Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang isa bang Kristiyano na may makalupang mga pag-asa ay masasabing bahagi ng “malaking pulutong” ngayon, bagaman hindi pa siya nakatatawid sa “malaking kapighatian”?—Apocalipsis 7:9, 14.
Oo, iyan ay angkop dahilan sa kaniyang mga pag-asa. Sa Apocalipsis kabanata 7 ay binabanggit ang dalawang grupo. Ang una ay ang 144,000 na “tinatakan buhat sa bawat tribo ng mga anak ni Israel.” (Apocalipsis 7:4) Kung ihahambing ang Apocalipsis 14:1-5 ay makikita na ang 144,000 ay “binili buhat sa lupa,” upang maging “mga unang bunga sa Diyos.” Ang mga ito, samakatuwid, ang mangaghaharing kasama ni Kristo sa langit. (Galacia 6:16; 2 Timoteo 4:18) Ang ikalawang grupo ay “isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinumang tao,” na “nanggagaling sa malaking kapighatian.”
Sa konteksto, ang Apocalipsis 7:9-17 ay naglalarawan ng makalupang mga makaliligtas sa darating na kapighatian. Kaya ang sinuman na ibig maging labis na eksakto sa pananalita ay baka ikapit ang terminong “malaking pulutong” tangi lamang sa mga tao na nakaligtas sa kapighatiang iyon. Subalit kinakailangan kayang maging ganoong kaeksakto? Kami’y hindi naniniwala na dapat ngang magkagayon. Maliwanag, yaong mga makaliligtas ay tinipon na bago pa sumapit ang “malaking kapighatian” upang sila’y maging kuwalipikado para sa kaligtasan. Samakatuwid, ating ikinapit ang terminong “malaking pulutong” sa tapat na mga Kristiyano na sa panahong ito ay naglilingkod sa Diyos na Jehova at may pag-asang makaligtas at pagkatapos ay ‘maakay sa mga bukal ng tubig ng buhay’ sa lupa. (Apocalipsis 7:17) Kung isang kabilang sa “malaking pulutong” ay mamatay ngayon, bago mangyari “ang malaking kapighatian,” may lahat ng dahilan na umasa na siya’y bubuhaying muli sa buhay sa lupa.
Nahahawig na mga punto ang maaari ring masabi tungkol sa terminong “mga ibang tupa.” Sa Juan 10:7-16, unang binanggit ni Jesus ang tungkol sa kaniyang “mga tupa,” na ayon sa pagkaunawa natin ay ang “munting kawan” na ang pag-asa’y sa makalangit na buhay. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Ako’y may mga ibang tupa, na hindi sa [makalangit na] kulungang ito; sila’y kailangan ko ring dalhin, at sila’y makikinig sa aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” Malimit nga na kami’y nagharap na ng patotoo buhat sa Kasulatan na nagpapakilala sa “mga ibang tupa” bilang yaong mga may pag-asang mabuhay sa lupa.—Lucas 12:32.
Baka mayroong mangatuwiran ng ganito: Ang tinutukoy ni Jesus ay isang panghinaharap na pagtitipon ng “mga ibang tupa,” kaya’t ang termino ay kumakapit tangi lamang sa mga tao na, pagkatapos magsalita si Jesus, ay tatanggap sa ibinibigay ng Bibliya na pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa. Gayunman, waring hindi na kinakailangan na ang termino ay lagyan ng restriksiyon, na para bagang si Jesus ay nagsasaad ng mga bagay-bagay ayon sa kronolohiya o sa pagkakasunud-sunod. Kami’y naniniwala na idiniriin niya na siya ang pastol ng pinagkaisang mga tupa. Ang ibang mga taong tulad-tupa na sumasama sa kawan ay sa langit pupunta. Mayroon pang mga ibang tupa na tatanggap sa kaniya bilang pastol; ang mga ito ay makakaisa ng pangkat na unang binanggit. Sa pagkakaroon ng ganitong pangmalas, ang terminong “mga ibang tupa” ay sumasaklaw din sa mga taong may pananampalataya na nangamatay bago binuksan ni Jesus ang daang patungo sa langit tulad halimbawa nina Noe, Abraham, Job, David, at Juan Bautista. (Mateo 11:11; Gawa 2:29; Hebreo 10:19, 20) Pagka ang mga ito’y binuhay na sa bagong sistema ng mga bagay, maaari na nilang tanggapin ang Mabuting Pastol at sila’y magkakaroon ng pag-asa na magkamit ng walang hanggang buhay sa lupa kasama ng “mga ibang tupa” pa ni Jesus.