Ang Kapanganakan ni Jesus—Alamat ba Lamang?
ANG kapanganakan ni Jesus! Sinasabing ito ang saligan ng pinakamalaking taunang selebrasyon ng Sangkakristiyanuhan. Subalit, balintuna, maraming mga klerigo ang itinatakwil ang sarisaring aspekto ng ulat ng Ebanghelyo ng kapanganakan ni Jesus bilang alamat lamang. Halimbawa, ang The Interpreter’s Bible ay nagsasabi tungkol sa ulat ni Mateo ng pagdalaw ng mga astrologo, o “mga pantas”: “Samakatuwid ay walang paraan upang tiyakin kung ito ay palamuti lamang, o siyanga pala, kung ito’y ‘nangyari’ nga bilang isang tunay na pangyayari. Ang halaga at importansiya ng paglalahad ay hindi depende sa pagiging tunay nito; ang istorya ay dapat isipin na isang gawang-sining.”
Ang ganiyang mga kritiko ay malimit na nangangatuwiran na ang ulat ng Ebanghelyo ng kapanganakan ni Kristo ay kulang na kulang sa detalye upang ituring na nangyari nga sa kasaysayan. Subalit sa kaniyang aklat na The Life and Times of Jesus the Messiah, ito’y ibinubuwal ni Alfred Edersheim, na nagsasabi: “Tiyak na masasabi, na walang Apokripal o alamat na paglalahad ng gayong isang (makaalamat) na pangyayari ang mayroon ng gayong kakapusan, o dili kaya kawalan, ng mga detalye. Sapagkat, ang dalawang mahalagang katangian, kapuwa ng alamat at ng tradisyon, ay, na ang mga ito’y nagsisikap na ang kanilang mga bayani ay kulungin ng sinag ng kaluwalhatian, at na sila’y nagtatangkang magbigay ng mga detalye, na sa anumang paraan ay kapos.”
Bakit, kung gayon, ang mga Ebanghelyo’y nagbibigay ng kaunting-kaunting detalye tungkol sa kapanganakan ni Jesus? Unang-una dahilan sa ang kaniyang kamatayan, hindi ang kaniyang kapanganakan, ang unang-unang mahalaga. (Mateo 20:28) Ipinaaalaala pa rin sa atin ni Edersheim: “Ang mga Ebanghelyo ay hindi nilayon na magbigay ng isang talambuhay ni Jesus, ni maging ang mga materyales man para rito; kundi mayroon lamang nitong dalawahang layunin: upang yaong mga bumabasa nito ay ‘maniwala na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos,’ at na sa kanilang paniniwala sila ay ‘magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng Kaniyang Pangalan.’”