ay umaani ng sagana. Lahat-lahat ay mayroong 187,709 katao ang nakipagtipon kasama nila sa 1984 taunang pag-aalaala sa kamatayan ng Panginoong Jesu-Kristo​—ang pinakamalaking bilang! Sila’y may mabuting dahilan, kung gayon, na patuloy na magtiwala na sa lupaing ito ng tradisyon ay libu-libo pa ang tatanggap ng katotohanan ng Bibliya upang maging mananamba kay Jehova, ang Diyos ng katotohanan samantalang patuloy na palapit sa wakas ang sistemang ito ng mga bagay.​—Mateo 24:3, 14.

[Mapa/Larawan sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BRITANYA

SCOTLAND

Glasgow

ENGLAND

Northhampton

London

WALES

[Larawan sa pahina 29]

Dagling naitayong Kingdom Hall sa Northampton, Inglatiera

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share