Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 3/1 p. 10-17
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Napasasalamat kay Lola
  • Paggunita sa mga Araw ng Pag-aaral
  • Paglilingkod sa Brooklyn Bethel
  • Kapana-panabik na Bagong Liwanag
  • Isang Bagong Atas
  • Pagtanggap sa Akin sa Inglatera
  • Ang Pagdalaw ni Brother Rutherford
  • Ang mga Taon ng Digmaang Pandaigdig II
  • Isang Taong Di-kanais-nais
  • Kamangha-manghang Pagkahula Tungkol sa Panahon ng Kapayapaan
  • Watchtower Bible School of Gilead
  • Pagkakaroon ng Bahagi sa Buhay May-Asawa
  • Ang Paaralan Para sa Hinirang na Matatanda
  • Patuloy sa Maharlikang Paglilingkod
  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Walang Lubay na Paghahayag ng Mabuting Balita (1942-1975)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Isang Mayamang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • ‘Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 3/1 p. 10-17

Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova

Inilahad ni Albert D. Schroeder

NANG unang Linggo ng Hunyo 1934, si Alex Jones at ako ay nangangaral sa bahay-bahay sa Jersey City, New Jersey. Biglang-bigla, sa-darating ang mga opisyal ng pulisya sa apartment na kinaroroonan namin, kami’y inaresto, binaltak at isinakay sa isang kotse, at dinala kami sa kulungan!

Makalipas ang tatlong araw, isang hukom ang nagpahayag na kami’y may kasalanan na paglalakò ng walang lisensiya at kami’y sinentensiyahan ng sampung araw na pagkabilanggo. Kami’y dinala sa Hudson County Prison, pinaghubad ng damit, pinaligo para malinisan, at pinagsuot ng mga damit preso. Pagkatapos ay dinala kami sa isang selda.

Dito ay nagkapanahon ako na magbulaybulay. Noon ay 23 anyos lamang ako at maligaya sa aking buhay bilang isang buong-panahong ministro sa Brooklyn Bethel. Hayaan ninyong ibida ko sa inyo ang ilan sa mga pangyayaring iyon sa buhay ko.

Napasasalamat kay Lola

Ang aking matitinding alaala ay lalung-lalo nang tungkol sa aking lola sa panig ng aking ina, si Elizabeth Darger. Ang kaniyang mga magulang ang nagdala sa pamilya sa Michigan galing sa Alemanya noong bago sumapit ang 1870. Siya’y nagturo ng Aleman at Ingles sa mga paaralang bayan at nakipisan sa amin sa tahanan ng aking mga magulang na Lutherano sa Saginaw, Michigan, ang siyudad na sinilangan ko. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, siya at ang kaniyang mga kapatid na babae na mga guro sa paaralan ay naging kaugnay sa International Bible Students, ngayo’y kilala na mga Saksi ni Jehova.

Bagama’t hiniling ng aking mga magulang na ako’y mag-aral sa Sunday school ng Lutherano, si Lola ay pinayagan na kausapin ako tungkol sa kaniyang kapana-panabik na mga paniwala sa Bibliya. Siya noon ay nakakabasa ng Bibliya sa Latin at Griego, at pinukaw niya sa akin ang pagnanasang mag-aral ng Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Natutuwa akong gunitain ang nakapananabik na mga pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa aking mga tiyahin sa tuhod na nakasentro sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos na malapit nang siyang maghari sa lupa ayon sa sinasabi ng Daniel 2:44.

Noong 1923 si Lola ay nagsimulang aralan ako, sa tulong ng aklat na The Harp of God na lathala ng Watch Tower Society, at ako’y dumadalo rin noon na kasama niya sa mga pulong ng Saginaw Congregation. Ngayon, samantalang ako’y nakakulong sa aking selda, naguniguni ko ang mga pulong na iyon, ang pakikinig sa mga programang isinahimpapawid sa radyo ng Watchtower na WBBR buhat pa sa Brooklyn, New York, at ang mga iba pang katulad na mga karanasan na humubog sa aking buhay.

Halimbawa, nagunita ko pa ang pakikinig ko sa radyo kay Judge Joseph F. Rutherford, presidente ng Samahang Watch Tower, samantalang nagsasalita sa kombensiyon ng mga Bible Student sa Toronto, Canada, noong 1927. Sa Detroit, Michigan, noong 1928, ako’y dumalo sa aking unang kombensiyon. Doon ay narinig ko si Brother Rutherford na siya mismong nagpahayag. Sa kombensiyong iyon, isa ako sa may kagalakang sumigaw ng “Oo” sa resulusyong “Deklarasyon Laban kay Satanas at Para sa Panig Naman ni Jehova.” Ang bagong aklat na Government ay inilabas at ipinakita niyaon na ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaang teokratiko, hindi isang pamahalaang demokratiko.

Paggunita sa mga Araw ng Pag-aaral

Nagunita ko rin ang mga araw ng aking pag-aaral. Hinimok ako ng aking mga magulang, na ayaw na ako’y maging isang buong-panahong ministro, na tumanggap ng isang scholarship sa kolehiyo. Sa gayon, noong Setyembre 1929, pumasok ako sa Pamantasan ng Michigan sa Ann Arbor upang mag-aral ng wika, economics, at inhinyerya.

Si Mrs. Judson, ang kasera sa gusaling tinitirhan ko, ay nakikiugnay sa Ann Arbor Congregation of Bible Students. Sa pagbabalik ko sa paaralan noong taglagas ng 1930, sinabihan niya ako na isang mahusay na binata na taga-Alabama ang kalilipat lamang sa kuwarto na katapat ng sa akin at naisip daw niya na ito’y magiging interesado sa “aming mensahe sa Bibliya.” At gayon nga! Si William Addison Elrod at ako ay dagling naging matalik na magkaibigan samantalang tinatanggap namin ang mga katotohanan ng Bibliya; at kami’y patuloy na naging magkaibigan hanggang sa araw na ito.

Si Bill Elrod at ako ay kumuha ng isang kurso sa pagkaagremensor noong tag-araw ng 1931, kaya kami mismo ay hindi nakadalo sa kombensiyon noong 1931 sa Columbus, Ohio. Subalit, noong Linggo, Hulyo 26, kami’y nakinig sa pahayag pangmadla sa radyo at kabilang kami sa masisiglang di-nakikitang mga tagapakinig na tumanggap ng magandang bagong pangalang mga “Saksi ni Jehova.”

Noong mga araw na iyon ang Sosyalista, Pasista, at Komunista na mga uri ng pamahalaan ay malawakang pinag-uusap-usapan sa kampus ng paaralan. Noong Oktubre 1931 si Winston Churchill ay nagpahayag sa aming mga estudyante, 3,000 sa amin, at iminungkahi ang demokrasya bilang ang pinakamagaling pa ring uri ng pamahalaan. Nang malaunan, noong Disyembre 1931, si Lord Bertrand Russell, ang kilalang Britanong matematisyan at pilosopo, ay nagpahayag tungkol sa pasipismo. Nang malaunan, si Dr. Hjalmar Schacht, pangulo ng Reichsbank sa Berlin, Alemanya, ay nagpahayag ng pangangailangan ng nasyonalistikong pagkontrol sa ekonomiya; sa ibang pananalita, ang kaniyang iminungkahi ay pambansang sosyalismo, o Nazismo. Nakalipas ang dalawang taon siya ay napapuwesto sa gobyerno ni Hitler bilang ministro ng pamamalakad pangkabuhayan.

Pagkatapos kong marinig ang mga panawagan ng mga estadistang ito ng daigdig, higit kailanman ay lalo akong nakumbinsi na ang paghahari lamang ng Mesiyas ang maaaring maging isang kasiya-siyang pandaigdig na pamahalaan. Kaya’t si Bill Elrod at ako ay nagplanong huminto na ng pag-aaral noong Hunyo 15, 1932, at pagkatapos ay nagsimula bilang magkapareha sa buong-panahong gawaing pangangaral, ngayo’y tinatawag na pagpapayunir.

Kami’y nagsimula ng aming pagpapayunir bago kami nabautismuhan sapagkat noong panahong iyon ay hindi naman maliwanag na nauunawaan kung yaong mga may makalupang pag-asa ay kailangang bautismuhan o hindi. Subalit, pagkatapos na ako’y bautismuhan sa Vandercook Lake, Michigan, Hulyo 24, 1932, naging maliwanag na ang aking pag-asa ay nagbago at naging yaong sa pinahiran, na kumpirmado ng ‘patotoo ng espiritu.’​—Roma 8:16.

Paglilingkod sa Brooklyn Bethel

Noong Setyembre 9, samantalang kami’y nagpapayunir sa Howell, Michigan, sa-darating na tumatakbo na palabas sa post office si Bill na nagwawagayway ng isang dilaw na telegrama. Binuksan namin iyon, nabasa namin ang paanyaya buhat kay Brother Rutherford na pinagrireport kami sa Bethel para maglingkuran doon sa pinakamadaling panahon na kombinyente. Kami’y gumugol lamang ng 72 oras upang ayusin ang aming mga bagay-bagay na may kinalaman sa pagpapayunir at pagkatapos ay nagbiyahe kami ng 1,100 kilometro patungong Brooklyn sa aming Modelong T Ford. Sa wakas ay binagtas namin ang Brooklyn Bridge at dumating kami sa Bethel noong Setyembre 13, 1932. Noon, mayroong humigit-kumulang 200 miyembro ang pamilyang Bethel, karamihan sa kanila’y mga pinahirang kapatid ng Hari.

Pagkatapos maglingkod sa isang atas sa pabrika mga ilang linggo, binago ang aking trabaho at inatasan akong maglingkod sa Service Department. Isang mabait na kapatid na taga-Ireland, si Thomas J. Sullivan, ang siyang tagapangasiwa. Sa tuwina’y pinaaalalahanan kaming mga nakababata, ‘Pagka may mga problemang napaharap, tiyakin na alamin ang lahat ng katibayan bago magmungkahi ng isang solusyon.’ (Kawikaan 18:13) Kasabay ng kislap ng kaniyang mga mata, kaniyang isinususog: “Bakit ka ba nagmamadali? Bigyan mo si Jehova ng pagkakataon. Tingnan kung ano ang gagawin ng kaniyang espiritu tungkol doon.”

Samantalang binubulaybulay ko ang nakalipas na mga karanasang ito nang ako’y makulong, aking ikinagalak ang pribilehiyo na magdusa alang-alang sa katuwiran, gaya rin ni Jesu-Kristo at ng mga apostol. (Juan 15:20; 1 Pedro 4:16) Sa aking paglingon sa nakaraan, natalos ko na ang gayong mga karanasan ay naghanda sa akin para sa hinaharap na mga pribilehiyo.

Kapana-panabik na Bagong Liwanag

Maaga noong 1935, mga anim na buwan pagkatapos na ako’y makalaya sa bilangguan at magbalik sa Bethel, nagugunita ko pa ang ilang mga pagtalakay sa mesa sa Bethel tungkol sa kung sino ang “lubhang karamihan.” (Apocalipsis 7:9, 13, King James Version) Ang iba’y nagtataguyod ng paniniwala na ito’y isang ikalawang uring makalangit, gaya ng turo ng unang pangulo ng Samahang Watch Tower, si Brother Russell. Subalit, ang iba ay nangatuwiran na ang “lubhang karamihan” ay binubuo niyaong mga may makalupang pag-asa. Sa panahon ng mga pagtalakay na ito, si Brother Rutherford ay hindi nagpahayag ng anumang panig.

Lahat kami sa Bethel ay galak na galak habang kami’y naglalakbay sakay ng espesyal na tren na patungong Washington, D.C., para dumalo sa kombensiyon na gaganapin mula Mayo 30 hanggang Hunyo 3, 1935. Noong ikalawang araw ng kombensiyon, ipinahayag ni Brother Rutherford ang nakatutuwang balita na ang “lubhang karamihan” ay tunay na isang uri na para sa lupa. Sa pinakatugatog na mga sandali, siya’y nagtanong: “Maaari bang pakisuyong tumayo ang lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa?” Mga kalahati ng 20,000 na nagsidalo ang nagsitayo. Pagkatapos ay nagpahayag si Brother Rutherford: “Narito! Ang lubhang karamihan!” Nagkaroon ng sandaling pagtahimik. Pagkatapos lahat kami ay bumulalas nang buong kagalakan, at ang palakpakan ay malakas at matagal. Kinabukasan 840 ang nabautismuhan, karamihan dito’y kabilang sa uring para sa lupa.

Ang bagong liwanag na ito noong 1935 tungkol sa “lubhang karamihan” ay nagbukas ng daan sa reorganisasyon noong 1936 upang ihanda ang inaasahang pagdagsa ng mga miyembro ng uring ito. Halimbawa, magpahanggang noon, mayroon lamang isang malaking kongregasyong Ingles sa buong New York City, subalit ngayon ay natatag ang mga bagong kongregasyon at ang nakababatang mga uring pinahiran ang inatasan na maging mga tagapangasiwa. Sa ngayon, mayroong 336 na mga kongregasyon sa New York City!

Isang Bagong Atas

Huwebes, Nobyembre 11, 1937, ang napatunayang isang natatanging araw para sa akin. Tumanggap ako ng abiso na pumaroon sa opisina ni Brother Rutherford nang hapong iyon ganap na ika-3:00 n.h. Dumating ako roon nang nasa oras, nag-aalala ako na baka ako’y pagagalitan. Subalit pagkaraan ng mga ilang palakaibigang mga pagbabalitaan, tinanong ako ni Brother Rutherford kung ako’y handang tumanggap ng ibang atas.

“Handa akong maglingkod saanman kinakailangan,” ang tugon ko.

Pagkatapos, bilang isang lubos na sorpresa, tinanong ako ni Brother Rutherford: “Gusto mo bang maglingkod sa London Bethel bilang lingkod ng sangay?”

“Naku, iyan ay isang malaking atas!” ang sagot ko.

“Isa pa, ito’y isang biyaheng wala nang balikan, at pumapayag ka na lumagi roon hanggang sa pagkatapos ng Armagedon. Kaya’t bibigyan kita ng tatlong araw upang magpasiya,” ang patuloy pa niya.

“Bueno, Brother Rutherford, hindi ko na kailangan ang tatlong araw. Kung kalooban ni Jehova na ako’y pumunta roon, ang sagot ko ay opo!”

“Naisip ko nga na iyan ang magiging sagot mo,” ang tugon niya. “Nasa kay Brother Knorr na ang iyong tiket sa barkong Queen Mary na tutulak patungong Inglatera sa susunod na Miyerkules.”

Parang umiikot ang ulo ko. “Ikaw ay sasanayin sa susunod na mga ilang araw,” ang pagtatapos ni Brother Rutherford.

Nang ako’y bumalik sa Service Department, na naroon sa pabrika, si Brother Knorr ay nagsimulang magtawa dahil sa aking lubhang pagkamangha. Batid niya ang nangyari mga ilang saglit lang. Si Nathan Knorr ay tagapangasiwa ng pabrika noon at una rito’y nakapaglakbay na at nakarating sa Inglatera kasama ni Brother Rutherford. Karaka-raka’y kaniyang pinasimulang sanayin ako sa kung paano mangangasiwa sa isang sangay. Mga ilang araw ang nakaraan, ako’y bumalik kay Brother Rutherford para sa higit pang paghahanda.

Ang payo ni Brother Rutherford, na batay sa Mikas 6:8, ay ‘gumawa nang may katarungan, manindigang matatag sa mga patakarang pang-organisasyon, itaguyod ang mga pamantayan ng Bibliya, sumunod kaagad-agad, at huwag magpabukas-bukas. Maging mabait sa pakikitungo sa mga kapatid, makibahaging palagian sa paglilingkod sa larangan, at mapakumbabang lumakad na kasama ng Diyos.’ Sinabi niya na ang larangan sa Britaniya ay umurong dahilan sa ang mga naunang tagapangasiwa ng sangay ay hindi lubusang sumuporta sa ministeryo sa larangan. Kaya’t siya’y nagtapos nang may pagdiriin: “Magpatibay-loob ka upang sumulong ang paglilingkod sa larangan. Sa sandaling ito ang Britaniya ay nangangailangan ng 1,000 mga payunir, hindi lamang 200 na gaya ng sa kasalukuyan.”

Pagtanggap sa Akin sa Inglatera

Nang dumaong sa Southampton ang Queen Mary, ako’y nagtren patungong London at pagkatapos ay nagtaksi naman patungo sa tanggapang sangay ng Samahan, na sa loob ng 26 na taon ay naroroon sa 34 Craven Terrace, Lancaster Gate. Ako’y masayang tinanggap ng bise presidente ng International Bible Students Association. Ibinigay ko sa kaniya ang liham ni Brother Rutherford na nagbigay karapatan sa kaniya na alisin ang lingkod ng sangay at ipabatid sa pamilyang Bethel na ako ang kahalili niya. Ito ay ginawa noong oras ng pananghalian, at ako’y tinanggap nang buong lugod ng 30 mga miyembro ng Bethel.

Sa tinagal-tagal ay nakilala ko ang marami sa mga lingkod ng sangay at mga kinatawan sa Europa. Ito’y mga pinahiran na nangunguna nang walang pakikipagkompromiso sa gawaing pangangaral sa kabila ng mga balakid noong kapanahunan ni Hitler, mga lalaking tulad halimbawa ni Martin Harbeck ng Switzerland, ni Charles Knecht ng Pransiya, ni Fritz Hartstang ng Netherlands, ni Johan Eneroth ng Sweden, ni William Dey ng Denmark, at ng malakas ang loob na si Robert Winkler ng lihim na organisasyon ng Samahan sa Alemanya. Sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang naaayon sa Kasulatan, ang walang takot na mga lalaking ito na may pananampalataya ay nanaig sa malulupit na pag-uusig na ginawa ng mga Nazi.

Ang Pagdalaw ni Brother Rutherford

Noong 1938, ang taon bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ang mga Britano ay nakapagpaunlad ng radyo-teleponong transmisyon na nagtatawid-dagat. Ang kanilang mga inhinyero ay pumayag na pagkabit-kabitin ang apat na kontinente para sa isang pantanging kombensiyon na ang sentro ay nasa London, noong Setyembre 9 hanggang 11. Ang Royal Albert Hall, ang pinakamalaking lugar na angkop pagtipunan sa London, ay inupahan para sa kombensiyon. Ang grupo ni Brother Rutherford, kasali na si Nathan Knorr, ay dumating tatlong linggo ang aga upang tumulong sa mga paghahanda.

Para ianunsiyo ang pahayag pangmadla, nag-organisa ng mga parada na ang mga sumama roo’y may sakbat na karatula sa harap at likod. Bago ang unang parada ng pagkakalat ng impormasyon ay nakatakdang gawin, hiniling ni Brother Rutherford sa akin na katagpuin siya. Samantalang kami’y nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay ng kombensiyon, siya’y gumuguhit-guhit ng kaniyang panulat, na kung minsan ay ginagawa niya pagka siya’y nakikipag-usap sa kaninuman. Pinigtal niya ang pad na kaniyang pinagsulatan at iniabot sa akin. “Ano ang palagay mo riyan?” ang tanong niya.

“ANG RELIHIYON AY ISANG SILO AT ISANG PANDARAYA,” ang mababasa roon.

“Parang naglalagablab ang init,” ang tugon ko.

“Ito’y kailangang maging matindi,” aniya. Pagkatapos ay sinabi niya na kailangang gumawa ng mga plakard na may ganitong pananalita para sa aming unang parada ng impormasyon para sa kombensiyon sa Miyerkules ng gabi. Nang sumunod na gabi si Nathan Knorr at ako ang nanguna sa parada ng humigit-kumulang isang libong mga kapatid na naglakad ng sampung kilometro sa sentro ng London.

Ako’y tinawag ni Brother Rutherford sa kaniyang opisina kinabukasan at hiningan ng isang report. “Mga komunista at mga ateista ang tawag sa atin ng marami at sila’y may iba pang mga sinabi bunga ng kanilang galit,” ang sabi ko. Kaya’t siya’y nag-isip nang mga ilang minuto at sa wakas ay pumigtal ng papel na may ganitong sawikain “MAGLINGKOD SA DIYOS AT KAY KRISTO NA HARI.” Inaakala niya na ang pagsasalit ng mga salitang ito sa mga karatula ay baka makaapekto upang magbawa ang di-kanais-nais na reaksiyon, at iyon nga ang nangyari. Ang 1938 kombensiyong ito ay nagpatuloy naman na mahusay. Ang prinsipal na mga sesyon noong Sabado at Linggo, na may tampok na pahayag na “Harapin ang mga Katotohanan,” ay matagumpay na naisahimpapawid sa 49 na sabay-sabay na idinaos na mga kombensiyon sa buong daigdigan na Ingles ang wika.

Pagkatapos ng kombensiyon, isang sesyon sa pagsasanay ang ginanap na kinabilangan ng mga lingkod ng sangay sa mga bansa sa Europa. Sa panahon ng sesyon, ako ay pinagalitan nang husto ni Brother Rutherford dahilan sa kakulangan ng pagsasanay ng mga attendant. Ang disiplina ay nagpaluha sa akin. Nang maglaon, si William Dey ng Denmark ay lihim na umaliw sa akin, at sinabi na ginagamit daw ako ni Brother Rutherford upang turuan silang lahat sa di-tuwirang paraan. At gayon nga! Kinabukasan si Brother Rutherford, na mahilig magsuot ng epron at magluto, ay nag-anyaya sa aming lahat sa isang espesyal na pananghalian na kaniyang inihanda. Lahat ay nasiyahan sa napakaligayang pagsasalu-salong iyon.

Ang mga Taon ng Digmaang Pandaigdig II

Noong Setyembre 1, 1939, nilusob ni Hitler ang Poland. Noong Linggo, Setyembre 3, ang Britaniya ay nagpahayag ng pakikidigma sa Alemanya. Libu-libo sa amin sa Britaniya ang lumabas at nasa paglilingkod sa larangan nang umagang iyon, at nagpasakamay ng angkop na bagong aklat na Salvation. Sa bawat bahay ang mga tao ay nababagabag; ang ibang mga babae ay nag-iiyakan. Lahat kami ay naubusan ng literatura sa Bibliya yamang kaaliwan sa Kasulatan ang idinudulot namin sa mga tao.

Nang sumunod na buwan, kami’y tumanggap ng adelantadong kopya ng Nobyembre 1, 1939, na artikulo sa Watchtower na pinamagatang “Neutrality.” Sa tamang panahon ay binalangkas niyaon ang maka-Kasulatang paninindigan para sa mga tunay na Kristiyano sa panahon ng mga pagbabaka-baka sa sanlibutan. (Juan 17:16) Hindi nagtagal ay inaresto at ikinulong ang daan-daan nating mga kapatid sa Britaniya.

Ang labanan sa himpapawid sa Britaniya, tinatawag na Labanan ng Britaniya, ay lalong tumindi noong may bandang katapusan ng 1940 at nagpatuloy hanggang 1941. Kami sa London ay dumanas ng 57 sunud-sunod na mga gabi ng pambubombang may habang 14-na-oras. Ang himpapawid ay lipos ng ingay ng pagbubombahan. Sa lahat ng dako ay naglalagablab ang apoy. Dalawampu’t siyam na bomba ang ibinagsak sa sakop ng layong 460 metro sa Bethel. Ang aming malaking Kingdom Hall na karatig ng Bethel ay nagliyab dahilan sa mga panunog na bomba, subalit ito’y dagling nasawata ng ating sanay na mga kapatid sa Bethel.

Nagkaroon ng maraming klase ng restriksiyon na para sa panahon ng digmaan, kasali na ang pagrarasyon ng pagkain at limitadong pagbibiyahe. Gayunman, kami ay nagpatuloy sa gawain at lalo pa naming pinag-ibayo ang aming pangangaral sa bahay-bahay. Noong 1937 ang Britaniya ay mayroong 4,375 mga mamamahayag, subalit noong 1942 sumulong ang bilang hanggang sa umabot sa 12,436. Ang mga payunir ay sumulong mula sa 201 nang ako’y dumating sa Inglatera noong 1937 at umabot sa 1,488 noong 1942! Tunay, saganang pinagpala ni Jehova ang maagang paghahasik na ito ng mga mangangaral sa larangan. Ngayon, makalipas ang mahigit na 50 taon, mayroong mahigit na 109,000 mga mamamahayag ng Kaharian sa Britaniya, kasali na ang mahigit na 6,000 mga regular na payunir.

Mula Setyembre 3 hanggang 7, 1941, aming natapos, sa tulong ng espiritu ni Jehova, ang tinatawag ng mga opisyales ng gobyerno na “imposible.” Ginanap namin ang pinakamalaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova hanggang noong araw na iyon sa Britaniya. Mahigit na 12,000 ang nagtipon sa De Montfort Hall ng Leicester kasali na ang mga kapaligiran nito roon mismo sa kainitan ng digmaan. Ito rin ang bulwagan na ginamit nang ganapin ng Samahan noong 1983 ang kaniyang taunang pulong ng korporasyon sa Leicester. Mahigit na tatlong libo sa amin noon ang nakagunita ng mga karanasan sa kombensiyon sa panahon ng digmaan noong 1941.

Ang opisina sa London ay naging isang kanlungan ng mga takas noong panahon ng digmaan. Laging kumukuliling ang telepono roon. Ang pondo sa pagtulong ay sinimulang gamitin, kung kaya’t ang mga kapatid na biktima ng bombahan ay nakakuha kaagad ng tulong. Gayundin, mga kapatid na tumakas buhat sa Poland, Alemanya, Norway, Pransiya, Belgium, Holland, at iba pang mga lugar ang doon naparoon sa London na kung saan binigyan sila ng tulong. Marami sa mga ito ang nagpayunir sa Britaniya.

Isang Taong Di-kanais-nais

Sa sandaling pumasok sa digmaan ang Estados Unidos noong Disyembre 8, 1941, binawi ang karapatan ko bilang isang mamamayan ng E.U. na mapapuwera sa pagsusundalo sa Britaniya. Dahilan sa aking neutralidad bilang Kristiyano, hindi ako maaaring sumunod sa iba’t ibang utos na pinalabas ng gobyernong Britano tungkol sa mga tungkulin kung digmaan. Sa wakas, noong Mayo 6, 1942, ipinabatid sa akin ng gobyernong Britano na ako’y isang taong di-kanais-nais at kung gayon ay kailangang bumalik ako sa Estados Unidos. Noong Agosto 1, sa unang-unang pahina ng Daily Herald ng London ay nakalagay ang aking larawan kasama ng artikulong “Kanilang Sinabihan Siya na ‘Umuwi.’”

Noong Lunes ng umaga, Agosto 24, 1942, dalawang tiktik ng Scotland Yard ang umaresto sa akin para ideporta. Kanilang ibiniyahe ako sa tren hanggang Glasgow, Scotland, na kung saan dumoon ako ng magdamag sa sinaunang Piitan ng Barlinni. Kinabukasan ay inihatid ako ng mga guwardiya sa krusero ng Britaniya na S.S. Hilary, na kung saan patuloy na ginuwardiyahan ako. Kinailangan ng 13 araw para ang aming komboy na may 52 barko ay makatawid sa Atlantiko sa isang paliku-likong paraan upang makaiwas sa mga submarinong Aleman. Nakaligtas kami sa kanilang mga torpedo, at nakarating nang matiwasay sa Halifax, Canada! Ngayong ako’y nakalaya na, kinabukasan ay nagbiyahe ako ng tren patungong New York, at dumating doon noong Setyembre 10.

Kamangha-manghang Pagkahula Tungkol sa Panahon ng Kapayapaan

Malaki ang aking kagalakan sa pagbabalik sa maraming masisiglang kapatid sa Brooklyn Bethel. Ako’y nagkatiyempong dumating upang makadalo sa makasaysayang kombensiyon sa Cleveland Ohio, noong Setyembre 18-20, 1942. Doon, si Brother N. H. Knorr, ang bagong presidente ng Samahan ay nagpahayag sa paksang “Kapayapaan​—Mananatili Kaya?” Ito’y nagbunyag ng bagong liwanag tungkol sa Apocalipsis 17:8. Isiniwalat na ang mga bansang Alyado ay mananaig at isang bagong pandaigdig na “pangkapayapaang mabangis na hayop” ang babangon. Ito ay naganap nang, sa pagtatapos ng digmaan noong 1945, inorganisa ang Nagkakaisang mga Bansa!

Watchtower Bible School of Gilead

Pagkatapos ng taunang miting ng korporasyon ng Samahang Watch Tower noong Oktubre 1, 1942, si Maxwell G. Friend, si Eduardo F. Keller, at ako ay tinawag ni Brother Knorr sa kaniyang opisina sa kaniyang kapasidad bilang pangulo. Sinabihan kami na nagpasiya na sa umagang iyon na magtayo ng isang pangmisyonerong paaralan sa Bibliya sa Kingdom Farm, South Lansing, New York. Sinabi niyang ako ang magiging rehistrador ng paaralan at magsisilbing chairman ng komite sa pag-oorganisa ng paaralan. Kami’y gumawang kasama ni Brother F. W. Franz sa pagsasaayos ng pagkaiinam na mga kurso sa Bibliya. Naging pasimula ito ng isang mahabang panahon ng maligayang pakikipagtulungan sa kaniya sa pagpapasulong ng edukasyon sa Bibliya.

Lunes ng umaga, Pebrero 1, 1943, ang opisyal na pag-aalay ni Brother Knorr ng ngayo’y kilala sa tawag na Watchtower Bible School of Gilead, na naroroon sa Kingdom Farm malapit sa South Lansing, New York. Pagkatapos ng programa ng pag-aalay, pinasimulan ang mga sesyon ng paaralan sa apat na mga silid-aralan, na bawat isa’y may 25 mag-aaral. Ang kurso ng masulong na edukasyong Kristiyano ay tumatagal ng 20 linggo, at ang Bibliya ang pangunahing aklat-aralan.

Maliligayang mga buwan, saka maliligayang mga taon, ng malawak na pag-aaral sa Bibliya ang malaking pagpapala na ipinagkaloob sa akin. Kasama ng iba pang nakatalagang mga instruktor, ako’y napasasalamat kay Jehova sa pribilehiyong ito na magturo at pakilusin ang puso ng gayong nag-alay na mga estudyante na umiibig kay Jehova at sa kaniyang gawain! Hanggang noong 1960, 3,700 mga mag-aaral ang nanggaling sa 70 mga bansa upang dulutan ng mayamang pagpapala ang aming mga klase sa paaralan.

Pagkakaroon ng Bahagi sa Buhay May-Asawa

Nang dumalo ako sa “Mapagtagumpay na Kaharian” na mga kombensiyon sa Europa noong 1955, aking sinariwa ang aking pakikipagkilala sa mahal na si Charlotte Bowin, na naging isa sa aking mga estudyante sa unang klase ng Gilead noong 1943. Siya’y naglingkod nang may 12 taon bilang isang tapat na misyonera sa teritoryong Kastila, kasali na ang Mexico at El Salvador. Ngayon, kasama ang kaniyang kaparehang si Julia Clogston, siya’y dumadalo sa mga kombensiyong ito sa Europa. Siyanga pala, ang mga magulang ni Charlotte ay naging mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn nang sila kapuwa ay hindi pa mag-asawa, noong panahon ni Brother Russell. Pagkatapos, nang sila’y makasal na, si Martin Bowin ay naging isang naglalakbay na tagapangasiwa hanggang sa maisilang si Charlotte noong 1920.

Noong Enero 1956 si Charlotte ay pumasok sa paglilingkuran sa Bethel at nailipat sa Kingdom Farm. Noong Agosto 1956 kami ay ikinasal. Nang si Charlotte ay magdalang-tao, kami’y parang nasiraan ng loob, sa paniwala na ito ang magiging dahilan para huminto kami sa buong-panahong paglilingkod. Subalit, kami’y pinalakas-loob ni Brother Franz, na ang sabi: “Hindi naman kayo nagkakasala sa inyong pag-aanak. Lakasan ninyo ang inyong loob! Baka isasaayos ni Jehova na sa paano man ay magpatuloy kayo sa buong-panahong paglilingkod.”

Gayon nga ang nangyari. Ako’y pinagpatuloy na magturo sa Paaralang Gilead. Sa una’y nanirahan kami sa isang munting paupahang apartment, at pagkatapos noong 1962 kami ay lumipat sa isang bagong katatayong bahay na mga 1.6 na kilometro ang layo sa paaralan. Sa South Lansing, New York, isinilang noong Pebrero 1958 ang aming anak, na si Judah Ben, at doon niya ginugol ang kaniyang mga unang taon ng buhay.

Kami’y nagkaroon ng maraming kagalakan sa pagpapalaki kay Judah Ben, palibhasa sa tuwina’y sinisikap naming ikapit ang mga simulain ng Bibliya. (Efeso 6:1-4) Siya’y pinatibay-loob na sundin ang Mikas 6:8, gaya kung paano sinisikap kong ikapit sa aking buhay ang tekstong iyan. Nang maglaon, si Judah ay naging ikatlong henerasyon ng Bethelite at naglingkod sa Bethel ng may 12 taon. Siya’y nag-asawa ng isang magandang payunir na sister, si Amber Baker, noong Hunyo 1986. Sila ngayon ay nagpapayunir sa Michigan.

Ang Paaralan Para sa Hinirang na Matatanda

Sa 1958 kombensiyon sa Yankee Stadium, ipinabatid ni Brother Knorr ang pagbubukas ng isang bagong paaralan para sa hinirang na matatanda na tatawaging Kingdom Ministry School. Noong Marso 9, 1959, ang unang klase na may 25 estudyante ay nagsimula sa kaniyang apat na linggong kurso sa Kingdom Farm, na kung saan naroroon din ang Paaralang Gilead. Nang ang Paaralang Gilead ay ilipat sa Brooklyn noong Setyembre 1960, ang Kingdom Ministry School ay nanatili sa Kingdom Farm, na kung saan nakapagsanay kami ng isang daang hinirang na matatanda buwan-buwan. Napatunayan ko na ang pagiging isang ama ay isang pagpapala sa pagtuturo sa mga ulo ng pamilya na nag-aral sa bagong paaralan.

Noong 1967 ang paaralang ito ay inilipat sa Bethel sa Brooklyn. Nang maglaon, noong 1968, muling inilipat ito sa Pittsburgh, na kung saan, magpahanggang noong 1974, libu-libong maiinam na matatanda ang tumanggap ng pagsasanay. Mula noong 1974 at patuloy, ang paaralan ay isinasagawa sa iba’t ibang mga Kingdom Hall sa buong bansa. Ang aking maybahay at ang aking anak ay kasa-kasama ko samantalang naglalakbay ako patungo sa iba’t ibang kinaroroonan nito. Sila’y naglilingkod bilang mga payunir samantalang ako’y nagtuturo sa paaralan.

Patuloy sa Maharlikang Paglilingkod

Noong Nobyembre 1974, samantalang ako’y nagtuturo sa Kingdom Ministry School sa aking sariling bayan ng Saginaw, Michigan, ako’y nakatanggap ng isang di-malilimot na liham galing sa Lupong Tagapamahala. Doo’y inaanyayahan ako na maging isang miyembro ng lupong iyan at inanyayahan pati ang aking maybahay at anak na maglingkod bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn. Kaya noong Disyembre 18, 1974, kami’y lumipat sa Bethel, at sinimulan kong gampanan ang aking bagong mga pribilehiyo sa paglilingkod.

Ang Lupong Tagapamahala ay gumagawang sama-sama sa pamamatnugot sa pambuong-daigdig na mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa paglalathala ng espirituwal na pagkain para sa ating progresibong kaliwanagan, at sa paggawa ng mga kahatulang disisyon. Ang Lupong Tagapamahala ay nagpupulong tuwing Miyerkules, pinasisimulan ang pulong sa pamamagitan ng panalangin at humihingi ng patnubay ng espiritu ni Jehova. Gumagawa ng tunay na pagsisikap upang ang bawat bagay na pinakikitunguhan at ang bawat disisyon na ginagawa ay kasuwato ng Salita ng Diyos na Biliya.

Bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ako’y pinapupunta upang dumalaw sa iba’t ibang sangay bilang isang tagapangasiwa ng sona. Naging kagalakan ko ang makaranas at masaksihan ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova sa napakaraming bansa. Isa ring personal na kagalakan na makatagpo uli ang maraming mga misyonero ng Gilead na tapat pa rin hanggang ngayon sa kanilang mga atas sa mga ibang bansa. Tunay, sa bawat bansa, ang mga lingkod ni Jehova ang pinakamagagaling at ang pinakamaliligaya!

Sabay-sabay na pinakakain ni Jehova ang lahat ng kaniyang mga lingkod ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng Ang Bantayan at iba pang mga lathalain sa Bibliya. Lahat na ito ay katibayan na si Kristo Jesus ang siya nating nagpupunong Hari sapol noong 1914 at matagumpay na kaniyang aakayin tayo upang makatawid sa “malaking kapighatian” na natatanaw na. Sa katapus-tapusan, sa lahat sa inyo na nasa kabataan pa, kayo’y magpakatalino na ang gawin ninyong karera ngayo’y ang buong panahong banal na paglilingkod! Kayo rin naman ay magkakaroon ng naghihintay sa inyo na mga kapana-panabik na mga pribilehiyo. (Mikas 7:7) Ikinagagalak ko ang kaloob ni Jehovang pangangalaga noong nakalipas na mga dekada. Tunay na pinayaman ako ng kaniyang mga pagpapala. (Kawikaan 10:22) Ako’y may malaking utang na loob kay Jehova araw-araw dahil sa mga pribilehiyong taglay ko sa paglilingkod sa kaniya sa kaniyang inaakay-ng-espiritung organisasyon.​—Apocalipsis 7:14.

[Larawan sa pahina 12]

Kasama ang aking kapareha, si Bill Elrod

[Larawan sa pahina 15]

Sakay ng tren patungo sa Piitan ng Barlinni

[Larawan sa pahina 17]

Kasama ang aking maybahay, si Charlotte

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share