Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 6/15 p. 21-23
  • Sila’y Kumbinsido ng Pag-ibig ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sila’y Kumbinsido ng Pag-ibig ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Katunayan ng Pag-ibig ni Jehova
  • Sa Kami​—sa Wakas
  • Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?
    Gumising!—1992
  • Ang Pagpupunyagi Kong Iwan ang Isang Marahas na Buhay
    Gumising!—1987
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1992
  • Bahagi 9—551 B.C.E. patuloy—Ang Paghahanap ng Tamang Daan sa Silangan
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 6/15 p. 21-23

Sila’y Kumbinsido ng Pag-ibig ni Jehova

MALALAKING alon ang humahambalos sa barkong inabot ng malakas na bagyo sa karagatan. Ang 14-na-araw na pakikipagbaka sa nagngangalit na mga alon ang pumawi ng pag-asa ng mga pasahero at tripulante, maliban sa isa. Siya’y tiwala na ililigtas siya ni Jehova, habang ang nakaaaliw na mga pananalitang, “Huwag kang matakot, Pablo” ay tumataginting sa kaniyang kaisipan. Sa loob ng sumunod na maselang na mga oras, ang barko ay sumadsad, kaya’t lahat ay ligtas na nakaahon sa dalampasigan. Minsan pang si apostol Pablo ay may dahilan na maging kumbinsido ng pag-ibig ni Jehova.​—Gawa 27:20-44.

Ikaw ba naman ay kumbinsido rin ng pag-ibig ng Diyos? Ang palaging pag-aaral ng Salita ng Diyos at paggamit ng iyong natutuhan upang palakasin ang iba ay mahalaga. Subalit, upang tunay na makumbinsi sa pag-ibig ni Jehova, kailangang aktuwal na mabuhay ka sa mga pangungusap ni Jehova sa pamamagitan ng pagkaranas ng kaniyang pagkilos alang-alang sa iyo. Ang isa na lubusang kumbinsido nito ay isang naglalakbay na tagapangasiwa na gumagawa sa matayog na mga kabundukan ng Bolivia na, tulad ng marami pang mga iba, ay nakaranas ng pagkupkop ni Jehova.

“Paalis na ako noon sa Oruro,” ang bida niya, “ako’y dadalaw sa isang kongregasyon sa Kami, isang bayang minahan na 100 kilometro ang layo. Ang maburol at paliku-likong daan ay nakakarating sa taas na 4,600 metro at nagiging napakadulas, lalo na pagka umuulan. Ang temperatura ay malimit na umaabot sa -10° C. o mababa pa.

“Isa pang kapatid, si Anibal, ang nag-aangkas sa akin sa kaniyang motorsiklo, at kami’y umalis sa ganap na ika-6:00 n.u., handa para sa isang limang-oras na biyahe. Sa simula pa lamang ay umuulan na, at walang puknat na bumabaon sa putik ang aming gulong at depensa, anupa’t malimit na kami’y napapahinto. Pagkatapos lamang ng matiyagang pag-aalis ng putik saka kami’y nakapagpapatuloy ng pagbibiyahe. Kaangkas ako sa likod ni Anibal, kaya sinikap kong mailayo sa putik ang aking sapatos at pantalon subalit sumuko na rin ako nang mapalubog ito sa putik.

Katunayan ng Pag-ibig ni Jehova

“May anim na oras ang nakalipas nang huminto ang makina sa isang matarik na burol, at kami’y unti-unting gumulong na paatras. Lumundag kami agad, at sinubukan namin na pigilin ang makina sa madulas na putik. Subalit, nawalan ng kabuluhan iyon at nanlumo ang aming kalooban habang ang motorsiklo ay nahuhulog sa isang matarik na bangin na 90 metro ang lalim! May pagkabahalang dinungaw namin ang matarik na bangin. Di-kapani-paniwala, ang makina ay nasampid hanggang sa kalahati lamang ng lalim. Gayunman, hindi namin maiaahon iyon kung hindi tutulungan ng iba.

“Lumipas ang mga oras, subalit wala kaming gaanong pag-asa na mayroong sinuman na magdaraan sa ilang na daang iyon. Walang anu-ano isang lalaki na may asno at mga ilang llama ang sa-sisipot. Nang makita ang nangyari sa amin, sinabi niya sa wikang Quechua: ‘Opo, ako’y may mga tali na panggapos.’ Ang mga panggapos na katad ay itinali niya sa asno at sa motorsiklo. Pagkatapos, aming hinila ito pataas samantalang kaniyang inuulukan ang asno na hilahin iyon. Sa wakas, pagkatapos ng matagal na pag-ulok sa asno, kami ay ayos na at naglalakbay sa daan, basâ ng pawis ang aming mga noo. Paano nga kaya namin siya gagantihin? Kami’y nagkaloob sa kaniya ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, at ganiyan na lamang ang paghanga niya sa aklat na iyon na anupa’t ibig niyang gantihin ang kagandahang-loob na iyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa amin ng mga patatas buhat sa kaniyang kargada!

“Pinaandar namin ang motorsiklo, at ganiyan na lamang ang pasasalamat namin kay Jehova. Nang kami’y malayu-layo na, naisip namin na huminto, sapagkat ang makina’y humihina. Dumating kami sa isang nag-iisang kapihan. ‘Saan kayo papunta?’ ang tanong ng may-ari. Sinabi namin sa kaniya kung saan at ipinaliwanag namin ang aming problema. ‘Mayroon akong spark plug at mga ilang gamit na maaari kong ipahiram sa inyo,’ aniya. Halos hindi namin mapaniwalaan ang aming nadinig​—ito’y isang lugar na kung saan kadalasa’y hindi pinagtitiwalaan ang mga kaibigan, lalo pa ang mga taong hindi mo nakikilala. Sa tulong ng bagong spark plug ay umandar na mainam ang makina.

“Noon ay dumidilim na, at ako’y nag-alaala, sapagkat ang aking mga binti ay namamanhid na sa labis na kalamigan. Ngayon, nang kami’y paakyat sa matarik na daan, muli na namang tumigil ang makina. Kahit na ang sabay na pagpapaandar ng starter at pagtutulak sa motorsiklo ng may tatlong kilometro ay nagsilbing walang kabuluhan. Kami’y hapung-hapo noon, kaya kami’y umupo na lamang sa tabi ng daan. Kahit papaano ang aking mga binti ay hindi na namamanhid! Subalit kami ay nanlulumo at hindi namin alam kung ano ang gagawin. Kami’y nagpahinga sandali at pagkatapos ay sinubok namin na muling paandarin ang makina. Ito kaya ay gagana?

“Sa laki ng pagtataka namin ay umandar ang makina. Gayunman, ngayon ay nagsimula nang umulan, at sa susunod na pag-akyat kami’y napahinto na naman. Minsan pang kami’y nakaupo na naman sa tabi ng daan, ngayon ay habang bumubuhos ang ulan. Kami’y napahinto na naman. Kasabay ng mga ilang pagdududa muling sinubok namin ang makina​—at iyon ay umandar! Hindi nagluwat at kami ay tumatawid sa pinakamataas na lugar ng aming biyahe. Ako’y nakahinga nang maluwag, sa pag-aakala na kahit na kung huminto ang makina, kami’y halos makapamamaybay hanggang sa makarating sa Kami. Subalit, sa isang matarik na pagbaba ang tatangnán ng preno ay nasira sa kamay ni Anibal! Dagling lumundag ako samantalang nakahawak sa gawing likuran, samantalang nakalubog ang aking dalawang paa sa lupa at nagpadulas pababa sa burol. Sa ganitong paraan ay nagawa ko na kami ay mapahinto. Ito’y nangyari sa dalawa pang palusong.

Sa Kami​—sa Wakas

“Noon ay alas-3:00 n.u. nang sa wakas dumating kami sa Kami. Kami’y nasa daan nang may 21 oras. Ang pagkasumpong sa mga kapatid ay magiging isang suliranin yamang ito ang aking unang pagdalaw. Kami’y tumuktok sa mga pinto, ngunit sinabihan kami: ‘Magsilayas kayo! Kami’y natutulog!’ Pagkatapos na makatuktok sa iba’t ibang pinto, naisip ko na ang pinakamagaling na gawin ay magpahinga muna sa ilalim ng isang bubong na nasa ibabaw namin at hanapin ang mga kapatid pagdating ng umaga. Sa aking pagkahiga, ako’y nakatulog nang mahimbing kaagad. Nang ako’y magising, ako’y napalilibutan ng mga tao. Tumindig ako, at isang matipunong lalaki ang lumapit at niyakap ako nang mahigpit. Oo, sila’y aming mga kapatid! Natagpuan na sila ni Anibal. Hindi ako makapangusap habang nadarama ko ang silakbo ng aking damdamin.

“Sila’y hindi nag-aksaya ng panahon, at kanilang binitbit ang aming mga dala-dalahan, dinala pati yaong motorsiklong nababalot ng putik, na literal na dinala ng isang kapatid sa harapan ng kaniyang looban. Ang nagpatuloy sa amin ay isang maralitang mag-asawa, ang babae sa isang karaniwang pollera, isang maluwang na todo-todong saya. ‘Ikaw na ang mahiga sa aming kama,’ ang sabi nila. Ayaw kong matulog sila sa sahig, lalo na sapagkat ang asawang babae ay nagdadalantao. Subalit iyon ang iginiit nila.

“Ang susunod na natatandaan ko, noon ay ika-8:00 n.u. May tumutuktok sa pinto. ‘Ang mga kapatid ay handa na para sa paglilingkod,’ ang sabi sa akin. Nang makita ko ang kanilang mga mukhang nananabik at lipos ng pagpapahalaga, wala na akong ibang magagawa kundi itindig sa higaan ang aking nananakit na katawan at pasimulan ang pagdalaw. At anong kagalak-galak na pagdalaw nga iyon! Sa aking pagsama sa mga kapatid sa kanilang ministeryo, sila’y punung-punô ng kagalakan at kasiglahan. Napagbulaybulay ko ang kahalagahan ng mga pagdalaw na ito, sa kabila ng lahat ng aming naranasan​—mistulang ‘mga batis ng tubig sa isang tigang na lupain.’​—Isaias 32:2.

“Kinabukasan kami’y dumalaw sa isang nayon na kung saan isang pastor na ebanghelisador ang nagbanta na pahihintuin ang aming miting pagdating ko. Pagkatapos ng diskurso, isang matipunong lalaki ang yumakap sa akin ng isang yakap ng taga-Boliviaa at ang sabi: ‘Kapatid, dala mo ang katotohanan!’ Pagkatapos, tinanong ko kung sino iyon. ‘Ang pastor,’ ang sabi nila.

“Ang pagdalaw sa Kami ay napakadaling natapos, at kami ay paalis na. Kinumpuni ng mga kapatid ang motorsiklo at nilabhan ang aming mga damit na may putik. Nang aming banggitin ang taong nagpahiram sa amin ng mga kasangkapan, sila’y nanggilalas, yamang siya’y kilala bilang isang taong halos hindi tumutulong kailanman. Pagkatapos ng maraming pagyayakapan at pagkakamayan, kami ay yumaon na at hindi nagtagal nakabalik na kami upang makipagkita sa mabait na may-ari ng kapihan. Pagkatapos na isauli namin ang lahat ng hiniram namin, tinanong namin sa kaniya: ‘Magkano po ba ang utang namin?’ ‘Wala,’ ang tugon niya. ‘Natutuwa lamang akong tumulong!’

“Pagkabalik namin sa Oruro, nakalipas ang limang oras, napag-isipan namin kung gaano kahalaga ang huwag agad sumuko at kung paano kagila-gilalas na inaruga kami ni Jehova. Ganiyan na lang ang naging epekto kay Anibal ng karanasang iyon kung kaya’t siya’y bumulalas: ‘Itataya ko ang lahat upang makabalik lamang!’ Ganoong-ganoon ang kaniyang ginagawa, sa kaniyang motorsiklo ay iniaangkas ang ibang mga naglalakbay na mga tagapangasiwa upang ihatid sila sa Kami at sa mga iba pang lugar. Oo, kami’y may matibay na dahilan na lalo pang maging kumbinsido ng pag-ibig ni Jehova.”​—Inilahad ng tagapangasiwa ng sirkito na si Ricardo Hernández.

[Talababa]

a Sa yakap ng taga-Bolivia ay kasali na rito ang pakikipagkamay, ang pakikipagtapikan sa likod, at isa pang pagkakamayan.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang paliku-likong daan sa kabundukan na patungo sa minahang bayan ng Kami

Daan sa kabundukan patungo sa Kami

Malaking tulong ang mga asno sa isang biglaang pangangailangan!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share