Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 6/15 p. 10-15
  • Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Banal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Banal?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangalan ni Jehova at ang Pantubos​—Kabanal-banalan
  • Ang Ating Relasyon kay Jehova at sa Kaniyang Organisasyon
  • Ang Salita ng Diyos, mga Kautusan, at Pag-asa sa Kaharian
  • Mga Banal na Pagtitipon at mga Pribilehiyo
  • Ang Pag-aasawa at ang Pamilya
  • Ang Banal na Espiritu ni Jehova at ang Panalangin
  • Katulad ba ng Pangmalas ni Jehova ang Pangmalas Mo sa mga Bagay na Sagrado?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ipinagbili ni Esau ang Karapatan Niya Bilang Panganay
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2020
  • Sagradong paglilingkod
    Glosari
  • Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Kristiyano sa Paglilingkod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 6/15 p. 10-15

Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Banal?

“Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito’y walang sinumang tao na makakakita sa Panginoon, na nagpapakaingat . . . upang huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid ni sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau, na sa isang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.”​—HEBREO 12:14-16.

1. Anong kawalan ng pagpapahalaga ang ipinakikita ng karamihan ng tao, subalit paano naiiba ang mga Kristiyano?

SI Jehova na ating Diyos ang pinakabukas-palad na Tagapaglaan. Saganang pinaglalaanan niya ang pangangailangan ng lahat ng kaniyang nilalang. Ang karamihan ng mga tao, gayumpaman, ay bahagya lamang pinag-iisipan ito. Hindi man lamang nila pinasasalamatan si Jehova ni kinikilala ang kanilang malaking utang na loob sa kaniya. Sa kabilang dako naman, ang mga Kristiyano ay hindi nagwawalang-bahala sa kabutihang ipinakikita ni Jehova. Kanilang pinararangalan siya dahil sa kaniyang ginagawa alang-alang sa kanila. Dahil sa kanilang debosyon sa kaniya, sa kaniyang bayan ay ipinagkatiwala ni Jehova ang ilang bagay na banal na hindi tinatamasa ng sangkatauhan sa pangkalahatan. Ito’y mahalagang mga bagay, na ibinukod bilang banal at may kinalaman sa pagsamba kay Jehova. Alam mo ba kung ano ang banal na mga bagay na ito? At ikaw ba ay may matindi at taus-pusong pagpapahalaga sa mga ito?​—Awit 104:10-28; Mateo 5:45; Apocalipsis 4:11.

2. Sino ang nagpakita ng kapuna-punang kawalan ng pagpapahalaga?

2 Hindi lahat ng mga lingkod ng Diyos ay may tumpak na pagpapahalaga sa mga bagay na banal. Ang anak ni Isaac na si Esau, ay bigo sa bagay na ito. Siya’y binanggit ni Pablo nang siya ay sumulat sa pinahirang mga Hebreong Kristiyano. Pagkatapos na himukin ang mga ito na ‘itaguyod ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao,’ kaniyang pinaalalahanan sila na tiyakin na sa gitna nila’y huwag magkaroon ng “sinumang mapakiapid ni sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau, na sa isang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.”​—Hebreo 12:14-16.

3, 4. Ano ang banal na mga karapatan ng panganay na ipinagbili ni Esau kay Jacob kapalit ng isang tason ng nilaga?

3 Ano ba ang mga karapatang ito sa pagkapanganay? Si Jehova ay nangako sa lolo ni Esau, na si Abraham na sa pamamagitan niya at ng kaniyang mga inapo ay may sisilang sa wakas na isang magiging ang Binhing ipinangako, ang Mesiyas, o Kristo. Sa pamamagitan ng Binhing ito lahat ng bansa ay makapagpapala sa kanilang sarili, anupa’t hahantong ito sa kanilang pagkatubos buhat sa kasalanan at kamatayan.​—Genesis 22:15-18; Galacia 3:16.

4 Si Esau, ang panganay ni Isaac, ay nagkaroon ng pagkakataon na maging isang bahagi ng angkan na sisilangan ng Binhing iyon. Ito’y bahagi ng kaniyang karapatan sa pagkapanganay. Subalit sa kaniyang ikinapahiya, ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi: “Hinamak ni Esau ang karapatan sa pagkapanganay.” Siya’y naging mapusok sa pagbibili niyaon kapalit ng isang pagkain na nilagang lintehas at kaunting tinapay. Tunay, hindi natin ibig na tularan ang kaniyang kawalan ng pagpapahalaga. Sa halip, ang dapat nating pasulungin ay ang saloobin ng kapatid ni Esau, na si Jacob. Siya ang kasunod sa hanay ng mga magtatamo ng karapatan sa pagkapanganay, na kaniyang binili dahil sa malinaw na kawalan ng pagpapahalaga ng kaniyang kapatid. Sa ganito’y tiniyak ni Jacob na ang karapatang maging isang ninuno ng ipinangakong Binhi ay naisalin sa pamamagitan ng isa na wastong nagpapahalaga sa banal na mga bagay na ito.​—Genesis 25:27-34.

5. Anong mga bagay na banal ang ating isasaalang-alang, at paano natin maiiwasan na ang mga ito’y ipagwalang-bahala?

5 Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, pinapangyari ni Jehova na magkaroon ng maraming mga banal na bagay upang tumulong sa atin na tayo’y palakasin sa espirituwal at wastong masangkapan para sa paglilingkuran sa kaniya. Talakayin natin ang ilan sa mga ito. Pagkatapos, bilang mga indibiduwal, maaari nating bulaybulayin ang mga ito at patibayin ang ating pagpapahalaga sa mga ito upang kailanman ay huwag nating maipagwalang-bahala ang mga ito.

Ang Pangalan ni Jehova at ang Pantubos​—Kabanal-banalan

6. Sa anong mga paraan hindi natin ipinagwawalang-bahala ang kabanalan ng pangalan ni Jehova?

6 Unang-una sa ating listahan ng mga bagay na banal ay ang pangalan ni Jehova. Gaano ba kadakila sa iyong isip at puso ang pangalang ito? Sa pagbibigay ng modelong panalangin, sinabing unang-una ni Jesus: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Nang tayo’y bautismuhan, tayo’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10, 11) Anong laking karangalan! At pagka tayo’y nagsasalita tungkol sa kabutihan ni Jehova at ng kaniyang dakilang mga layunin, siya’y nakikilala ng iba sa pamamagitan ng kaniyang personal na pangalan, at sila man ay nagnanais na maglingkod sa kaniya. Subalit kung ang isa’y nagpapabaya o, lalong masamâ, napapasangkot sa gawang masamâ, ito’y nagdudulot ng kasiraang-puri sa marangal na pangalan at reputasyon ni Jehova. Ang tapat na mga Kristiyanong Saksi ni Jehova ay laging nagsusumikap na pakabanalin ang kaniyang pangalan sa harap ng iba sa pamamagitan ng kanilang sinasalita at ginagawa.​—Levitico 22:31, 32; Deuteronomio 5:11.

7. Bakit dapat tayong magpakita ng sukdulang pagpapahalaga sa haing pantubos na inihandog ni Kristo?

7 Isa sa mga nangunguna sa listahan ng mga bagay na banal ay ang haing pantubos. Gaano ba kahalaga sa iyo ang hain na inihandog ni Kristo? Tanging salig sa hustong pananampalataya sa ganitong sakdal na haing pagkatao maaaring patawarin tayo sa ating mga kasalanan. (1 Juan 2:1, 2) Tinutukoy ni Pablo ang pinahirang kongregasyon bilang “binili ng dugo ng sariling Anak [ng Diyos].” (Gawa 20:28; ihambing ang 1 Pedro 1:17-19.) Si Jesus, ang bugtong na Anak ng Diyos, ay nag-iwan ng kaniyang katayuan sa langit, namuhay sa lupa sa gitna ng makasalanang mga lalaki at mga babae, at pagkatapos ay inihandog ang kaniyang sakdal na buhay tao sa matinding paghihirap sa kamatayan sa pahirapang tulos upang tayo’y magkaroon ng buhay na walang-hanggan. (Mateo 20:28) Sukdulang kawalang utang na loob kung ang isang tao ay sa araw-araw hindi magpapakita ng matinding pagpapahalaga sa mahal na kaloob na ito ng Diyos.​—Hebreo 10:28, 29; Judas 4, 5.

Ang Ating Relasyon kay Jehova at sa Kaniyang Organisasyon

8. Gaano kahalaga ang ating relasyon kay Jehova?

8 Dinadala tayo nito sa isa pang napakabanal na bagay, ang ating relasyon kay Jehova. Dapat nating pakamahalin ang matalik na kaugnayang ito sa ating makalangit na Ama. Kung tayo’y ‘lalapit sa Diyos, siya’y lalapit sa atin.’ (Santiago 4:8) Tayo’y mahal na mahal niya, at ibig niyang mahalin natin siya ng ating buong puso. (Mateo 22:37, 38; Juan 3:16) Binigyan ni David ang kaniyang anak na si Solomon ng mabuting payo tungkol sa kaniyang relasyon kay Jehova. Kasali rito ang isang babala: “At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya ng may sakdal na puso at may nalulugod na kaluluwa; sapagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan. Kung hahanapin mo siya, kaniyang hahayaang masumpungan mo siya; ngunit kung iiwan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailanman.” (1 Cronica 28:9) Kaya “magsipanatili kayo sa pag-ibig ng Diyos samantalang inyong hinihintay ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa ikapagtatamo ng buhay na walang-hanggan.”​—Judas 21.

9. Sa anong mga paraan ipinakikita natin na hindi natin ipinagwawalang-bahala ang pribilehiyo ng pagiging isang bahagi ng organisasyon ni Jehova?

9 Pinahahalagahan mo ba rin ang banal na pribilehiyo na maging isang bahagi ng organisasyon ni Jehova? Dapat nating tandaang lahat na tayo’y naririto ng dahil lamang sa di-sana nararapat na kagandahang-loob ni Jehova. Kung ang isang tao’y napatunayang walang pagpapahalaga at naging isang walang pagsisising manggagawa ng masamâ, kaniyang iwawala ang pribilehiyong ito. Si Pablo ay nagbabala: “Kaya’t ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.” (1 Corinto 10:6-12) Ganito ang ibinigay ni Pablo na babala pagkatapos na banggitin ang 23,000 mga Israelita na nangalipol dahilan sa idolatriya at imoralidad. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa kabanalan ng organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ating bahagi na panatilihing ito’y walang karumihan, imoralidad, pag-aalitan, komersiyalismo, at kaisipan ng pagiging mataas kaysa iba at pagtatangi-tangi. (2 Corinto 7:1; 1 Pedro 1:14-16) Ating magagawa na patibayin ang buklod ng pag-iibigang pangmagkakapatid, habang maingat na sinusunod natin ang kaayusang teokratiko at tayo’y nakikipagtulungan sa mga taong nangunguna.​—1 Tesalonica 4:3-8; 5:12, 13.

Ang Salita ng Diyos, mga Kautusan, at Pag-asa sa Kaharian

10. Paano natin ipinakikita na ating lubusang pinahahalagahan ang Banal na Kasulatan?

10 Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, ay banal din. Taglay nito ang makalangit na mga kapahayagan, tagubilin, payo, mga pangako, pagsisiwalat, oo, lahat ng kailangan natin upang ‘masangkapan tayo para sa bawat mabuting gawa.’ (2 Timoteo 3:16, 17) Paano tayo makapagpapakita ng pagpapahalaga dito? Una, sa pamamagitan ng pag-aaral nito at pagkakapit sa ating buhay ng ating natututuhan. Pagkatapos, sa pamamagitan ng wastong pagsunod sa salig-Bibliyang “pagkain sa tamang panahon” na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) At buhat sa isang praktikal na pananaw, ang atin-ating personal na kopya ng Bibliya, gayundin ang mga lathalaing Kristiyano na gamit natin sa pangangaral, ay kailangang panatilihin nating masinop at malinis. Baka magdala iyon ng kasiraang-puri kay Jehova kung tayo’y lalabas upang magpatotoo at ang ginagamit natin ay isang Bibliya na napakarumi na o pangit tingnan.

11. Bakit hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga banal na kautusan ni Jehova?

11 Sa Salita ng Diyos ay naroon ang mga banal na kautusan. Sa tuwina’y itinuturing mo ba ang mga ito na banal, o paminsan-minsan ay may hilig ka na gawing biro ang mga ito? Ang mga kautusan ni Jehova ay mistulang mga tanda, mga muhon, at mga balakid, para huwag tayong madisgrasya samantalang tayo’y dumaraan sa lansangan ng buhay. Kung ating susundin ang mga ito, tayo’y makapaglalakbay nang ligtas at sa wakas ay sasapit sa ating patutunguhan sa bagong sanlibutan ni Jehova; subalit kung tayo’y hindi nagseseryoso sa mga utos at paalaala ni Jehova, tayo’y maaaring mahulog sa kapahamakan.​—Awit 119:10, 11, 35, 101, 102; Kawikaan 3:1-4.

12. Paanong ang ating pag-asa sa Kaharian ay isang bagay na banal?

12 Sa pamamagitan ng Bibliya, tayo’y natututo rin ng tungkol sa isang bagay na banal na dapat na mapamahal sa ating mga puso: ang ating pag-asa sa Kaharian. Tungkol sa tapat na si Abraham, sinasabi ni Pablo sa Hebreo 11:10: “Sapagkat siya’y naghihintay ng lunsod [ang Kaharian ng Diyos] na may tunay na mga pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.” Ikaw ba’y mayroon ding kahalintulad na matibay, namamalaging pag-asa sa Kaharian ng Diyos? Ang iyo bang pananampalataya ay napakalakas na anupa’t sa iyong puso ay walang anumang duda, at ang iyo bang sigasig ay hindi nagbabago samantalang hinihintay mo ang katuparan ng mga layunin ng Diyos sa kaniyang takdang panahon?​—Mateo 24:20-22, 33, 34, 42.

Mga Banal na Pagtitipon at mga Pribilehiyo

13. Bakit hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga mapapakinabang sa mga pagtitipong Kristiyano?

13 “Sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, na gaya ng nakaugalian ng iba,” ang payo ni Pablo. Ipinakikita nito na ang ating mga pagtitipong Kristiyano ay isa pang banal na paglalaan na hindi dapat ipagwalang-bahala. Sa mga pagtitipon, tumatanggap tayo ng mahahalagang tulong at masiglang pakikisama sa iba na kailangang-kailangan natin. Dito ay maaari din tayong gumawa ng “pagpapahayag sa madla ng ating pag-asa” sa pamamagitan ng pagpapahayag buhat sa plataporma kung tayo’y may pagkakataon at ng pagkukumento nang palagian. (Hebreo 10:23-25) At yamang ang Kingdom Hall ang dako na pinagdadausan ng karamihan ng ating mga pagtitipon, ikaw ba ay regular na nag-aabuloy ng salapi at nagpapagal nang husto upang ito ay laging mapanatiling nasa nararapat na kalagayan?​—Exodo 35:21.

14. Ano ang tutulong sa atin na pahalagahan ang ating ministeryong Kristiyano bilang isang banal na kayamanan?

14 Ang pribilehiyo na taglay ng mga Kristiyano na pangangaral ng mabuting balita ay inihalintulad ni Pablo sa “kayamanan sa mga sisidlang-lupa.” (2 Corinto 4:1, 7) Oo, ang ministeryong Kristiyano ay isa ring bagay na banal na ating lubhang pinahahalagahan. Bagaman karamihan sa mga taong ating pinangangaralan ay nagwawalang-bahala, dapat na patuloy na ipaalaala natin sa ating sarili ang ating dakilang pribilehiyo na ibalita sa iba ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Kung gayon, ating tutupdin ang pagkasugo sa atin na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at gumawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang pagmamasid sa pagsulong ng mga bagong alagad ay isa pang dahilan upang magalak. (1 Tesalonica 2:19, 20) Kung ating pinahahalagahan ang ministeryo, tayo’y hindi magiging iregular o di-aktibo sa pangangaral ng mabuting balita.

15. Bakit ang pag-aasikaso sa mga pribilehiyo sa loob ng organisasyon ni Jehova ay hindi dapat ituring na biru-biro?

15 Ang mga pribilehiyo sa loob ng organisasyon ni Jehova ay banal din. Sa aktuwal, ang gayon ay mga banal na pribilehiyong ipinagkatiwala sa atin. (Ihambing ang Gawa 20:28.) Ang responsabilidad mang iyon ay pangangasiwa, pagpapastol, pagtuturo, o iba pang paglilingkod sa mga kapuwa Kristiyano, bigyan sana iyon ng natatanging pag-aasikaso. Kahit na kung ang isang gawain ay waring di-mahalaga, huwag ituring iyon na biru-biro, kundi gawin iyon nang mahusay, sa itinakdang panahon, na para bang kay Jehova ginagawa iyon. Tandaan, “ang taong tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami.”​—Lucas 16:10.

Ang Pag-aasawa at ang Pamilya

16. Sa anu-anong paraan maipakikita natin na ang pag-aasawa at ang pamilya ay itinuturing natin na mga bagay na banal?

16 Sa paglilista ng kung anu-ano ang mga banal na bagay, huwag kaliligtaan na isali ang pag-aasawa at ang pamilya. Totoo, ang mga di-Kristiyano ay nagsisipag-asawa rin, subalit ang pangmalas ng mga Kristiyano sa pag-aasawa ay banal, kasangkot sa kanilang pagsamba kay Jehova. (Ihambing ang 1 Pedro 3:1-7.) Paano sila nagpapakita ng paggalang sa banal na bagay na ito? Ang Bibliya ay nagsasabi sa Hebreo 13:4: “Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga mangangalunya.” Si Jesus ay nagbabala na ang patuloy na pagtingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad sa kaniya ay mistulang pangangalunya sa puso ng isa. (Mateo 5:27, 28) Kung sakaling ibig mo nang mag-aasawa, gawin iyan sa marangal na paraan. Isa pa, huwag gawing biro ang pag-aasawa. Sa araw-araw ay pagyamanin ang dalisay na pag-iibigan at ang matimyas na paggalang sa isa’t isa. Kung kayo’y may mga anak, ‘palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’ Sa ganito’y magiging “banal” ang inyong pamilya.​—Efeso 6:4; 1 Corinto 7:14.

Ang Banal na Espiritu ni Jehova at ang Panalangin

17. Bakit hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang banal na espiritu ng Diyos?

17 Kailangan natin ang lahat ng mga paglalaan ni Jehova, at ang isang mahalagang tulong buhat kay Jehova ay ang kaniyang banal na espiritu. (Juan 14:26) Hindi natin laging alam ang mga paraan ng paggamit ni Jehova sa kaniyang banal na espiritu sa kapakanan natin, subalit isang bagay ang tiyak: Tayo’y hindi maaaring mapanuto kung wala ito. Tayo’y dapat manalangin na tulungan tayo ng banal na espiritu na maunawaan ang mga tunay na turo at mapagtiisan ang mga pagsubok. Kailangan natin ito upang tumulong sa atin na pagyamanin ang mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) At tayo’y pinaaalalahanan sa Efeso 4:30 na “huwag pighatiin” ang banal na espiritu, anupa’t napapasangkot sa mga bagay na pumipigil ng pagdaloy nito sa atin. Harinawang pahalagahan natin ang banal na espiritu ni Jehova.

18. Bakit ang panalangin ay isang banal na pribilehiyo?

18 Ang huling bagay na banal na ating tatalakayin, ang panalangin, ay tunay na hindi siyang pinakamaliit ang kahalagahan. Anong laking pribilehiyo na makipag-usap tayo sa Soberano ng uniberso, si Jehova! Maliwanag nga, tayo’y dapat lumapit sa kaniya nang buong paggalang, buong pagpapakundangan, hindi gawang biro. Tayo’y makapagtitiwala na kaniyang didinggin at sasagutin ang ating mga panalangin na kasuwato ng kaniyang kalooban. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pananalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan.” (Filipos 4:6) Ang panalangin ang magpapangyari na patuloy na pahalagahan natin ang mga bagay na banal.

19. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong wastong nagpapahalaga sa mga bagay na banal?

19 Ang ating katatalakay lamang ang 13 mga bagay na banal na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. Marami pa ang maaaring banggitin. Kung ating pinahahalagahan ang gayong mga bagay, tayo’y mananatiling may mabuting relasyon sa ating Diyos, na si Jehova, at ating kakamtin ang kaniyang araw-araw na pagpapala. Anong laking kapayapaan ng isip ang dulot nito, lakip na ang isang mabuting budhi! Kailanman ay huwag mong ipagwalang-bahala ang mahalagang relasyong iyan! Ibigin si Jehova ng iyong buong puso, isip, kaluluwa, at lakas, at sa tuwina’y iibigin ka niya. (1 Juan 4:16) Walang maaaring makasira maliban sa iyong sarili kung hindi ka mananatiling tapat sa buklod na iyan ng pag-ibig.​—Roma 8:38, 39.

20. Paano tayo matagumpay na makalalakad sa daan ng buhay patungo sa bagong sanlibutan ni Jehova?

20 Tayo’y lagi ring maging abala sa paglilingkod sa Kaharian, na inaasikasong mainam ang lahat ng ating pribilehiyo at pinahahalagahan ang lahat ng espirituwal na mga paglalaan. Taglay ang mga pusong laging nagpapasalamat, harinawang tayo’y maging alisto ng pagsunod sa lahat ng banal na kautusan at paalaala ni Jehova, sa pagkaunawa na ang mga ito ay ipinaskil upang magsilbing giya sa atin upang huwag tayong mapahamak sa paglakad sa daan ng buhay. At, habang patuloy na lumalakad tayo sa makitid na daang iyan ng buhay, malamang na tayo’y hindi lamang iingatang buháy ni Jehova upang makatawid sa malaking kapighatian kundi bibigyan pa rin tayo ng buhay na walang-hanggan na taglay ang walang-hanggang mga pagpapala sa kaniyang bagong sanlibutan, na ngayo’y pagkalapit-lapit na. Lahat ng ito dahil sa pinahalagahan natin ang mga bagay na banal.

Ano ang Iyong Isasagot?

◻ Paano natin maiiwasan na ipagwalang-bahala ang pangalan ni Jehova at ang haing pantubos?

◻ Ano ang maaaring magbunyag na tayo’y hindi magpapahalaga sa ating relasyon kay Jehova at sa kaniyang organisasyon?

◻ Ano ang ilan sa mga bagay na nagpapakilala ng ating pagpapahalaga sa Salita at kautusan ng Diyos, at sa pag-asa sa Kaharian?

◻ Paano natin maipapakita na hindi nating ipinagwawalang-bahala ang mga pagtitipong Kristiyano at ang mga pribilehiyong teokratiko?

◻ Ano ang ilan pang karagdagang mga bagay na banal na dito’y dapat nating pagyamanin ang matinding pagpapahalaga?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share