May Pakinabang Ka ba sa Kasaysayang Relihiyoso?
“SA PAARALAN, talagang hindi ko gusto ang history,” ang hayagang pag-amin ni Barbara. Subalit ngayon, kaniyang pinahahalagahan ang kaalaman sa Digmaang Pandaigdig I, bilang paghahalimbawa. Sa tulong ng kaniyang Bibliya, ang impormasyong ito ay tumutulong sa kaniya na ipaliwanag nang lalong epektibo kung bakit ang sanlibutan sapol noon 1914 ay walang kapayapaan. (Apocalipsis 6:4) Gayundin naman, ang kasaysayang relihiyoso ay tutulong sa atin na maunawaan ang daigdig na kinabubuhayan natin.
Bakit ang mga bansa, ang mga pamayanan, at maging ang mga pami-pamilya man ay baha-bahagi sa relihiyong Katoliko at Protestante sapol noong ika-16 na siglo? “Sa pagpupunyagi ukol sa dalisay na turo ng Ebanghelyo, na noo’y pinasimulang itaguyod lalung-lalo na ng Aleman, Swiso, at Pranses na mga guro ng simbahan, ang Roma ay ayaw na huminto ng pagsalansang,” ang komento ng historyador na si Friedrich Oehninger. Ito’y umakay sa pagtatatag ng mga simbahang may kani-kaniyang denominasyon.
Subalit “ang dalisay na turo ng Ebanghelyo” ay tunay na naitatag ba uli? Ang pagmamasid sa kasaysayang relihiyoso ang tutulong sa atin na matuklasan kung ano talaga ang nangyari.
Kung Ano ang Isiniwalat ng Pagbibili ng mga Indulhensiya
“Ang Repormasyon ay nagsimula sa pakikibaka ni Luther sa pag-aabuso sa pagbibili ng mga indulhensiya, na waring isang bagay na may praktikal na kabuluhan tangi lamang sa simbahan,” ang sabi ng historyador na si Gottfried Fitzer. “Subalit ang totoo isiniwalat nito na ang mga bagay-bagay sa relihiyon ay may malapit na kaugnayan sa pananalapi, ekonomiya, at pulitika.” Malasin natin nang malapitan.
Si Prinsipe Albert ng Brandenburg ay nagtamo ng maraming maimpluwensiyang posisyon sa simbahan. Kinailangang magbayad siya sa Vaticano ng katumbas ng humigit-kumulang isang-kaapat na bahagi ng isang milyong dolyar na inutang sa isang bangko. Hinirang ng papa si Arsobispo Albert bilang kaniyang komisyoner sa mga indulhensiya para sa sentral na Alemanya at binigyan siya ng kalahati ng pakinabang upang maibayad sa kaniyang mga utang.
Ang mga predikador ni Albert sa indulhensiya ay epektibong nag-canvass, anupa’t kanilang siniguro ang pagkakaloob ng “lubusang kapatawaran sa lahat ng kasalanan” at kapagdaka’y paglaya buhat sa purgatoryo. Sa tuwirang pagsasalita, ang inihandog lamang ng simbahan ay ang kapatawaran buhat sa mga parusang ipinapataw ng simbahan, subalit ang mga tao’y naniwala na ang mga liham ng indulhensiya ay magpapalaya sa kanila sa lahat ng kasalanan. Nagalit si Martin Luther at, noong 1517, siya’y naglathala ng kaniyang tanyag na 95 theses, “dahil sa pag-ibig sa katotohanan,” gaya ng isinulat niya sa introduksiyon.a
Yamang walang hinangad si Luther kundi ang pagkakaroon ng talakayan sa gitna ng mga iskolar, na may karapatan naman siya bilang isang propesor, ang theses ay isinulat sa Latin. Subalit ang mga ito’y lumikha ng “isang nakagigitlang damdamin,” ayon kay Friedrich Oehninger. “Sa loob ng 14 na mga araw ang mga ito [ang mga limbag na saling Aleman] ay napatanyag sa buong Alemanya, sa loob ng 4 na mga linggo ay sa buong Sangkakristiyanuhan. Ang iba ay nangagalak nang sa wakas isang tao ang magbangon laban sa paniniil Romano; para sa mga iba naman, si Luther ay naging tampulan ng pagkapoot. Ang epekto ng kaniyang theses ay pinagtakhan ni Luther mismo. Ano ba ang isiniwalat ng mga ito?
Ang Isiniwalat ng 95 Theses ni Luther
Sang-ayon sa kaniyang unang thesis, “sa buong buhay ng nananampalataya ay dapat ang pinaka-parusa.” Ang makasalanan ay maaaring magtamo ng pakikipagpayapaan sa Diyos hindi sa pamamagitan ng mga liham ng indulhensiya kundi sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi at Kristiyanong pamumuhay. Isa sa mga huling theses ang kababasahan: “Itakwil, kung gayon, ang lahat ng mga propetang iyon na nangangaral sa mga Kristiyano: ‘Kapayapaan, kapayapaan,’ ngunit walang kapayapaan.”—Ika-92.
Hindi tradisyon kundi ang ebanghelyo ang kailangang maging “ang pinakamataas” at ang “tunay na kayamanan,” ang isinulat ni Luther. (Ika-55, ika-62, ika-65) Totoo naman. Si Jesus ang nagpakita ng parisan sa pamamagitan ng pagtuturo na ang ginagamit ay ang kinasihang Kasulatan, na nagsasabi tungkol sa Salita ng Diyos: “Ang salita mo ay katotohanan.” (Juan 17:17; Lucas 24:44) Sa paglihis sa ganitong kaayusan, tinanggihan ng klero ang Bibliya bilang ang pinakamataas na awtoridad at sila’y nahuli sa patibong ng mga turo ng tao. Sila’y sinisisi ni Luther, at ang sabi: “Ang mga turo ng mga tao ay ipinangangaral ng mga nagsasabi na ang kaluluwa ay lumilipad (sa paglabas sa purgatoryo) sa sandaling ang salapi’y tumaginting sa kahon.”—Ika-27.
Si Luther ay nagbabala na ang “pakinabang at kasakiman ay lalago” sa pamamagitan ng gayong pangangaral. (Ika-28) Ang relihiyosong kasaysayan ay nagpapatunay na pinabayaan ng klero ang mga babala ng Kasulatan at sila’y naging mga biktima ng pag-ibig sa salapi. (Hebreo 13:5) Inaamin ng isang Katolikong aklat ng kasaysayan: “Ang pinaka-ugat na sanhi ng kabulukan sa simbahan noong panahong iyon ay ang patakaran ng Curia tungkol sa pananalapi, na lubusang nadungisan dahil sa simonya.”
Nang itaas ni Luther ang kaniyang tinig laban “sa ‘pinabanal’ na tradisyon ng simbahan” at “tahasang pinagwikaan ang paglubog ng simbahan sa larangan ng salapi at kapangyarihan,” gaya ng pagkasabi ng isang historyador na Protestante, kaniyang inantig ang pinaka-sentro ng problema: ang pangkalahatang pagtatatakwil sa sinaunang mga turong Kristiyano.
Kung Paano Nagsimula ang Paghiwalay sa Tunay na Pananampalataya
Ang ika-11 thesis ay naglalahad ng isang hindi maka-Kasulatang doktrina bilang “isang panirang damo na maliwanag na inihasik nang ang mga obispo ay nangatutulog.” Ipinagugunita nito sa atin ang talinghaga ni Jesus ng trigo at ng mga panirang damo, na doo’y humula siya tungkol sa pagtatanim ng imitasyong mga Kristiyano. (Mateo 13:36-43) Pagkamatay ng mga apostol, ang ginawa ng di-tunay na mga Kristiyanong ito, kasama na ang apostatang mga guro, ay pinaghalo ang dalisay na mga turo ng Bibliya at ang pilosopyang Griego at nagpasok sila ng hindi maka-Kasulatang mga doktrina tulad baga ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, at Trinidad.b—Gawa 20:29, 30.
Halimbawa, ang sinaunang mga Kristiyano ay walang sinasambang mga larawan, at ang umano’y mga Ama ng Simbahan ay naniniwalang ang pagsamba sa isang imahen ay isang “pagkaligáw at pagkakasala.” Subalit, nang dulo ng ikaapat na siglo ang mga simbahan ay punô na ng mga larawan ni Jesus, Maria, mga apostol, mga anghel, at ng mga propeta. Sang-ayon kay Epiphanius ng Salamis, ang mga larawan ay tumanggap ng di-nararapat na pagsamba nang ang mga tao’y yumuko sa harap nila. Unti-unti, ang babala na “ingatan ang inyong sarili buhat sa mga idolo” ay nagsimulang hindi pinansin.—1 Juan 5:21; ihambing ang Gawa 10:25, 26.
Ang nagpapanggap na mga Kristiyano ay nagtakwil sa utos ni Jesus nang sila’y magsimulang “mag-astang panginoon” sa kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang herarkiyang klerikal. (Mateo 20:25-27; 23:8-11) Sa kalaunan, ang mga obispo ng Roma ay nag-angkin na sila ang dapat na maging pangunahin. Samantalang ang “pagkabulok ng buhay relihiyoso sa ilalim ng pamamahala ng sekular na papado ay nagpatuloy at hindi napigil,” ang simbahan ay gumawa ng pagtatangka na “baguhin ang sarili subalit hindi niya magawa iyon,” ang sabi ng historyador na si Oehninger.
Noong ika-16 na siglo ay nasaksihan ang higit pang mga pagbabago. “Ang kalagayan ng panahon ay pabor sa kaniya [kay Luther],” ang sabi ni Oehninger, at isinusog pa na “mga kalaban ang umatake sa kaniya, pinagbantaan siya na papatayin bilang isang erehe, subalit kanilang itinaboy lamang siya na gumawa ng higit at bagong mga pagsisiyasat batay sa Banal na Kasulatan, hanggang sa ang buong sistemang Romano, bilang isa lamang likha ng tao, ay nagsimulang gumuho sa harap ng kaniyang mga mata.” Subalit ang bagong kasisilang na mga simbahan kaya ay tunay na malaya, gaya ng pag-aangkin nila, sa “kalagim-lagim na mga pang-aabuso at huwad na mga doktrina”?
Ang Repormasyon—Hindi Pagsasauli
Ang pananawagan para sa reporma noong ika-16 na siglo ay hindi humantong sa pagsasauli ng “unibersal” na simbahan ni ng mga sinaunang turong Kristiyano man kundi naging sanhi lamang ito ng pagkakabaha-bahagi ng apostatang Sangkakristiyanuhan sa apostatang mga bahagi na muling naghiwa-hiwalay. Ang kasalukuyang mga obispo, kasali na ang mga tagapagmana ni Luther, ay wari mandin na “natutulog,” gaya ng binanggit ng ika-11 thesis.
Tinanggihan ng mga Protestante ang doktrina ng mga indulhensiya ngunit kanilang inangkin ang marami pang huwad na turo. “Buhat sa pilosopyang Griego, tinanggap din naman ng teolohiyang Kristiyano ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa,” ang sabi ng Evangelischer Erwachsenenkatechismus (Protestant Catechism for Adults). Ito’y “isinama na . . . sa biblikal na patotoo tungkol sa pagkabuhay-muli ng katawan.”
Sa pamamagitan ng paggamit ng mga doktrina ng mga tao at paghahalo ng kanilang ministeryo sa makasanlibutang mga bagay kasali na ang pulitika, ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, tulad noong mga kaarawan ni Luther, ay sumisira sa awtoridad ng Bibliya. Kung gayon, ang kanilang hamak na “anyo ng maka-Diyos na debosyon” ay napatutunayang walang lakas at hindi nito maaaring baligtarin ang nangangaunting bilang ng mga nagsisimba, ng pagwawalang-bahala ng mga miyembro ng relihiyon, ng pamumulitika sa mga talakayan sa simbahan, at ang dumaraming pag-aalisan ng mga miyembro.—2 Timoteo 3:5.
Kung paanong ang impormasyon tungkol sa nakalipas ng isang pasyente ay makatutulong sa isang doktor upang masuri ang sakit ng pasyente, gayundin na ang kasaysayang relihiyoso ay makatutulong sa atin sa pag-unawa kung bakit ang Sangkakristiyanuhan ay may isang sakit na may taning na sa ating kaarawan. Kung gayon, wala bang pag-asa para sa dalisay na Kristiyanismo? Ang kabaligtaran ang totoo! Sa talinghaga ni Jesus ay ipinakita na ang kaniyang tulad-trigong mga tagasunod, ang tunay na “mga anak ng kaharian,” ay makikilala pagdating ng pag-aani sa “panahon ng kawakasan.” (Mateo 13:38, 39; Daniel 12:4) Paano nga mangyayari ito?
Isang Aral Buhat sa Modernong Kasaysayang Relihiyoso
Noong 1891 isang grupo ng Bible Students ang dumalaw sa dating tahanan ni Luther sa Wittenberg. “Anong linaw na ibinalik nito sa alaala ang maunos na mga panahong iyon,” ang sabi ng isang manlalakbay. Isa sa mga pumasok sa “silid-aralan [ni Luther] at umupo sa kaniyang lumang silya” ay si Charles Taze Russell. Ang ulat ay nagpapatuloy: “[Kami] ay may malaking dahilan na mangagalak sa araw na ito na, bagama’t ang mga nagpasimula ng dakilang repormasyon ay huminto bago natapos ang gawain at nagpatuloy ng pag-oorganisa ng iba pang mga sistema ng kalikuan, gayunman, sa ilalim ng makalangit na patnubay, ang paglilinis sa santuwaryo ay sumulong hanggang sa matapos, at ang ginintuang mga sisidlan ng banal na katotohanan ay siyang inihahalili nang maayos.” Ang hindi natapos ni Luther, ang panauhin na ito ang nakatulong upang matapos.
Iyon ay isang makasaysayang pangyayari nang si Russell—kasama ang iba pang maibigin sa katotohanang mga lalaki at mga babae—ay nagsimula ng isang sariling pag-aaral ng Bibliya noong 1870’s. Gayunman, sa pagitan ng 1870 at 1875, sila’y “nagtatamo lamang ng mga balangkas ng Plano ng Diyos at nagwawaksi ng maraming minamahalagang mga kamalian, yamang ang panahon para sa malinaw na pagkaunawa ng detalye ay hindi pa lubusang dumarating,” gaya ng isinulat ni Russell sa kalaunan. Subalit ang sumusunod na mga taon ay naging mga pinaka-muhon sa pagsasauli ng orihinal na mga pamantayang Kristiyano.
Sa pamamagitan ng mga magasing Zion’s Watch Tower, ipinamalita ng Bible Students na ang pangalan ng Kataas-taasan ay Jehova, na ang kaluluwa ay may kamatayan (1881), na ang Trinidad ay wala sa Kasulatan (1882), at na ang impiyerno na tinutukoy sa Bibliya ay ang libingan (1883). Kung paanong ang mga huwad na doktrina ay nakapasok na unti-unti, kaya ngayon ang liwanag ng katotohanan ay unti-unting lumilinaw. (Kawikaan 4:18, 19) Sa pasimula pa lamang, naunawaan na ng mga Kristiyanong ito ang saligang katotohanan tungkol kay Jesus, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang isang pantubos at kanilang ginawa ang kaniyang di-nakikitang pagbabalik at ang Kaharian ng Diyos na pinaka-sentro ng kanilang aktibidad.—1 Timoteo 2:6.
Para sa lalong higit na organisadong “pamamahagi ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba’t ibang wika” sa pamamagitan ng mga lathalain, ang Bible Students noong 1884 ay ginawang legal na korporasyon sa Estados Unidos ang nakatatag nang Zion’s Watch Tower Tract Society. Ang taon na nauna rito ay nakasaksi na ng mga lathalain sa Sweko, at noong 1885, ng unang literaturang Aleman. Noong 1892 isinaalang-alang ang gawaing misyonero sa mga ibang bansa. Sa ngayon, ang Bible Students—na kilalang-kilala bilang mga Saksi ni Jehova—ay nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa 208 bansa at mga teritoryo at sa humigit-kumulang 200 mga wika.—Mateo 24:14.
Karamihan ng mga Saksi ay dating mga miyembro ng mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan o ng iba pang mga relihiyon na naniniwala sa mga doktrinang lumalapastangan sa Diyos. Pagkatapos na sila’y kumuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sumampalataya, sila’y nagsisi sa kanilang maling landasin, nagbalik-loob, at naging nag-alay, baustismadong mga lingkod ni Jehova. Ang kanilang “paggawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi” ay nagbunga sa kanila ng isang malinis na konsiyensiya at pakikipagpayapaan sa Diyos.—Gawa 26:20; Juan 17:3.
May Pakinabang ba sa Kasaysayang Relihiyoso?
Mayroon nga. Sa maraming bahagi ng Bibliya ay matatagpuan ang kapaki-pakinabang na mga kasaysayang relihiyoso. (Roma 15:4) Sa Ebanghelyo ay makikita kung paano nagturo si Jesus ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaniyang layunin para sa lupa. Ang mga tagasunod ni Jesus ay kailangang maghintay sa makalangit na Kaharian na lulutas sa mga problema sa lupa. “Patuloy na magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man,” ang sabi ni Jesus.—Mateo 6:9, 10, 25:1-13.
Ang kasaysayang relihiyoso ay nagpapatunay ng pagdating ng inihulang imitasyong mga Kristiyano, na nagtatag ng kanilang sariling makalupang paghahari. Ang Repormasyon ang bumago sa pinaka-mukha ng daigdig ngunit hindi nito isinauli ang dalisay na mga turo ng Bibliya. Tinutukoy rin ng kasaysayan ang nabubuhay na mga Kristiyano sa modernong panahon na “nananatiling nagbabantay,” sila’y “hindi bahagi ng sanlibutan,” at kanilang inuuna ang Kaharian ng Diyos. (Juan 17:16) Ang impormasyong ito ay tumulong din sa maraming mga tao na makilala ang tunay na mga tagasunod ni Jesus ngayon.
Si Barbara, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito, ay isa sa mahigit na 3,000,000 aktibong mga Saksi sa buong daigdig na nagsisikap na madala sa tapat-pusong mga tao “ang dalisay na turo ng Ebanghelyo.” Ang isang bahagi ng kaalaman tungkol sa kasaysayang relihiyoso ay napakinabangan din naman ng mga tagapagbalitang ito ng Kaharian.
[Mga talababa]
a Sa modernong panahon, ang mga historyador ng Iglesia Katolika Romana ay nagpahayag na ang pagpapako ni Luther ng theses sa pinto ng kastilyong simbahan sa Wittenberg noong Oktubre 31, 1517, ay “isang alamat ng kasaysayan ng mga simbahang Protestante.” Subalit, hindi matatanggihan ang katotohanan na siya’y sumulat ng isang magalang na liham kay Arsobispo Albert nang araw na iyon at naglakip siya ng isang kopya ng theses. Hiniling ni Luther sa kaniya na sawayin ang kaniyang mga mangangaral ng indulhensiya at kanselahin ang mga instruksiyon. Ang orihinal na liham ay buháy pa rin at nasa Swedish State Archives sa Stockholm.
b Tingnan ang “A Field Producing Wheat and Weeds” sa The Watchtower ng Agosto 1, 1981, pahina 16-20, at “Quietly Bringing in Destructive Sects” sa The Watchtower ng Setyembre 15, 1983, pahina 10-15.
[Kahon sa pahina 28]
Ang indulhensiya ay ang pagpapatawad sa (temporal na) parusa sa mga kasalanan . . . Ang pagpapatawad ay epektibo rito o sa purgatoryo.—Katolikong iskolar na si Josef Lortz.
Kahit na sa ngayon, ang mga iskolar ay hindi nagkakaisa tungkol sa kung ano nga ang indulhensiya at kung ano ang kahulugan nito para sa buhay ng Katoliko.—Protestanteng historyador na si Heinrich Bornkamm.
Ang Indulhensiya—Isang Natatanging Doktrinang Katoliko
Ang kompesor ay nagpapataw sa nagsising Katoliko ng pinaka-parusa (tulad baga ng pagdarasal, pag-aayuno, paglilimos, o peregrinasyon). Maaaring pigilin ng papa ang mga pinaka-parusang ito sapagkat, ayon sa teoriyang Romano Katoliko, siya’y panginoon sa lahat ng temporal na mga kaparusahan (kasali na ang purgatoryo) at siya’y nagbibigay ng indulhensiya galing sa umano’y kabang-yaman ng merito ni Kristo at ng mga santo. Noong Edad Medya, ang pribilehiyong ito ay inabuso nang husto at tinukoy na “isang komersiyal na negosyo na totoong pagkalaki-laki, na isinasagawa sa ikapipinsala ng mga pamantayang moral at isang paglabag sa mga turo ng Banal na Kasulatan.”
Hindi itinuturing ng simbahan na ang pinaka-parusa ay katumbas ng pagpapatawad sa mga kasalanan. Gayunman, maging noong mga Edad Medya man, taglay pa rin ng mga tao “ang simpleng paniwala na sa pamamagitan ng pagbabayad ang [kasalanang] utang ay kanselado,” at ang mga tagapangaral ng indulhensiya ay tumatangkilik sa ganitong paniniwala. Ang theses ni Luther ay nakatuon sa mga “alamat” na iyon at sa gayo’y may ganitong sumaryo: “Ang mga indulhensiya ay mga gawa ng tao at walang anumang kinalaman sa dalisay na ebanghelyo.”
Si Papa Clemente VI ang nagtatag ng doktrina noong 1343 subalit hindi malinaw ang kaniyang pagbibigay-kahulugan dito. Kaya naman, si Luther ay umapela sa likas na pagkawalang katiyakan nito. Dagling sinalubong ito ng simbahan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang opisyal ng depinisyon ng indulhensiya noong 1518. Subalit ang bula ng papa na si Leo X ay hindi nagbigay ng “biblikal na patotoo tungkol sa paggawa sa merito ni Kristo at sa mga santo na katumbas ng kabang-yaman ng mga indulhensiya.” Ito’y nag-udyok sa Katolikong si Luther upang gumawa ng isang mahalagang disisyon. Ang pagtanggi niya sa sistema ng indulhensiya na hindi maka-Kasulatan ang nagbigay-daan sa Repormasyon, at ang pagtanggi sa kaniyang kritisismo ay humantong sa malaking pagkakabaha-bahagi ng simbahan.
Sa modernong panahon, ang matitinding kritisismo na nanggagaling sa loob ng ranggo ng Iglesia Katolika Romana “ay hindi umakay tungo sa pagbabago ng sistema kundi humantong lamang sa mga reporma ng mga gawaing ito.” Noong 1967 si Papa Paul VI ay nagpasiya na pabor sa dating teoriya ng indulhensiya. Para sa mga Katoliko, ang mahalagang tanong pa rin ay: Ako ba’y sumusunod sa Salita ng Diyos, o ako ba’y naniniwala sa mga doktrina ng mga tao?