Paano Narinig ng Karamihan si Jesus?
Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nag-uulat na noong minsan si Jesu-Kristo ay “sumakay sa isang bangka at naupo, at ang lubhang karamihan ay nakatayo sa tabing-dagat. Pagkatapos ay kaniyang inilahad sa kanila ang maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.” (Mateo 13:1-35; Marcos 4:1-9) Sa kanilang aklat na Come See the Place: The Holy Land Jesus Knew, si Robert J. Bull at si B. Cobbey Crisler ay nagbangon ng mga ilang interesanteng katanungan tungkol sa ulat na ito. Sila’y nagtatanong: “Paano ngang ang isa’y maririnig ng ‘isang lubhang karamihan’ kung walang ginagamit na anumang uri ng tagapagpalakas ng tinig? At posible ba naman na makakita ng isang lugar sa tabing-dagat na may mga katangiang akostika na magagamit sa pagpapalakas ng tinig?” Marahil ay itinatanung-tanong mo rin ito.
Bueno, pansinin ang kanilang sagot: “Kabilang sa maraming mga look malapit sa Capernaum, kamakailan, nakatuklas ng isa na mayroong ganoong-ganoong katangian ng tunog ng isang likas na ampiteatro. Sinubok ang akostika ng lugar na ito upang ipakita na ang ‘isang lubhang karamihan’ mga limang libo hanggang pitong libo katao, na nagtitipon dito, ay maaari ngang nakakita at malinaw na nakarinig ng isang tao na nagsasalita buhat sa isang bangka na naroon sa isang lugar malapit sa sentro ng look.” At paano nga isinagawa ang mga eksperimentong ito tungkol sa akostika? Si Virginia Bortin, isang manunulat tungkol sa mga topikong arkeolohiko, ay nagpapaliwanag sa The San Juan Star, isang pahayagan sa Puerto Rico.
Sang-ayon kay Bortin, ang arkeologong si B. Cobbey Crisler, katulong na awtor ng binanggit na aklat, at ang akostikal na inhenyerong si Mark Myles ay nagsagawa ng mga pagsubok “malapit sa Tell Hum, ang kinatayuan ng sinaunang Capernaum.” Doon “ang lupain ay unti-unting humihilig na pataas buhat sa Dagat ng Galilea sa isang modernong daan sa layong mahigit na isang laruan ng football. Si Crisler ay lumusong sa look at naparoon sa isang malaking batuhan doon. Pagkatapos ay nilagyan niya ng hangin ang mga lobo na pare-pareho ang laki upang magbigay ng pare-parehong tunog at binutas niya sa pagitan ng sukát na mga haba ng oras. Si Myles ay gumamit ng isang elektronikong aparatong pansukat ng lakas ng tunog, at pinaandar niya upang maparehistro ang decibel levels habang siya ay lumalakad paitaas patungo sa daan. Pagkatapos ay pumaroon si Crisler sa dalampasigan at inulit doon ang pagbutas sa mga lobo. Ano ang naging resulta? Ang tunog ay lalong matindi kung nanggagaling iyon sa batuhan na naroon sa look kaysa kung nanggagaling iyon sa dalampasigan! Kapuna-puna, samantalang naroon si Crisler sa look, may mga awtong may sakay na mga turista na huminto sa daan sa itaas niya. Malinaw na narinig niya nang isang tao ang nagtanong: “Ano kaya ang ginagawa niya roon sa ibaba?” Ang isa naman ay sumagot: “Aywan ko, siya’y nakatayo lamang doon na may hawak na mga ilang pulang lobo.”
Marahil, pagka may mga taong nakatayo o nakaupo na pawang nasa isang hanay, ang tunog ng isang tinig na tumatama roon ay sinisipsip ng kanilang mga katawan, buhok, damit, halaman, at ispasyo. Gayunman, kung sila’y nasa isang burol o isang nakahilig na lugar tulad niyaong malapit sa Capernaum, ang nagsasalita, sa isang angkop na distansiya sa ibaba at malayo sa kanila, ay maaaring marinig, samantalang ang kaniyang tinig ay lubhang mapalalakas. Kung sa bagay, dapat ding isaalang-alang ang tahimik, matinding atensiyon na iniukol ng mga tagapakinig noon at ang kapuna-punang kawalan ng mga ingay na kagaya ngayon galing sa mga eruplanong jet, sa mga kotse, trak, at iba pa.
Subalit, kumusta naman ang tungkol sa mga ibang okasyon na iniulat ng Bibliya na si Jesus ay nagsalita sa lubhang karamihan ng mga tao? Ayon sa teorya nina Crisler at Myles si Jesus at ang ibang mga tauhan na tinutukoy ng Bibliya na nagsalita sa lubhang karamihan ng mga tao ay kusang “humanap ng luwal na mga dakong tanyag sa kanilang likas na mga katangiang magpalakas ng tinig at ginamit ang mga ito para sa pagpapahayag sa karamihan ng mga tao.”
Si Crisler at si Myles ay gumawa rin naman ng pagsisiyasat “upang matiyak kung ilang mga tao ang malinaw na nakakita kay Jesus noong araw nang siya’y magsalita roon.” Ipagpalagay na natin na iyon ay isang araw na maaliwalas at di-maulap, kanilang tinataya na “may nakapakinig na 5,000 at 7,000 katao na nakarinig at nakakita kay Jesus na nagpapahayag malayo sa dalampasigan.” Dahil dito ang manunulat sa pahayagan na si Bortin ay nanghinuha na “ito’y sumusuporta sa mga ulat ng Ebanghelyo na napakaraming mga tao sa buong Palestina na humugos sa Galilea upang saksihan ang kahima-himalang tagapagpagaling samantalang siya’y nagpapahayag sa kanila sa talinghaga. Ang kinaroroonan ng Capernaum na may korteng-mangkok na natural na ampiteatro ay nagtulot nga na bawat isa roon ay makapagmasid nang malinaw sa kaniya.”
Kung sa bagay, hindi tiyakang masasabi na si Crisler at si Myles ay nakatuklas ng aktuwal na pinagdausan ni Jesus ng kaniyang pagpapahayag sa tabing-dagat. Gayunman, kapuna-puna ang mungkahing lugar ay isang dakong makikitaan ng sarisaring mga halamang may tinik at mga batuhan, na may dilaw na mga bulaklak ng mustasa na makikita sa gitna ng mga ito. Ang paggamit ni Jesus sa mga ito sa kaniyang mga ilustrasyon ay tutulong sa gayon upang maging lalong epektibo ang kaniyang pagtuturo. Sa isang lugar na mayroong gayong mahusay na akostika, ang utos ni Jesus na “makinig” ay magiging angkop na angkop din. (Marcos 4:3) Gayundin naman, ang kaniyang paggamit sa kaniyang salitang “pandinig” at ang maraming anyo ng pandiwa na “makinig” ay madaling masasakyan ng lahat ng kaniyang mga tagapakinig na naroon sa gayong lugar. Oo, lahat ng presente roon sa “likas na ampiteatro” na iyon ay hindi lamang nakapakinig at nakakita kay Jesus nang buong linaw kundi kanila rin namang nasakyan ang lubos na kahulugan ng kaniyang mga ilustrasyon sa pamamagitan lamang ng pagmamasid sa palibot.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lugar ng:
1. Capernaum
2. Kapatagan ng Gennesaret
3. Tiberias
4. Dulo ng Ilog Jordan sa gawing timog
5. Bundok Tabor
Dagat ng Galilea
Galilea
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na karapatang-ari ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 24]
Kung nakatanaw sa hilagang-silangan sa kahabaan ng Dagat ng Galilea sa direksiyon ng Capernaum, tinatanaw buhat sa gilid ng kapatagan Gennesaret
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 26]
Hilagang-kanlurang sulok ng Dagat ng Galilea. Malamang, doon sa malapit sa Capernaum nagsalita si Jesus sa lubhang karamihan samantalang siya’y nasa isang bangka
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.