Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 8/15 p. 26-29
  • Guadeloupe—“Ang Isla ng Magagandang Tubig”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Guadeloupe—“Ang Isla ng Magagandang Tubig”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Nagsimulang Umagos ang mga Tubig ng Katotohanan
  • Bumilis ang Agos
  • Isang Hamon ang Hinarap
  • Patuloy na Lalong Dumaraming Pag-agos ng mga Tubig ng Katotohanan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 8/15 p. 26-29

Guadeloupe​—“Ang Isla ng Magagandang Tubig”

ANG Guadeloupe, mga 300 milya (480 km) sa timog silangan ng Puerto Rico, ay isang grupo ng mga isla sa halos kalagitnaan ng kapuluan ng Lesser Antilles. Sa mapa, ang dalawang malalaking isla ay waring nakakatulad ng isang paruparo na may nakabukang mga pakpak. Ang kabundukang Basse-Terre, na kinaroroonan ng tulog na bulkang Soufrière, ay nasa kanluran, at ang mababang Grande Terre ay nasa silangan. Ang dalawang isla ay pinaghiwalay ng makitid na kanal ng Rivière Salée. Lima pang mga maliliit na isla at ilang maliliit na mga pulu-pulo ang bumubuo ng Pranses na département, sa ibayong dagat, o administratibong distrito.

Bago natuklasan ito ni Christopher Columbus noong 1493 at siya rin ang nagbigay ng kasalukuyang pangalan na Guadeloupe ang katutubong mga tagaroon na Cariba ay nagkapit dito ng kasalukuyang pangalan na Karukera​—Isla ng Magagandang Tubig. Walang alinlangan, ang nasa isip nila ay ang saganang patak ng ulan dito at malusog na mga halamang tropiko na tumutubo sa mga isla. Sa ngayon, ang pangalang iyan ay lalong angkop dahilan sa saganang tubig ng katotohanan na umaagos sa 328,000 mga tao roon. Bagaman karamihan ay Katoliko, marami sa mga magagalang at mapagpatuloy na mga taong ito ang sabik na tumatanggap ng dalisay na tubig ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Nagsimulang Umagos ang mga Tubig ng Katotohanan

Ang unang patak ng tubig ng katotohanan ay nagsimulang umagos sa Guadeloupe noong 1938, halos bago magsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Si Cyril Winston at ang kaniyang pamilya ay nanggaling sa karatig isla ng Dominica at sila’y nagsimulang mangaral ng mabuting balita sa mga tagaroon sa isla. Hindi nagtagal 5 katao ang ngsimulang magtipon nang palagian, at nang sumapit ang Hunyo 1940 ang unang kongregasyon ay naorganisa, at mga 15 katao ang dumadalo sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan sa Pranses.

Subalit, ang Digmaang Pandaigdig II ay nagdala ng matinding panggigipit buhat sa kontrolado-ng-Aleman na gobyerno sa Pransia. Nang panahong iyon isang buong kargada ng literatura na nanggaling sa Brooklyn ang sinunog sa piyer nang ito’y dumating doon, at pinutol na ang pakikipagtalastasan sa Brooklyn ng headquarters doon. Si Brother Winston ay nagkasakit nang malubha at kinailangan na siya’y bumalik sa Dominica, na kung saan siya’y namatay makalipas ang tatlong buwan. Ang agos ng mga tubig ng katotohanan ay bumagal; isang mahirap na panahon iyon para sa maliit na grupo ng mga Kristiyano.

Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy ng mga kapatid ang kanilang gawain sa pinakamagaling na paraan na magagawa nila. Upang marating ang pinakamaraming tao hangga’t maaari, sila’y nagsikap na magbigay ng mga pahayag sa Bibliya sa mga pook publiko sa gabi. Ang tagapagpahayag ay nagbibigay ng kaniyang pahayag samantalang nakatayo sa isang bagay na mataas, at nakapalibot sa kaniya ang mga taong nakikinig. Isa pang kapatid ang mag-aasikaso ng ilaw at ito’y isang gawang bahay na sulô na kaniyang hawak na nakataas. Kung mga gabing katamtaman ang lagay ng panahon, ang mga nagdaraan at mga kapitbahay ay natutuwang makinig sa Salita ng Diyos na tinatalakay sa labas.

Subalit samantalang idinaraos ang isa sa gayong mga pahayag isang grupo ng mga boyscouts na Katoliko ang biglang-biglang dumating. Kanilang pinalibutan ang tagapagpahayag, at kanilang hinipan ang kanilang mga trumpeta at hinampas ang ilang malalaking kaldero, upang madaig ang tinig ng tagapagpahayag. Nahalata na noon kung ano ang nangyari, kaya’t ang tagapagpahayag ay mahinahon na nagpatuloy sa kaniyang pagpapahayag ngunit sa pamamagitan lamang ng pagkumpas-kumpas at paggalaw ng kaniyang mga labi. Hindi nagtagal, ang mga boy-scouts, na halos habulin ang paghinga, ay umatras at nagsialis at ang kapatid ay nagpatuloy sa kaniyang pagpapahayag gaya ng isinaplano.

Bumilis ang Agos

Sa lumipas na mga taon nagdestino sa Guadeloupe ng mga misyonero upang tumulong sa munting grupo ng masisigasig na mamamahayag doon. Sa una pa lamang, limitado ang nagagawa nila dahilan sa hindi sila sanay sa wika roon. Noong kalagitnaan ng 1950’s ay nagsimula na ng pagdating ang mga misyonerong nagsasalita ng Pranses, at ang gawain ay nagpatuloy at sumulong.

Datapuwat, dahilan sa matinding pananalansang ng mga relihiyoso marami na tumanggap sa katotohanan ng Bibliya ang kinailangan na manindigan na taglay ang pambihirang determinasyon. Ganito nga ang nangyari sa isang babae na kinailangang bautismuhan sa dagat samantalang ang buong paligid ay nababalot ng kadiliman sapagkat alas-5 noon ng umaga. Ang babaing ito at ang kaniyang asawa ay nagsimulang magkasamang mag-aral ng Bibliya. Subalit nang sila’y gipitin ng kanilang mga kapitbahay, ang asawang lalaki ay huminto ng pakikipag-aral dahilan sa takot na mawalan ng mga mamimili sa kaniyang munting tindahan ng mga sari-sari. Ang babae ay nagpatuloy at sumulong na mainam. Subalit, hindi nagtagal at naging napakatindi ang pananalansang kung kaya’t ang babaing ito ay pinagbantaan ng kaniyang asawa na papatayin.

Isang gabi, nakasumpong ang babaing ito ng isang balisong na nakatago sa ilalim ng unan ng kaniyang asawa, at ang ginawang iyon ng kaniyang asawang lalaki ay inaakala niya na hindi mapag-aalinlanganan kung tungkol sa hangarin ng asawang lalaki. Ngayong nadarama niya na namimiligro ang kaniyang buhay, ang babaing ito ay tumakas at pumaroon sa tahanan ng isang pamilya ng mga Saksi, siya’y naglakad ng mga sampung milya (16 km) at dumaan sa tropikal na kagubatan at mga taniman ng saging. Samantalang nagtatago sa kaniyang asawang lalaki, hiniling ng babae na siya’y bautismuhan, na ang sabi: “Kung sakaling kailangang humarap ako sa kamatayan dahilan sa aking pananampalataya, ibig kong maibilang ako na isa sa mga lingkod ni Jehova!” Nang maglaon ang tapat na sister na ito ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod at naging isang espesyal payunir noong nakalipas na 24 na taon. Bagamat naiwala niya ang kaniyang likas na pamilya dahilan sa kaniyang pananampalataya, nagkaroon naman siya ng isang malaking espirituwal na pamilya, gaya ng ipinangako ni Jesus sa Mateo 19:29. Siya’y may natulungan nang mga 35 katao sa pag-aalay at bautismo.

Ang mga tubig ng katotohanan ay lumalaganap sa mga paraang di-inaasahan. Dalawang lalaking Katoliko sa isang malayong nayon sa gawing hilaga ang kumuha ng isang Bibliya. Sinimulan nilang basahin iyon araw-araw at sila’y naghahanap ng sinoman na tutulong sa kanila na maunawaan iyon. Isang kapitbahay ang nagsabi sa kanila na maaari siyang makipag-alam sa isang pinsan niya, isang “Jehova,” na malulugod na tumulong sa kanila. Iyan ang unang-unang pagkakataon na narinig nila ang pangalan ng Diyos.

Ang pinsan na iyon ay nagpadala sa kanila ng mga ilang sipi ng magasing Gumising!, na hindi lamang binasa nila kundi kanila ring ipinamahagi sa iba na mga tagaroon sa nayong iyon. Nang kanilang mabalitaan na isang asamblea ang idinaraos malapit sa Pointe-à-Pitre, sila’y nagpunta roon at kanilang sinabi sa tagapangasiwa ng sirkito: “Kami’y nagpunta sa asambleang ito at ibig naming pabautismo.” Mangyari pa, sila’y buong siglang tinanggap ngunit tinulungan din upang maunawaan nila na kailangang gumawa ng ilang hakbang at mga pagbabago bago maging kuwalipikado sa bautismo. Kaya’t gumawa ng mga kaayusan upang tulungan sila, at sila’y nabautismuhan sa sumunod na asamblea.

Mga karanasan na tulad nito ang nagdulot ng malaking kagalakan at pampatibay-loob sa mga kapatid. Ang mga tubig ng katotohanan ay nagpatuloy na umagos, at nang sumapit ang 1960, lahat-lahat ay mayroong 251 mga tagapagbalita ng Kaharian sa Guadeloupe.

Isang Hamon ang Hinarap

Ang isang malaking problema sa munting islang ito ay ang paghahanap ng mga pasilidad na may sapat na laki para pagdausan ng mga asamblea. Matagal din na mayroon lamang dalawang lugar na mapagdadausan ng mga asamblea. Talagang gusto ng mga kapatid na magdaos ng mga asamblea sa buong isla upang ang mga tubig ng katotohanan ay makarating sa higit pang maraming tao.

Sa wakas, ipinasiya ng mga kapatid na itayo ang kanilang sariling pasilidad. Sila’y nagdisenyo, nag-abuloy ng sapat na pondo para sa isang maililipat-lipat na kayarian na binubuo ng mga piyesang bakal at iba pang metal, na maaaring pagkasiyahan ng 700 katao. Nang kanilang unang gamitin ang kanilang sariling “assembly hall” sa Basse-Terre noong Enero 1966, mayroong masiglang dumalo na 907. Ang “hall” ay totoong maliit kahit noong una pa lamang!

Dahilan sa bagong paglalaang ito, naging posible na magdaos ng mga asamblea kahit na sa ilan sa malalayong isla. Kaya ito ay nagbigay ng tunay na kasiglahan sa pamamahagi ng mga tubig ng katotohanan sa maraming lugar. Guni-gunihin ang reaksiyon ng mga tagaroon sa Grand Bourg, isang munting bayan na mayroong humigit-kumulang 6,000 katao sa isla ng Marie Galante, nang sila’y “lusubin” ng tatlong barko na may lulang humigit-kumulang 1,000 kombensiyonista kasama na ang kanilang mga dala-dalahan at mga iba pang bagay-bagay. Ito’y isang pambihirang tanawin na noon lamang nakita roon​—isang mahabang linya ng mga tao na naglalakad buhat sa piyer at dumaan sa kabayanan patungo sa lugar ng asamblea. Ito’y nagbigay ng mainam na patotoo sa mga tagaroon, at sa ngayon ay mayroong tatlong masisigasig na mga kongregasyon sa islang ito.

Sa lumipas na mga taon, ang “hall” ay kung mga ilang beses na pinalakihan. At sa wakas, ito’y naging isang 30-toneladang gusali, na mayroong lawak na 32,000 piye kuwadrado (3,000 m ku), at 5,000 katao ang maaaring makaupo. Maliwanag nga, ito’y isang malaking gawain na paghahakot, pagtatayo, at pagtatanggal ng lahat ng gamit na iyon tuwing magdaraos ng asamblea. Ang isang problema, pahirap nang pahirap na makasumpong ng nababagay na mga lugar upang pagtayuan ng temporaryong “hall” sapagkat ang mga bakanteng lote ay mabilis na pinagtatayuan ng mga proyektong gusali. Kaya kinailangan noon na humanap ng isang permanenteng lugar para sa “hall” bilang tanging solusyon.

Minsan pang si Jehova ang naglaan para sa pangangailangan ng mga kapatid. Isang lote na naroon sa sentro at may laking mahigit na kalahating milyong piye kuwadrado (50,000 m ku) ang natagpuan. Lahat ng kongregasyon sa mga isla ay saganang nagbigay ng kanilang abuloy; ang lote ay binili noong 1979. Ito’y naging isang permanenteng sentro ng tunay na pagsamba para sa Guadeloupe.

Patuloy na Lalong Dumaraming Pag-agos ng mga Tubig ng Katotohanan

Noong nakalipas na 1954 nang ang sangay sa Guadeloupe ay unang itayo, mayroong 128 mamamahayag ng Kaharian. Ngayon ang bilang na iyan ay mahigit na 4,500. Ibig sabihin na mga isa sa bawat 72 katao sa Guadeloupe ang isang Saksi ni Jehova. At sa Pointe-à-Pitre, ang prinsipal na siyudad, ang katumbasan ay isa sa bawat 29​—tiyak na isa sa pinakamagaling na katumbasan sa daigdig!

Ang mga mananampalatayang ito ay naging abala ng pamamahagi ng mga tubig ng katotohanan, at pagdaraos ng mahigit na 7,300 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado sa buong teritoryo. Ang kanilang pagsisikap ay pinagpala nang 12,553 ang nagtipon noong 1986 upang alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo. Oo, ang mga kapatid sa Guadeloupe ay nakadarama na ‘niyuyugyog’ ni Jehovang Diyos ang kanilang mga isla upang tipunin “ang kanais-nais na mga bagay.”​—Hagai 2:7.

Ang “isla ng magagandang tubig” ay lalong gumaganda sa espirituwal na paraan. Marami ang tumutugon sa panawagan: “Halikayo!” at kumukuha ng “tubig ng buhay na walang bayad.”​—Apocalipsis 22:17.

[Mga mapa sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GUADELOUPE

GRANDE TERRE

Pointe-à-Pitre

Soufrière

Rivière Salée

BASSE-TERRE

MARIE GALANTE

Grand Bourg

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share