Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Sa Siyam Lamang na Araw!
“KAGILA-GILALAS!” Ganiyan ang paulo ng isang editoryal sa isang pahayagan sa Vancouver Island, Canada noong Agosto 14, 1985. Sa editoryal ay inilarawan ang konstruksiyon ng isang 25,000-piye-kuwadrado (2,300 m kuwad) Assembly Hall sa loob lamang ng siyam na araw.
Noong nakalipas na sampung taon, napaunlad ng mga Saksi ni Jehova ang pamamaraan ng mabilis na pagtatayo ng lokal na mga Kingdom Hall. At ang Vancouver Island Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses ang ikalawa ng gayong gusali sa Canada na idinisenyo unang-una para sa makalawa santaon na mga asambleang pansirkito ng mga grupo ng mga kongregasyon. Ang bagung-bagong Hall ay itinayo sa isang walo-acre (3 ha) na lote sa Cassidy, British Colombia. Matatayog na mga puno ang nagpapaganda sa buong kapaligiran, at isang magandang sapa ang umaagos sa may likod ng gusali sa loteng iyan. Ang mga bahagi nito’y isang 900-upuang awditoryum, isang 250-upuang kapiterya, isang lugar na palamigan, isang de baldosang pool sa bautismo, at isang 200-upuang Kingdom Hall na ginagamit ng lokal na mga kongregasyon. Kahit na yaong mga may bahagi sa konstruksiyon ay nagsasabi na mahirap paniwalaan na iyon ay naitayo at natapos ng siyam na araw.
Siyempre, bago inumpisahan ang pagtatayo, marami na ang naihanda. Ang dating gusali ay nilansag at inalis na roon—habang bumubuhos ang malakas na ulan. Sinasagasa ng boluntaryong mga manggagawa ang kalamigan ng maulang Oktubre upang pumutol ng mga kahoy na gagawing tabla—mga tablang pambubong na yari sa western red cedar. Isinaplano ang gagawing pagkakabit ng mga tubo, ang pagpapainit, air-conditioning, ang instilasyon ng ilaw, at iba pa. Inihanda ang mismong lugar na iyon at ang 25,000-piye-kuwadradong kongkretong slab aid—ilan lamang iyan.
Sa wakas, lahat ay naihanda na. Noong Sabado, Agosto 3, sa ganap na ika-8:00 n.u., pagkatapos na pag-usapan ang isang teksto sa Bibliya, mga boluntaryong may mga martilyo ang naroon na sa palibot ng kongkretong slab. “Mga kapatid, mag-umpisa na kayong magmartilyo!” ang narinig sa mga loudspeaker. Ganiyan na lamang ang ingay ng pukpukan nang magsimulang magtrabaho ang 4,500 mga boluntaryo. Marami sa mga boluntaryo at ang kani-kanilang pamilya ang nanggaling sa Estados Unidos at mayroong nanggaling sa kasinlayo ng Newfoundland, Norway, at Inglatera. Ang mga bukid sa paligid ay ipinagkaloob ng mga madamaying mga may-ari para gamitin na kampamento at paradahan, at mga tolda, campers, trak, at mga kotse ang nakaokupa sa 35 acres (14 ha) sa buong palibot na iyon.
Ganiyan na lang ang paghanga ng mga nakamasid. Isang kontratista ang nagsama ng kaniyang mga empleado upang magmasid ng trabaho roon at ng kapaligiran. Ang mababait na mga kapitbahay ay nag-abuloy ng mga gulay sa departamento na naghahanda ng pagkain para sa mga manggagawa. May mga kapitbahay na tumulong pa sa aktuwal na pagtatrabaho. Isang lalaki, pagkatapos na makabisita sa lugar na iyon, ang nagsabi: “Talagang nakikita ko na ang Diyos ay sumasa-inyo.” Ang taong ito ay mabilis na sumusulong ngayon sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.
Isang editoryal sa Ladysmith-Chemainus Chronicle ang nagkomento: “Anuman ang inyong relihiyon, o wala man kayong relihiyon, maluluma iyon sa 4,500 mga Saksi ni Jehova na nagtrabaho nang maghapon at magdamag noong nakalipas na linggo at kalahati upang magtayo ng isang 25,000-piye-kuwadradong Assembly Hall sa Cassidy . . . Ang paggawa nito nang may kasayahan at walang pagtatalo, pagkakabaha-bahagi o pagtatanghal ng sarili ay isang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano.”
Noong Linggo, Agosto 11, sa ganap na ika-6 n.h., ang unang pulong ay ginanap sa natapos na Assembly Hall na may magandang kapaligiran!