Ang mga Itinatanong ng mga Tao Tungkol sa Alak
“ANG mga pantas na tao ay hindi umiinom ng anumang alak.” Ganiyan ang sabi ng isang klerigong taga-Nigeria. Hindi pa gaanong natatagalan, ang ganiyang pangungusap ay tatanggihan bilang pagkapanatiko at kakitiran ng isip. Subalit, sa ngayon, isang sentimiyentong laban sa alak ang lumalaganap sa mga ilang panig ng daigdig.
Isang kamakailang Reader’s Digest/Gallup survey (E.U.), halimbawa, ang nagsiwalat na ang “mga Amerikano ay nagsimulang magbawas ng pag-inom.” Ang magasing Time ay nag-ulat din na ang “Amerika ay nagbabawa [ng pagkunsumo ng alak], at ginagawa ito nang lalong mabilis kaysa kailanman sapol nang ang Pagbabawal ay magkaepekto noong 1920.” Ang Pransiya ay nag-uulat ng pag-urong sa nakukunsumong alak.
Ano ang dahilan para sa ganitong pagkahilig na magbawa sa pag-inom? Ang iba ay natitigatig at tumututol dahil sa kakila-kilabot na mga nasasawi sa mga lansangang publiko na ang sanhi’y lasing na mga tsuper. “Noong 1983,” ang sabi ng Reader’s Digest, “ang alak ay . . . ginastusan [ng Estados Unidos] ng $89.5 bilyon katumbas ng nawala ng empleo at produktibidad, ng pangangalaga sa kalusugan, ng nawalang ari-arian at krimen, pati na ang di-masusukat na halaga ng napinsala sa pamumuhay ng mga pamilyang kasangkot.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang World Health Organization ng UN ay nagrekomenda kamakailan na ang mga pamahalaa’y ‘maghigpit sa pagpapahintulot ng paggamit ng alak alang-alang sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga mamamayan.’—New Nigerian, Marso 16, 1983.
Ang mga iba ay nangangatuwiran pa na ang kailangan ay hindi pag-inom ng anumang alak. Ang siniping klerigong taga-Nigeria ay nagsasabi: “Ang Kawikaan 20:1 ay nagsasabing espisipiko na yaong mga umiinom ng alak ay hindi pantas.” At ganito ang sabi ng isa pang predikador: “Kinukondena ng Banal na Kasulatan ang alak sa Aklat ni Isaias,” at tinutukoy ang mga teksto sa Isaias 5:11, 12, at Isa 5:22.
Dahilan sa ganiyang mga pag-aangkin, ang mga tao ay nag-uusisa: Ano ba ang ibig sabihin ng ganiyang mga teksto sa Kasulatan? Talaga bang tahasang ibinabawal ng Bibliya ang pag-inom ng mga inuming may alkohol? Hindi baga si Jesus mismo ay uminom ng alak, o yaon ba’y katas ng ubas na walang alkohol? Dahilan sa mga panganib na maliwanag na kasangkot, hindi kaya ang pinakamagaling ay huwag uminom ng alak ang mga Kristiyano? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay makikita sa Bibliya mismo.