Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 9/8 p. 25-29
  • Apurahang Nangangailangan—Higit Pang mga Mang-aani!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Apurahang Nangangailangan—Higit Pang mga Mang-aani!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malaking Ani ang Resulta
  • Lalong Apurahan Ngayon
  • Libu-libo ang Tumutugon Ngayon
  • ‘Mga Bundok’ ay Napalilipat ng Pananampalataya
  • Maging Nagagalak na mga Mang-aani!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ang mga Bukid ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
  • Resulta ng Pangangaral—“Ang mga Bukid . . . ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani”
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 9/8 p. 25-29

Apurahang Nangangailangan​—Higit Pang mga Mang-aani!

“Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”​—LUCAS 10:2.

1. Ano ang baka ikatuwiran mo tungkol sa mga salita ni Jesus sa Lucas 10:2, subalit ano ang mabuting gawin mo?

SAMANTALANG binabasa mo ang mga salitang ito ni Jesus, inaakala mo bang kasangkot ka rito? Yamang sinalita ito mahigit na 19 na siglo na ang lumipas, baka ikatuwiran mo na hindi na ito mahalaga. Ang ganiyang padalus-dalos na kaisipan ay isang kamalian nga. Upang makita ang ganap na kahulugan ng mga sinabi ni Jesus, balikan natin ang mga pangyayari noong unang-unang salitain iyan, at pagkatapos ay suriin ang ating sariling kalagayan ngayon.​—Ihambing ang 1 Corinto 10:11.

2. Anong kalagayan na nangangailangan ng apurahang pagkilos ang napaharap kay Jesus noong 32 C.E., at paano niya pinagtagumpayan iyon?

2 Noong 32 C.E., na tapos na ang Kapistahan ng mga Kubol, may natitira pang anim na buwan bago napaharap si Jesus sa kamatayan sa pahirapang tulos. Upang mapabilis ang gawain na pangangaral, sinugo ni Jesus ang 70 mga alagad “nang dala-dalawa at nagpauna sa kaniya sa bawat lunsod at lugar na pupuntahan niya.” Sila’y yumaon na halos umaalingawngaw pa sa kanilang pandinig ang sinabi ni Jesus na: “Oo ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”​—Lucas 10:1, 2.

Malaking Ani ang Resulta

3. Ilahad ang ilan sa mga resulta ng ibayong pangangaral noong huling mga ilang buwan ng ministeryo ni Jesus.

3 Ano ba ang resulta ng ganitong pinag-ibayong sikap sa pangangaral? Mababasa natin: “At nagsipagbalik ang pitumpo na may kagalakan, na nagsasabi: ‘Panginoon, pati ang mga demonyo ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.’” Anong kamangha-manghang pagpapakita ito ng kapangyarihan ng Diyos sa mga demonyo! Ang ganiyang napakahusay na ulat sa paglilingkod ay tiyak na nakagalak kay Jesus, sapagkat sinabi niya: “Nakita ko nga si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.” (Lucas 10:17, 18) Batid ni Jesus na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay sa wakas palalayasin na sa langit pagkatapos na maisilang sa langit ang Mesianikong Kaharian. Subalit samantalang si Jesus ay narito pa sa lupa, ang pagpapaalis ng kahit mga tao lamang sa di-nakikitang mga demonyo ay isang karagdagang katiyakan sa kaniya ng darating na masayang pangyayaring iyan. Kaya naman binanggit ni Jesus ang sa hinaharap ay pagkahulog na ito ni Satanas mula sa langit bilang isang katiyakan.​—Apocalipsis 12:5, 7-10.

4. Ano ba ang layunin ng pag-aaning ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad bago noong Nisan 14, 33 C.E.?

4 Ang pag-aani na tinukoy ni Jesus ay hindi pag-aani ng trigo o mga bungangkahoy kundi pag-aani ng mga tao, mga taong tulad-tupa na agad-agad tutugon sa pabalita ng Kaharian. Nahahalata na ngayon pa ang mga bunga ng gayong pag-aani. Datapuwat, ang pag-aani na naisakatuparan ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod sa loob ng mga ilang natitirang buwan bago sumapit ang Nisan 14, 33 C.E., ay paglalatag lamang ng saligan para sa isang lalong malawak na pag-aani pagkamatay ni Jesus at matapos na siya’y buhaying-muli.​—Ihambing ang Awit 126:1, 2, 5, 6.

5. Anong mahalagang mga pangyayari ang naganap noong Pentecostes, 33 C.E., at paano naapektuhan ng mga ito ang pag-aani na kasunod?

5 Ang panahon noon ay yaong araw ng Pentecostes, 33 C.E. Mga 120 ng mga tagasunod ni Jesus ang nagkakatipon sa Jerusalem. “At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinunô ang buong bahay na kanilang kinauupuan. . . . At silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng espiritu na kanilang salitain.” Ito ang pasimula ng isang pambihirang ani! “Nang araw na iyon mga tatlong libong kaluluwa ang napadagdag.” (Gawa 1:15; 2:1-4, 41) “Araw-araw sila’y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, . . . na nagpupuri sa Diyos at nagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova sa araw-araw yaong nangaliligtas.” (Gawa 2:46, 47) Pagkatapos ay mababasa natin: “Mga mananampalataya sa Panginoon ang patuloy na napadagdag, ang totoong napakaraming mga lalaki at mga babae.” Pagkatapos ay sinasabi rin: “Patuloy na lumago ang salita ng Diyos, at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.”​—Gawa 5:14; 6:7.

6. Ang pananalansang sa pangangaral ay nagkaroon ng anong epekto sa mga bunga ng Kaharian?

6 Lalo namang tumindi ang pagsalansang sa balita ng Kaharian ngayon. Ito ba’y nagpabagal sa gawaing pag-aani? Hindi, sapagkat “yaong nagsipangalat ay nagparo’t-parito sa lupain na nangangaral ng mabuting balita ng salita.” Si Felipe ay naparoon sa lunsod ng Samaria; lubhang maraming tao ang nakinig sa kaniya nang buong pananabik; ang mga taong inaalihan ng demonyo, mga paralitiko, at ang mga lumpo ay pawang pinagaling. Hindi nga kataka-taka na “nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.”​—Gawa 8:1-8.

7. Hanggang sa anong lawak naisagawa sa wakas ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa Gawa 1:8?

7 Sinabi sa kaniyang mga alagad ng binuhay-muling si Jesus: “Kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Dahil sa napakalawak na larangan ng gawain kailangan ang mas maraming manggagawa​—apurahan! Anong daming mga alagad ang inaasahan ngayon na maaani! At yaon ay nangyayari na nga noon​—pawang sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. Pagkatapos na makumberte ang dating may makasalaring-kaisipang si Saulo, sa atin ay inilalahad: “Sa gayo’y nagkaroon ng kapayapaan ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria, palibhasa’y pinatibay; at samantalang lumalakad ito nang may takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal na espiritu ito’y patuloy na dumami.” (Gawa 9:31) Samantalang bumibilis ang pag-aani sa mga taong tulad-tupa, tiyak na ang mga salita ni Jesus ay laging naaalaala ng mga sinaunang alagad na iyon: “Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” Ang panalangin bang iyon ay sinagot ni Jehova, “ang Panginoon ng pag-aani”? Oo, sinagot niya! Sapagkat kung hindi, paano nga mapapasulat: “Ang pag-asang dulot ng mabuting balitang iyon . . . ay ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit”?​—Colosas 1:23.

Lalong Apurahan Ngayon

8. Bakit sa 1980’s (mga taon ng 1980) ay mayroong lalong malaking pangangailangan ng higit pang mga manggagawa sa Kaharian?

8 Sa ngayon, sa 1980’s (mga taon ng 1980) lalo nang malaki ang pangangailangan sa mga tagapag-aning manggagawa kaysa kailanman. Bakit? Sapagkat ang pinaka-bukid na sanlibutan ay lalong malawak. Kaya naman, ang mga bungang gagapasin at titipunin ay lalong marami. Ito ay kasuwato ng inihula ni Jesus. Sinabi niya na ang kaniyang mga tagasunod ay gagawa ng lalong dakilang mga gawa kaysa kaniyang ginawa rito sa lupa, kung tungkol sa pangangaral ng mabuting balita.​—Juan 14:12.

9. (a) Paanong ang pagkaapurahan ng pangangaral sa ngayon ay idiniin sa pangitain ni Juan, na inilalahad sa Apocalipsis 7:1-3? (b) Anong mahalagang konklusyon ang maaaring gawin tungkol sa pananalitang “mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero” sa Apocalipsis 14:4?

9 Ang pagkaapurahan ng pangangaral sa ngayon ay idiniriin sa mahalagang pangitain na ibinigay kay Juan, nasusulat sa Apocalipsis kabanata 7:1-3. Doon, “apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa” ang makikitang “hinahawakan nang mahigpit ang apat na hangin sa lupa.” Hanggang kailan nila hahawakan nang mahigpit ang “apat na hangin”? Hangga lamang sa ‘matatakan ang mga alipin ng ating Diyos sa kanilang mga noo.’ Gaanong panahon ang gugugulin nito? Mahihiwatigan natin iyan sa bagay na nang selebrasyon ng Memoryal noong Abril 15, 1984, mayroon lamang 9,081 ang nagpahiwatig na sila’y kabilang sa 144,000. Ang mga pinahiran sa ngayon ang mga huling membro ng tinutukoy sa Apocalipsis 14:4 bilang “binili buhat sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero.” Kaya’t lumilitaw na karamihan ng “mga pangunang bunga” ay natipon na. Subalit ang pananalita bang “mga pangunang bunga” ay nangangahulugan na mayroon pang mga ibang bunga na susunod? Mangyari pa! Ito’y mainam na inilarawan ng saganang pag-aani ng iba pang mga bungangkahoy na inaani sa katapusan ng taon ng mga Judio sa pagtatanim sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol.​—Deuteronomio 16:13-15.

10. Anong dalawang pag-aani ang nagaganap sa modernong panahon, at paanong idiniriin ng bagay na ito ang apurahang pangangailangan ng higit pang mga mang-aani?

10 Samakatuwid ay nagliliwanag na, habang patapos ang pag-aani sa nalabi ng mga pinahiran, isa pang pag-aani ang nakatakdang magsimula. Hindi baga ito mababanaag sa susunod na nakita ni Juan sa pangitain? “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Kay Juan ay sinabi: “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Mayroong limitadong panahon na lamang upang matapos ang pagtitipon sa “malaking pulutong.” Minsan na ang “apat na hangin sa lupa” ay inaryahan na, na hudyat ng pasimula ng “malaking kapighatian,” huling-huli na ang lahat! Hindi baga ninyo nakikita ang apurahang pangangailangan para sa higit pang mga mang-aani upang magtipon sa natitira pang maraming mga tao na masusumpungan?

Libu-libo ang Tumutugon Ngayon

11. (a) Sa anong lawak nakikibahagi sa pag-aani ang “mga ibang tupa” ni Jesus? (b) Ano ang ipinakikita ng bilang ng mga dumalo sa 1984 Memoryal?

11 Inihula ni Jesus ang patuloy na paglawak ng pag-aaning ito ng mga taong tulad-tupa nang kaniyang sabihin: “At mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” (Juan 10:14, 16) Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit na 3,015,080 ng “mga ibang tupa” na ito na aktibong nagpapakilala ng kanilang sarili na kabilang sa “isang kawan.” Sa bilang na iyan, mayroong 179,421 ang nabautismuhan sa taóng paglilingkuran ng 1984! Gayunman, ang dumalo sa selebrasyon ng Memoryal ay 7,416,974. Ano ba ang ipinakikita nito sa atin? Na mayroong marami pa na nakarinig sa tinig ng Pastol, subalit sa anumang dahilan, sila’y hindi pa tumutugon sa mainit na paanyaya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin.”​—Lucas 5:27.

12. Anong mahalagang mga tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili?

12 Saan ka ba nakatayo kung tungkol sa mahalagang pag-aaning ito sa ‘katapusan ng sistemang ito ng mga bagay’? (Mateo 13:39) Ikaw ba’y kabilang sa maligayang pulutong ng mga taong nakikibahagi ngayon sa kagalakan ng pag-aani? O ikaw ba ay isang tagapagmasid lamang, na sa isip mo’y napipigil ka pa ng hayagang pagtanggap sa paanyaya ng Mabuting Pastol: “Sumunod ka sa akin”? Tunay na wala sa ngayon ang may ibig na magdahilan na katulad niyaong tatlong lalaki sa Lucas kabanata 9, na tinalakay na sa ating naunang artikulo. Isip-isipin ang pinalampas na pagkakataon ng tatlong lalaking iyon​—ang kagalakan ng paglilingkuran sa Kaharian, kasali na marahil ang pakikibahagi sa pagpapalaya sa mga taong inalihan ng mga demonyo!​—Lucas 9:57-62; 10:17.

13. Paanong ang pananampalataya ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa iyong pagiging isang kusang mang-aani?

13 Sinabi ni apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam [sa Diyos].” (Hebreo 11:6) Ah, oo, kailangang may pananampalataya ang bawat isa para maitabi niya ang sariling kapakanan at kusang ialay ang kaniyang buhay sa Diyos bilang isang mang-aani. Halimbawa, baka mayroon kang isang malubhang problema sa kalusugan; baka ang ilang membro ng iyong pamilya ay mahigpit na mananalansang sa mga Saksi ni Jehova; baka naman inaakala mo na ikaw ay totoong matanda na upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa iyong buhay; sa kabilang panig, baka inaakala mong hindi mo kayang harapin ang napapaharap sa iyo sa paaralan na panggigipit ng iyong mga kamag-aral. Anuman ang iyong kalagayan, huwag kalilimutan na ang iyong mga problema ay nauunawaan ni Jehova nang mas higit pa kaysa kanino man. At, siya’y handang lumapit sa iyo at patibayin ang iyong ipinasiya na maglingkod sa kaniya kung ikaw ay gagawa ng kinakailangang mga hakbang.​—Awit 103:13, 14; Santiago 4:8.

‘Mga Bundok’ ay Napalilipat ng Pananampalataya

14. Ipaliwanag ang ibig sabihin ni Jesus sa kaniyang mga salitang nasusulat sa Mateo 17:20.

14 Sinabi ni Jesus: “Kung mayroon kayo ng pananampalataya na kasinlaki ng butil ng binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito hanggang doon,’ at ito’y lilipat, at walang magiging imposible para sa inyo.” Ito ang naging sariling karanasan ng marami sa daan-daang libo na tumugon sa panawagan para sa higit pang mga mang-aani para sa 1980’s. Ang personal na mga problema at mga kahirapan na noong minsan parang mga bundok sa kanila ay kanilang napagtagumpayan sa tulong ni Jehova. (Mateo 17:20; 19:26) Pag-isipan ang sumusunod na mga karanasan:

15, 16. Ilahad kung paanong ang isang binata sa Estados Unidos at ang isang asawang lalaking Katoliko sa Brazil ay nagtagumpay sa malalaking problema na naging hadlang sa kanilang pagbabautismo.

15 Isang kabataang lalaki sa California, E.U.A., ang may sakit na polio, totoong baldado at nakalulungkot sabihing pinabayaan ng kaniyang pamilya. At nangyari na isa sa mga Saksi ni Jehova na nagbabahay-bahay ang nakasumpong sa kaniya. Sinimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Subalit ang binatang ito ay totoong mahiyain kung kaya’t pagdating sa kanila ng Saksi upang siya’y aralan, ang kaniyang silyang de-gulong ay dadalhin niya roon sa sulok ng kuwarto at haharap siya sa dingding para huwag makita ang kaniyang mukha. Kinailangan ang maraming buwan para mapagtagumpayan ng binatang ito ang kaniyang mga problema. Gayunman, siya’y nagtagumpay at ngayon ay isa siyang maligayang, bautismadong Saksi.

16 Isang mag-asawang Katoliko sa Brazil ang di-nasisiyahan sa kanilang relihiyon at sa wakas ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nadama nila na ang kanilang espirituwal na pangangailangan ay nasasapatan na ngayon, subalit mayroon pang isang gagabundok na problema: Ang lalaki, si Antonio, ay isang pusakal na maninigarilyo. Mayroon nang 48 mga taon na siya’y naninigarilyo, sapol pa noong siya’y pitong taóng gulang! Sa lumipas na mga taon ay sinikap niyang ihinto ang bisyong ito ngunit hindi siya nagtagumpay. Ngayon, ang kalagayan ay iba, gaya ng bida ni Antonio: “Ngayon ay napag-alaman ko na kung ibig kong makalugod sa Diyos at mag-alay ng sarili upang gawin ang kaniyang kalooban, kailangang huminto nga ako. Pagkaraan ng malimit na pananalangin, nagawa ko rin iyon sa wakas.” Anong ligaya niya na ngayo’y nasagisagan na niya ng bautismo sa tubig ang kaniyang pag-aalay ng sarili kay Jehova!​—Awit 66:19; Marcos 11:24.

17. (a) Anong masamang impluwensiya na napaharap kay Jesus at sa kaniyang mga alagad ang lalong matindi ngayon kaysa kailanman? (b) Paano pinakitunguhan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo ang mga taong inaalihan ng demonyo, at paanong pinakikitunguhan naman ngayon?

17 Mayroong mga Judio na inaalihan ng demonyo at ito’y isang problema na patuluyang napaharap kay Jesus at sa kaniyang mga alagad. Umiiral pa rin hanggang ngayon ang ganiyang masasamang impluwensiya, lalo na ngayon na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay napalayas sa langit at inihagis sa lupang ito. (Apocalipsis 12:7-9, 12, 17) Di-gaya ng Kristiyanismo nang ito’y nagsisimula pa lamang, hindi binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon ng kahima-himalang kapangyarihan na magpalabas ng mga demonyo. Gayunman, ang espirituwal na baluti na inilaan niya para sa mga Kristiyano ay maaaring magsilbing proteksiyon laban sa impluwensiya ng mga demonyo, at ito’y maaaring gamitin din naman upang palayain ang iba sa kapangyarihan ng mga demonyo. (Efeso 6:10-18) Buhat sa Ghana ay tumanggap ng ganitong ulat: “Sa pamamagitan ng disididong pagsisikap ng mga kapatid, marami ang napalalaya sa kapangyarihan ng mga demonyo.” Isang Saksi ang nakatagpo ng isang babae sa ministeryo, at sa sandaling pag-usapan na ang Bibliya, “ang babae ay nagsimulang nanangis.” Ano ba ang problema? Ganito ang bida ng Saksi: ‘Siya’y inaalihan ng isang espiritu, at sa mga sandaling iyon, siya’y nananangis, at kung mayroon siyang anumang pera ay dagling nawawala iyon.’ Isang regular na pag-aaral sa Bibliya ang tumulong sa kaniya upang makalaya sa mga demonyo na nagpapahirap sa kaniya, kaya’t naialay niya kay Jehova ang kaniyang sarili.​—Juan 8:32.

18. Anong karanasan ang nagpapakita na ang mga anghel ay ginagamit sa pamamatnubay sa gawaing pangangaral?

18 Ang mga problema na katulad niyaong mga inilahad na ay maaaring totoong nangingibabaw sa isip ng isang tao na anupa’t baka nag-iisip siyang magpatiwakal. Nariyan halimbawa ang isang kabataang babae sa New Zealand. Ang Saksing unang nakatagpo sa kaniya ay nakapansin na siya’y “totoong pinangingibabawan ng emosyon at nahahalata na mayroong lumiligalig sa kaniya.” Nang malaunan ang taong ito ay nagtapat na “siya’y nagbabalak noon na magpatiwakal at nagpasiya na manalangin muna sa Diyos upang humingi ng tulong.” Sa mga sandaling iyon ang Saksi ay tumuktok sa kaniyang pintuan, kaya tunay na siya’y “nagpasalamat sa Diyos sa pagsagot sa kaniyang panalangin.” Ito ba ay nagkataon lamang? Kung gayo’y bakit nahahawig na mga bagay ang nangyayari ng napakalimit? Ano ba ang sinabi ni Jesus? “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, . . . pagbubukdin-bukdin niya ang mga tao, gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” (Mateo 25:31, 32; tingnan din ang Apocalipsis 14:6.) Mga anghel ang tumutulong kay Jesus sa gawaing pagpapastol, at kanilang inaakay ang “mga manggagawa” na ginagamit ng Panginoon para tipunin yaong mga humihingi sa Kaniya ng tulong.​—1 Corinto 3:6, 9; tingnan ang Gawa 8:26-39; 16:9, 10.

19. Anong pambuong daigdig na kalagayan ang umiiral ngayon, na humihingi sa atin ng anong pagkilos?

19 Sa ngayon, saanman tayo nakatira, mayroong libu-libong mga tao na nabibigatan at nalulumbay dahil sa mga problema na napagtagumpayan na ng marami sa mga lingkod ni Jehova. Ang iba sa kanila ay baka kalapit bahay lamang ninyo! Sila’y apurahang nangangailangan ng tulong. Oo, gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang aanihin ay marami.” Ating idinadalangin sa Panginoon ng pag-aani ngayon na magpadala ng higit pang mga manggagawa sa kaniyang aanihin sa taóng 1986. Harinawang ang inyong puso ay mag-udyok sa inyo na tumugon sa panawagan: Apurahang Nangangailangan​—Higit Pang mga Mang-aani!

Mga Tanong sa Repaso

◻ Sino ang Panginoon ng pag-aani?

◻ Anong dalawang pag-aani ang kasalukuyang ginaganap?

◻ Ano ang lalong dakilang mga gawa na sinabi ni Jesus na gagawin ng kaniyang mga tagasunod?

◻ Bakit ang pananampalataya ay kailangan ng lahat ng mga mang-aani?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share