Ang mga Panganib ng Kayamanan at ng Karalitaan
HINAHAMAK ba ng Bibliya ang kayamanan at minamabuti ang karalitaan? Maraming mga tao ang ganiyan nga ang akala. Subalit dalawang magkaugnay na mga kawikaan ang tumutulong upang liwanagin ito.
Ang Kawikaan 10:15 ay nagsasabi: “Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan. Ang kapahamakan ng mga dukha ay ang kanilang karalitaan.” Idinaragdag naman ng Kaw 10 talatang 16: “Ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay, ang bunga ng balakyot ay patungo sa pagkakasala.” Pansinin kung paanong ang dalawang talatang ito’y kapupunan ng isa’t isa.
Pinatutunayan ng Kaw 10 talatang 15 na ang kayamanan ay may naidudulot na kabutihan, ang karalitaan naman ay may naidudulot na kasamaan. Ang kayamanan ay maaaring tumulong upang ang isang tao ay mabigyan ng proteksiyon buhat sa ilan sa mga kawalang-kasiguruhan ng buhay. Ang dukha ay baka magkaroon ng karagdagan pang mga problema dahilan sa siya’y kapos ng salapi upang matustusan ang di-inaasahang mga kalagayan. Dito’y makatotohanan ang Bibliya.—Eclesiastes 7:12.
Gayunman, ang Kaw 10 talatang 15 ay maaari ring unawain bilang nagpapahiwatig ng panganib na dulot ng kayamanan o karalitaan. Marami sa mayayaman ang naglalagak ng lubos niyang pagtitiwala sa kaniyang salapi; kaniyang inaakalang ito ang lahat ng proteksiyon na kailangan niya. (Kawikaan 18:11) Subalit, ang kayamanan ay hindi makatutulong sa kaniya upang magkamit ng mabuting pangalan sa harap ng Diyos o ito man ay titiyak sa kaniya ng walang-hanggang kaligayahan. Ang totoo, baka maging lalong mahirap iyan dahil sa kayamanan. Ang paghahalimbawa ni Jesus tungkol sa taong mayaman na nagtayo ng lalong malalaking kamalig ngunit hindi naman siya mayaman sa harap ng Diyos ang nagpapatunay nito. (Lucas 12:16-21; 18:24, 25) Sa kabilang banda, maraming mga dukha ang nagkakamali sa paniniwala na dahil sa kanilang karalitaan ay wala na silang kinabukasan.
Pansinin kung paanong sa Kaw 10 talatang 16 ay ipinaliliwanag nang husto ang bagay na iyan. Sa marami man o sa kakaunti ang salapi ng isang matuwid na tao, ang kaniyang gawain ay maaaring magdulot sa kaniya ng kaluguran. Hindi niya hinahayaan na ang salaping kinikita niya sa pagtatrabaho ay makahadlang sa kaniyang mabuting katayuan sa harap ng Diyos. Bagkus, ang pagsisikap sa buhay ng isang taong matuwid ay nagdadala sa kaniya, bukod sa kaligayahan ngayon, ng kasiguruhan sa buhay na walang-hanggan sa hinaharap. (Job 42:10-13) Subalit, ang balakyot ay hindi nakikinabang kahit na magtamo siya ng malaking salapi. Sa halip na pahalagahan ang proteksiyon na naibibigay ng salapi at mamuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos, ginagamit niya ang kaniyang kayamanan upang mamuhay sa pagkakasala.