Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ginanti ang Paghahanap ng Katotohanan
ANG Bibliya ay nagsasabi sa atin na “hanapin si Jehova, . . . tumawag sa kaniya.” (Isaias 55:6) Si Solomon ay pinatalastasan ni Jehova: “Kung iyong hahanapin [si Jehova], kaniyang hahayaan na siya’y masumpungan mo.” (1 Cronica 28:9) Isang dalagita sa Finland ang humanap ng katotohanan tungkol kay Jehova at ito’y saganang ginanti.
Siya’y miyembro ng State Church of Finland at nag-aaral sa Confirmation School, sa pag-asang masusumpungan niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Subalit, siya’y nabigo. Hindi nila gaanong binabasa ang Bibliya sa paaralan. Siya’y inabisuhan pa nga ng pari na huwag basahin iyon, dahil sa magugulo raw ang kaniyang isip.
Gayunman, siya’y nagbasa ng Bibliya pagkatapos niya ng pag-aaral sa paaralan. Siya’y nagsisimba rin naman noon ngunit hindi siya kontento. Kaya’t siya’y nagpunta sa Pentecostal Church at doon siya’y “pumasok sa pananampalataya.” Kanilang ipinanalangin siya at sinabi na kaniya na ngayon ay mayroon na siyang pananampalataya. Subalit hindi rin niya nadama na siya’y malapit sa Diyos gaya rin ng nadama niya noong una.
Siya’y sumulat sa “Gang and Street Service Center” para patulong, subalit isang numero lamang ng telepono ang ibinigay sa kaniya. Nang siya’y tumawag, ang sumagot ay isang Methodista na nagdasal para sa kaniya at ang sabi’y hindi raw mahalaga kung anumang relihiyon ang kinasasapian niya huwag lamang ang mga Saksi ni Jehova o ang mga Mormon!
Siya’y dumalo naman sa serbisyo ng People’s Mission at binigyan siya ng mga tract na ipamamahagi at may pamagat iyon na Jehovah’s Witnesses, the Deception of the Time of the End. Hindi pa rin siya kontento sa paghahanap niya ng katotohanan o nagbigay kaya iyon sa kaniya ng layunin sa buhay.
At siya’y dumalaw sa kaniyang tiyahin na sa ikinagitla niya’y sinabi sa kaniya na ito’y naniniwala na ang mga Saksi ni Jehova ang nagtuturo ng katotohanan. Mahinahong binasahan siya ng tiyahing ito ng mga teksto sa Bibliya na nagpapatunay na layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupang ito, at binigyan siya ng aklat na The Truth That Leads to Eternal Life. Binasa ng batang ito ang aklat sa layuning hanapan ito ng kamalian—upang pabulaanan ito—subalit sa halip ay natalos niya na narito pala ang katotohanan, at ipinakita sa kaniya ang layunin sa buhay na siyang hinahanap niya. Siya’y sumulat sa mga tagapaglathala para padalhan siya ng mga iba pang aklat at magsaayos ng dadalaw sa kaniya. Dalawang araw lamang ang nakalipas, dalawang payunir na babae ang dumalaw sa kaniya. Nagsaayos ng pag-aaral sa Bibliya at ang dalagitang ito ay nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, at ganiyan na lang ang kaniyang paghanga dahilan sa nasaksihan niyang pag-iibigan doon. Nagpatuloy siya ng pag-aaral ng Bibliya, nabautismuhan pagkaraan ng isang taon, nagsimulang nagpayunir, at nag-aral sa Pioneer Service School. “Ngayon ay maligaya na ako,” aniya. Ginanti nga ang kaniyang paghahanap ng katotohanan.
Mga katulad na karanasan ang makalibong nauulit-ulit sa ‘katapusan ng sistemang ito ng mga bagay,’ na si Jesus, ang mabuting pastol ay tumitipon sa kaniyang “mga ibang tupa” na inihula sa Juan 10:16. (Mateo 24:3) Maligaya nga, yaong mga humahanap ng katotohanan ng Bibliya at ginaganti naman ng Diyos.—Mateo 7:7.