Malapit Nang Magwakas ang Mahabang Kasaysayan ng mga Kapangyarihan ng Daigdig
Sa Bibliya ay nasasaad ang pitong dakilang mga kapangyarihan ng daigdig—makapangyarihang mga imperyo na sunud-sunod na namahala sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng daigdig. Ipinakita ng naunang mga artikulo sa seryeng ito na tayo ay namumuhay sa panahon ng huli sa mga kapangyarihang ito—ang Anglo-Amerikanong Pandaigdig na Kapangyarihan sa kaarawan natin.”a—Apocalipsis 17:9, 10.
Ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig na ito ay inilalarawan nang maaga sa aklat ng Apocalipsis bilang isang mabangis na hayop na may “dalawang sungay.” Ang dalawang-bahaging kapangyarihang pandaigdig na ito ay “nagsasabi sa mga nananahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan” ng pulitikal na mabangis na hayop na kumakatawan sa lahat ng pitong kapangyarihan ng daigdig.—Apocalipsis 13:11, 14.
Paano natupad ang mga hulang ito, at ano ang kahulugan ng mga ito sa atin ngayon? Ang kawili-wiling sagot ay siyang paksa ng sumusunod na artikulo.
HABANG papatapos ang apat-na-taóng kakilabutan ng Digmaang Pandaigdig I, ang presidente ng Amerika na si Woodrow Wilson at ang punong ministro ng Britaniya na si David Lloyd George ay nagmungkahi ng isang Liga ng mga Bansa. Ang tunguhin nito ay upang “kamtin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan” at sa ganoo’y huwag na uling maulit ang kakilabutan ng gayong digmaan.
Makabubuting pansinin kung sino ang nagpasimuno ng ganitong hakbang. Ang dalawang lider na ito ang ulo ng dalawang bahaging Ingles-ang-wika na Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig, ang ikapito sa kasaysayan ng Bibliya. Ito at ang iba pang mga katibayan tungkol sa organisasyon ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan ay akma, sa kagila-gilalas na paraan, sa sinabi ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis tungkol sa isang sandalian-ang-buhay na “ikawalong hari” na babangon at babagsak din sa kaarawan natin. Ano ba ang ilan sa kawili-wiling pagkakahawig na ito?—Apocalipsis 17:11.
Ang hula sa Apocalipsis ay nagsiwalat na isang “hayop” na may “dalawang sungay na gaya ng isang kordero” ang magsasabi “sa mga nananahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan” sa mabangis na hayop, na pinangunguluhan ng pitong dakilang kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya.
Ganitung-ganito ang ginawa ng Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig. Hinimok nito ang “mga nananahan sa lupa” na gumawa ng isang Liga na kawangis at kumikilos na gaya ng mga dakilang pamahalaan. Subalit ang totoo iyon ay “isang larawan ng mabangis na hayop” lamang. Wala itong kapangyarihan sa ganang sarili, kundi yaon lamang ibinigay rito ng mga miyembrong bansa. Hindi ito tinutukoy na napapasa-kapangyarihan sa pamamagitan ng pananakop sa tulong ng isang dakilang hukbo, gaya ng ginawa ng mga kapangyarihan sa daigdig. Sa halip, ito’y nanggagaling o nagbubuhat sa pitong mga kapangyarihang pandaigdig. Ang buhay nito ay utang hindi lamang sa ikapito sa kanila kundi rin naman sa mga ibang miyembrong bansa na sa mga ito’y kasali rin ang mga labi ng naunang anim. Ang pulitikal na larawan kayang ito ay makararating sa mga dakilang tunguhin na inaasahan ng mga maytatag nito na mararating nito?—Apocalipsis 17:11, 14.
Bigo ang Liga
Ang Liga ng mga Bansa ay may malaking nagawa sa mga larangang panlipunan. Gayunman, ang talagang tunguhin nito, gaya ng ipinahayag sa kaniyang opisyal na “Tipan ng Liga ng mga Bansa,” ay “upang itaguyod ang internasyonal na pagtutulungan at kamtin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.” Dito’y nabigo ito.
Ang Liga ay hindi nagtagumpay sa pagpigil sa Hapón sa paglusob sa Manchuria noong 1931. Hindi nito napigil ang Bolivia at Paraguay sa pagdidigmaan noong 1933. Ito’y nabigo sa paghadlang kay Mussolini noong 1936 sa paglusob sa Ethiopia. Gayunman, ang kamatayan ng Liga ay sumapit noong Setyembre 1, 1939, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II—isang kombulsiyon ng uri ng lansakang paglipol at pagdurusa na siyang nilayon na hadlangan ng Liga kung kaya ito itinatag. Ang namatay sa digmaang iyon? Ang buhay ng 16 na milyong sundalo at 39 na milyong sibilyan, lahat-lahat ay 55 milyon ang namatay, o halos makaapat na beses ang nangamatay kaysa noong Digmaang Pandaigdig I!
Gayunman, noong 1919, hindi pa man malay ipatupad ang Tipan ng Liga, ipinahayag na sa publiko ng mga Saksi ni Jehova (noo’y kilala bilang ang mga Bible Student) na ang Liga ay mabibigo, sapagkat hindi sa pamamagitan ng gayong mga pagsisikap ng tao darating ang kapayapaan. Pagkatapos, sa kanilang 1926 na kombensiyon sa London, Inglatera, binanggit na ayon sa Apocalipsis 17, ang “ikawalong hari” ay lumilitaw na siyang katapus-tapusan sa hanay ng mga kapangyarihang pandaigdig. Binanggit ng tagapagpahayag na, “inihula ng Panginoon ang pagsilang nito, ang maikling pag-iral nito, at ang walang-hanggang wakas nito.”
Bumalik Ito!
Tungkol sa ikawalong haring ito, ang kinasihang hula ay nagsabi: “Ang mabangis na hayop na nakita mo ay naging siya, ngunit wala na, gayunman ay halos aahon na buhat sa kalaliman, at ito’y patungo sa pagkawasak.”—Apocalipsis 17:8.
Mula nang taon ng 1942 na nasa kalagitnaan ng digmaan, natanto ng mga Saksi ni Jehova na ang noo’y tila natutulog na organisasyong pangkapayapaan at pangkatiwasayan ay aahon sa kinahihimlayang kalaliman ng pagkakatulog. Nang taon na iyon ang pangulo ng Samahang Watch Tower ay nagpahayag ng ganito sa mga tagapakinig sa 52 siyudad: “Bagaman apatnapung miyembro ang nagsasabi pa rin na sila’y mahigpit na kumakapit sa Liga, ang totoo ang Liga ay nasa pansamantalang kalagayan ng pagkatigil . . . Ito ay ‘wala na.’” Subalit ito kaya ay “aahon buhat sa kalaliman”? Ibinatay niya sa hulang ito sa Bibliya ang sinabi niya: “Ang samahan ng makasanlibutang mga bansa ay babangong muli.”
Gaya ng sinabi ng hula, ang ikawalong haring ito ay “naging siya” mula noong 1920 hanggang 1939. Ito ay “wala na” mula noong 1939 hanggang magtapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945. Nang magkagayo’y umahon ito “buhat sa kalaliman,” muling umandar bilang ang kahalili ng Liga, ang United Nations.
Bigo ang mga Dakilang Pag-asa
Mga delegado buhat sa 50 bansa ang lumagda sa Karta ng United Nations sa San Francisco noong Hunyo 26, 1945. Ganito ang preambulo niyaon: “Kami na mga bayan-bayan ng United Nations ay determinado na iligtas ang darating pang mga lahi buhat sa hagupit ng digmaan, na makalawang sa ating tanang buhay ay nagdala ng wala pang katulad na kapighatian sa sangkatauhan . . .”
Ang mga pag-asang nakasalig sa UN ay labis-labis sa katotohanan. Ang dating kalihim ng estado ng E.U. na si Cordell Hull ay nagsabi na hawak nito ang susi sa “mismong buhay ng ating kabihasnan.” Sang-ayon naman sa pangulo ng E.U. na si Harry Truman ito ay isang “pinakadakilang pagkakataon na . . . lumikha ng mananatiling kapayapaan sa ilalim ng patnubay ng Diyos.” Ang Karta ng UN ay tinagurian na “posibleng ang pinakamahalagang dokumento na kailanma’y nagawa ng tao” at “isang pambihirang pagbabago sa kasaysayan ng kabihasnan.” Pagkalipas ng apatnapung taon, si Gregory J. Newell ng U.S. Department of State ay nagsabi: “Labis-labis ang pagpapahalaga sa kapakanang ito: hindi maiiwasan ang kabiguan.”
Tulad ng Liga, ang UN ay nakagawa ng malaki sa mga larangang panlipunan. Subalit kailanman ay hindi nito nagarantiyahan ang kapayapaan ni napahinto man nito ang digmaan. Ang dating punong ministro ng Britaniya na si Harold Macmillan ay nagpahayag sa British House of Commons noong 1962 na “ang buong pundasyon na pinagtayuan ng United Nations ay nasira.”
Sa pasimula ang pangmalas ng maraming tao sa organisasyong ito ay halos gaya ng kataimtiman nila sa kanilang relihiyon. Sila’y naniniwala na ang “larawan” na ito ang gagawa ng sinasabi ng Bibliya na tanging ang Kaharian lamang ng Diyos ang gagawa: ang pagtatatag ng walang-hanggang kapayapaan, katarungan, at ng isang tunay na nagkakaisang daigdig. Sila’y lubhang kasalungat ng mga hula ng Bibliya na nagpapakitang ang mga pagsisikap ng tao ay hindi maaaring maging ang tunay na pinagmumulan ng kapayapaan. Gayunman, sa pagsapit ng UN sa edad na 40, sinabi ng historyador na si Thomas M. Franck na “ito ay . . . di-gaanong epektibo di-gaya ng inasahan natin noong 1945.” Gaya ng komento naman ng Kalihim ng Estado ng E.U. na si George P. Shultz: “Ang pagsilang ng United Nations ay tunay na hindi bumago sa daigdig upang maging isang paraiso.”
Ang UN ay hindi nagtagumpay sapagkat ang mga pamahalaan ng tao ay hindi nakapag-alis sa tunay na mga balakid sa kapayapaan: nasyonalismo, kasakiman, karalitaan, pagtatangi ng lahi, paniniil, at ang impluwensiya ni Satanas sa daigdig. Ang mga tao ay kumakapit nang mahigpit sa mga pamahalaang ito, hindi dahil sa may magandang pag-asa kundi dahil sa wala na silang ibang pag-asa pa na mas magaling.—Apocalipsis 12:12.
Ang pag-iral ng United Nations, at ang pagsisikap na ginagasta rito ng maraming tao, ay nagpapakita kung gaano katindi ang pagkatanto ng mga tao sa lupa na kailangan ang isang pagbabago. Ang pagbabagong iyan ay darating subalit sa isang paraan na naiiba at lalong epektibo. Aling paraan?
Mamamalaging Pamamahala
Tandaan na sinasabi ng Bibliya na magkakaroon ng pito lamang sunud-sunod na mga “hari,” o mga kapangyarihang pandaigdig. Walang pangunahing kapangyarihang pandaigdig na binabanggit pagkatapos niya. Sinasabi pa mandin ng Bibliya na ang pansamantalang “ikawalong hari . . . ay patungo sa pagkawasak.”—Apocalipsis 17:10, 11.
Subalit sinasabi rin ng Bibliya na mayroong isang lalong mainam na pag-asa. Ito’y nangangako na may ibang magdadala ng kapayapaan, katarungan, at nagkakaisang daigdig na sa kawalang pag-asa’y pinaghahanap ng mga tao. Sinasabi nito: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kahariang ito [na sa nabigong mga tao], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ito ang pamamahala na tinukoy ni Jesus, at siyang idinadalangin ng kaniyang mga tagasunod pagka kanilang sinasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:10) Ang Kahariang ito ay hindi lamang isa na may impluwensiya para sa kabutihan sa puso ng mga tao. Bagkus, ito ay isang aktuwal na makalangit na pamamahala, isang pamamahala sa lupa buhat sa dako ng mga espiritu. Babaguhin nito ang paraan ng pamumuhay natin sa lupa.—Apocalipsis 21:1-4.
Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kapana-panabik na bagong pamamahalang iyon, kung paano iyon kikilos, at ang kapayapaan, katarungan, at nagkakaisang daigdig na lilikhain niyaon ang magiging paksa ng susunod at pangkatapusang artikulo sa seryeng ito.
[Talababa]
a Ang mga kapangyarihang ito ng daigdig ay tinalakay na sa naunang labas ng magasing ito: (1) Ehipto, Pebrero 1; (2) Asirya, Pebrero 15; (3) Babilonya, Marso 1; (4) Medo-Persia, Marso 15; (5) Gresya, Abril 15; (6) Roma, Mayo 1; (7) ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig, Mayo 15.
[Kahon sa pahina 28]
Ang Lawak ng Digmaan
Ang Digmaang Pandaigdig II, na tanda ng pagkamatay ng Liga ng mga Bansa, ay nakapanlulumo ang dami ng pinuting buhay. Ipinakita ng Encyclopædia Britannica (edisyon ng 1954) ang lawak ng mga nasawi sa pamamagitan ng pagbibigay ng katumbasan ng bilang ng mga kawal na namatay sa digmaan kung ihahambing sa 1940 populasyon ng iba’t ibang bansa. Kabilang sa mga pag-uulat ay ito: Sa Estados Unidos ay isang tao ang nasawi sa panig ng militar para sa bawat 500 miyembro ng 1940 populasyon nito; sa Tsina, isa sa bawat 200; sa United Kingdom, isa sa bawat 150; sa Pransiya, isa sa bawat 200; sa Hapon, isa sa bawat 46; sa Alemanya, isa sa bawat 25; at sa U.S.S.R., isa sa bawat 22. Kung isasaalang-alang natin na ang mga nasawi na sibilyan ay malimit na nakahihigit sa mga nasawing sundalo, agad nating makikita kung paanong ang mga pagsisikap ng tao ay tunay ngang bigo sa pagdadala sa atin ng tunay na kapayapaan at katiwasayan.
[Larawan sa pahina 26]
‘Sapol nang matatag ang UN, dalawampung milyon katao ang nangamatay sa mga digmaan, isang nakalulungkot na katibayan na patotoo ng naging halaga ng kabiguang iyan.’—“Nation Against Nation,” ni Thomas M. Franck