Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 8/1 p. 4-6
  • Ang Alak—Ano ba ang Pangmalas Dito ng Kristiyano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Alak—Ano ba ang Pangmalas Dito ng Kristiyano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Hindi Pantas”​—Para Kanino?
  • Alak o Katas ng Ubas?
  • Kailangan ang Mahusay na Pagpapasiya
  • Mali Bang Uminom ng Alak?
    Gumising!—2006
  • Hinahatulan ba ng Diyos ang Pag-inom ng Alak?
    Gumising!—1991
  • Talaga Bang Masama ang Labis na Pag-inom?
    Gumising!—2004
  • Alak
    Gumising!—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 8/1 p. 4-6

Ang Alak​—Ano ba ang Pangmalas Dito ng Kristiyano?

“SINO ang may kaabahan? Sino ang may pagkaligalig? Sino ang may pakikipagtalo? Sino ang dumaraing? Sino ang may sugat na walang kadahilanan? Sino ang may nanlalabong mga mata? Silang nagpapakasawa sa alak.” (Kawikaan 23:29, 30) Oo, kinikilala ng Bibliya na ang alak ay maaaring magdulot ng napakasasamang epekto: halusinasyon, kahiya-hiyang asal, pagkilos na parang baliw, pagkasira ng kalusugan, mga problema sa pamilya, at karalitaan pa nga.

Pansinin na ang nasabing teksto sa Bibliya ay bumabanggit ng mga “nagpapakasawa” sa alak, mga lasenggo! Para sa gayong mga tao, ang alak ay gaya ng isang lason, na kadalasa’y nagdudulot ng masasamang epekto sa katawan at sa pag-iisip. (Kawikaan 23:32-35) Ang malalakas na manginginom ay maaaring mawalan ng pagtitimpi at gumawa ng mga bagay na kanilang ikahihiya kung sila’y nasa normal na kaisipan. Kaya ang Bibliya ay nagbibigay ng babala: “Huwag kang mapasama sa malalakas uminom ng alak, sa mga matatakaw sa karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa karalitaan, at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.” (Kawikaan 23:20, 21) Ang paglalasing ay inuuri rin na kabilang sa “mga gawa ng laman,” na makahahadlang sa isang tao sa pagpasok sa Kaharian ng Diyos.​—Galacia 5:19, 21; 1 Corinto 6:10.

“Hindi Pantas”​—Para Kanino?

Ibig bang sabihin nito na ang alak ay lubusang ipinagbabawal sa mga Kristiyano? Kumusta naman ang sinabi ng klerigo, na binanggit sa naunang artikulo, at ipinagpapalagay na nakasalig sa Kawikaan 20:1, na “ang pantas na mga tao ay hindi umiinom ng anumang alak.” Ganito ang pagkasalin ng King James Version sa talatang ito: “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo: at sinumang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.” Muli, dito’y hindi minamasamâ ng Bibliya yaong mga umiinom ng alak kundi, bagkus, yaong mga naililigaw nito! “Silang nagpapakasawa sa alak” at ang “malalakas uminom ng alak”​—ito ang mga “hindi pantas.”

Isaalang-alang din ang Isaias 5:11, 22. Mababasa sa mga talatang ito: “Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga upang sila’y makahanap ng nakalalasing na inumin, na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi at hanggang sa mag-alab sa kanila ang alak! Sa aba nila na malalakas uminom ng alak, at sa mga taong may masisiglang lakas para sa paghahalo ng nakalalasing na inumin.” Ano ba ang minamasama ni Isaias? Hindi baga ang labis na pag-inom, samakatuwid nga, ang pag-inom “maaga sa umaga” hanggang “sa kalaliman ng gabi”?

Ang tapat na mga lingkod ng Diyos​—tulad baga ni Abraham, Isaac, at Jesus​—​ay iniulat na uminom ng alak, sa katamtaman. (Genesis 14:18; 27:25; Lucas 7:34) Binabanggit din ng Bibliya ang alak bilang isa sa mga pagpapala na nanggagaling kay Jehova. (Genesis 27:37; Deuteronomio 11:14; Isaias 25:6-8) Ipinakikita pa man din ng Bibliya na ang alak kung katamtaman lamang ang pag-inom ay makabubuti. Ang alak ay “nagpapagalak sa puso ng mortal na tao,” ang sabi ng salmista. (Awit 104:15) Si apostol Pablo ay nagpayo kay Timoteo: “Huwag ka nang iinom ng [kontaminadong] tubig, kundi gumamit ka ng kaunting alak para sa iyong tiyan at sa iyong malimit na pagkakasakit.”​—1 Timoteo 5:23.

Alak o Katas ng Ubas?

Ang iba ay nangangatuwiran na ang “alak” na binabanggit sa gayong mga teksto sa Bibliya ay karaniwang katas ng ubas. Datapuwat, ang McClintock and Strong’s Cyclopedia ay nagpapaalaala sa atin na “ang Bibliya’y hindi bumabanggit ng pagkakaiba ng nakalalasing at di-nakalalasing na alak​—hindi tumutukoy o nagpapahiwatig ng gayong pagkakaiba.” Katugma nito, sa Bibliya ang “alak” ay ipinakikita na isang nakalalasing na inumin at iniuugnay sa “matapang na inumin.”​—Genesis 9:21; Lucas 1:15; Deuteronomio 14:26; Kawikaan 31:4, 6.

Mapapansin, ang unang himala na ginawa ni Jesus ay gawing alak ang tubig. Sinasabi ng Bibliya: “Ngayon, nang matikman ng direktor ng kapistahan ang . . . alak ngunit hindi niya nalalaman kung saan ito nanggaling, . . . [kaniyang] tinawag ang nobyo at sinabi sa kaniya: ‘Ang mainam na alak ang unang inilalabas ng bawat tao, at kung malasing na ang mga tao, ay saka naman ilalabas ang hindi mainam. Iyong inireserba ang mainam na alak hanggang ngayon.’” (Juan 2:9, 10) Oo, “ang mainam na alak” na ginawa ni Jesus ay tunay na alak.

Oo, ang mapagmatuwid-sa-sarili na mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Jesus ay pumintas sa kaniya dahil sa manaka-nakang pag-inom niya ng alak. Sinabi ni Jesus: “Naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, ngunit inyong sinasabi, ‘Siya’y may demonyo.’ Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, ngunit inyong sinasabi, ‘Narito! Isang taong matakaw at mang-iinom ng alak!’” (Lucas 7:33, 34) Ano kaya ang punto ng pagkakaiba ng pag-inom ni Jesus at ng hindi pag-inom naman ni Juan kung ang ininom lamang ni Jesus ay katas ng ubas na walang halong alkohol? Tandaan, sinabi tungkol kay Juan na siya’y “hindi iinom ng alak at anumang matapang na inumin.”​—Lucas 1:15.

Maliwanag, hindi minasama ni Jesus ang pag-inom ng mga inuming may alkohol kung katamtaman lamang. Noong kaniyang kaarawan ang pag-inom ng alak ay bahagi ng selebrasyon ng Paskua.a At ang tunay na alak ay nagpatuloy na maging isang bahagi ng Hapunan ng Panginoon, na humalili sa Paskua.

Kailangan ang Mahusay na Pagpapasiya

Samakatuwid ay hindi naman ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Kadalasan, ang pag-inom ng matapang na inumin o ang hindi pag-inom ay isang personal na disisyon. Subalit buong diing minamasamâ ng Bibliya ang paglalasing, pati na ang katakawan: “Huwag kang mapasama sa malalakas uminom ng alak, . . . matatakaw na mangangain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa karalitaan.” (Kawikaan 23:20, 21) Samakatuwid, lahat ay dapat na maging katamtaman sa pag-inom at magtimpi. “Huwag kayong magsisipaglasing ng alak, na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo’y mangapuspos ng espiritu.” Tandaan, ang pagtitimpi ay isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos.​—Efeso 5:18; Galacia 5:19-23.

Oo, hindi naman kailangang malasing ang isang tao upang mapaharap sa mga problema sa alak. Isang pulyeto na inilabas ng U.S. National Institute on Drug Abuse ang nagpapaalaala sa atin: “Pagka ang sinuman ay umiinom, ang alkohol ay nasisipsip sa pamamagitan ng sistema ng panunaw tungo sa agos ng dugo at nakakarating nang madali sa utak. Pinasisimulan nitong pabagalin ang mga parte ng utak na kumukontrol sa pag-iisip at emosyon. Ang taong iyon ay nakakadama na siya’y hindi gaanong napipigil, siya’y mas malaya.” Itong “hindi gaanong napipigil” na damdamin na ito ay maaaring maglantad sa isa sa mga panganib na moral.

Ang isa pang panganib ay may kinalaman sa pagmamaneho. Sang-ayon sa mga ilang kalkulasyon, sa Estados Unidos lamang 25,000 katao isang taon ang nasasawi sa mga aksidente na likha ng lasing na mga tsuper. Maliwanag, marami ang may maling pagkakilala sa kung gaano kalakas na pinipigil ng alak ang kanilang reflexes. Subalit para sa mga Kristiyano ay itinuturing nilang isang regalo mula kay Jehova ang buhay. (Awit 36:9) Makakatugma ba ng ganitong paniwala kung isasapanganib ng isang tao ang kaniyang sariling buhay, at pati niyaong sa iba, sa pamamagitan ng pagmamaneho samantalang mabagal ang kaniyang reflexes dahil sa epekto ng alak? Kaya naman, maraming Kristiyano ang nagpasiya na huwag humipo man lamang ng alak pagka sila’y magmamaneho.

Iniisip din ng isang Kristiyano ang epekto sa iba ng kaniyang pag-inom. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit ang mga tagapangasiwang Kristiyano, ang ministeryal na mga lingkod, at ang nakatatandang mga babae ay pawang pinapayuhan na huwag uminom ng “maraming alak.” (1 Timoteo 3:2, 3, 8; Tito 2:2, 3) Bagaman ang isang tao ay waring matibay ang panlaban sa nakalalasing na mga inumin, siya’y nagpapakaingat upang maging katamtaman lamang ang kaniyang pag-inom upang huwag makaimpluwensiya nang masamâ sa kaninuman; hindi rin naman niya pinipilit na uminom ang sinuman na ayaw uminom. Sinasabi pa ng Bibliya: “Mabuti na huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.”​—Roma 14:21.

Dahilan sa ilang mga kalagayan ay baka kailangan na ang isa’y tuluyang umiwas sa pag-inom. Nariyan ang pagbubuntis. Ang International Herald Tribune (edisyon ng Paris) ay bumanggit ng isang pag-aaral na ginawa sa University of North Carolina (E.U.A.) at nag-ulat na “ang kaisa-isang episodyo ng labis na pag-inom maaga sa pagbubuntis ay maaaring humantong sa seryosong pisikal at mental na pinsala sa ipinagbubuntis na sanggol.” Dapat na matamang pag-isipan ng mga babae ang gayong posibleng panganib ng pag-inom pagka ang isa’y nagbubuntis.

Yaong may kasaysayan ng paglalasing o isang kahiligan na magpakalabis ay makabubuting ang pinakamagaling na gawin ay tuluyang huwag uminom.b Baka ang pinakamabuti rin naman ay iwasan ang pag-inom sa harap ng isang taong lasenggo o may budhi na kumukondena sa pag-inom. At ang pag-inom ng nakalalasing na mga inumin bago dumalo sa mga pulong Kristiyano o pagka nagsasagawa ng pangangaral sa madla ay hindi tama. Ang mga sinaunang Levita ang nagpakita ng halimbawa tungkol dito sa kanilang hindi pag-inom pagka sila’y nanunungkulan sa templo.​—Levitico 10:8-10.

Sa wakas, dapat igalang ang mga batas ng lupain. Sa mga ilang bansa ang alak ay lubusang ipinagbabawal. Sa mga iba naman, mga adulto lamang na nasa hustong edad ang pinapayagang uminom. Ang isang Kristiyano ay sumusunod sa ganiyang mga patakaran ng “nakatataas na mga awtoridad.”​—Roma 13:1.

Mangyari pa, sarili mong disisyon ang bagay na kung ikaw ay iinom ng alak o hindi o kung gaano karami o gaano kakaunti. Ang Diyos ay naluluwalhati pagka tayo’y gumamit ng pang-unawa at kusang nagtitimpi sa bagay na ito. Sundin, kung gayon, ang matalinong hakbang na ito upang “sa kumakain ka man o umiinom o anuman ang iyong ginagawa,” iyong gagawin “ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

[Mga talababa]

a Sa Palestina, ang mga ubas ay inaani sa dakong katapusan ng tag-araw. Ang Judiong Paskua at ang Hapunan ng Panginoon, gayumpaman, ay ginaganap sa tagsibol​—anim na buwan pagkalipas. Kung walang ginagamit na preserbatiba, ang katas ng ubas ay natural na kakasim.

b Rekomendado ng mga doktor na ang isang sinuri at natagpuang isang alkoholiko ay lubusang umiwas sa alak. Tingnan ang Awake! ng Hulyo 8, 1982.

[Larawan sa pahina 6]

Baka ipasiya ng isang Kristiyano na tuluyang huwag uminom ng alak dahilan sa budhi ng iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share