Ikaw Ba’y Sumasagot Nang Galit?
“Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.” Ganiyan ang sabi ng Kawikaan 15:1.
Pagka ikaw ay nagalit sa kaninuman, ikaw ba ay nag-iisip na gumanti at ‘ipadama sa kaniya ang iyong nadarama’? Iyan ay maaaring humantong sa hindi mabuti.
Sa New York City, isang dalagita ang umuwi pagkatapos na makipagsagutan dahil sa hindi mabuting paglilingkod sa kaniya sa isang bilihan ng pizza at iyon ay isinumbong niya sa kaniyang tiyuhin. Ang tiyuhin ay naparoon sa nasabing tindahan upang kausapin ang maytinda. Ang resulta’y isang pag-aaway, at ang lalaking iyon ay namatay sa pagkabaril sa kaniya ng may tindahan.
Ang pagsunod ba sa payo ng binanggit na kawikaan ay tutulong sa isang kalagayan na gaya niyaon? Alalahanin ang pangyayari tungkol kay Abigail at kay David, na nakasulat sa 1 Samuel 25:2-35. Halos gagawin na noon ni David ang isang malubhang pagkakamali nang tumanggap siya ng masamang balita buhat sa mga kabataang lalaki na nanggaling kay Nabal, ang asawa ni Abigail. Kung hindi napigil ay dumanak sana ng dugo sa pangyayaring iyon. Dahil sa mahinahong sagot ni Abigail, at sa kaniyang ginawang kabaitan at kapakumbabaan, humupa ang nag-aalab na galit ni David at ng kaniyang mga tauhan.