Talaga Bang Nabuhay si Adan at si Eva?
“ANG unang lalaki ay si Adan at ang unang babae ay si Eva; sila ang ating mga unang magulang.” Ganiyan ang punto de-vista na ipinahayag noong 1947 sa The Catechism for Use by French Dioceses, ang saligang aklat-aralan para sa pagtuturo sa mga batang Pranses ng relihiyong Katoliko.
Subalit makalipas ang isang taon, noong 1948, ganito ang sabi ng awtorisado ng simbahan na ensiklopedyang Pranses na Catholicisme: “Anumang doktrina ng ebolusyon na nagpapahintulot na ang kaluluwa’y lalangin ng Diyos ay hindi salungat sa Bibliya.” Nang taon ding iyon, sinabi ng Papal Biblical Commission na ang ulat sa Genesis tungkol sa paglalang ay “isang popular na paglalarawan sa pinagmulan ng lahi ng tao” at ipinaliwanag sa “simpleng talinghagang pananalita na angkop sa kaisipan ng mga taong musmos.”
Noong 1981 si Papa John Paul II ay nagsabi ng ganito sa harap ng Papal Academy of Sciences: “Ang Bibliya ay nagsasaysay ng pinagmulan at pagkabuo ng Uniberso hindi bilang isang siyentipikong sanaysay kundi upang liwanagin ang wastong kaugnayan ng tao sa Uniberso.” At sa La Bible de la Liturgie (Liturgical Bible), na opisyal na inaprobahan noong 1976, nagbibigay ng sumaryo ng opinyon ng maraming teologong Katoliko tungkol sa paksa ng paglalang na inuulat ng Genesis, at nagsasabi: “Ang totoo, ito ay hindi makasaysayan ni siyentipikong katotohanan man.”
Ang mga ibang relihiyon naman na nag-aangking Kristiyano ay gayundin ang paninindigan kung tungkol sa teoriya ng ebolusyon. Si Alexandre Westphal, na propesor emeritus ng kasaysayan ng relihiyon at Biblical theology sa Protestant Theology School sa Montauban, Pransiya, ay nagsabi ng ganito sa kaniyang Dictionnaire Encyclopédique de la Bible na ang ulat sa Genesis tungkol kina Adan at Eva at sa kanilang unang dalawang anak ay “hindi dapat ituring na paglalahad ng mga pangyayari na tunay na naganap sa buhay ng apat katao, kundi isang paglalahad, na ginagamitan ng mga talinghaga at guniguni, ng pasimula ng kaugnayan ng sangkatauhan sa Diyos.” (Genesis 2:7–4:16) Noong 1949 ang Arsobispo ng Canterbury, na itinuturing na senyor obispo ng Church of England, ay nagsabi: “Sa kabuuan tinanggap na ng Iglesya Kristiyana ang teoriya ng ebolusyon bilang may batayan sa siyensiya.”
Sa gayon, binanggit ng lingguhang L’Express sa wikang Pranses na ang tao’y kauri ng hayop, at hindi na matututulan ninuman ngayon “maliban sa mga ignorante at mga ilang sintu-sinto.”
Ang Ulat ng Paglalang at ang Siyensiya
Subalit ang ulat ba ng paglalang, na tinatanggap noong lumipas na mga daan-daang taon, ay nararapat na pakutyang itakwil? Totoo, sa aklat ng Genesis ay hindi nagbibigay ng detalye tungkol sa kung paano nilalang ang mga halaman at ang mga hayop, subalit ang pangkalahatang balangkas nito ay lubos na kasuwato ng mga katotohanan sa siyensiya.
Halimbawa, ipinakikita ng Bibliya na lahat ng tao ay nagmula sa unang mag-asawa, si Adan at si Eva. Pinatutunayan ito ni André Langaney, asistant na pangulo ng departamento sa Musée de l’Homme (Museo ng Tao) sa Paris, at sa isang tanging isyu ng buwanang Pranses na Science et Vie ay ganito ang paliwanag niya: “Ipinakikita ng mga katotohanan sa biyolohiya at kasaysayan na ang pagkakaisa ng Tao ay nag-uugat nang malalim, nakahihigit pa sa kulay ng balat o dami ng genes sa Gm system [mga globulin sa dugo na makikita sa mga ilang grupo ng tao].”
Sa aklat ng Genesis ay mayroon ding impormasyon tungkol sa mga tanong na hindi masasagot ng mga siyentipiko. Nang sinasagot ang isang tanong tungkol sa “di-kapani-paniwalang pagkabalintuna ng pagtanda,” na iniharap sa kaniya ng lingguhang L’Express ng Paris, ang nagwagi ng Nobel-prize na si François Jacob ay nagsabi: “Ang mekanismo ay hindi nauunawaan. Oo, talagang balintuna na ang isang organismo na naging gayon sa pamamagitan ng isang pambihirang masalimuot na kaayusan ay walang kaya na mapanatili ang sarili sa mabuting kalagayan. Na ang isang tao ay maaaring maging gayon sa pamamagitan ng isang pertilisadong selula ng itlog, ito marahil ang pinakadakilang pangyayari na maaaring maganap sa lupa.”
Ipinakikita rin ng Bibliya na balintuna nga na ang tao ay mamatay. Sang-ayon sa aklat ng Genesis, ang tao ay nilalang upang mabuhay, upang ‘mapanatili ang sarili sa mabuting kalagayan,’ magpakailanman. Subalit, ito ay nakasalig sa kaniyang pananatili sa mabuting kaugnayan sa Isa na lumalang sa kaniya. Nang ang unang mga tao ay kusang naghimagsik laban sa Kaniyang mga kahilingan, sila’y nagkasala. Ang kasalanan ang nagpasok sa tao ng “balintuna” ng kamatayan. Ang kasalanan ang ‘nagpapangyari ng kamatayan’ sa mga tao, gaya ng ibinabala na ng Diyos.—Roma 7:13; Genesis 3:16-19.
Samakatuwid, makatuwiran na tayo’y maniwala sa ulat ng pinagmulan ng tao na inilalahad ng Bibliya. Oo, ang sumusunod na artikulo ay maghaharap ng ibidensiya upang ipakita na ang isang Kristiyano ay hindi makatatanggi sa ulat na ito ng pagkalalang sa tao, nang hindi nasisira ang kaniyang paniniwala sa mismong saligan ng Kristiyanismo—ang sakripisyong pagkamatay ni Kristo. Pakisuyong ipagpatuloy ang pagbabasa.