Ang Kahulugan ng mga Balita
Pagsasalin ng Dugo—Ligtas ba sa AIDS?
“Sa palagay ko ang pagkabahala tungkol sa AIDS ay hindi dapat mapasangkot sa desisyon tungkol sa operasyon o anomang ibang dahilan sa pagpapasalin ng dugo,” ang sabi ng isang kinatawan para sa Centers for Disease Control na nasa Atlanta. Datapuwat, isang 60-anyos na pasyenteng inoperahan dahil sa nagkaroon ng impeksiyon ng AIDS virus pagkatapos na salinan ng donasyong dugo na sinubok kung may AIDS ang marahil ay hindi sasang-ayon.
Ang The New York Times ay nag-ulat na ang pasyente ay sinalinan ng dugo na galing sa isang donor na nagbigay ng kaniyang dugo “pagkatapos na makipagtalik sa isang homoseksuwal samantalang hindi pa niya napauunlad ang mga antibodies na sumisigla pagkatapos na eksaminin ang dugo para alamin kung may AIDS.” Subalit, mga tatlong buwan ang nakalipas, ang donor ay nagbigay uli ng dugo. Nang pagkakataong ito ay “kinakitaan iyon ng mga tanda ng AIDS antibodies kaya tinanggihan,” ayon sa pag-uulat ng Times.
Sa pamamagitan ng paggamit ng bagu-bagong napauunlad na AIDS blood test, ang mga mediko ay nagtitiwala na ang suplay ng dugo ng bansa ay nalinisan na ng dugong kontaminado. Gayunman, dahil sa hindi napagkikilala ang kontaminadong dugo na walang mga antibodies upang pagmulan ng wastong mga resulta sa mga taong nagpapasalin ng dugo makikita na ang peligro sa kanila ay tunay nga. Mahigit na 21,000 mga kaso ng AIDS ang iniulat sa Estados Unidos sapol noong 1977, na halos ang dalawang porsiyento ay dahil sa pagsasalin ng kontaminadong dugo.
Ang mga taong sumusunod sa kautusan ng Diyos ay malayo na mahawahan ng mga sakit na bunga ng pagsasalin ng dugo. Bakit? Sapagkat sila’y “patuloy na umiiwas . . . sa dugo at sa mga binigti,” na hindi pinatagas ang dugo. Bagaman ang gayong mga tao ay umiiwas sa dugo likha ng mga dahilang relihiyoso, sila’y nagkakaroon ng karagdagang mga pakinabang, sapagkat ang lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ay nagsabi: “Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!”—Gawa 15:28, 29.
Itinataguyod ng mga Katoliko ang Ebolusyon
Sa Vaticano sa harap ng maraming tagapakinig noong Abril 1986, sinabi ni Papa John Paul II: “Kung tungkol sa doktrina ng pananampalataya, tayo’y hindi nahihirapan na ipaliwanag ang pinagmulan ng katawan ng tao sa pamamagitan ng hypothesis ng ebolusyonismo.” Bakit hindi? Sapagkat ang gayong “doktrina ng pananampalataya” ay nagtuturo na, hiwalay sa katawan, ang tao ay mayroong isang imortal [o walang kamatayan] na kaluluwa. Ang simbahan ay naniniwala na ang kaluluwang ito, at hindi ang katawan, ang tuwirang nilalang ng Diyos.
Ayon sa Genesis 2:7, gayunpaman, nang anyuan ng Diyos ang tao buhat sa alabok at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang tao ay hindi binigyan ng kaluluwa kundi naging kaluluwa, isang taong buháy. (Ihambing ang 1 Corinto 15:45.) Sa Ezekiel 18:4 ay sinasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay namamatay.” Ipinakikita nito na ang kaluluwa ay ang tao, hindi ang anomang di-materyal na bahagi niya na patuloy na nabubuhay pagkatapos na mamatay ang kaniyang katawan.
Sa pang-ibabaw, para ngang walang problema kung tatanggapin na ang katawan ng tao ay bunga ng ebolusyon. Subalit sa paggawa nito, tinanggihan ng Iglesia Katolika ang ulat ng paglalang sa Genesis, isang rekord na tinanggap mismo ni Jesu-Kristo bilang totoo. (Mateo 19:4-6) Kanino bang punto-de-vista ang dapat tanggapin ng isang Kristiyano?
Pagkompromiso na Labag sa Kasulatan
Ang pagbisita ni Papa John Paul II sa sinagoga sa Roma noong Abril 13, 1986, ay tinukoy na isang “makasaysayang pangyayari” na ‘magbubukas ng isang bagong kapanahunan.’ Bakit? Sapagkat iyon ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang papa ay gumawa ng opisyal na pagdalaw sa isang dakong sambahan ng mga Judio. Sang-ayon sa La Repubblica, isang peryodiko sa Roma, sa pamamagitan ng pagdalaw na ito pinagtatangkaan ng Iglesia Katolika na “ituwid ang mga kamalian sa kasaysayan,” palibhasa’y ang simbahan ay hindi “laging umaalinsabay sa mga obligasyon na ipakita ang pag-ibig ni Kristo sa mga kapatid na Judio.”
Ang layon ng pagdalaw ng papa ay idiin ang “pangkalahatang espirituwal na mana” para sa mga Katoliko at mga Judio. Gayunman, ang tinukoy ni John Paul na “ang mga pangunahing di pagkakasundo” ng dalawang relihiyong ito ay umiiral pa rin, samakatuwid baga, ang bagay na hindi tinatanggap ng mga Judio si Jesus bilang ang Mesias. Ano ba ang solusyon ng papa sa problemang ito? Sa kaniyang talumpati, kaniyang binaggit ang pagpapakita ng “paggalang sa matalik na mga kombiksiyon ng isa’t-isa” at ang pangangailangan na iwasan ang pagsisikap na ipilit sa isa’t-isa ang pananampalataya nila. Ang ganiyang mga pangungusap, ayon sa La Repubblica, ay nagpapatunay sa “pagtatakwil ng papa sa lahat ng anyo ng kombersiyon” ng mga Judio.
Datapuwat, sinabi ni apostol Pedro sa mga saserdoteng Judio at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem na “walang kaligtasan sa kanino mang iba” kundi kay Jesu-Kristo. At, nang si Pedro at si Juan ay inutusan na huminto ng pangangaral sa pangalan ni Jesus, sila’y tumugon: “Hindi kami makahihinto ng pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gawa 4:8, 12, 18-20) Hindi baga ganiyan din ang dapat gawin ng mga tagasunod ni Kristo ngayon?