Pinaglalaanan ni Jehova ang Pangangailangan ng Trinidad
MULA sa maliit na pasimula noong 1912, ang gawain na pangangaral ng Kaharian sa Trinidad at sa karatig na islang Tobago ay dumaan sa maraming yugto ng paglawak. Ang pinakahuling nagawa sa pagpapalawak—noong Marso 1985—ay ang pagkatapos at pag-aalay ng isang bagong gusali ng sangay sa labas ng kabisera, ang Puwerto ng Espanya. Ang bagong mga pasilidad ay totoong kailangan, sapagkat nagkaroon ang Trinidad ng pagsulong na 79 porsiyento sa dami ng mga mamamahayag ng Kaharian sapol nang maitayo ang mga huling pasilidad ng sangay.
Ang paghahanap ng angkop na lote sa isang maliit na islang napakarami ang tao ay hindi madali. Mahal ang lupa roon, at napakalaki rin ng gastos ng pagpapatayo. Gayunman, pinaglaanan ni Jehova ang lahat ng mga pangangailangang ito. Nakakita ng isang mainam at maganda ang lokasyon na lugar doon mismo sa haywey ng paliparan. Tinangkilik ng mga kapatid ang proyekto, kanilang sinuportahan nang husto. Halos bawat mamamahayag ng Kaharian sa Trinidad ay nagkaroon ng bahagi sa gawaing pagtatayo.
Bawat dulo ng sanlinggo isang grupo buhat sa isang kongregasyon ang nagpupunta upang tumulong sa pagtatrabaho, samantalang isang grupo naman buhat sa ibang kongregasyon ang nagdadala ng pagkain at mga pampalamig. Sila’y nagtrabaho rin kahit gabi na ng dalawa o tatlong beses isang linggo. Ang konstruksiyon ay nagpatuloy nang walang hinto kahit tag-ulan. Nang kailangan ng ibuhos ang semento para sa unang palapag, mahigit na 350 mga kapatid ang naroon, at ipinagpapasa-pasa nila ang mga timba na may lamang semento. Ganiyan na lang ang pagtataka ng mga kapitbahay na Hindu! Ito’y nagbigay ng pagkakataon upang makapagpatotoo sa kanila.
Ganiyan ding buong-pusong espiritu ng pagbibigay ang ipinamalas kung tungkol sa mga gastos sa pagtatayo. Ang mga kapatid na babae ay nag-abuloy ng kahit mga alahas nilang ginto, upang maipagbili at magamit ang pinagbilhan sa pagtatayo. Isang batang lalaking otso-anyos ang sumulat: “Gustung-gusto kong magtrabaho sa branch complex, pero dahil sa masakit ang likod ng aking itay at hindi makapagtrabaho ng mabigat, hindi ako makapunta riyan nang madalas. Kaya’t ipinadadala ko ang perang ito na natipon ko upang tumulong sa gawain.”
Sa buong panahon ng pagtatayo, halatang-halata ang pag-alalay roon ni Jehova. Naaalaala pa ni Hilary Charles, ang nangangasiwa ng konstruksiyon, nang sila’y mayroong sampu lamang sako ng semento at tumawag sila sa pabrika ng semento upang madagdagan pa ang sampung iyon. Aniya: “Talagang mahirap na makakuha ng semento. Hindi raw kami makakakuha kundi sa susunod na linggo. Noon ay alas-nuebe ng umaga. Nang alas-dos ng hapong iyon, dumating ang isang trak ng semento. Ang sabi ng drayber ng trak: ‘Ang sementong ito ay hindi para dito, ngunit sinabihan ako na dalhin ko dito.’ Hindi niya maintindihan iyon. Iyon pala ay kagagawan ni Jehova.”
Ang dalawang-palapag na gusali ng sangay ay korteng T, ang entrada ay nasa itaas—ang panig na nasa timog. Sa gawing kanan ng magandang lobby ay naroon ang Kingdom Hall, na may upuan para sa mga 200 katao. Isang maluwang na opisina ang nasa kaliwa. Nasa gawing ibaba naman ang palimbagan, ang departamento ng kargada, at londri. Nasa itaas ang kusina, silid-kainan, at sariling mga kuwarto—walong silid tulugan, bawat isa nito’y may sariling banyo at kasilyas. Isang maliit na aklatan at salas na pahingahan ang nasa itaas ng opisina.
Sabado, Marso 16, ang araw ng pag-aalay. Si Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang nagpahayag. “Hindi lamang tayo pinaglalaanan ni Jehova ng pangangailangan kundi batid niya kung ano ang ating kailangan,” ang sabi ni Brother Henschel. Oo, ang bagong mga pasilidad ay isang regalo ni Jehova. Nagtapos ang sesyon sa isang taimtim na panalangin ng pag-aalay kay Jehova. Anong ligaya namin noon!
Ikinagagalak ng mga Saksi ni Jehova sa Trinidad at Tobago ang pagsulong na ibinigay ni Jehova. At sila’y magpapatuloy pa nang higit at higit, umaasa sa lalong higit na pagsulong samantalang kaniyang ipinagpapatuloy na paglaanan ang kanilang mga pangangailangan bilang mga tagapagbalita ng Kaharian.