Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 12/1 p. 22-27
  • Walang Maitutumbas sa Iyong Pakikipagkaibigan, Oh Diyos!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Walang Maitutumbas sa Iyong Pakikipagkaibigan, Oh Diyos!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapasimula sa Espirituwal
  • Pagsulong sa Espirituwal
  • Mga Bagong Atas
  • Mga Karanasan sa Bilangguan
  • Mga Iba Pang Bagay na Humubog ng Aking Buhay
  • Pinagtagumpay ni Jehova ang Paglilingkod Ko sa Kaniya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kamay ni Jehova ang Gabay Namin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Matiyagang Naghihintay kay Jehova Mula pa sa Aking Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 12/1 p. 22-27

Walang Maitutumbas sa Iyong Pakikipagkaibigan, Oh Diyos!

Inilahad ni Daniel Sydlik

ANG buhay ay nagsimula sa akin sa isang bukid malapit sa Belleville, Michigan, noong Pebrero 1919. Isang komadrona ang nagpaanak kay inay, yamang may palagay siya na hindi na kailangan ang isang doktor. “Bakit pa magpapaospital? Wala naman akong sakit,” ganiyan ang sabi niya sa pautal-utal na Ingles pagka tinatanong siya kung saan siya manganganak.

Mahirap ang buhay sa bukid noon. Kaya naman lumipat sa Detroit ang aming pamilya para sa isang medyo maginhawang buhay. Hindi nagtagal, si Itay ay nagkasakit at namatay nang ako’y mga tatlong taon. Siya’y aktibong nakaugnay sa International Bible Students, na ngayo’y kilala bilang mga Saksi ni Jehova.

Si Inay ngayon ay naulila na may anim na anak at mga utang na dapat bayaran. Siya’y isang mahigpit na mananalansang sa relihiyon ni Itay, subalit pagkamatay ni Itay ay nagbasa na siya ng Bibliya upang alamin kung bakit ganoon na lamang ang kaniyang pagkarahuyo dito. Mga ilang taon ang nakalipas at siya ay naging isa rin sa mga Saksi ni Jehova.

Pagkamatay ni Itay, si Inay ay nagtrabaho bilang isang waitress sa gabi at inaasikaso niya ang pamilya kung araw. Siya’y nagpatuloy hanggang sa muling mag-asawa makalipas ang mga taon. Ang aking amain ay may katuwiran na ang pinakamagaling na lugar na pagpalakihan ng mga anak ay sa kabukiran at hindi sa isang siksikang siyudad.

Isang bukid na may 55 acres (22 ha) ang nabili namin malapit sa Caro, Michigan. Nang kami’y dumating doon noong tagsibol ng 1927, kasalukuyang namumulaklak ang mga punong namumunga. Malalanghap mo ang halimuyak ng mga ligaw na bulaklak, at ang mga punungkahoy ay hitik ng mga bulaklak. Naroon ang mga sapa na malalanguyan, mga puno na maaakyatan, at mga hayop na makakalaro. Tunay na kahanga-hanga ang buhay dito! Hindi katulad ng siyudad. Datapuwat, ang buhay sa lalawigan ay mahirap para kay Inay. Iyon ay talagang pagpapayunir​—walang tubig-gripo, walang kasilyas sa loob, walang koryente.

Ang mga taglamig ay mahahaba at matitindi. Kaming mga bata ay doon natutulog sa pang-itaas na kuwarto sa bubong, na kung saan ang yelo ay tumatagos sa bubong at umaagos sa mga higaan. Sa umaga ay sukdulang ng hirap ang magsuot ka ng iyong pagkalamig-lamig na mga pantalon na kung minsan ay ilado na. Ang mga trabaho sa kamalig ay kailangang gawin bago mag-almusal. At nariyan din ang paglalakad at pagdaraan sa gubat sa pagpasok sa paaralan, na may iisa lamang silid-aralan at doo’y walong iba’t ibang grado ang tinuturuan ng iisang guro.

Pagpapasimula sa Espirituwal

Si Inay ay may tunay na pag-ibig sa Diyos at ito’y lubhang nakaimpluwensiya sa amin na mga anak. Sinasabi niya sa wikang Polako: “Binigyan tayo ng Diyos ng isang magandang araw.” Kami namang mga anak ay pupunta sa labas upang alamin kung ano ang ibig niyang sabihin​—at wala pala kundi na ngayo’y umuulan. Para kay Inay lahat ng nangyayari ay dahilan sa Diyos. Pagka ipinanganak ang isang bagong guya o pagka nangitlog ang mga manok o pagka umulan ng niyebe, may kaugnayan iyon sa Diyos kung para sa kaniya. Ang Diyos ay tunay na pinagmumulan ng mabubuting bagay na ito sa anumang paraan.

Si Inay ay isang naniniwala sa panalangin. Ang panalangin ay sapilitan para sa amin kung mga oras ng pagkain. “Ang mga aso ay gagalaw-galaw ang mga buntot pagka pinakain mo sila. Ang mga aso ba ay mas marunong magpasalamat kaysa atin?” ang sasabihin niya. Ibig din niya na kami’y manalangin bago matulog. Yamang walang sinuman sa amin ang nakakaalam ng Panalangin ng Panginoon sa wikang Ingles, kami’y pinaluluhod niya at pinasusunod sa dasal niya sa wikang Polako.​—Mateo 6:9-13.

Mga araw iyon na wala pa sa guniguni na magkakaroon ng telebisyon. Pagkalubog ng araw, wala kang gaanong magagawa kundi ang matulog na. Kami’y hinimok ni Inay na magbasa. Siya’y nagbabasa ng kaniyang Bibliya sa tulong ng isang ilawang gasera. At kaming mga bata naman ay nagbabasa ng mga publikasyon na kinuha sa naglalakbay na mga ministro ng International Bible Students, tulad baga ng The Harp of God, Creation, at Reconciliation. Kaya nagsimula ang pakikipagkaibigan namin sa Diyos noon.

Sa may pasimula ng 1930’s may mga Bible Students na taga-Saginaw, Michigan, na dumalaw at humimok sa amin na mangaral sa iba. Subalit yamang walang organisadong grupo o kongregasyon na malapit para sa pakikipag-aral ng Bibliya, kami’y nangaral nang bahagyang-bahagya lamang. Ang aming espirituwal na pagsulong ay mabagal.

Dahilan sa krisis noong 1930’s, kinailangan na kami’y lumisan at maghanap ng trabaho sa Detroit. Ang bukid namin ay nakasanla nang malaki, at nais ko noon na matubos. Subalit, ang Detroit noon ay isang siyudad ng mga pilahan sa rasyon na pagkain. Libu-libong mga tao ang nakapila, kung minsan ay buong magdamag, nagkukulumpunan sa palibot ng nagniningas na apoy at baga, para sila’y mainitan hanggang sa magbukas ang mga opisina ng empleo. Ako’y nagkapalad na magtrabaho sa isang pabrika ng awto.

Pagsulong sa Espirituwal

Noong huling bahagi ng dekadang iyon, nang ako’y nasa Long Beach, California, muling nagningas ang aking interes sa espirituwal na mga bagay. Ako’y binigyan ng isang imbitasyon sa isang pahayag pangmadla. Nang Linggong iyon dumalo ako sa aking unang miting sa isang Kingdom Hall. Doon ay nakilala ko sina Olive at William (Bill) Perkins, mga taong kaibig-ibig na may napakagandang kaugnayan sa Diyos na Jehova.

Si Sister Perkins ay isang pambihirang tagapagturo ng Salita ng Diyos, na ginagamit ang kaniyang Bibliya na singhusay ng isang seruhano sa paggamit ng kaniyang pang-operasyong talim. Hawak niya sa kaniyang kaliwang kamay ang kaniyang malaking Bibliyang King James Version, pagkatapos ay lalawayan niya ang hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at saka bubuklatin niyaon ang sunud-sunod na mga pahina. Ang mga tao ay totoong naaakit sa kaniyang kahusayan at sa kanilang natututuhan buhat sa Bibliya. Siya’y maraming natulungang mga tao na makaunawa ng layunin ng Diyos. Isang inspirasyon ang sumama sa kaniya sa ministeryo. Ako’y nahimok na pumasok sa ministeryo ng pagpapayunir noong Setyembre 1941.

Si Sister Wilcox ay isa pa na tumulong sa akin. Siya’y isang matangkad, kagalang-galang, putian na ang buhok na babae na mahigit na 70 anyos at magandang magpusod ng buhok. Siya’y laging nakasuot ng isang magandang sombrerong malapad. Sa kaniyang kaakit-akit na abot-sakong na damit ay namumukod-tangi siya, na para bang siya ay kagagaling-galing lamang sa mga taon ng 1880’s. Kasa-kasama niya ako sa pangangaral sa mga purok ng negosyo sa Long Beach.

Ang mga manedyer ay agad humahanga pagkakita nila kay Sister Wilcox. At masiglang inaanyayahan nila siya sa kanilang mga opisina. At ako’y kasu-kasunod naman. “Ano po iyon?” ang tanong nila nang may paggalang. “Ano po ba ang maitutulong ko sa inyo?”

Walang atubili na si Sister Wilcox, mistulang isang propesora sa kaniyang mahusay na pagsasalita ng Ingles, ay tutugon: “Narito ako upang ibalita sa inyo ang tungkol sa matandang patutot ng Apocalipsis na nakasakay sa mabangis na hayop.” (Apocalipsis 17:1-5) Ang mga manedyer ay biglang napapahinto at nagpapakatatag ng pag-upo, at sabik na malaman kung ano ang susunod na sasabihin. Kaniyang buong linaw na inilalahad sa kanila ang tungkol sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. At halos tuwina ay dalang-dala sila sa gayong paliwanag. Ibig nilang makuha ang lahat ng dala niyang literatura. Sa araw-araw ay nakapamamahagi kami ng maraming kahon ng mga babasahin. Ako ang nagpapatugtog ng ponograpo pagka hiniling niya sa akin na patugtugin ko iyon, at alisin ang takot at magpakalakas-loob pagka siya’y nagsasalita.

Mga Bagong Atas

Sa tuwina’y hindi ako mapakali pagka ako’y tumanggap ng isang sobre na galing sa Watchtower Society. Nakatanggap ako ng gayong sobre noong 1942 at nag-aatas sa akin na maglingkod bilang isang espesyal payunir sa San Pedro, California. Doon ay pinatuloy ako sa tahanan nina Bill at Mildred Taylor. Kinailangan ang malaking disiplina-sa-sarili upang makapaglingkod sa ministeryo na mag-isa sa araw-araw. Subalit iyon ang tumulong sa akin upang mapalapit kay Jehova, na anupa’t nadama ko talaga ang kaniyang pakikipagkaibigan sa akin. Pagkatapos ay ipinadala ng Samahan sina Georgia at Archie Boyd, kasama ang kanilang dalawang anak, sina Donald at Susan, upang tumulong sa paggawa sa teritoryo. Ang pamilyang Boyd ay doon nakatira sa isang 18-piye (5.5-m) na treyler kasama ang lahat ng kanilang mga panustos at mga gamit.

Dumating ang isa pang sobre galing sa Samahan! Nangaligkig kami ng husto nang mapag-alaman namin ang aming bagong atas​—Richmond, California, nasa gawing hilaga ng San Francisco. Bagaman iniisip namin na baka hindi umubra hanggang doon ang aming lumang kotse at treyler, kami’y nag-alsa-balutan upang magtungo roon. Kami’y mistulang mga hitano na palipat-lipat, kinukumpuni namin ang makina pati mga gulong ng aming sasakyan. Nang sa wakas ay sumapit kami sa Richmond, pagkalakas-lakas ng ulan.

Noon ay nasa kainitan na ang Digmaang Pandaigdig II. Todo-todo ang gawaan sa mga pagawaang-barko ng Kaiser para sa lansakang pagyari ng mga “Liberty Ships,” gaya ng tawag sa mga ito. Ang aming gawain ay mangaral sa mga taong nagdagsaan dito upang magtrabaho. Mula sa umagang-umaga hanggang atrasado na sa gabi, kami’y nangangaral tungkol sa Kaharian, kadalasa’y umuuwi kami na namamaos ang boses dahilan sa labis na pagsasalita. Nakapagsimula kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Ang mga manggagawang ito naman ay bukas-palad at mapagpatuloy at tumustos ng aming pangangailangan. Hindi na kami kinailangan pang maghanapbuhay sa bahaging-panahon sapagkat suportado kami ng aming teritoryo.

Mga Karanasan sa Bilangguan

Ang mga kabataang lalaki ay ipinatawag sa paglilingkuran sa hukbo. Ang aking mga kapatid sa laman, na hindi naman mga Saksi, ay nagboluntaryo at naglilingkod sa paratroops at sa engineering corps. Ako’y nag-aplay para ipuwera ako dahilan sa pagiging isang ministro na hindi lumalahok sa digmaan. Ang Draft Board ay tumanggi na kilalanin ang aking pagkaministro. Ako’y dinakip, nilitis, at noong Hulyo 17, 1944, sinentensiyahan na magdusa ng tatlong taon sa McNeil Island Federal Penitentiary sa Washington State. Nang ako’y nakabilanggo ay napatunayan ko na ang pakikipagkaibigan ni Jehova ay nananatili magpakailanman.​—Awit 138:8, The Bible in Living English.

May isang buwan din na ako’y nakulong sa piitan ng county sa Los Angeles, na naghihintay na ilipat sa McNeil Island. Ang mga unang impresyon ng buhay-preso ay mahirap na malimutan, yaong mga preso na nagmumura sa mga guwardiya at sa amin samantalang kami’y ipinapasok. O ang pag-uutos ng mga guwardiya: “Bantayan ninyo ang mga pintuan!” Ang dumadagundong na ugong ng mga pintuang isinasara ay parang dagundong ng kulog na nanggagaling sa malayo. Samantalang sumasarang isa-isa ang mga pintuan, ang ugong ay palapit nang palapit hanggang sa ang sarili mong pintuan ay yayanig at sasara kasabay ng matinding ingay! Ang pakiramdam mo’y para bang nasukol ka at nanginginig ka sa takot. Agad naman akong nananalangin sa Diyos na sana’y tulungan niya ako, at halos sa isang iglap ako’y napapatahimik, isa itong karanasan na hindi ko malilimot.

Noong Agosto 16, kasama ang isang grupo ng mga iba pang preso, ako ay nilagyan ng posas at kadena. Samantalang may nakasubaybay sa aming armadong mga pulis, kami’y dumaan sa karamihan ng tao sa Los Angeles para sumakay sa isang bus at pagkatapos ay inilipat kami sa isang tren patungo sa McNeil Island. Ganiyan na lang ang aking kagalakan dahil sa mga tanikalang iyon, sapagkat nakatulad ako ng mga apostol ni Kristo na itinanikala rin dahil sa pananatiling tapat.​—Gawa 12:6, 7; 21:33; Efeso 6:20.

Samantalang ako’y dumaraan sa mga kaayusan para sa pagkakulong sa piitan ng McNeil, isang opisyal ang nagtanong sa akin: “Ikaw ba’y isang J.W.?” Takang-taka ako sapagkat noon ko lamang narinig ang salitang “J.W.” Pero napag-isipan ko kung ano ang ibig niyang sabihin, kaya’t ang sagot ko, “Opo!”

“Halika rito,” aniya. Nagtaka ako nang marinig kong itinanong sa taong nasa likod na likod ko ang ganoon ding katanungan: “Ikaw ba’y isang J.W.?” Ang taong iyon ay dagling tumugon, “Opo!”

“Sinungaling!” ang sabi ng opisyal, kasabay ng pagtatawa. “Ni hindi mo alam kung ano ang isang J.W.” Napag-alaman ko pagkatapos na ang taong iyon ay isang batikang kriminal na ang rekord bilang isang preso ay singhaba ng kaniyang bisig. Mangyari pa, ang ibig sabihin ng “J.W.” ay “Jehovah’s Witness” (Saksi ni Jehova), at hindi naman gayon ang taong iyon.

Noon ay atrasado na, at sinamahan ako ng isang guwardiya para pumaroon sa aking tutulugan. Mahirap maniwala na ako ay nasa isang piitan daan-daang milya ang layo sa amin o sa kaninumang kakilala. Sa dikawasa ay mayroon akong nakitang pasalubóng sa akin doon sa dilim. “Shhh!” ang sabi niya at umupo na kasunod ko. “Ako’y isang kapatid. Nabalitaan ko na darating nga ang isang Saksi.” Siya’y nagpakilala at ako’y pinalakas-loob, at sinabi sa akin na may isang grupong nag-aaral ng Watchtower sa loob ng piitan kung Linggo ng hapon. Bawal na lumabas ka sa iyong tulugan pagka patay na ang ilaw, kaya’t siya’y hindi gaanong nagtagal. Subalit sa mga ilang sandaling iyon, nadama ko ang pakikipagkaibigan sa akin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nag-alay na lingkod.

Samantalang ako’y napipiit ay dumadalaw pana-panahon si A. H. Macmillan galing sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn. Siya’y isang “Bernabe,” isang tagapagpalakas-loob, sakali mang mayroon. Pagka siya’y dumalaw kami’y pinapayagan na umukopa sa bulwagang kainan, at lahat kaming mga Saksi at marami pang ibang mga preso ay magkukulumpunan sa palibot upang makinig sa kaniya. Siya’y isang pambihirang tagapagsalita, at kahit ang mga opisyales ng bilangguan ay nawiwili ng pakikinig sa kaniya.

Aming inorganisa ang mga bloke ng selda at mga dormitoryo upang maging aming teritoryo sa pangangaral. Sistematikong ipinangaral namin ang mabuting balita ng Kaharian sa mga lugar na ito gaya rin ng ginawa namin sa mga bloke sa siyudad bago kami napiit. Iba’t iba ang pagtanggap sa amin at mahirap na mahulaan kung ano ang mangyayari. Subalit may mga nakikinig din. Mga magnanakaw sa bangko at mga iba pa, pati mga guwardiya sa piitan, ang sumampalataya kay Jehova at nangabautismuhan. Tuwang-tuwa pa rin ako pagka naalaala ko ang gayong mga karanasan.

Mga Iba Pang Bagay na Humubog ng Aking Buhay

Maaga noong 1946, nang matapos ang digmaan, ako’y pinalaya sa piitan. Naghihintay noon sa akin ang isa pang sobre galing sa Samahan! Ang susunod na atas bilang espesyal payunir ay Hollywood, California! Ito ang siyudad ng guniguni. Pag-usapan natin ang mga hamon! May mga panahon na mas madali pang magbenta ng mga refridyereytor sa mga Eskimo kaysa akayin ang mga taong ito na mag-aral ng Bibliya. Gayunman, mabagal nga ngunit sigurado naman, nakasumpong din kami ng “mga tupa” ng Panginoon.

Samantalang dumadalo sa “Glad Nations” internasyonal na kombensiyon sa Cleveland, Ohio, noong Agosto 1946, si Milton Henschel, kalihim kay Nathan Knorr, na pangulo noon ng Watchtower Society, ay sumalubong sa akin at ang tanong: “Kailan ka ba pupunta sa Bethel, Dan?” Sinabi ko sa kaniya na ako ay maligaya na sa pagpapayunir. “Pero kailangan ka namin sa Bethel,” aniya. Pagkaraan ng mga ilan pang salita, wala na akong maidahilan. Gusto ko ang California at nangangamba ako na mamuhay sa New York. Subalit natatandaan ko na ang sabi ko sa aking sarili: ‘Dan, kung ibig ni Jehova na ikaw ay dumoon sa Brooklyn, pumaroon ka.’ Kaya’t noong Agosto 20, 1946, sinimulan ko ang aking paglilingkod sa Bethel, ang punong-tanggapan sa Brooklyn ng mga Saksi ni Jehova.

Kung mga ilang taon na nagtatrabaho ako sa pabuuan ng aklat sa Brooklyn sa sarisaring trabaho na lubhang nangangailangan ng lakas. Sa wakas ay ipinadala ako sa Departamento ng Suskrisyon, at dito’y napaharap ako sa mga bagong hamon. Pagkatapos ay nariyan naman ang iba pang mga hamon, gaya ng pagsulat ng mga iskrip sa radyo at pagbobrodkast para sa istasyon ng radyo ng Samahan na WBBR. Nagtrabaho rin ako sa Departamento sa Pagsulat nang may 20 taon, at sinikap ko na makatugon sa matataas na pamantayan nito. Samantala, ako’y binigyan ng atas sa Pennsylvania at New York na mga korporasyon ng Watchtower Society, sa mga rekording sesyon para sa mga drama, sa mga pagpapahayag sa mga kombensiyong pandistrito at pandaigdig, at iba pang mga pribilehiyo sa paglilingkod na napakarami upang banggitin.

At noong Nobyembre 1974, isa pang sobre ang dumating. Ito’y isang di kapani-paniwalang atas na hindi ko akalain. Ako’y inanyayahan na maglingkod bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Sa pakiwari ko’y kapos na kapos ako ngunit ganiyan na lamang ang aking pasasalamat. Mga sampung taon na ang nakalipas buhat noon, ngunit ganiyan pa rin ang aking nadarama.

Ang lumipas na mga taon ay pinayaman ng mga pakikisama ko sa nag-alay at tapat na mga lalaki na umiibig kay Jehova nang higit kaysa mismong buhay​—mga katulad nina Hukom Rutherford, na nagkapribilehiyo ako na makilala sa kaniyang tahanan sa San Diego, California. Naging pribilehiyo ko rin ang gumawang kasa-kasama ng mga iba pa, kasali na si Hugo Riemer, Nathan Knorr, Klaus Jensen, John Perry, Bert Cumming, at marami pang iba na mga dambuhala sa espirituwal, “malalaking punungkahoy ng katuwiran.”​—Isaias 61:3.

At hindi biru-birong karangalan ang masaksihan ang pagsulong ng organisasyon ni Jehova mula sa 50,000 mga mamamahayag ng Kaharian sa buong lupa hanggang sa umabot sa halos tatlong milyon. Kamangha-mangha ang masaksihan ang paglago ng paglalathala mula sa mga ilang pasilidad sa pag-iimprenta hanggang sa dose-dosenang mga pabrika na suportado ng 95 sangay na nangangaral ng mabuting balita sa 203 mga bansa sa lupa. Ang mga pagbabago sa teknolohiya at paglipat sa computer ay lubhang nakapanggigilalas. Sa pagkasaksi sa lahat ng ito, mauudyukan ka na ulitin ang mga salita ng Mateo 21:42: “Ito’y mula kay Jehova, at ito’y kagila-gilalas sa harap ng ating mga mata.”

Ito’y naging isang mayaman at kasiya-siyang buhay, siyempre pa. At sa wakas ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapakasal sa isang magandang dalaga na taga-Hebburn, Inglatera. Si Marina, na aking maybahay, ay isang suporta na bigay-Diyos. Anong pagkatotoo nga ng mga salita ng Kawikaan 19:14: “Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang, ngunit ang mabait na asawa ay galing kay Jehova.”

Sa buong buhay ko, gaya ng isang kanlungan, nariyan ang sa tuwina’y nagpapalakas na pakikipagkaibigan sa akin ng Diyos. Sa pagbubulaybulay sa Salita ni Jehova, sa kahulugan nito, at sa paghahanap ng karunungan at unawa ang aking buhay ay napunô ng espirituwal na mga kayamanan at kasiyahan. Kahit sa mga sandaling ito ay nangingibabaw sa akin ang kagalakan pagka nabasa ko ang mga salita ng salmista: “Maligaya ang bansa na si Jehova ang Diyos, ang bayan na kaniyang pinili na kaniyang sariling mana! Si Jehova ay hinihintay ng aming kaluluwa; siya ang aming saklolo at aming kalasag; sapagkat ang aming puso ay magagalak sa kaniya sapagkat kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan. Suma-amin nawa ang iyong pakikipagkaibigan, Oh Jehova, sapagkat sa iyo nakalagak ang aming pag-asa.”​—Awit 33:12, 20-22, By.

[Larawan sa pahina 23]

Si Olive Perkins ay naging inspirasyon ko

[Larawan sa pahina 24]

Ang pamilyang Boyd ay tumulong sa paggawa sa teritoryo sa San Pedro, California

[Larawan sa pahina 25]

Sa 1946 “Glad Nations” kombensiyon kasama ang mga kapuwa Saksi pagkalaya sa piitan sa McNeil Island

[Larawan sa pahina 26]

Isang brodkast sa WBBR sa Linggo ng umaga

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share