Pagbubukas ng Daan sa Pag-unlad sa Gibraltar
ANG istadyum ay kitang-kita sa Gibraltar—mga isa’t kalahating kilometro lamang ang layo. Gayunman, sa loob ng mahigit na 13 taon, ang mga taga-Gibraltar ay nagbibiyahe pa nang hindi kukulangin sa sampung oras upang makarating doon. Kailangan na magbiyahe muna sa barko patungong Hilagang Aprika, pagkatapos ay babalik sa Espanya, at ang huling-huli ay pagbibiyahe ng bus. Bakit nga gayong kahaba ang paglalakbay upang makarating sa isang lugar na napakalapit naman?
Noong 1969 nang si Franco ang naghahari sa Espanya ang hangganan sa makipot na isthmus na nagkukonekta ng Espanya at Gibraltar ay sinarhan. Ito’y resulta ng alitan sa pagitan ng Espanya at Britanya tungkol sa pamamahala sa teritoryo may kinalaman sa Bato, gaya ng malimit na tawag sa Gibraltar. Subalit, ang gayong di-kaalwanan ay hindi bago para sa mga taga-Gibraltar. Dahilan sa pambihirang kahalagahan nito bilang isang dakong estratehiko, ang Gibraltar ay isang kuta na kadalasa’y nakabukod sa karatig na mga bansa.
Noong nagsisimula ang ikawalong siglo, mga manglulusob na Moorish sa ilalim ni Ṭārik ang bumihag sa munting lupaing ito at pinanganlang iyon na “Jabal Ṭāriq” (Bundok ni Ṭārik), na sapol noon ay napauwi sa tawag na “Gibraltar.” Ginawa ng mga Moors na matibay na kuta ang Bato, na mga 430 metro ang taas sa dagat. Sa lumakad na mga siglo, maraming pagsalakay ang ginawa rito ng mga Moors at ng mga Kastila. Sa wakas ay nasakop ng mga Kastila ang Gibraltar noong 1462, at hawak nila ito hanggang noong 1704, nang ito’y mabihag ng mga Britano at sila’y nagtayo ng isang base hukbong-dagat doon.
Bukod sa garison, may mga tao buhat sa maraming bansa ang naninirahan sa bayan na naroon sa paanan ng Bato, at nagkaroon doon ng haluang populasyon na mga inapo na ng mga nanirahan doon na Moors, Kastila, Britano, Hebreo, at Genoese. Ang karamihan ng mga naninirahan ngayon doon ay Kastila at Ingles ang salita.
Sumapit sa Gibraltar ang Katotohanan ng Bibliya
Sa modernong panahon, ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ay unang itinanim sa Gibraltar noong tag-araw ng 1958. Ang mga Saksi ni Jehova na naglalakbay upang dumalo sa isang kombensiyon sa London, Inglatera, ay nagkaroon ng pagkakataon na dumaong sa puwerto sa Gibraltar upang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian. May mga ilan na residente roon na tumanggap ng mga suskrisyon sa Ang Bantayan.
Isang mag-asawang misyonero ang dumating sa Gibraltar noong sumunod na taon upang magdilig ng “mga binhi” na ito. Subalit ang mga awtoridad ay napadala sa panggigipit ng mga pinunong relihiyoso at pinaalis nila ang mag-asawa pagkaraan ng dalawang taon. Gayumpaman, isang munting grupo ng mga 25 Saksi ang nabuo, at ang kanilang tapat na paglilingkod sa loob ng lumipas na mga taon ay ginanti sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad, at umabot sila sa 132 tagapagbalita ng Kaharian noong Marso 1987. Tunay, ang ganitong paglago ay patotoo ng pagtitiis ng kongregasyon sa harap ng mga problemang doon lamang matatagpuan sa Gibraltar.
Pagkanabubukod—Isang Pambihirang Problema
Bukod sa pang-ekonomiya at panlipunang mga problema na resulta ng pagsasara ng hangganan, ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang napipigil ng pakikisalamuha sa mga ibang kapananampalataya sa karatig na mga kongregasyon sa Espanya. Sa loob ng 13 taon ng pagsasara ng hangganan, gayumpaman, sila’y hindi nagkulang ng saganang espirituwal na pagkain na ipinagkaloob sa pamamagitan ng pansirkitong mga asamblea at pandistritong mga kombensiyon. Ang programa ay sa tuwina inuulit pagkatagal sa lokal na Kingdom Hall sa Gibraltar.
Ang pilit na pagkabukod na iyon ay nagharap ng isang natatanging pagsubok para sa mga kabataan sa kongregasyon. Yamang sila’y nakukulong sa 5.8-kilometro-kuwadradong laki ng Gibraltar, sila’y kailangang kumilos nang may karunungan upang maharap ang mga isyu ng nasyonalismo, materyalismo, at pag-aasawa.
Pag-aasawa? Oo, sapagkat wala silang mapaghahanapan ng angkop na maging asawa kundi ang kanilang munting kongregasyon lamang. Ang mga babaing miyembro ng kongregasyon ay tumatanggap ng maraming imbitasyon sa makasanlibutang mga kabataan na ibig na makipag-date sa kanila. Kailangang isapuso ng mga kabataang Saksi sa Gibraltar ang matalinong payo ng Bibliya na mag-asawa “nang nasa Panginoon lamang.”—1 Corinto 7:39; ihambing ang Genesis 24:1-4.
Minsan isang binatang Saksi, palibhasa’y hindi nakinig sa payo mula sa Awtor ng pag-aasawa, ang nagsimulang makipag-date sa isang babaing tagaroon na hindi miyembro ng kongregasyon. Subalit dahil sa matiyagang pagtulong ng mga matatanda sa kongregasyon seryosong pinag-isipan niya ang mga panganib na kasangkot. Sa wakas, siya’y lumapit sa kaniyang nobya at sinabi rito na bagama’t mahal na mahal niya ito, dahilan sa kaniyang kaalaman sa Bibliya siya’y obligadong tapusin ang kanilang relasyon. ‘Ang ibig kong maging asawa’y isang babae na maaari kong kasamahin magpakailanman, hindi lamang sa loob ng mga ilang taon,’ ang kaniyang paliwanag.
Bagama’t nagtaka at nalungkot, pinag-isipan ng babae kung paano niya makukuha ang interes ng binata bukod sa pakikisama lamang sa kaniya. Sa wakas ay nagsimula ang babae na makipag-aral ng Bibliya. Ang nagsimula na isang pag-uusyoso lamang ay namukadkad at naging tunay na interes, at ang babaing ito’y mabilis na sumulong sa pag-aaral ng katotohanan at nabautismuhan. Pagkatapos nang malinaw na patotoong ito ng kaniyang paghahangad na maglingkod kay Jehova, ang kanilang pagkamagkasintahan ay nanumbalik. At pagkaraan ng ilang panahon sila ay maligayang ikinasal, at tinamo nila ang pagpapala ng pagsunod sa matalinong payo tungkol sa pag-aasawa.
Ang Pagbubukas ng Hangganan ay Nagbunga ng Teokratikong Pag-unlad
Noong Disyembre 14, 1982, nasaksihan ang pagbubukas sa hangganan ng daan para sa mga naglalakad. At noong Pebrero 6, 1985, lubos na binuksan iyon para malayang madaanan. Lalong naging maalwan ang kapaligiran para sa mga taong naninirahan doon. Upang samantalahin ang ganitong pangyayari, pinag-ibayo ng lokal na kongregasyon ang kanilang gawaing pagpapatotoo at ginamit nila ang mga okasyon upang magtipon sa lalong malalaking mga pagtitipon. Ang mga taong nakahilig sa katuwiran ngayon ay may lalong maraming pagkakataon na makita ang pag-iibigan at pagkakasundu-sundo na umiiral sa gitna ng nagtitipong bayan ni Jehova.
Halimbawa, isang lalaking ang asawa’y naging Saksi sa loob ng mga 20 taon ang nagpasiyang tanggapin ang paanyaya na sumama sa kaniyang maybahay at mga anak sa kanilang pagdalo sa isang pansirkitong asamblea sa Espanya. Siya’y nasiyahang mainam sa programa at pakikisalamuha niya sa mga taong naroroon kung kaya minabuti niya na dumalo pa rin sa ikalawang araw. Nang matapos ang asamblea, siya’y inalok ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. “Bakit naman hindi?” ang tugon niya, at isinusog pa, “Puwede kaya tayong magsimula sa linggong ito?” Ang kaniyang maybahay, makalipas ang matagal na panahon ng pananalangin na magkagayon nga, ay naging labis-labis ang kagalakan.
Upang lubusang magamit ang karagdagang mga pagkakataon para sa pangangaral, lumaki ang bilang ng mga Saksing naglilingkod bilang mga auxiliary payunir (yaong mga gumugugol ng 60 oras isang buwan sa pangmadlang ministeryo). Dahil sa ganiyang masigasig na aktibidad ay nagkaroon ng mga 35-porsiyentong pagsulong sa kongregasyon sapol noong 1982.
Ang impormal na pagpapatotoo ay nagkaroon din ng malaking bahagi sa paglago ng kongregasyon. Dalawang Saksi na nag-iinspeksiyon sa piyer sa panahon ng kanilang sekular na trabaho ang nakapansin ng isang Bibliya na New World Translation na bahagya nang masilip nila sa maliit na butas ng isang yate. Karaka-raka, kanilang hinanap ang may-ari. Lumabas na iyon pala’y ang pier master, na nakipag-aral na sa mga Saksi ni Jehova sa Britanya bago manirahan kamakailan sa Gibraltar. Agad namang ipinagpatuloy niya ang kaniyang pakikipag-aral at mabilis na sumulong kasama ng kaniyang babaing kinakasama. Hindi nagtagal at sila’y nagpakasal nang legal at nabautismuhan. Ang mag-asawang Britanong ito ay gumugugol ng malaking panahon sa ministeryo sa pangangaral sa komunidad na kung saan ang mga tao’y Ingles ang wikang ginagamit at malaki ang nagawa nila upang maitatag ang isang grupo sa pag-aaral doon.
Ang isang pag-aaral sa Bibliya na kanilang pinasimulan ay yaong kay Tim at Tracy, isang kabataang mag-asawa na naninirahan sa isang military barracks. Bagaman si Tim ang tumutugtog ng trombon sa banda ng regimento, siya’y naging disidido na lubusang magtalaga ng sarili sa mapayapang mga kapakanan ng Kaharian ni Jehova. Ang mag-asawa ay ginipit ng kanilang mga kamag-anak, sila’y inudyukan na huminto na makisama sa mga Saksi. Subalit, sila’y nagpatuloy sa kanilang pag-aaral sa Bibliya at naging matatag sa kanilang pananampalataya.
Si Tim ay humiling na siya’y alisin na sa serbisyo, bagama’t siya’y sa simula pa lamang ay nagpalista na para sa terminong anim na taon. Nang ang nilalakad niyang kaso’y waring inaantala, si Tim ay kusang lumapit sa doktor ng hukbo, at ipinaliwanag niya na ang kawalang-kasiguruhan ng kanilang kinabukasan ay nakasasamâ sa kaniyang maybahay. Ang doktor ay nakisang-ayon naman sa kaniya at ginamit ang kaniyang impluwensiya upang mapadali ang paglutas sa kaniyang kaso. Hindi nagtagal at si Tim ay inilipat uli sa Inglatera kasama ng kaniyang regimento, at sa wakas siya’y nakaalis sa serbisyo. Ngayon silang mag-asawa ay naglilingkod bilang nag-alay na mga Saksi.
Ang mga Inaasahan sa Hinaharap
Ngayong bukas na ang hangganan, ang mga Saksi sa Gibraltar ay nakakatulong na rin sa karatig na mga kongregasyong Kastila. Sila’y nangangaral sa tanyag na Costa del Sol (Baybaying Araw), na kung saan masusumpungan ang maraming mga taong ang wika’y Ingles.
Bagama’t ang “usapin ng Gibraltar” ay hindi pa nalulutas kung mamalasin buhat sa punto-de-vistang pulitikal, ang mga Saksi ni Jehova sa Gibraltar at Espanya ay lubos na nagkakaisa sa espirituwal, gaya rin ng pagkakaisa nila sa buong lupa. Sila’y naglalagak ng kanilang tiwala sa “Bato” na ang lakas ay walang-hanggan, gaya ng isinasaad ng mga salita ng salmista: “Oh magsiparito kayo, tayo’y magsiawit nang may kagalakan kay Jehova! Tayo’y magsihiyaw nang may pagtatagumpay sa Bato ng ating kaligtasan.”—Awit 95:1.