Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 6/1 p. 20-25
  • Maingat na Pagsunod sa mga Utos ng Hari

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maingat na Pagsunod sa mga Utos ng Hari
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jehova na Organisador ng Kaniyang Bayan
  • Ang Sakdal na Halimbawa ng Pagsunod sa mga Utos ng Hari
  • Kailangan ng Matatanda ang Inyong Paggalang at Pagtangkilik
  • Maging Matiisin sa Isa’t Isa
  • Organisado Upang Sumunod sa Utos ng Hari na Mangaral
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Patuloy na Mahalin ang Gayong Uri ng mga Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Mga Pastol at mga Tupa sa Isang Teokrasya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Kung Paano Inoorganisa ang Kongregasyon
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 6/1 p. 20-25

Maingat na Pagsunod sa mga Utos ng Hari

“Ako’y sa iyong mga utos mababahala, at ako’y sa iyong mga daan titingin. Sa iyong mga batas ay magpapakita ako ng pagkahilig. Hindi ko kalilimutan ang iyong salita.”​—AWIT 119:15, 16.

1. Bakit bawat isa at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng mga utos ni Jehova?

BAWAT isa at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng mga utos ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na si Jehova, ang Haring walang hanggan. Siya ang Isa na lumikha ng sansinukob. Siya ang Bukal ng lahat ng buhay. Kaniyang inanyuan ang lupa at inihanda ito para tahanan. Siya ay isang Diyos ng kaayusan, at sa pamamagitan ng pagpapasunod ng kaniyang mga batas, mapananatili ang mabuting kaayusan sa buong sangnilalang niya.​—Awit 36:9; Isaias 45:18; Apocalipsis 15:3.

2. Sino ang may kapangyarihan sa mabituing langit, at paano?

2 Si Jehovang Diyos ang nag-utos sa mabituing langit na lumatag na gaya ng tolda sa buong lupa at pagkatapos ay inanyayahan niya ang kaniyang bayan: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan.” Si Jehova rin ang nagtanong kay Job: “Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit, o maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?” Ang Kaniyang mga batas ng gravity at mosyon ang bumubuklod sa milyun-milyong mga galaksi sampu ng kanilang bilyun-bilyong mga bituin at iyan ang umuugit sa galaw ng mundo samantalang ito’y naglalakbay sa kalawakan.​—Isaias 40:26; Job 38:33.

3. Sa pamamagitan ng kaninong mga utos nabubuhay ang mga hayop, at ano ang mangyayari kung sila ay susuway?

3 Siya ang Isa na nagpapatubo sa luntiang mga halaman na tumutubo sa buong lupa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga utos ay tumutubo ang mga binhi at lumalaki at dumarami. Di-mabilang na sarisaring mga buhay-hayop ang saganang makikita sa lupa​—buhat sa mga polo hanggang sa mga gubat sa tropiko, buhat sa kaitaasan ng atmospera hanggang sa kaila-ilaliman ng lupa, buhat sa ibabaw ng mga karagatan hanggang sa kalalim-laliman. Upang manatiling buháy, bawat isa sa di-mabilang na mga uri niyan ay kailangang mamuhay ayon sa iniutos ni Jehova. Sa pamamagitan ng katutubong gawi, kaniyang isinaayos na sila’y sumunod sa kaniyang mga utos para mabuhay. “Sila’y katutubong matatalino.” (Kawikaan 30:24) Subalit ano kaya kung ang munting blackpoll warbler (katumbas ng pipit dito sa atin) sa Alaska ay nagsabi sa ganang sarili: ‘Hindi ako lilipad nang libu-libong milya hanggang sa Timog Amerika. Bakit ko gagawin iyan?’ Ang munting ibong iyan ay mamamatay sa kaginawan ng taglamig. Subalit hindi niya sasabihin iyan. Isinangkap sa kaniya ang katutubong gawi na lumipat sa ibang lugar para makapanatiling buháy. At ganiyan ang nangyayari sa lahat ng hayop. Likas sa kanila na sumunod sa mga utos na isinangkap sa kanila ni Jehova na kanilang Maylikha. Iyan ang kailangang gawin nila at hindi ang anupaman.

4. Ano ang maaaring piliin ng mga tao, na may anong resulta?

4 May pagkakaiba kung tungkol sa mga tao. Tayo’y nilalang na kawangis ng Diyos, at tayo’y makapipili. Gayumpaman, bagama’t hindi tayo sinangkapan ni Jehova ng abilidad na kumilos nang may katalinuhan sa pamamagitan lamang ng katutubong gawi, hindi rin naman niya tayo pinabayaan na maging walang-alam. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita ang Bibliya, kaniyang ibinibigay sa atin ang kaniyang mga utos para sa pagtatamo ng buhay. Kung maingat na susundin natin ang mga utos na iyan ng Hari, tayo’y mabubuhay. Kung gagamitin natin ang ating kalayaan upang ipagwalang-bahala ang mga iyan at lalakad tayo ng ating sariling lakad, tayo’y mamamatay. Kailangang sumunod tayo para manatiling buháy. Simpling-simple iyan. “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan,” ang sabi ng salmista. Sa kabilang dako, ang isang naiibang “daan ay baka tinging matuwid sa isang tao, subalit ang dulo niyaon ay baka landas patungo sa kamatayan.” (Awit 119:105; Kawikaan 14:12, The New English Bible) Sa panahong ito ng kawakasan, mahalaga na sumunod tayo sa sinasabi ng Awit 119:15, 16, na tumutukoy kay Jehova: “Ako’y sa iyong mga utos mababahala, at ako’y sa iyong mga daan titingin. Ako’y magpapakita ng hilig sa iyong mga tuntunin. Hindi ko kalilimutan ang iyong salita.”

Si Jehova na Organisador ng Kaniyang Bayan

5. Sa paanong si Jehova ang Hukom, Tagapagbigay-batas at Hari ng Israel?

5 Si Jehova ay nakipag-usap kay Moises sa Bundok Sinai, at nagbigay ng mga utos para maging patnubay sa Israel. Kabilang sa mga ito ang Sampung Utos, na isinulat sa mga tapyas ng bato ng daliri ng Diyos. (Exodo 20:1-17; 31:18) Bukod sa si Jehova ang Tagapagbigay-batas ng Israel, siya rin ang kanilang Hukom, na kumilos sa pamamagitan ni Moises at iba pang nakatatandang mga lalaki. Pinayuhan ni Moises ang mga matatandang lalaking iyon na alalahanin: “Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol. Inyong diringgin ang maliit na gaya ng malaki. Huwag kayong matatakot dahilan sa isang tao, sapagkat ang paghatol ay sa Diyos.” (Deuteronomio 1:17) Si Jehova ang kanilang Hari rin naman, na nag-organisa sa angaw-angaw na mga taong ito para sa mahusay na pamamalakad ng kanilang pamumuhay. Dahilan sa lahat ng ito, isa sa kaniyang mga propeta ang nang bandang huli ay nagsabi: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.”​—Isaias 33:22.

6. Paano pinatunayan ni Jehova na siya ang Organisador at Patnubay ng Israel sa ilang?

6 Ang bansang Israel ay inorganisa sa mga tribu-tribo, pami-pamilya, at mga samba-sambahayan. Samantalang sila’y naglalakbay sa ilang, inatasan ni Jehova ng kani-kaniyang dako ang bawat tribo sa kanilang paglalakbay. Sa kanilang pagkakampamento sa palibot ng tabernakulo, bawat tribo ay inatasan ng kani-kanilang lugar. (Bilang 2:1-34; Josue 7:14) Sa pamamagitan ng isang ulap, iniutos ni Jehova kung saan sila pupunta: “Kailan pa man na ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng tolda, agad na naglalakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel, at sa dakong tigilan ng ulap ay doon nagkakampamento ang mga anak ni Israel. Sa utos ni Jehova ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ni Jehova ay nagkakampamento sila.”​—Bilang 9:17, 18.

7. Sino ang makagagawa at gumawa nga ng mga pagbabago sa organisasyon ng Israel?

7 Pagka kinakailangan noon ang isang pagbabago sa organisasyon, si Jehova ang gumagawa niyaon. Si Moises ay nagreklamo: “Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat totoong mabigat para sa akin.” Si Jehova ay tumugon naman: “Pisanin mo sa akin ang pitumpung lalaki sa nakatatandang mga lalaki ng Israel, na iyong nalalaman na nakatatandang mga lalaki sa bayan at mga nangungulo sa kanila, . . . at sila’y tutulong sa iyo sa pagdadala ng pasan ng bayan, upang huwag mong dalhing mag-isa.” (Bilang 11:14, 16, 17) Kahit na noong malaunan na humingi ang bayan ng isang taong hari, ang dakilang Haring walang hanggan ay hindi nagpabaya sa Israel. Ang taong hari ay may kopya ng Kautusan ni Jehova. Mga propeta ang naghahayag ng mga kahatulan ni Jehova. Mga tapat na hari ang nagsisilbi pa ring mga tagapamanihala para sa Diyos samantalang sila’y ‘nakaupo sa trono ni Jehova.’​—1 Cronica 29:23; Deuteronomio 17:18; 2 Hari 17:13; Jeremias 7:25.

Ang Sakdal na Halimbawa ng Pagsunod sa mga Utos ng Hari

8. Paano, saan, at ano ang resulta nang ipangaral ni Jesus ang Kaharian ni Jehova na darating?

8 Nang si Jesus ay dumating bilang ang ipinangakong Mesiyas, kaniyang sinunod ang mga utos ng kaniyang makalangit na Ama taglay ang puspusang sigasig. Nang magsimula ang dakilang ministeryo niya sa Galilea, kaniyang “sinimulan ang pangangaral at pagsasabi: ‘Mangagsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ Pagkatapos ay nilakbay niya ang buong Galilea, at nagturo sa kanilang mga sinagoga at ipinangaral ang mabuting balita ng kaharian at pinagaling ang bawat uri ng sakit at bawat uri ng karamdaman ng mga tao. Kaya naman ang lubhang karamihan ng mga tao ay sumunod sa kaniya mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at buhat sa kabilang ibayo ng Jordan.” (Mateo 4:17, 23, 25; Juan 2:17) Ang kaniyang pangangaral ay hindi lamang doon sa mga sinagoga, Kaniyang ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian saanman mayroong mga tao na makikinig: sa templo, tabing-dagat, kabundukan, parang, mga lunsod at mga bayan-bayan, at sa mga tahanan ng mga tao. Ang lubhang karamihan ng mga tao ay dumagsa sa kaniya, “at nakinig sa kaniya nang may pagkalugod.” Sila’y “patuloy na nagpalumagak upang makinig sa kaniya.”​—Marcos 12:37; Lucas 19:48.

9. Ano ang ginawa ni Jesus upang mapalawak ang gawaing pangangaral, at anong mga tagubilin ang ibinigay niya?

9 Sa kaniyang mga apostol ay binanggit niya na kailangan ang higit pang mga manggagawa, kaya “ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus, at binigyan sila ng ganitong mga utos: ‘Huwag kayong magsitungo sa alinmang daan ng mga bansa, at huwag kayong papasok sa alinmang lunsod ng mga taga-Samaria; kundi, bagkus, doon kayo patuloy na magsiparoon sa mga tupang nawaglit sa bahay ni Israel. Samantalang kayo’y naglalakad, magsipangaral kayo, na nagsasabi: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Sa alinmang lunsod o bayan kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat, at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo’y magsialis. Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang maybahay; at kung ang bahay ay karapat-dapat, dumoon ang inyong kapayapaan na hinahangad ninyong dumoon; datapuwat kung hindi karapat-dapat, harinawang magbalik sa inyo ang inyong hinahangad doon na kapayapaan.’” (Mateo 10:5-7, 11-13) Nang maglaon ay nagsugo siya ng 70 pa at binigyan niya ng ganoon ding mga tagubilin, at sa maingat na pagsunod sa mga utos na ito, sila ay nagtamo ng tagumpay at ng malaking kagalakan.​—Lucas 10:1, 17.

10. (a) Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, ano pang utos ang ibinigay ni Jesus, at ano ang resulta? (b) Bakit ang paghirang ng karagdagan pang mga lalaki ay kinailangan, at ano ang dapat na maging mga kuwalipikasyon nila?

10 Pagkamatay niya at pagkabuhay-muli, pinalawak ni Kristo Jesus ang teritoryo ng kaniyang mga tagasunod, at ang sabi sa kanila: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:18-20) Nang siya’y umakyat sa langit, siya’y nagbigay ng nahahawig na utos: “Kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Samantalang pinalalaganap ng kaniyang mga tagasunod ang pabalita ng Kaharian, libu-libo ang nagsisama sa kanila. (Gawa 2:41; 4:4; 5:14; 6:7) Sa lahat ng dako ay may nangatatag na mga kongregasyon. Mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod na nakatugon sa espisipikong mga kuwalipikasyon sa Kasulatan ang hinirang upang magpastol sa mga kawang ito ng mga lalaki at mga babae. Ang mga kongregasyon ay lumago at dumami.​—1 Timoteo 3:2-10, 12, 13; Tito 1:5-9.

11. Anong uri ng organisasyon mayroon ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, at bakit totoong kailangan ngayon ang mahusay na organisasyon?

11 Sa ngayon ay lalung-lalo nang mahalaga para sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na sumunod sa halimbawa ni Jesus sa pangangaral. Upang magawa ito nang buong husay, ang sinusunod nila’y ang kaayusan ng organisasyon na itinatag noong mga kaarawan ng mga apostol. Tayo’y narito na sa panahon ng kawakasan, ang panahon na sinabi ni Jesus na magaganap ang isang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang ilang libo ay nagsimulang mangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian; ngayon ang kanilang bilang ay mabilis na umakyat hanggang sa malampasan ang bilang na tatlong milyon! Ito’y isang maselang na panahon na kailangang maingat na sundin ang mga utos ng kapuwa dakilang Haring walang hanggan, ang Diyos na Jehova, at ang Hari ng mga hari, si Kristo Jesus.

Kailangan ng Matatanda ang Inyong Paggalang at Pagtangkilik

12. Ano ang kahilingan sa hinirang na matatanda ngayon, at paano sila magkakaroon ng kagalakan sa kanilang paglilingkod?

12 Sa pagsunod sa mga utos ng Hari, ang matatanda sa kongregasyon ay may pangunahing bahagi na dapat gampanan. Sila’y kailangang maging uliran: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; ni dahil sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; ni gaya ng kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan.” (1 Pedro 5:1-3) Ito ay kawan ng Diyos. Kaniyang pinapananagot ang matatanda, subalit dahil sa masunuring pakikipagtulungan ng bawat isa ay magiging maligaya ang kanilang gawain: “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.”​—Hebreo 13:17.

13. Bakit ang matatanda ay dapat pagpakitaan ng ibayong karangalan?

13 Lahat ng mga nasa kongregasyon ay dapat na igalang, ngunit lalung-lalo na ang masisipag na matatanda: “Ang nakatatandang mga lalaki na namumunong mabuti ay ariing karapat-dapat sa ibayong karangalan, lalo na silang gumagawang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Timoteo 5:17; Roma 12:10) Bakit kailangan ang ‘ibayong paggalang’ sa matatanda? Dahilan sa kanilang mainam na gawain. Nasusulat tungkol sa kanila: “Ang banal na espiritu ang humirang sa inyo na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Sila’y puspusang gumagawa ng paglilingkod sa inyo at sa iba. Baka kailangang magdisiplina sila ng mga iba pagka ang mga utos ng Hari ay ipinagwalang-bahala o nilabag​—hindi isang kaaya-ayang gawain at marahil ay ipagdaramdam ng iba. Baka kailangang magbigay ng payo tungkol sa pananamit o pag-uugali at baka hindi gusto ito ng iba. Subalit lahat ng mga bagay na ito ay ginagawa alang-alang sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon. Ang matatanda ay dapat na igalang at parangalan.

14. (a) Dahilan sa sinasabi ng Santiago 4:12, paano lamang maaaring maging tumpak ang mga paghatol na iginawad ng matatanda? (b) Kailan maaaring maipakita ang awa kung humahatol at ikinagagalak ang awa sa pagtatagumpay sa paghatol?

14 Kung minsan ang matatanda ay kailangang maglingkod bilang bahagi ng mga hukumang komite at humatol​—kung minsan ay hindi tanyag na mga paghatol. Papaanong ang paghatol na ito ay maiaayon sa Santiago 4:12? Sinasabi: “Mayroong isa na tagapagbigay-batas at hukom, siya na nagliligtas at pumupuksa. Subalit ikaw, sino ka ba na hahatol sa iyong kapuwa?” Oo, ang mga tao ay hindi dapat humatol sa isa’t isa. At ang mga hatol na iginagawad ng matatanda ay dapat na hindi naaayon sa kanilang sariling mga opinyon kundi ayon sa Salita ni Jehova. Pansinin dito kung paano pinaalalahanan ni Haring Jehosaphat ang mga hukom na kaniyang hinirang: “Hindi para sa tao kayo humahatol kundi para kay Jehova; . . . ang takot kay Jehova ay suma-inyo nawa. Kayo’y pakaingat at kumilos, sapagkat kay Jehova na ating Diyos ay walang kalikuan o pagtatangi o pagkuha ng suhol.” (2 Cronica 19:6, 7) Ang organisasyon ay kailangang panatilihing malinis. Gayunman ay hindi dapat na maging mabagsik ang mga matatanda, hindi ‘magaang ang kamay.’ Maaaring magpakita ng awa at magpatawad sa isa na matindi ang pagdaramdam at nakikitaan ng tunay na pagsisisi. Kung magkagayon, ‘ang awa ay ikinagagalak sa pagtatagumpay sa paghatol, bilang nakahihigit sa paghatol.’​—1 Timoteo 3:3; Santiago 2:13; tingnan ang talababa sa Reference Bible.

15. Anong mga paglilingkod ng matatanda ang karapat-dapat sa paggalang at pagpaparangal sa kanila?

15 Samakatuwid ang mga tungkulin ng matatanda ay kadalasang mahirap at mapaghanap, ngunit ang mga matatanda na may katapatan at pag-ibig na nangangalaga sa mga pananagutang ito ay maaaring magsilbing isang bukal ng espirituwal na kaginhawaan at proteksiyon. “Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig. Gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” (Isaias 32:2) Yaong mabait at maibiging tagapagsanggalang​—hindi ang padalus-dalos na tagapagparatang o ang mabagsik na tagadisiplina​—ang nagdadala ng kagalakan sa lahat, iginagalang at pinararangalan, at nagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova.

Maging Matiisin sa Isa’t Isa

16. (a) Ano ang epekto sa iba ng mga pagkakamali ng iba, at ano ang tutulong sa kanila upang sila’y maging di-gaanong mapintasin at sila’y maging higit na maunawain? (b) Ano ang pangmalas ni Jehova sa tapat na mga lingkod na nagkakamali?

16 Kailanma’t ang mga tao’y lapit-lapit sa isa’t isa sa kanilang paggawa, malamang na may bumangong mga suliranin. Sila’y nakagagawa ng mga pagkakamali. Pagka ganoon na ang nangyari, ang iba ay totoong naliligalig. Mayroon pang iba na ang mga pagkakamali ng iba ay ginagamit na dahilan para sa paggawa ng pinakamalaking kamalian sa lahat​—sila’y humihinto ng paglilingkod kay Jehova! Subalit, kung ang kanilang sariling mga pagkakamali ay buong ingat na susuriin nila gaya ng pagkakamali ng iba, baka sila di-gaanong maging mapintasin at sila’y maging higit na maunawain. Si Moises ay nakagawa ng mga pagkakamali. Ganoon din si David. At ganoon din si Pedro. Samakatuwid, lahat tayo ay nagkakamali. Subalit patuloy na ginamit ni Jehova ang tapat na mga taong ito noong una, at tayo ay patuloy na ginagamit niya. Kaya, “sino ka na hahatol sa utusan ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon siya tatayo o mabubuwal. Oo, siya’y patatayuin, sapagkat siya’y mapatatayo ni Jehova.”​—Roma 14:4.

17. Tungkol dito sa mga pagkakamali at paghatol sa iba, anong karagdagang punto ang dapat nating tandaan?

17 Tandaan din natin: Dito sa lupa, mga taong di-sakdal ang ginagamit ni Jehova​—wala siya kundi iyan sa kasalukuyan. Sa katunayan, napabanaag dito ang kapurihan ni Jehova. Pagkalaki-laki ang kaniyang nagagawa sa pamamagitan ng napakaliit! Ang ating kahinaan ang nagpapadakila sa kaniyang kapangyarihan: “Ang aking di-sana nararapat na awa ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” (2 Corinto 12:9) Ang pandaigdig na gawaing pagpapatotoo ay umuunlad dahilan sa sinalita ni Jehova mismo: “Hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan man, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu.” (Zacarias 4:6) Kaya’t patawarin natin ang mga pagkakamali at mga di-kasakdalan ng iba upang ang atin naman ay patawarin. Tandaan, “Kung patatawarin ninyo ang pagkakasala ng mga tao, kayo rin naman ay patatawarin ng inyong Ama sa langit.”​—Mateo 6:14, 15.

Organisado Upang Sumunod sa Utos ng Hari na Mangaral

18. Upang magkaroon ng nagkakaisang patnubay sa pangangaral ng mga kongregasyon, anong kaayusan ang umiral noong kaarawan ng mga apostol at umiiral din ngayon sa ating kaarawan?

18 Ang mga apostol at nakatatandang mga lalaki na nasa Jerusalem ay bumuo ng isang lupong tagapamahala na gumawa ng mga pasiya na nagbibigay ng nagkakaisang patnubay sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano. (Gawa 15:1-31; 16:1-5) Sa ngayon ang pinahirang mga saksi ni Jehova, “ang tapat at maingat na alipin,” ay may Lupong Tagapamahala sa kanilang punong tanggapan sa Brooklyn, New York. (Mateo 24:45-47) Ito ang namamatnubay sa pagkalaki-laking pambuong-daigdig na gawaing pagpapatotoo sa Kaharian na ngayo’y ginagawa sa buong lupa bilang katuparan ng utos na ibalita ang Kaharian ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang gawaing ito ay hindi kailanman maisasagawa kung walang isang organisasyon. Ang isang tao ay hindi makagagawa nito.

19. Anong gawain na hindi magagawa ng isahang tao lamang ang matagumpay na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga utos ng Hari?

19 Walang isahang tao at walang di-organisado, kalat-kalat na grupo ng mga tao ang makapangangaral sa mahigit na 190 mga wika at sa 205 mga bansa, regular na nagdaraos ng mahigit na dalawa-at-isang-kaapat na milyong mga pag-aaral ng Bibliya sa tahanan, at nagbabautismo taun-taon ng humigit-kumulang 190,000 mga bagong ministro ng mabuting balita ng Kaharian. Hindi, kundi nangailangan ang mahigit na tatlong milyong mga Saksi ng halos anim na raang milyong oras ng pangangaral upang maisagawa ang ganiyang dami ng gawain sa nag-iisang taon ng 1985. Kaya lamang nila nagawa ito ay sapagkat sila’y mahusay ang pagkaorganisa sa halos 50,000 mga kongregasyon, pawang sa ilalim ng nakikitang patnubay ng kanilang kaisa-isang Lupong Tagapamahala. At magkagayon man, ito’y nagawa lamang dahilan sa ang Lupong Tagapamahala, ang 94 na mga sangay, ang 50,000 mga kongregasyon, at ang 3,000,000 indibiduwal na mga Saksi ay pawang nagkakaisa-isa sa maingat na pagsunod sa mga utos ng Hari.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paano inorganisa ni Jehova ang bansang Israel?

◻ Anong sakdal na halimbawa ang iniwan ni Jesus para sa pagganap sa gawaing pagbabalita ng Kaharian ni Jehova?

◻ Anong maraming paglilingkod na isinasagawa ng mga matatanda ang karapat-dapat sa ating paggalang sa kanila?

◻ Bakit hindi magagawa ng nagsasariling mga grupo o isahang mga tao ang gawaing pagpapatotoo?

[Larawan sa pahina 23]

Lahat ng hayop ay sinangkapan ng Maylikha ng abilidad na manatiling buháy

Ang mga tao ay kailangang masangkapan para sa pananatiling buháy sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga utos ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share